Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Nais ng Anak na Isiwalat ang Ama’

‘Nais ng Anak na Isiwalat ang Ama’

“Kung sino ang Ama ay walang nakaaalam kundi ang Anak, at yaong sa kaniya ay nais ng Anak na isiwalat siya.”​—LUC. 10:22.

1, 2. Anong tanong ang palaisipan sa marami, at bakit?

‘SINO ang Diyos?’ Palaisipan sa marami ang tanong na ito. Halimbawa, maraming naturingang Kristiyano ang naniniwala na ang Diyos ay isang Trinidad. Pero inaamin nila na napakahirap unawain ng doktrinang ito. Sinabi ng isang awtor at klerigo: “Ang doktrinang ito ay hindi kayang arukin ng limitadong isip ng tao. Hindi na ito saklaw ng pangangatuwiran o lohika ng tao.” Samantala, karamihan ng tumatanggap sa teoriya ng ebolusyon ay hindi naniniwala na may Diyos. Sinasabi nila na basta na lang lumitaw ang kamangha-manghang mga bagay sa sangnilalang. Hindi naman itinanggi ni Charles Darwin ang pag-iral ng Diyos, pero sinabi niya: “Para sa akin, ligtas sabihing ang paksang ito ay hindi kayang arukin ng talino ng tao.”

2 Anuman ang paniniwala ng mga tao, karamihan sa kanila ay nag-iisip tungkol sa pag-iral ng Diyos. Pero kapag hindi sila makakita ng kasiya-siyang kasagutan, karamihan ay sumusuko na. Talagang “binulag [ni Satanas] ang mga pag-iisip ng mga di-sumasampalataya.” (2 Cor. 4:4) Kaya naman ang karamihan sa sangkatauhan ay nalilito at walang alam tungkol sa Ama, ang Maylalang ng uniberso!​—Isa. 45:18.

3. (a) Sino ang nagsiwalat sa atin tungkol sa Maylalang? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?

3 Pero napakahalagang malaman natin ang katotohanan tungkol sa Diyos. Bakit? Dahil ang mga tumatawag lamang sa “pangalan ni Jehova” ang maliligtas. (Roma 10:13) Kasama sa pagtawag sa pangalan ng Diyos ang pagkilala sa personang nagtataglay ng pangalang ito. Itinuro ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad ang mahalagang kaalamang ito. Isiniwalat niya sa kanila ang Ama. (Basahin ang Lucas 10:22.) Bakit si Jesus ang pinakakuwalipikadong magsiwalat sa Ama? Paano niya ito ginawa? At paano natin siya matutularan? Talakayin natin ang sagot sa mga tanong na ito.

SI JESU-KRISTO​—ANG PINAKAKUWALIPIKADONG MAGSIWALAT SA AMA

4, 5. Bakit si Jesus ang pinakakuwalipikadong magsiwalat sa kaniyang Ama?

4 Si Jesus ang pinakakuwalipikadong magsiwalat sa kaniyang Ama. Bakit? Dahil bago pa lalangin ng Diyos ang ibang anyo ng buhay, si Jesus ay umiiral na sa langit bilang isang espiritung nilalang, ang “bugtong na Anak ng Diyos.” (Juan 1:14; 3:18) Yamang wala pang ibang nilalang noon, naibigay sa kaniya ng Ama ang buong atensiyon. Sa loob ng napakahabang panahon, tiyak na napakadalas nilang mag-usap at maraming natutuhan si Jesus tungkol kay Jehova at sa Kaniyang mga katangian. Habang tumitibay ang kanilang ugnayan, lumalalim ang kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Juan 5:20; 14:31) Tiyak na napakaraming natutuhan ng Anak tungkol sa personalidad ng kaniyang Ama!​—Basahin ang Colosas 1:15-17.

5 Inatasan ng Ama ang Anak bilang Kaniyang tagapagsalita, “Ang Salita ng Diyos.” (Apoc. 19:13) Kaya naman si Jesus lang ang binigyan ng pantanging atas na isiwalat ang Ama. Angkop ngang sabihin ni Juan na si Jesus, “ang Salita,” ay “nasa dakong dibdib ng Ama.” (Juan 1:1, 18) Maaaring tinutukoy ni Juan ang isang karaniwang kaugalian sa hapag-kainan noong panahon niya. Ang isang panauhin ay nakahilig katabi ng isa pang panauhin para madali silang makapag-usap. Sa katulad na paraan, ang Anak ay “nasa dakong dibdib ng Ama” at nagkaroon ng matalik na pakikipag-usap sa Kaniya.

