Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Diyos

‘Ang Iyong Kaluluwa ay Yuyuko sa Ibabaw Ko’

‘Ang Iyong Kaluluwa ay Yuyuko sa Ibabaw Ko’

ANG kapakumbabaan ay isang kaakit-akit na katangian. Karaniwan nang gusto nating kasama ang mga mapagpakumbaba. Pero nakalulungkot, bihira nang makita sa daigdig ngayon ang tunay na kapakumbabaan​—lalo na sa mga nasa kapangyarihan o may awtoridad. Kumusta naman ang Diyos na Jehova, ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso? Mapagpakumbaba ba siya? Tingnan natin ang sinabi ni propeta Jeremias sa Panaghoy 3:20, 21.​—Basahin.

Nang isulat ni Jeremias ang Panaghoy, napakalungkot ng kalagayan ng Israel. Nasaksihan niya ang isang pangyayari na talagang ikinalungkot niya​—ang pagkawasak ng kaniyang minamahal na Jerusalem sa kamay ng mga Babilonyo. Alam ng propeta na ang hatol na iyon ng Diyos ay nararapat lang sa mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan. Pero nawalan ba ng pag-asa si Jeremias? Naisip ba niyang babale-walain na lang ni Jehova ang mga nagsisisi at hindi na sila tutulungan sa kanilang sitwasyon? Pansinin ang sinabi ni Jeremias alang-alang sa kaniyang bayan.

Bagaman karamihan ay nalulumbay, punung-puno naman ng pag-asa si Jeremias. Sinabi niya kay Jehova: “Walang pagsalang maaalaala ng iyong kaluluwa * [si Jehova mismo] at yuyuko sa ibabaw ko.” (Talata 20) Nakatitiyak si Jeremias na siya, o ang mga nagsisising kababayan niya, ay hindi kalilimutan ni Jehova. Ano kaya ang gagawin ng Diyos na makapangyarihan-sa-lahat?​—Apocalipsis 15:3.

Si Jeremias ay nakatitiyak na si Jehova ay “yuyuko” sa ibabaw ng mga tunay na nagsisisi. Ganito ang sinabi ng ibang salin: “O maalaala, at tumungó sa akin.” Tinutulungan tayo ng mga pananalitang ito na maisip kung gaano kabait si Jehova. Siya, “ang Kataas-taasan sa buong lupa,” ay tutungó, wika nga, at itataas niya ang kaniyang mga mananamba mula sa kanilang abang kalagayan at muli niya silang sasang-ayunan. (Awit 83:18) Dahil sa pag-asang ito, nakasumpong si Jeremias ng tunay na kaaliwan sa kaniyang kalungkutan. Determinado ang tapat na propetang ito na hintayin ang takdang panahon ni Jehova para iligtas ang Kaniyang nagsisising bayan.​—Talata 21.

Ang mga salitang ito ni Jeremias ay nagtuturo sa atin ng dalawang bagay tungkol kay Jehova. Una, siya ay mapagpakumbaba. (Awit 18:35) Bagaman “dakila sa kapangyarihan,” si Jehova ay handang magpakababa, wika nga, para tulungan tayo sa ating problema. (Job 37:23; Awit 113:5-7) Talagang nakaaaliw iyan! Ikalawa, si Jehova ay maawain; siya ay “handang magpatawad” sa mga nagsisising makasalanan at muli niya silang tatanggapin. (Awit 86:5) Ang dalawang katangiang iyon​—kapakumbabaan at awa​—ay magkaugnay.

Laking pasasalamat natin na si Jehova ay hindi katulad ng mga taong tagapamahala na matigas ang ulo at walang pakialam sa iba dahil sa kanilang kahambugan. Gusto mo bang matuto pa nang higit tungkol sa mapagpakumbabang Diyos na handang “tumungó” para itaas ang kaniyang mga mananamba kapag sila ay may problema?

Pagbabasa ng Bibliya para sa Hunyo:

Jeremias 51-52Ezekiel 1-5

[Talababa]

^ par. 3 Binago ng sinaunang mga eskriba ang talatang ito at ginawang “aking kaluluwa,” na para bang kay Jeremias tumutukoy. Lumilitaw na naniniwala silang kawalang-galang na tukuyin ang Diyos bilang kaluluwa, isang terminong ginagamit ng Bibliya para sa mga nilalang sa lupa. Pero madalas ilarawan ng Bibliya ang Diyos sa paraang maiintindihan ng mga tao. Yamang ang salitang “kaluluwa” ay maaaring mangahulugang “ang buhay na taglay natin,” ang pariralang “iyong kaluluwa” ay nangangahulugang “ikaw.”

[Blurb sa pahina 14]

Si Jehova ay handang magpakababa, wika nga, para tulungan tayo sa ating problema