Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Paghahanap ng mga Sagot

Paghahanap ng mga Sagot

“Halos lahat ay may kani-kaniyang teoriya kung sino [si Jesus]. Gaanuman kalaki ang ating pananampalataya o pag-aalinlangan, itinatanong pa rin natin, ‘Sino ang taong ito?’”​—STAN GUTHRIE, AWTOR.

ANG mga tao ay interesado kay Jesus. Mabenta ang mga aklat tungkol sa kaniya. Pumatok din sa takilya ang mga pelikula hinggil sa kaniya. Pero marami pa rin ang may tanong tungkol kay Jesus. Iba-iba ang opinyon ng mga tao kung sino talaga si Jesus.

Ilang taon pa lang ang nakararaan, inanyayahan ng dalawang mamamahayag ang mga tao na sagutin sa Internet ang tanong na “Sino si Jesus?” Narito ang ilan sa mga sagot:

● “Lumilitaw na siya ay isang rabbi (guro) na halimbawa sa pagkamahabagin.”

● “Siya ay isang ordinaryong tao na ekstraordinaryo ang buhay.”

● “Walang katibayan na umiral si Jesus.”

● “Si Jesus ay Anak ng Diyos na isinilang, namatay, at binuhay-muli para iligtas tayo sa kasalanan. Buháy siya ngayon, at babalik sa lupa.”

● “Naniniwala akong si Jesu-Kristo ang tanging anak ng Diyos, kapuwa ganap na tao at ganap na diyos.”

● “Si Jesus ay isang kuwentong pambata na pinaniniwalaan ng matatanda.”

Maliwanag na hindi puwedeng tama ang lahat ng opinyong iyan. Mayroon bang mapagkukunan ng mapagkakatiwalaang sagot sa ating mga tanong tungkol kay Jesus? Naniniwala ang mga tagapaglathala ng magasing ito na ang Bibliya ay Salita ng Diyos at na iyon lang ang nagsasabi ng buong katotohanan tungkol kay Jesus. *​—2 Timoteo 3:16.

Sa susunod na artikulo, isasaalang-alang natin ang sagot ng Bibliya sa ilang karaniwang tanong tungkol kay Jesus. Siya mismo ang nagsabi na ang daan sa kaligtasan ay bukás sa “bawat isa na nananampalataya sa kaniya.” (Juan 3:16) Inaanyayahan ka naming suriin ang mga sagot at saka magpasiya kung kailangan mong matuto pa nang higit tungkol kay Jesus at kung paano mananampalataya sa kaniya.

[Talababa]

^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 2, “Ang Bibliya​—Isang Aklat Mula sa Diyos,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.