6, 7. Paano patuloy na lumalim ang ugnayan ng Ama at ng Anak?

6 Patuloy na lumalim ang ugnayan ng Ama at ng Anak. Ang Anak “ang siyang lubhang kinagigiliwan [ng Diyos] araw-araw.” (Basahin ang Kawikaan 8:22, 23, 30, 31.) Tumibay ang buklod nilang dalawa habang magkasama silang gumagawa at habang tinutularan ng Anak ang mga katangian ng kaniyang Ama. Pagkatapos lalangin ng Diyos ang iba pang matatalinong nilalang, nakita ng Anak kung paano pinakikitunguhan ni Jehova ang bawat isa sa mga ito at tiyak na lumalim ang kaniyang pag-ibig at paggalang sa kaniyang Ama.

7 Nang maghimagsik si Satanas laban sa soberanya ni Jehova, naobserbahan ng Anak kung paano nagpakita si Jehova ng pag-ibig, katarungan, karunungan, at kapangyarihan sa ilalim ng mahirap na kalagayan. Dahil dito, tiyak na naihanda si Jesus kung paano haharapin ang mga hirap na daranasin niya sa kaniyang ministeryo sa lupa.​—Juan 5:19.

8. Paano itinuturo ng mga ulat ng Ebanghelyo ang mga katangian ng Ama?

8 Dahil sa kaniyang malapít na kaugnayan kay Jehova, ang Anak lamang ang detalyadong nakapagsiwalat sa Ama. Kaya naman ang pinakamabuting paraan para makilala ang Ama ay ang pag-aralan kung ano ang itinuro at ginawa ng kaniyang bugtong na Anak. Halimbawa, isip-isipin kung gaano kahirap maunawaan ang tunay na kahulugan ng salitang “pag-ibig” kung babasahin lang natin ang katuturang ibinigay rito ng isang diksyunaryo. Pero kung pag-iisipan natin ang mga ulat ng Ebanghelyo tungkol sa ministeryo ni Jesus, makikita natin kung paano siya nagmalasakit sa iba at mauunawaan natin kung ano ang kahulugan ng pananalitang “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8, 16) Bukod sa pag-ibig ng Diyos, isiniwalat din ni Jesus sa kaniyang mga alagad ang iba pang mga katangian ng Diyos.

KUNG PAANO ISINIWALAT NI JESUS ANG KANIYANG AMA

9. (a) Sa anong dalawang pangunahing paraan isiniwalat ni Jesus ang kaniyang Ama? (b) Magbigay ng ilustrasyon na ginamit ni Jesus para isiwalat ang kaniyang Ama.

9 Paano isiniwalat ni Jesus ang Ama sa kaniyang mga alagad at sa mga naging tagasunod niya nang maglaon? Ginawa niya ito sa dalawang pangunahing paraan: sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at ng kaniyang paggawi. Pag-usapan muna natin ang mga turo ni Jesus. Masasalamin sa mga ito ang kaniyang malalim na unawa sa kaisipan, damdamin, at pamamaraan ng kaniyang Ama. Halimbawa, inihalintulad ni Jesus ang kaniyang Ama sa isang may-ari ng kawan na buong-pagmamalasakit na naghahanap sa isang naliligaw na tupa. Sinabi ni Jesus na nang masumpungan ito ng may-ari, “siya ay [nagsaya] nang higit dahil dito kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw.” Bakit ginamit ni Jesus ang ilustrasyong ito? Ipinaliwanag niya: “Sa gayunding paraan hindi kanais-nais na bagay sa aking Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay malipol.” (Mat. 18:12-14) Ano ang matututuhan natin dito tungkol kay Jehova? Kung minsan, baka madama mo na wala kang halaga at nakakaligtaan. Pero tandaan mo na ang iyong Ama sa langit ay nagmamalasakit sa iyo. Para sa kaniya, isa ka sa “maliliit na ito.”

10. Paano isiniwalat ni Jesus ang Ama sa pamamagitan ng kaniyang paggawi?

10 Ang ikalawang paraan na isiniwalat ni Jesus ang Ama ay sa pamamagitan ng kaniyang paggawi. Kaya naman nang hilingin ni apostol Felipe kay Jesus: “Ipakita mo sa amin ang Ama,” nasabi ni Jesus: “Siya na nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:8, 9) Pansinin ang ilang halimbawa kung paano ipinakita ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Nang isang lalaking “punô ng ketong” ang magmakaawa kay Jesus na pagalingin siya, hinipo siya ni Jesus at sinabi sa kaniya: “Ibig ko. Luminis ka.” Nang gumaling ang ketongin, tiyak na nalaman nito na si Jehova ang nagbigay ng kapangyarihan kay Jesus. (Luc. 5:12, 13) Nang mamatay si Lazaro, siguradong damang-dama ng mga alagad ang habag ng Ama nang si Jesus ay “dumaing sa espiritu at nabagabag” at “lumuha.” Kahit alam ni Jesus na bubuhayin niyang muli si Lazaro, nakadama pa rin siya ng hinagpis gaya ng mga kapamilya at kaibigan nito. (Juan 11:32-35, 40-43) Tiyak na mayroon kang paboritong mga ulat sa Bibliya tungkol sa mga ginawa ni Jesus na nagpapakita ng awa ng Ama.

