Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Positibo sa Kabila ng Problemadong Pag-aasawa

Maging Positibo sa Kabila ng Problemadong Pag-aasawa

“Sa mga may asawa ay nagbibigay ako ng mga tagubilin, gayunma’y hindi ako kundi ang Panginoon.”​—1 COR. 7:10.

1. Ano ang pangmalas ng mga Kristiyano sa pag-aasawa, at bakit?

ANG mga Kristiyanong nagpapakasal ay nananata sa harap ng Diyos​—isang pananagutan na dapat seryosohin. (Ecles. 5:4-6) Dahil si Jehova ang Tagapagpasimula ng kaayusan ng pag-aasawa, sa diwa ay ‘pinagtutuwang’ niya ang mga ikinakasal. (Mar. 10:9) Sa paningin ng Diyos, ang mga mag-asawa ay pinagbuklod, anuman ang mga batas sa lugar kung saan naganap ang kasalan. Kaya naman dapat ituring ng mga lingkod ni Jehova na panghabambuhay ang kaayusan ng pag-aasawa. Totoo ito kahit hindi pa sila Saksi noong ikasal sila.

2. Anong mga tanong ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Ang matagumpay na pag-aasawa ay maaaring magdulot ng malaking kaligayahan. Pero paano kung hindi maligaya ang pagsasama ng mag-asawa? Puwede pa bang patibayin iyon? Anong tulong ang makukuha ng mga mag-asawang may problema sa pagsasama?

KAGALAKAN O PASAKIT?

3, 4. Ano ang puwedeng mangyari dahil sa di-matalinong pagpili ng mapapangasawa?

3 Kapag matagumpay ang pag-aasawa ng isang Kristiyano, nagdudulot ito ng kagalakan sa kaniya at kapurihan kay Jehova. Pero kung bigo ito, matinding pasakit ang dulot nito. Puwedeng magkaroon ng magandang pasimula ang mga Kristiyanong nagbabalak mag-asawa kung susundin nila ang patnubay ng Diyos. Samantala, ang di-matalinong pagpili ng mapapangasawa ay maaaring humantong sa pagkadismaya at hinagpis. Halimbawa, may mga kabataang nakikipag-date kahit hindi pa sila handa sa pananagutan ng buhay may-asawa. May mga naghahanap ng mapapangasawa sa Internet. Nagpapakasal sila nang padalus-dalos, anupat hindi nagiging maligaya ang kanilang pagsasama. Ang iba naman ay nakagawa ng malubhang kasalanan habang sila’y magkasintahan, kaya nagsisimula sila sa buhay may-asawa nang walang gaanong paggalang sa isa’t isa.

4 Ang ilang Kristiyano ay hindi sumunod sa tagubiling mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” Kaya naman, kadalasan nang nahihirapan sila dahil nababahagi sa relihiyon ang kanilang sambahayan. (1 Cor. 7:39) Kung ganiyan ang sitwasyon mo, hingin mo ang kapatawaran at tulong ng Diyos. Hindi niya ipinagsasanggalang ang mga tao sa mga resulta ng kanilang pagkakamali, pero tinutulungan niya ang mga nagsisisi para makapagbata. (Awit 130:1-4) Kaya naman gawin mo ang makakaya mo para mapalugdan ang Diyos, at ‘ang kagalakan kay Jehova ang inyong magiging moog.’​—Neh. 8:10.

KAPAG NANGANGANIB MAGHIWALAY ANG MAG-ASAWA

5. Anong mga kaisipan ang dapat iwasan ng mga di-maligaya ang pagsasama?

5 Baka maisip ng iba: ‘Sulit bang isalba ang aming di-maligayang pagsasama? Kung maibabalik ko lang ang nakaraan, pipili ako ng ibang mapapangasawa!’ Baka maisip nilang iwan ang kanilang asawa at sabihin: ‘Sana, maging malaya ako uli! Makipagdiborsiyo kaya ako? Kung wala akong makakasulatang dahilan sa pakikipagdiborsiyo, makipaghiwalay na lang kaya ako para maging masaya uli?’ Sa halip na magpantasya, dapat gawin ng mga Kristiyano ang kanilang makakaya na patibayin ang kanilang pagsasama sa pamamagitan ng pagsunod sa patnubay ng Diyos.

