Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!

Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!

“Kami ay naging matapat at matuwid at di-mapipintasan.”​—1 TES. 2:10.

1-3. (a) Ano ang isang palatandaan ng ating panahon, at ano ang nasasangkot dito? (b) Anong tatlong tanong ang sasagutin natin?

ANO ang pagkakatulad nina Delaila, Absalom, at Hudas Iscariote? Lahat sila ay di-matapat. Si Delaila ay nagtaksil kay Hukom Samson, ang lalaking umiibig sa kaniya. Si Absalom ay nagtaksil sa ama niyang si Haring David, at si Hudas naman sa kaniyang Panginoon na si Kristo Jesus. Ang kanilang kataksilan ay nagdulot ng malaking pinsala at hinagpis sa iba! Pero bakit tayo dapat maging interesado rito?

2 Ayon sa isang manunulat, ang pagtataksil ay isa sa pinakakaraniwang kahinaan ng mga tao sa ngayon. Hindi na ito kataka-taka. Nang banggitin ni Jesus ang tanda ng “katapusan ng sistema ng mga bagay,” sinabi niya: “Marami [ang] magkakanulo sa isa’t isa.” (Mat. 24:3, 10) Ang “pagkakanulo” ay nangangahulugang pagbibigay ng kapuwa sa kamay ng kaaway sa pamamagitan ng kataksilan. Ang ganitong palasak na pagtataksil ay patunay na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw” kung kailan, ayon kay Pablo, ang mga tao ay magiging “mga di-matapat . . . mga mapagkanulo.” (2 Tim. 3:1, 2, 4) Sa mga babasahin at pelikula, pinagtitinging kaakit-akit at romantiko ang mga gawang kataksilan. Pero sa totoong buhay, ang pagtataksil ay nagdudulot ng pagdurusa at kirot sa damdamin. Talagang ang pagtataksil ay isang palatandaan ng ating panahon!

3 Ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa sa Bibliya tungkol sa mga naging di-matapat? Paano natin matutularan ang mga naging matapat? At kanino tayo dapat manatiling matapat? Alamin natin ang mga sagot sa mga ito.

MGA BABALANG HALIMBAWA

4. Paano ipinagkanulo ni Delaila si Samson? Bakit napakasama ng ginawa niya?

4 Ang unang halimbawa ay ang mapandayang si Delaila, na minahal ni Hukom Samson. Gustong pangunahan ni Samson ang pakikipaglaban ng bayan ng Diyos sa mga Filisteo. Marahil ay alam ng limang panginoon ng mga Filisteo na hindi tapat ang pag-ibig ni Delaila kay Samson. Kaya inalok nila siya ng malaking halaga para tuklasin kung saan nanggagaling ang pambihirang lakas ni Samson at nang mapatay nila ito. Tinanggap ng sakim na si Delaila ang kanilang alok, pero tatlong beses siyang nabigong malaman ang lihim ni Samson. Kaya naman patuloy niyang ginipit si Samson ng “kaniyang mga salita sa lahat ng pagkakataon at lagi siyang pinipilit.” Sa wakas, si Samson ay “hindi na nakatiis hanggang sa gusto na niyang mamatay.” Sinabi ni Samson na kailanman ay hindi pa nagupitan ang kaniyang buhok at kung magugupitan ito, mawawala ang kaniyang lakas. * Nang malaman ito ni Delaila, pinatulog niya si Samson sa kaniyang kandungan at ipinaahit ang buhok nito. Pagkatapos, ibinigay niya si Samson sa kamay ng mga Filisteo. (Huk. 16:4, 5, 15-21) Napakasama ng ginawa niya! Dahil sa kaniyang pagkagahaman, ipinagkanulo ni Delaila ang taong nagmamahal sa kaniya.

5. (a) Paano nagtaksil si Absalom kay David, at ano ang ipinakikita nito tungkol sa kaniya? (b) Ano ang nadama ni David sa pagtatraidor ni Ahitopel?

5 Nariyan din ang taksil na si Absalom. Sa tindi ng kaniyang ambisyon, gusto niyang agawin ang trono ng kaniyang ama na si Haring David. Una, ‘ninakaw ni Absalom ang mga puso ng mga tao sa Israel’ sa pamamagitan ng pambobola at mapandayang mga pangako. Niyayakap niya sila at hinahalikan na parang interesado siya sa kapakanan nila. (2 Sam. 15:2-6) Nakuha pa nga ni Absalom ang suporta ng pinagkakatiwalaang kaibigan ni David, si Ahitopel, na nagtraidor kay David at sumama sa kudeta. (2 Sam. 15:31) Inilarawan ni David sa Awit 3 at 55 ang epekto sa kaniya ng pagtataksil na ito. (Awit 3:1-8; basahin ang Awit 55:12-14.) Ipinakita ni Absalom ang kaniyang tahasang kawalang-galang sa soberanya ng Diyos nang bumuo siya ng sabuwatan laban sa haring hinirang ni Jehova. (1 Cro. 28:5) Nabigo ang paghihimagsik ni Absalom, at patuloy na naghari si David bilang pinahiran ni Jehova.

