Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Talambuhay

“Ang Lihim” na Natutuhan Namin sa Sagradong Paglilingkod

“Ang Lihim” na Natutuhan Namin sa Sagradong Paglilingkod

Ayon sa salaysay ni Olivier Randriamora

“Alam ko nga kung paano magkaroon ng kakaunting paglalaan, alam ko nga kung paano magkaroon ng kasaganaan. Sa lahat ng bagay at sa lahat ng kalagayan ay natutuhan ko ang lihim kapuwa kung paano mabusog at kung paano magutom . . . Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”​—Fil. 4:12, 13.

ANG pananalitang ito ni apostol Pablo ay matagal nang nagpapatibay sa akin at sa asawa kong si Oly. Gaya ni Pablo, natutuhan namin “ang lihim” sa pamamagitan ng lubusang pananalig kay Jehova habang naglilingkod sa kaniya dito sa Madagascar.

Magkasintahan na kami ni Oly nang magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang nanay niya noong 1982. Nakipag-aral din ako, at nang maglaon, sumama si Oly sa study. Ikinasal kami noong 1983, nabautismuhan noong 1985, at kaagad na nagsimulang mag-auxiliary pioneer. Noong Hulyo 1986, nag-regular pioneer kami.

Noong Setyembre 1987, nagsimula kaming maglingkod bilang special pioneer. Ang unang atas namin ay sa isang maliit na bayan sa hilagang-kanluran ng Madagascar kung saan wala pang kongregasyon. Mga 18 ang pangunahing grupong etniko sa Madagascar at napakaraming lipi, at iba’t iba ang mga kaugalian at tradisyon dito. Malagasy ang opisyal na wika, pero may iba pang mga diyalekto. Kaya sinimulan naming pag-aralan ang diyalektong sinasalita sa bago naming teritoryo. Dahil dito, madali kaming natanggap ng mga tagaroon.

Noong una, nagpapahayag ako tuwing Linggo. Pagkatapos ng pahayag, papalakpak naman si Oly, dahil siya lang ang tagapakinig. Ginagampanan din namin ang lahat ng bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Nagtatanghal si Oly na parang mayroon siyang kausap na may-bahay. Mabuti na lang, nang dumalaw ang tagapangasiwa ng sirkito, nagbigay siya ng magandang mungkahi kung paano isasagawa ang mga pulong!

Dahil hindi maganda ang serbisyo ng koreo, hindi namin natatanggap nang regular ang aming allowance. Kaya natuto kaming masiyahan sa kakaunting paglalaan. Minsan, wala kaming pamasahe sa bus para makadalo sa pansirkitong asamblea, na mga 130 kilometro ang layo mula sa amin. Natatandaan pa namin ang ipinayo ng isang kapatid: “Sabihin n’yo kay Jehova ang inyong mga problema. Tutal, galing sa kaniya ang atas ninyo.” Kaya nanalangin kami at nagpasiyang maglakad na lang. Pero bago kami makaalis, isang brother ang dumating at nagbigay sa amin ng pera​—tamang-tama para sa aming pamasahe!

GAWAING PANSIRKITO

Noong Pebrero 1991, naatasan akong maging tagapangasiwa ng sirkito. Nang panahong iyon, 9 na ang mamamahayag sa grupo namin, 3 sa kanila ang bautisado, at 50 ang karaniwang dumadalo sa pulong. Pagkatapos ng pagsasanay, naglingkod kami sa isang sirkito sa Antananarivo, ang kabisera ng Madagascar. Noong 1993, inilipat kami sa isang sirkito sa silangang bahagi ng bansa. Ibang-iba ang buhay rito kung ihahambing sa buhay sa lunsod.

Para makarating sa mga kongregasyon at mga grupo sa liblib na lugar, kung minsan ay naglalakad kami nang hanggang 145 kilometro sa magubat na kabundukan. Nililimitahan namin ang aming bagahe. Siyempre pa, kapag may kasamang slide presentation ang pahayag pangmadla, gaya ng kaayusan noon, mas mabigat ang mga dala namin. Dala ni Oly ang slide projector, at bitbit ko naman ang mabigat na batirya ng sasakyan na ginagamit namin para sa projector.