6. Ipaliwanag ang sinabi ni Jesus sa Mateo 19:9.

6 Kung ang isang Kristiyano ay makikipagdiborsiyo, maaaring hindi siya malayang makapag-asawang muli ayon sa Kasulatan. Sinabi ni Jesus: “Ang sinumang dumiborsiyo sa kaniyang asawang babae, maliban sa saligan ng pakikiapid, at mag-asawa ng iba ay nangangalunya.” (Mat. 19:9) Kasama sa “pakikiapid” ang pangangalunya at iba pang malulubhang kasalanan sa sekso. Kaya naman napakahalaga para sa isang Kristiyanong nag-iisip na makipagdiborsiyo nang walang makakasulatang saligan na humingi ng tulong at patnubay ng Diyos.

7. Ano ang maaaring isipin ng iba kapag nabigo ang pag-aasawa ng dalawang Kristiyano?

7 Maaaring pag-alinlanganan ang espirituwalidad ng isang Kristiyano kapag nabigo ang kaniyang pag-aasawa. Ibinangon ni apostol Pablo ang seryosong tanong na ito: “Kung hindi nga alam ng sinumang lalaki kung paano mamuno sa kaniyang sariling sambahayan, paano niya aalagaan ang kongregasyon ng Diyos?” (1 Tim. 3:5) Sa katunayan, kapag nabigo ang pag-aasawa ng dalawang nag-aangking Kristiyano, baka isipin ng iba na hindi talaga ikinakapit ng mag-asawang ito ang kanilang ipinangangaral.​—Roma 2:21-24.

8. Ano ang masasabi tungkol sa espirituwalidad ng mag-asawang Kristiyano na nagpasiyang maghiwalay?

8 Kapag ang mag-asawang bautisado ay nagpaplanong maghiwalay o magdiborsiyo nang walang makakasulatang saligan, tiyak na may problema ang kanilang espirituwalidad. Lumilitaw na isa sa kanila o pareho silang hindi nagkakapit ng mga simulain ng Bibliya. Kung talagang ‘nagtitiwala sila kay Jehova nang kanilang buong puso,’ tiyak na may magagawa sila para maisalba ang kanilang pagsasama.​—Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.

9. Paano ginantimpalaan ang ilang Kristiyano dahil sa pagsisikap na maisalba ang kanilang pagsasama?

9 Maraming pagsasama na tila wala nang pag-asang maisalba ang nagtagumpay nang maglaon. Ang mga Kristiyanong hindi agad-agad sumusuko ay kadalasan nang ginagantimpalaan. Halimbawa, isip-isipin kung ano ang maaaring mangyari sa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon. Sumulat si apostol Pedro: “Mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyu-inyong asawang lalaki, upang, kung ang sinuman ay hindi masunurin sa salita, mawagi sila nang walang salita sa pamamagitan ng paggawi ng kani-kanilang asawang babae, dahil sa pagiging mga saksi sa inyong malinis na paggawi na may kalakip na matinding paggalang.” (1 Ped. 3:1, 2) Oo, dahil sa mabuting paggawi ng isang Kristiyano, posibleng tanggapin ng kaniyang di-sumasampalatayang kabiyak ang katotohanan! Ang naisalbang pagsasama na iyan ay nagbibigay-kapurihan sa Diyos at isang pagpapala sa buong pamilya.

10, 11. Anong di-inaasahang mga problema ang maaaring bumangon sa pagsasama ng mag-asawa? Anong tulong ang maaasahan ng mga Kristiyano?

10 Dahil gusto nilang palugdan si Jehova, karamihan ng mga Kristiyano ay pumipili ng mapapangasawa sa mga bautisadong kapananampalataya. Sa kabila nito, maaaring magkaroon ng di-inaasahang mga pagbabago. Baka ang isang kabiyak ay magkaroon ng malulubhang problema sa emosyon. O maaaring tumigil siya sa pangangaral at maging di-aktibong mamamahayag. Halimbawa, walang nagawa si Linda, * isang masigasig na Kristiyano at mapagmahal na ina, nang ang kaniyang bautisadong asawa ay lumihis sa landasing Kristiyano at kinailangang itiwalag. Ano ang dapat gawin ng isang Kristiyano kung tila wala nang pag-asa ang kanilang pagsasama?

11 Baka maisip mo: ‘Talaga bang kailangan kong isalba ang pagsasama namin anuman ang mangyari?’ Ikaw lang ang makapagpapasiya sa bagay na iyan. Pero may mabubuting dahilan para huwag sumuko. Ang Kristiyanong nagbabata ng maunos na pagsasama alang-alang sa budhi ay mahalaga sa Diyos. (Basahin ang 1 Pedro 2:19, 20.) Sa tulong ng kaniyang Salita at espiritu, tutulungan ni Jehova ang Kristiyanong nagsisikap na patibayin ang kaniyang problemadong pag-aasawa.