11. (a) Ano ang isiniwalat ni Jesus tungkol sa kaniyang Ama nang linisin niya ang templo? (b) Bakit nakapagpapatibay sa atin ang ulat tungkol sa paglilinis ni Jesus sa templo?

11 Ano naman ang matututuhan mo sa ulat tungkol sa paglilinis ni Jesus sa templo? Isip-isipin ang nangyari: Gumawa si Jesus ng isang panghagupit na lubid at pinalayas ang mga nagtitinda ng mga baka at mga tupa. Ibinuhos niya ang mga barya ng mga tagapagpalit ng salapi at itinaob ang kanilang mga mesa. (Juan 2:13-17) Dahil sa ikinilos niyang ito, naalaala ng mga alagad ang hulang isinulat ni Haring David: “Inuubos ako ng sigasig para sa iyong bahay.” (Awit 69:9) Ang matatag na pagkilos ni Jesus ay nagpapakitang gusto niyang ipagtanggol ang tunay na pagsamba. Nakikita mo ba ang personalidad ng Ama sa ginawang iyan ni Jesus? Ipinaaalaala nito sa atin na hindi lang kayang-kayang alisin ng Diyos ang kabalakyutan sa lupa; gustung-gusto rin Niyang alisin iyon. Masasalamin sa matinding reaksiyon ni Jesus sa kasamaan kung ano ang nadarama ng Ama kapag nakikita Niya ang kabalakyutang laganap sa daigdig ngayon. Talagang nakapagpapatibay iyan sa atin kapag dumaranas tayo ng kawalang-katarungan!

12, 13. Ano ang matututuhan mo tungkol kay Jehova batay sa pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

12 Suriin natin ang isa pang halimbawa​—ang pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad. Madalas silang magtalo kung sino ang mas dakila sa kanila. (Mar. 9:33-35; 10:43; Luc. 9:46) Dahil matagal siyang kasama ng Ama, alam ni Jesus kung ano ang pangmalas ni Jehova sa pagmamapuri. (2 Sam. 22:28; Awit 138:6) Nakita rin ni Jesus ang ganitong saloobin kay Satanas na Diyablo. Walang iniisip si Satanas kundi ang katanyagan at posisyon. Kaya naman, tiyak na nalungkot si Jesus na makitang patuloy ang pag-aambisyon ng mga alagad na sinanay niya! Nakita pa nga niya iyan sa mga lalaking pinili niya na maging apostol! Hanggang sa huling araw niya bilang tao sa lupa, ipinakita nila ang saloobin na iyan. (Luc. 22:24-27) Pero patuloy silang itinuwid ni Jesus nang may kabaitan, anupat hindi nawalan ng pag-asa na sa bandang huli ay matutularan nila ang kaniyang mapagpakumbabang saloobin.​—Fil. 2:5-8.

13 Nakikita mo ba kung paano tinularan ni Jesus ang personalidad ng Diyos nang may-kabaitan niyang ituwid ang maling saloobin ng kaniyang mga alagad? Ano ang matututuhan mo tungkol sa Ama batay sa mga sinabi at ginawa ni Jesus? Hindi pinababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan kahit madalas silang magkamali. Tiyak na pakikilusin tayo ng kaalamang ito na magsisi at lumapit sa Diyos kapag nakagagawa tayo ng pagkakamali.

NAIS ISIWALAT NG ANAK ANG KANIYANG AMA

14. Paano ipinakita ni Jesus na nais niyang isiwalat ang kaniyang Ama?

14 Kinokontrol ng maraming diktador ang kanilang mga nasasakupan sa pamamagitan ng pagkakait ng impormasyong kailangan ng mga ito. Sa kabaligtaran, nais ibahagi ni Jesus sa iba ang impormasyong alam niya tungkol sa Ama, at itinuro niya ang mga kailangan nilang malaman tungkol kay Jehova. (Basahin ang Mateo 11:27.) Binigyan din ni Jesus ang kaniyang mga alagad ng “talino upang [magtamo sila ng] kaalaman sa isa na tunay,” ang Diyos na Jehova. (1 Juan 5:20) Ano ang ibig sabihin nito? Tinulungan niya ang kaniyang mga tagasunod na maunawaan ang mga itinuro niya tungkol sa Ama. Hindi niya ikinubli ang kaniyang Ama sa pamamagitan ng pagtuturo ng misteryo ng Trinidad.