6. Paano ipinagkanulo ni Hudas si Jesus? Ano ang naging singkahulugan ng pangalan ni Hudas?

6 Pag-isipan din ang ginawa ng traidor na si Hudas Iscariote kay Kristo. Sa huling pagdiriwang ni Jesus ng Paskuwa, sinabi niya sa kaniyang 12 apostol: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” (Mat. 26:21) Nang gabing iyon, sa hardin ng Getsemani, sinabi ni Jesus kina Pedro, Santiago, at Juan: “Narito! Ang magkakanulo sa akin ay papalapit na.” Nang pagkakataong iyon, dumating si Hudas kasama ang kaniyang mga kasabuwat, “at paglapit nang tuluy-tuloy kay Jesus ay sinabi niya: ‘Magandang araw, Rabbi!’ at hinalikan siya nang napakagiliw.” (Mat. 26:46-50; Luc. 22:47, 52) ‘Ipinagkanulo ni Hudas ang dugong matuwid’ at ibinigay si Jesus sa mga kaaway nito. At bakit ito ginawa ng mukhang-perang si Hudas? Dahil lang sa 30 pirasong pilak! (Mat. 27:3-5) Magmula noon, ang pangalan ni Hudas ay naging singkahulugan ng salitang “traidor,” lalo na ng isa na nagkakanulo sa kaniyang kaibigan. *

7. Ano ang matututuhan natin sa naging buhay nina (a) Absalom at Hudas at (b) Delaila?

7 Ano ang matututuhan natin sa mga babalang halimbawa na ito? Sina Absalom at Hudas ay parehong namatay sa kahiya-hiyang paraan dahil nagtaksil sila sa pinahiran ni Jehova. (2 Sam. 18:9, 14-17; Gawa 1:18-20) Kapag naririnig ng mga tao ang pangalang Delaila, naaalaala nila ang kaniyang kataksilan at pakunwaring pag-ibig. (Awit 119:158) Napakahalaga ngang iwasan natin ang sakim na ambisyon at pagkagahaman, na makasisira sa ating kaugnayan kay Jehova! Mahahalagang aral ito na tutulong sa atin na iwasang maging di-matapat.

TULARAN ANG MGA NAGING MATAPAT

8, 9. (a) Bakit nangako si Jonatan na magiging matapat siya kay David? (b) Paano natin matutularan si Jonatan?

8 Marami ring halimbawa sa Bibliya ng mga naging matapat. Isaalang-alang natin ang dalawa sa mga ito. Unahin natin ang halimbawa ng isa na naging matapat kay David, si Jonatan. Siya ang panganay na anak ni Haring Saul at posibleng tagapagmana ng trono ng Israel. Pero si David ang pinili ni Jehova. Iginalang ni Jonatan ang desisyon ng Diyos. Sa halip na mainggit at ituring na karibal si David, ang “kaluluwa ni Jonatan ay nalakip sa kaluluwa ni David,” at nangako si Jonatan na magiging matapat siya sa kaniya. Pinarangalan pa nga niya si David nang ibigay niya rito ang kaniyang mga kasuutan, tabak, busog, at sinturon. (1 Sam. 18:1-4) Ginawa ni Jonatan ang buong makakaya niya para ‘palakasin ang kamay ni David.’ Isinapanganib pa nga niya ang kaniyang buhay nang ipagtanggol niya si David kay Saul. Sinabi ni Jonatan kay David: “Ikaw ang magiging hari sa Israel, at ako ang magiging ikalawa sa iyo.” (1 Sam. 20:30-34; 23:16, 17) Hindi kataka-taka na nang mamatay si Jonatan, kumatha si David ng isang awit ng pag-ibig at pamimighati para sa kaniya.​—2 Sam. 1:17, 26.

9 Alam ni Jonatan kung kanino siya dapat maging matapat. Lubusan siyang nagpasakop sa Soberano, si Jehova, at sinuportahan niya si David bilang pinahiran ng Diyos. Sa ngayon, kahit hindi tayo mabigyan ng pantanging pribilehiyo sa kongregasyon, dapat nating taos-pusong suportahan ang mga brother na inatasang manguna sa atin.​—1 Tes. 5:12, 13; Heb. 13:17, 24.

