Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bakit Mo Dapat Unahin ang Paglilingkod kay Jehova?

Bakit Mo Dapat Unahin ang Paglilingkod kay Jehova?

“Ang aking bibig ay magsasalaysay ng iyong katuwiran, ng iyong pagliligtas buong araw.”​—AWIT 71:15.

1, 2. (a) Kapag ang isa ay nag-alay kay Jehova, ano ang ipinahihiwatig niya? (b) Paano tayo makikinabang sa pagsusuri sa mga pasiyang ginawa nina Noe, Moises, Jeremias, at Pablo?

NANG mag-alay ka at magpabautismo, gumawa ka ng napakaseryosong hakbang. Ang pag-aalay mo sa Diyos ang pinakaseryosong desisyon na magagawa mo sa buhay. Para bang sinasabi mo: ‘Diyos na Jehova, gusto ko po kayong maging Panginoon ng aking buhay. Lingkod ninyo ako. Gusto kong kayo ang magtakda kung paano ko dapat gugulin ang aking panahon, kung ano ang dapat kong maging priyoridad, at kung paano ko dapat gamitin ang aking mga kakayahan at tinataglay.’

2 Kung isa kang nakaalay na Kristiyano, ganiyan ang ipinangako mo kay Jehova. Kapuri-puri naman ang desisyon mo; iyan ang tama at matalinong gawin. Pero kung kinikilala mo si Jehova bilang iyong Panginoon, paano mo dapat gamitin ang iyong panahon? Tutulungan tayo ng mga halimbawa nina Noe, Moises, Jeremias, at apostol Pablo na suriin ang tanong na iyan. Bawat isa sa kanila ay buong-kaluluwang naglingkod kay Jehova. Ang kalagayan natin ay katulad ng sa kanila. Kapag sinuri natin ang mga pasiyang ginawa nila sa buhay, mauudyukan tayong suriin kung paano natin ginagamit ang ating panahon.​—Mat. 28:19, 20; 2 Tim. 3:1.

BAGO ANG PANAHON NG BAHA

3. Ano ang pagkakatulad ng panahon ni Noe at ng sa atin?

3 Ipinakita ni Jesus ang pagkakatulad ng panahon ni Noe at ng sa atin. “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao,” ang sabi niya. Ang mga tao noon ay “kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa arka; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mat. 24:37-39) Binabale-wala ng karamihan sa ngayon ang pagkaapurahan ng ating panahon. Hindi sila nagbibigay-pansin sa mga babalang ipinapahayag ng mga lingkod ng Diyos. Pinagtatawanan pa nga ng marami ang ideya na makikialam ang Diyos sa mga gawain ng tao​—gaya ng ginawa ng mga tao noong panahon ni Noe. (2 Ped. 3:3-7) Pero paano ginamit ni Noe ang kaniyang panahon?

4. Paano ginamit ni Noe ang kaniyang panahon matapos siyang tumanggap ng atas mula kay Jehova, at bakit?

4 Pagkatapos niyang malaman ang layunin ng Diyos at tanggapin ang kaniyang atas, nagtayo si Noe ng arka para sa ikaliligtas ng mga tao at mga hayop. (Gen. 6:13, 14, 22) Ipinahayag din ni Noe ang napipintong hatol ni Jehova. Tinawag siya ni apostol Pedro bilang “isang mangangaral ng katuwiran.” Ipinahihiwatig nito na nagsikap si Noe na tulungan ang kaniyang mga kapanahon na maunawaang mapanganib ang kanilang sitwasyon. (Basahin ang 2 Pedro 2:5.) Sa palagay mo, makatuwiran kaya kung nagpokus si Noe at ang kaniyang pamilya sa pagtatayo ng negosyo, pagkukumahog na makaangat sa iba o magkaroon ng komportableng buhay? Siyempre hindi! Iniwasan nila ang mga pang-abalang iyon dahil alam nila kung ano ang malapit nang mangyari.

ANG PINILI NG ISANG PRINSIPE NG EHIPTO

5, 6. (a) Para saan kaya ang edukasyong tinanggap ni Moises? (b) Bakit tinanggihan ni Moises ang mga oportunidad na inialok sa kaniya sa Ehipto?