HANDA SILANG TUMULONG

12. Bakit hindi tayo dapat matakot humingi ng tulong sa mga elder?

12 Kung nagkakaproblema kayong mag-asawa, huwag mag-atubiling humingi ng tulong sa may-gulang na mga Kristiyano. Ang mga elder ay nagpapastol sa kawan, at malugod nilang ipakikita sa inyo ang payo ng Diyos sa Kasulatan. (Gawa 20:28; Sant. 5:14, 15) Huwag kang matakot na baka mawala ang paggalang nila sa inyo kung hihingi kayo ng tulong at ipakikipag-usap ang problema ninyong mag-asawa. Lalago pa nga ang pag-ibig at paggalang nila sa inyo kapag nakikita nila na talagang gusto ninyong palugdan ang Diyos.

13. Anong payo ang matatagpuan sa 1 Corinto 7:10-16?

13 Kapag tinutulungan ng mga elder ang mga Kristiyanong nasa sambahayang nababahagi dahil sa relihiyon, itinatawag-pansin nila ang payong ibinigay ni Pablo: “Sa mga may asawa ay nagbibigay ako ng mga tagubilin, gayunma’y hindi ako kundi ang Panginoon, na ang asawang babae ay hindi dapat humiwalay sa kaniyang asawa; ngunit kung talaga ngang hihiwalay siya, manatili siyang walang asawa o kaya ay makipagkasundong muli sa kaniyang asawa; at hindi dapat iwan ng asawang lalaki ang kaniyang asawa. . . . Sapagkat, asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? O, asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa?” (1 Cor. 7:10-16) Anong laking pagpapala kapag ang di-sumasampalatayang kabiyak ay naging lingkod ni Jehova!

14, 15. Sa ilalim ng anong mga kalagayan maaaring ipasiya ng isang Kristiyano na humiwalay sa kaniyang asawa? Pero bakit dapat niya itong pag-isipang mabuti at ipanalangin?

14 Sa ilalim ng anong mga kalagayan maaaring ‘humiwalay’ ang isang Kristiyanong asawang babae? Ang ilan ay nakipaghiwalay dahil sa sadyang di-pagbibigay ng pinansiyal na suporta ng kanilang asawa. Ang iba ay nakipaghiwalay dahil sa labis-labis na pananakit sa pisikal, o dahil lubos na nanganganib ang kanilang espirituwalidad.

15 Ang pananatili o pakikipaghiwalay sa asawa ay isang personal na desisyon. Pero dapat muna itong pag-isipang mabuti at ipanalangin ng isang Kristiyano. Halimbawa, talaga nga kayang ang di-sumasampalatayang kabiyak lang ang responsable kung bakit nanganganib ang espirituwalidad ng kaniyang asawang Kristiyano? O baka naman naging pabaya ang Kristiyano sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya, pagdalo sa mga pulong, at paglilingkod sa larangan?

16. Ano ang dapat pumigil sa mga Kristiyano sa pakikipagdiborsiyo nang padalus-dalos?

16 Ang pagpapahalaga natin sa ating kaugnayan sa Diyos at sa kaloob niya na pag-aasawa ang pipigil sa atin sa pakikipagdiborsiyo nang padalus-dalos. Bilang mga lingkod ni Jehova, gusto nating pabanalin ang kaniyang pangalan. Kaya naman, hindi tayo gagawa ng tusong paraan para makalaya sa ating asawa at makapagpakasal sa iba.​—Jer. 17:9; Mal. 2:13-16.

17. Sa anong kalagayan masasabing tinawag ng Diyos sa kapayapaan ang mga Kristiyanong may asawa?

17 Ang isang Kristiyanong kasal sa isang di-sumasampalataya ay dapat magsikap na panatilihing matibay ang kanilang pagsasama. Pero hindi niya dapat sisihin ang kaniyang sarili kung sa kabila ng mga pagsisikap niyang isalba ang kanilang pagsasama ay makipaghiwalay pa rin sa kaniya ang kaniyang kabiyak. “Kung yaong di-sumasampalataya ay humiwalay, hayaan siyang humiwalay,” ang isinulat ni Pablo. “Ang isang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi natatalian sa ilalim ng gayong mga kalagayan, kundi tinawag kayo ng Diyos sa kapayapaan.”​—1 Cor. 7:15. *