10, 11. (a) Bakit nanatiling matapat si Pedro kay Jesus? (b) Paano natin matutularan si Pedro?

10 Ang isa pang mabuting halimbawa ay si apostol Pedro, na nangakong magiging matapat kay Jesus. Minsan, gumamit si Kristo ng isang ilustrasyon para idiin sa kaniyang mga alagad ang kahalagahan ng pananampalataya sa kaniyang laman at dugo na malapit nang ihandog. Marami sa kanila ang nangilabot at iniwan nila siya. (Juan 6:53-60, 66) Kaya tinanong ni Jesus ang kaniyang 12 apostol: “Hindi rin ninyo ibig na umalis, hindi ba?” Si Pedro ang sumagot: “Panginoon, kanino kami paroroon? Ikaw ang may mga pananalita ng buhay na walang hanggan; at naniwala kami at nalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.” (Juan 6:67-69) Nauunawaan ba ni Pedro ang lahat ng kasasabi pa lang ni Jesus tungkol sa Kaniyang hain? Malamang na hindi. Pero determinado si Pedro na maging matapat sa pinahirang Anak ng Diyos.

11 Hindi inisip ni Pedro na baka nagkakamali lang si Jesus at babawiin din Niya sa kalaunan ang mga sinabi Niya. Sa halip, mapagpakumbaba niyang kinilala na taglay ni Jesus ang “mga pananalita ng buhay na walang hanggan.” Sa ngayon, ano ang reaksiyon natin kapag may nababasa tayo sa mga publikasyon ng “tapat na katiwala” na hindi natin maunawaan o salungat sa iniisip natin? Dapat nating sikaping maunawaan ito sa halip na umasang magkakaroon ng pagbabago na tutugma sa sarili nating pananaw.​—Basahin ang Lucas 12:42.

MANATILING MATAPAT SA IYONG ASAWA

12, 13. Paano nagsisimula ang pagtataksil sa asawa? Bakit hindi puwedeng idahilan na normal lang ito sa mga nagkakaedad?

12 Ang anumang uri ng pagtataksil ay masama at dapat iwasan para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa ng mga pamilyang Kristiyano at ng kongregasyon. Talakayin natin kung paano tayo mananatiling matapat sa ating asawa at sa Diyos.

13 Ang pangangalunya ay isa sa pinakamasakit na uri ng pagtataksil. Sinisira ng isang mangangalunya ang katapatan niya sa kaniyang asawa at ibinabaling ang kaniyang pansin sa iba. Ang asawang pinagtaksilan ay naiiwang mag-isa, na parang pinagsakluban ng langit at lupa. Paano nagkakaganito ang dalawang taong dating nagmamahalan? Kadalasan, nagsisimula ito kapag lumalayo ang loob ng mag-asawa sa isa’t isa. Ipinaliwanag ni Gabriella Turnaturi, isang propesora ng sosyolohiya, na maaaring magsimula ang pagtataksil kapag hindi na nagsisikap ang mag-asawa na patibayin ang kanilang ugnayan. Maaari itong mangyari kahit sa mga mag-asawang matagal nang nagsasama. Halimbawa, isang 50-anyos na lalaki na 25 taon nang kasal ang nakipagdiborsiyo sa kaniyang misis para sumama sa ibang babae. Tinatawag ito ng iba na midlife crisis, na para bang normal lang ito sa mga nagkakaedad. Pero hindi ito katanggap-tanggap na dahilan. Isa lang ang tawag dito​—pagtataksil. *

14. (a) Ano ang pangmalas ni Jehova sa mga nagtataksil sa kanilang asawa? (b) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa katapatan sa asawa?

14 Ano ang pangmalas ni Jehova sa mga umiiwan sa kanilang asawa nang walang maka-Kasulatang saligan? “Kinapopootan [ng ating Diyos] ang pagdidiborsiyo,” at nagbitiw siya ng tahasang mga pananalita laban sa mga nang-aabuso at umiiwan sa kanilang kabiyak. (Basahin ang Malakias 2:13-16.) Ganito rin ang nadarama ni Jesus. Itinuro niya na hindi puwedeng basta-basta iwan o pabayaan ng isa ang kaniyang asawa.​—Basahin ang Mateo 19:3-6, 9.