15. Bakit hindi isiniwalat ni Jesus ang lahat ng alam niya tungkol sa kaniyang Ama?

15 Isiniwalat ba ni Jesus ang lahat ng alam niya tungkol sa Ama? Hindi. Marami siyang nalalaman na hindi niya sinabi sa kaniyang mga alagad. (Basahin ang Juan 16:12.) Bakit? Dahil alam niyang ‘hindi pa nila makakayang’ unawain ang kaalamang iyon. Pero ipinaliwanag ni Jesus na mas maraming kaalaman ang isisiwalat sa kanila kapag dumating “ang katulong,” ang banal na espiritu, na aakay sa kanila “sa lahat ng katotohanan.” (Juan 16:7, 13) Kung paanong may mga impormasyon na hindi sinasabi ng mga magulang sa kanilang mga anak kung hindi pa nila ito mauunawaan, naghintay rin si Jesus hanggang sa maging maygulang ang kaniyang mga alagad at kaya na nilang unawain ang ilang bagay tungkol sa Ama. May-kabaitang isinaalang-alang ni Jesus ang kanilang limitasyon.

TULARAN SI JESUS SA PAGTULONG SA IBA NA MAKILALA SI JEHOVA

16, 17. Bakit nasa kalagayan kang isiwalat ang Ama?

16 Kapag nakilala mo nang husto ang isang tao at nakita mo ang kaniyang kaibig-ibig na personalidad, tiyak na ikukuwento mo siya sa iba. Noong nasa lupa si Jesus, nagsalita siya tungkol sa kaniyang Ama. (Juan 17:25, 26) Matutularan ba natin siya sa pamamagitan ng pagsisiwalat kay Jehova sa iba?

17 Gaya ng natalakay natin, mas maraming alam si Jesus tungkol sa kaniyang Ama kaysa kanino pa man. Pero nais niyang ibahagi ang mga nalalaman niya, at binigyan pa nga niya ang kaniyang mga tagasunod ng talino para maunawaan nila ang mas malalalim na bagay tungkol sa personalidad ng kaniyang Ama. Sa tulong ni Jesus, mas marami tayong alam tungkol sa ating Ama kaysa sa karamihan ng mga tao sa ngayon. Laking pasasalamat natin na isiniwalat ni Jesus sa atin ang Ama sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at paggawi! Sa katunayan, maipaghahambog natin na kilala natin ang Ama. (Jer. 9:24; 1 Cor. 1:31) Dahil nagsisikap tayong lumapit kay Jehova, lumalapit din siya sa atin. (Sant. 4:8) Kaya nasa kalagayan tayong ibahagi sa iba ang nalalaman natin. Paano?

18, 19. Sa anu-anong paraan mo maisisiwalat sa iba ang Ama? Ipaliwanag.

18 Kapag tinutularan natin si Jesus sa salita at gawa, isinisiwalat natin sa iba ang Ama. Tandaan natin na marami sa mga nakakausap natin sa ministeryo ang hindi nakakakilala sa Diyos. Dahil sa huwad na mga turo, baka may mga maling ideya sila tungkol sa Diyos. Magagamit natin ang Bibliya para ituro sa kanila ang pangalan ng Diyos, ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan, at ang kaniyang personalidad. Mayroon din tayong mga bagong bagay na natututuhan tungkol sa personalidad ng Diyos mula sa ilang ulat ng Bibliya. Puwede nating ipakipag-usap ang mga ito sa ating mga kapananampalataya para makinabang din sila.

19 Dapat din nating tularan si Jesus at isiwalat sa iba ang Ama sa pamamagitan ng ating paggawi. Kapag nakikita ng mga tao ang pag-ibig ni Kristo sa ating paggawi, nanaisin din nilang maging malapít sa Ama at kay Jesus. (Efe. 5:1, 2) Sinabi ni apostol Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.” (1 Cor. 11:1) Napakagandang pribilehiyo na tulungan ang mga tao na makilala si Jehova sa pamamagitan ng ating paggawi! Patuloy nating tularan si Jesus sa pamamagitan ng pagsisiwalat sa Ama.

[Mga Tanong sa Aralin]