UMASA KAY JEHOVA

18. Kahit hindi na puwedeng isalba ang pagsasama, anong mabubuting resulta ang maaaring idulot ng ating pagsisikap?

18 Kapag napapaharap ka sa anumang problemang pangmag-asawa, umasa ka kay Jehova para sa lakas ng loob at laging magtiwala sa kaniya. (Basahin ang Awit 27:14.) Balikan natin si Linda, na nabanggit na. Sa kabila ng maraming taóng pagsisikap na isalba ang kanilang pagsasama, nagdiborsiyo pa rin sila. Nanghihinayang ba siya sa mga pagsisikap niya? “Hinding-hindi,” ang sabi niya. “Naging magandang patotoo ito sa iba. Malinis din ang konsiyensiya ko. Higit sa lahat, ang mga taóng iyon ay nakatulong sa aming anak na babae na manatiling matatag sa katotohanan. Siya’y naging isang masigasig na Saksi ni Jehova.”

19. Ano ang maaaring mangyari kapag nagsikap ang isa na isalba ang kaniyang pag-aasawa?

19 Isang sister na nagngangalang Marilyn ang nagpapasalamat na nagtiwala siya sa Diyos at nagsikap na isalba ang pagsasama nilang mag-asawa. “Natukso akong makipaghiwalay sa asawa ko dahil hindi siya nagbibigay ng sustento at nanganganib ang aking espirituwalidad,” ang sabi niya. “Pero dating elder ang asawa ko bago siya nasangkot sa di-matalinong pakikisosyo sa negosyo. Nagsimula siyang pumalya sa pagdalo sa mga pulong, at hindi na kami nag-uusap. Dahil sa isang pagsalakay ng mga terorista sa aming lunsod, natakot ako nang husto at ibinukod ko ang aking sarili. Pero natauhan ako at naisip ko na may kasalanan din ako. Nagsimula kaming mag-usap, ibinalik namin ang aming pampamilyang pag-aaral, at naging regular sa pagdalo sa mga pulong. Napakabait at napakamatulungin ng mga elder. Muling gumanda ang aming pagsasama. Nang maglaon, nabigyan uli ng mga pribilehiyo sa kongregasyon ang mister ko. Mahirap ang pinagdaanan namin, pero maganda ang naging resulta.”

20, 21. Kung tungkol sa pag-aasawa, ano ang dapat nating maging determinasyon?

20 May asawa man tayo o wala, lagi tayong kumilos nang may lakas ng loob at umasa kay Jehova. Kapag nagkakaproblema sa pagsasama, sikapin nating lutasin ang mga ito at isaisip na ang mga pinag-isang dibdib ay “hindi na . . . dalawa, kundi isang laman.” (Mat. 19:6) At tandaan natin na kung mananatili tayo sa piling ng ating di-sumasampalatayang kabiyak sa kabila ng mga problema, maaari nating maranasan ang kagalakan na maakay siya sa tunay na pagsamba.

21 Anuman ang ating sitwasyon, maging determinadong gumawi sa paraang makapagbibigay ng mabuting patotoo sa iba. Kung problemado ang ating pag-aasawa, manalangin tayo nang marubdob, tapatang suriin ang ating mga motibo, maingat na isaalang-alang ang Kasulatan, at humingi ng tulong sa mga elder. Higit sa lahat, maging determinado tayong palugdan ang Diyos na Jehova sa lahat ng bagay at magpakita ng tunay na pagpapahalaga sa kaniyang napakagandang kaloob na pag-aasawa.

[Mga talababa]

^ par. 10 Binago ang mga pangalan.

^ par. 17 Tingnan ang Manatili sa Pag-ibig ng Diyos, pahina 219-221; Ang Bantayan ng Nobyembre 1, 1988, pahina 26-27; The Watchtower, Setyembre 15, 1975, pahina 575.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Blurb sa pahina 10]

Ang mga Kristiyanong hindi agad-agad sumusuko sa kanilang problemadong pag-aasawa ay kadalasan nang ginagantimpalaan

[Blurb sa pahina 12]

Laging magtiwala kay Jehova at umasa sa kaniya para sa lakas ng loob

[Larawan sa pahina 9]

Pinagpapala ni Jehova ang Kristiyanong nagsisikap na patibayin ang kanilang problemadong pag-aasawa

[Larawan sa pahina 11]

Ang kongregasyong Kristiyano ay pinagmumulan ng kaaliwan at espirituwal na tulong