Kadalasan, maghapon kaming naglalakbay nang mga 40 kilometro papunta sa susunod na kongregasyon. Naglalakad kami paakyat at pababa sa mga bundok, tumatawid sa mga ilog, at lumulusong sa putikan. Kung minsan, natutulog kami sa tabing-daan, pero kadalasan, naghahanap kami ng nayon kung saan kami puwedeng matulog. May pagkakataon pa nga na nakikitulog kami sa mga hindi namin kakilala. Pagkatapos makahanap ng tuluyan, maghahanda na kami ng pagkain. Manghihiram si Oly ng kaserola at iigib ng tubig sa kalapit na ilog o lawa, samantalang manghihiram naman ako ng palakol para maghanda ng panggatong. Umuubos ng panahon ang mga gawaing ito. Paminsan-minsan, bumibili kami ng buháy na manok na kailangan pa naming katayin.

Pagkakain, mag-iigib naman kami ng tubig na pampaligo. Kung minsan, sa kusina kami natutulog. Kapag umuulan at tumutulo ang bubong, natutulog kaming nakasandal sa dingding para hindi kami mabasâ.

Sinisikap naming magpatotoo sa mga nagpapatulóy sa amin. Pagdating sa aming destinasyon, damang-dama namin ang kabaitan at pagkamapagpatuloy ng mga kapatid. Sulit ang lahat ng hirap namin sa paglalakbay dahil sa kanilang taos-pusong pagpapahalaga sa aming pagdalaw.

Kapag nakikituloy kami sa mga kapatid, masaya kaming tumutulong sa mga gawain sa bahay. Kaya naman, may panahon silang sumama sa amin sa ministeryo. Hindi kami naghahanap ng luho o espesyal na pagkain, na hindi kayang ibigay ng mga kapatid na nagpapatulóy sa amin.

PAGDALAW SA MGA GRUPO SA LIBLIB NA LUGAR

Nasisiyahan kaming dumalaw sa mga grupo sa liblib na lugar, kung saan siksik ang iskedyul na ginagawa ng mga kapatid para sa amin. Halos wala kaming panahon na “magpahinga nang kaunti.” (Mar. 6:31) Sa isang lugar, inanyayahan ng isang mag-asawang Saksi ang mga inaaralan nila sa Bibliya​—40 lahat​—sa kanilang bahay para makasama kami sa Bible study. Sumama si Oly sa sister sa pagdaraos ng mga 20 study, at kasama ko naman ang brother sa pagtuturo sa 20 iba pa. Pagkaalis ng isang estudyante, papalit agad ang isa pa. Nang bandang hapon, huminto kami sandali para sa pulong ng kongregasyon. Pagkatapos, tulóy uli ang pagba-Bible study. Karaniwan nang pasado alas otso ng gabi kami natatapos!

Nang dumalaw naman kami sa isa pang grupo, mga alas otso ng umaga ay nagsimula na kaming maglakad patungo sa kalapit na nayon. Lumang damit ang suot namin. Matapos ang mahabang paglalakad sa kagubatan, nakarating kami sa teritoryo nang mga tanghaling-tapat. Nagpalit kami ng malinis na damit at agad nagsimulang magbahay-bahay. Kakaunti lang ang mga bahay, pero napakaraming mamamahayag. Kaya mga 30 minuto lang, tapós na ang teritoryo. Lumipat naman kami sa susunod na nayon. Pagkatapos mangaral doon, kailangan naming maglakad nang pagkalayu-layo pauwi. Noong una, medyo nasisiraan kami ng loob sa ganitong rutin. Napakarami naming inuubos na panahon at lakas, pero mga isang oras lang ang nagugugol namin sa pagbabahay-bahay. Sa kabila nito, hindi nagrereklamo ang mga kapatid na tagaroon. Masigasig pa rin sila.

May isang grupo sa Taviranambo na halos nasa tuktok na ng bundok. Nakilala namin doon ang isang pamilyang Saksi na nakatira sa bahay na may iisang silid. Isang maliit na istraktura sa di-kalayuan ang nagsisilbing dakong pulungan. Biglang-bigla, sumigaw ang brother na magpapatulóy sa amin, “Mga kapatid!” May sumagot naman sa kabilang bundok, “Ano ’yon?” Sumigaw uli ang brother, “Nandito na ang tagapangasiwa ng sirkito!” Sumagot uli ang nasa kabilang bundok, “Ayos!” Lumilitaw na ipinarating din ang mensahe sa iba pang nakatira sa malayo. Di-nagtagal, nagdatingan na ang mga tao. Nang magsimula ang pulong, mahigit 100 ang naroroon.