15. Paano mapatitibay ng mga may-asawa ang kanilang pagkamatapat sa kanilang kabiyak?

15 Paano makapananatiling matapat ang mga may-asawa sa kanilang kabiyak? Sinasabi ng Salita ng Diyos: “Magsaya ka sa asawa ng iyong kabataan” at, “Tamasahin mo ang buhay kasama ng asawa na iniibig mo.” (Kaw. 5:18; Ecles. 9:9) Habang nagkakaedad ang mag-asawa, kailangan nilang gawin ang lahat para mapanatiling matibay ang kanilang ugnayan sa pisikal at emosyonal na paraan. Ano ang ibig sabihin nito? Kailangan nilang ilaan ang pangangailangan ng isa’t isa, gumugol ng panahon sa isa’t isa, at manatiling malapít sa isa’t isa. Dapat nilang patibayin ang kanilang pagsasama at ang kanilang kaugnayan kay Jehova. Para magawa ito, kailangan silang magkasamang mag-aral ng Bibliya, magkasamang gumawa nang regular sa ministeryo, at magkasamang manalangin para sa pagpapala ni Jehova.

MANATILING MATAPAT KAY JEHOVA

16, 17. (a) Paano maaaring masubok ang ating pagkamatapat sa Diyos kapag natiwalag ang isang kamag-anak o kaibigan? (b) Anong halimbawa ang nagpapakita ng magandang resulta ng pagsunod sa utos ng Diyos na tigilan ang pakikihalubilo sa mga kamag-anak na tiwalag?

16 May mga miyembro ng kongregasyon na nakagawa ng malulubhang pagkakasala at sinaway “nang may kahigpitan, upang maging malusog sila sa pananampalataya.” (Tito 1:13) Dahil sa kanilang paggawi, ang ilan ay kinailangang itiwalag. Pero ang mga nasanay ng disiplina ay natulungang makapanauli sa espirituwal. (Heb. 12:11) Paano kung mayroon tayong kamag-anak o malapít na kaibigan na natiwalag? Masusubok dito kung kanino tayo matapat​—sa taong iyon o sa Diyos. Kay Jehova tayo dapat maging matapat. Pinagmamasdan niya tayo kung susundin natin ang kaniyang utos na huwag makipag-ugnayan sa sinumang tiwalag.​—Basahin ang 1 Corinto 5:11-13.

17 Ipinakikita ng isang halimbawa ang magandang resulta ng pagsunod sa utos ni Jehova na tigilan ang pakikihalubilo sa mga kamag-anak na tiwalag. Isang kabataang lalaki ang tiwalag sa loob ng sampung taon. Noong mga panahong iyon, ang kaniyang tatay, nanay, at apat na kapatid na lalaki ay ‘tumigil sa pakikihalubilo’ sa kaniya. Kung minsan, sinusubukan niyang makihalubilo sa kaniyang pamilya, pero kapuri-puri na lahat sila ay nanatiling matapat kay Jehova. Nang makapanumbalik siya, sinabi niya na lagi niyang nami-miss ang kaniyang pamilya, lalo na sa gabi kapag nag-iisa siya. Inamin niya na kung gumugol lang nang kahit kaunting panahon sa kaniya ang kaniyang pamilya, makokontento na siya. Pero hindi sila nakipag-ugnayan sa kaniya sa anumang paraan. Kaya ang masidhing pagnanais niya na makasama sila ay isang dahilan kung bakit ginusto niyang maibalik ang kaniyang kaugnayan kay Jehova. Tandaan mo ang halimbawang ito kapag natutukso kang labagin ang utos ng Diyos na huwag makihalubilo sa iyong tiwalag na mga kamag-anak.

18. Matapos repasuhin ang halimbawa ng mga nanatiling matapat at ng mga hindi nanatiling matapat, ano ang determinasyon mo?

18 Nabubuhay tayo sa isang sanlibutan kung saan ang mga tao ay taksil at di-matapat. Pero sa kongregasyon, maraming huwaran sa pagiging matapat. Ipinakikita ng kanilang paraan ng pamumuhay na sila’y “matapat at matuwid at di-mapipintasan.” (1 Tes. 2:10) Gawin nawa natin ang lahat para makapanatiling matapat sa Diyos at sa isa’t isa.

[Mga talababa]

^ par. 4 Ang lakas ni Samson ay nagmula sa kaniyang pantanging kaugnayan kay Jehova bilang isang Nazareo at hindi sa kaniyang buhok. Ang buhok niya ay sagisag lang ng kaugnayang ito.

^ par. 6 Kaya naman, ang terminong “halik ni Hudas” ay nangangahulugang “isang pagtataksil.”

^ par. 13 Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang artikulong “Paano Makakayanan ang Pagtataksil ng Asawa?” sa Ang Bantayan, isyu ng Hunyo 15, 2010, pahina 29-32.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 10]

Matapat si Pedro sa pinahirang Anak ng Diyos kahit iniwan si Jesus ng iba