MGA HIRAP SA PAGLALAKBAY

Noong 1996, inilipat kami sa isang sirkitong mas malapit sa Antananarivo. Mayroon ding pambihirang mga hamon sa sirkitong ito. Walang regular na pampublikong transportasyon sa liblib na mga lugar. Nakaiskedyul kaming dumalaw sa isang grupo sa Beankàna (Besakay), mga 240 kilometro ang layo sa Antananarivo. Matapos makipag-usap sa drayber ng isang maliit na trak na papunta roon, pinasakay niya kami. Kasama namin ang mga 30 iba pang pasahero​—ang ilan ay nakahiga sa bubong at ang iba naman ay nakasabit sa likod ng trak.

Gaya ng karaniwang nangyayari, nasiraan kami ng sasakyan kung kaya napilitan kaming maglakad. Makalipas ang ilang oras na paglalakad, isang malaking trak ang dumaan. Siksikan ang mga tao at napakaraming bagahe, pero huminto pa rin ang drayber. Sumakay kami kahit nakatayo lang. Pagkatapos, nakarating kami sa isang ilog, pero kinukumpuni ang tulay rito. Kaya naglakad uli kami. Sa wakas, nakarating kami sa isang maliit na nayon kung saan nakatira ang ilang special pioneer. Bagaman hindi kami nakaiskedyul na dumalaw sa kanila, sumama kami sa pangangaral habang hinihintay naming matapos ang pagkukumpuni sa tulay at dumaan ang ibang sasakyan.

Umabot nang isang linggo bago may dumaang sasakyan. Ipinagpatuloy namin ang biyahe. Lubak-lubak ang kalsada. Maya’t maya ay kailangan naming lumusong sa tubig na hanggang tuhod para itulak ang sasakyan, at malimit kaming madulas at madapa. Madaling-araw na nang dumating kami sa isang maliit na nayon, at doon kami bumaba. Naglakad kami sa mga palayan kung saan hanggang baywang ang maputik na tubig, patungo sa aming destinasyon.

Iyon ang unang pagdalaw namin sa lugar na iyon, kaya nagpasiya kaming magpatotoo sa mga magsasaka at magtanong kung saan nakatira ang mga Saksi. Tuwang-tuwa kaming malaman na mga kapatid pala ang napagtanungan namin!

PINASIGLA ANG IBA NA PUMASOK SA BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD

Sa paglipas ng mga taon, natutuwa kaming makita ang pagtugon ng mga kapatid sa pampasigla na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Nang dumalaw kami sa isang kongregasyon na may siyam na regular pioneer, hinimok namin ang bawat payunir na gawing tunguhin na tulungan ang isang mamamahayag na maging payunir. Nang dumalaw kami pagkalipas ng anim na buwan, 22 na ang regular pioneer doon. Nahikayat ng dalawang sister na payunir ang kani-kanilang ama, parehong elder, na mag-regular pioneer. Pinasigla naman ng mga brother na ito ang isa pang elder na magpayunir din. Di-nagtagal, ang elder na ito ay naatasang maging special pioneer. Nang maglaon, siya at ang asawa niya ay naatasan sa gawaing pansirkito. Kumusta naman ang dalawang naunang elder? Ang isa sa kanila ay naglilingkod bilang tagapangasiwa ng sirkito, at ang isa naman ay nagboboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall.

Araw-araw kaming nagpapasalamat kay Jehova sa kaniyang tulong. Alam naming wala kaming magagawa sa sarili naming lakas. Totoo, kung minsan ay napapagod din kami at nagkakasakit, pero masaya kami lalo na kapag iniisip-isip namin ang mga resulta ng aming ministeryo. Pinasusulong ni Jehova ang kaniyang gawain. Nagagalak kaming magkaroon ng maliit na bahagi rito, bilang mga special pioneer ngayon. Oo, natutuhan namin “ang lihim” sa pamamagitan ng pananalig kay Jehova, “na nagbibigay ng kapangyarihan” sa amin.

[Blurb sa pahina 6]

Natutuhan namin “ang lihim” sa pamamagitan ng pananalig kay Jehova

[Mapa/Mga Larawan sa pahina 4]

Ang Madagascar, tinaguriang Big Red Island, ang ikaapat sa pinakamalalaking isla sa daigdig. Mapula ang lupa rito, at napakaraming kakaibang uri ng hayop at halaman

[Larawan sa pahina 5]

Paglalakbay ang isa sa pinakamahihirap na hamon

[Larawan sa pahina 5]

Nasisiyahan kaming makibahagi sa pagtuturo ng Bibliya