5 Pag-usapan naman natin si Moises. Pinalaki siya sa palasyo ng Ehipto bilang ampon ng anak na babae ni Paraon. Bilang isang batang prinsipe, tinuruan siya “sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo.” (Gawa 7:22; Ex. 2:9, 10) Malamang na ang edukasyong ito ay para maihanda siya sa panunungkulan sa korte ni Paraon. Puwede sana siyang maging prominente sa pinakamakapangyarihang pamahalaan noong panahon niya at tamasahin ang lahat ng luho at kasiyahang idudulot ng posisyong iyon. Pero ito ba ang tunguhin ni Moises?

6 Dahil sa maagang pagsasanay na tinanggap niya sa kaniyang tunay na mga magulang, malamang na alam ni Moises ang mga pangako ni Jehova sa mga ninuno niyang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Nanampalataya si Moises sa mga pangakong iyon. Malamang na pinag-isipan niyang mabuti ang kaniyang kinabukasan at kung paano siya makapananatiling matapat kay Jehova. Kaya nang kailangan na siyang mamilì kung siya’y magiging prinsipe ng Ehipto o aliping Israelita, ano ang ipinasiya niya? “Pinili [ni Moises na] mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.” (Basahin ang Hebreo 11:24-26.) Nang maglaon, sinunod niya ang patnubay ni Jehova kung paano niya gagamitin ang kaniyang buhay. (Ex. 3:2, 6-10) Bakit ginawa iyan ni Moises? Dahil naniniwala siya sa mga pangako ng Diyos. Nakita niyang wala siyang kinabukasan sa Ehipto. Sa katunayan, di-nagtagal at ang bansang iyon ay hinagupit ng sampung salot mula sa Diyos. May nakikita ka bang aral dito para sa mga nakaalay kay Jehova sa ngayon? Sa halip na magpokus sa karera o kasiyahang dulot ng sistemang ito ng mga bagay, ang pokus natin ay dapat na nasa kay Jehova at sa paglilingkod sa kaniya.

ALAM NI JEREMIAS ANG MGA MANGYAYARI

7. Ano ang pagkakatulad ng sitwasyon ni Jeremias at ng sa atin?

7 Inuna rin ni propeta Jeremias ang paglilingkod kay Jehova. Inatasan ni Jehova si Jeremias bilang propeta para mangaral ng isang mensahe ng paghatol sa apostatang Jerusalem at Juda. Masasabing si Jeremias ay nabuhay “sa huling bahagi ng mga araw.” (Jer. 23:19, 20) Alam na alam niya na magwawakas ang sistemang kinabubuhayan niya.

8, 9. (a) Bakit kailangang ituwid ang pag-iisip ni Baruc? (b) Ano ang dapat nating tandaan kapag gumagawa ng mga plano?

8 Paano nakaimpluwensiya kay Jeremias ang paniniwala niya? Hindi siya nagpagal para magkaroon ng magandang kinabukasan sa sistemang iyon na malapit nang magwakas. Ano nga ang silbi kung gagawin niya iyon? Pero may panahong hindi naging malinaw ang pananaw ni Baruc na kalihim ni Jeremias. Kaya kinasihan ng Diyos si Jeremias na sabihin dito: “Narito! Ang itinayo ko ay aking gigibain, at ang itinanim ko ay aking bubunutin, ang buong lupain nga. Ngunit kung tungkol sa iyo, patuloy kang humahanap ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili. Huwag ka nang maghanap. Sapagkat narito, magpapasapit ako ng kapahamakan sa lahat ng laman, . . . at ibibigay ko sa iyo ang iyong kaluluwa bilang samsam sa lahat ng dako na iyong paroroonan.”​—Jer. 45:4, 5.

9 Hindi natin alam kung anong “mga dakilang bagay” ang hinahanap ni Baruc para sa kaniyang sarili. * Pero alam natin na ang mga ito ay mga bagay na nawalan ng saysay at lumipas nang lupigin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong 607 B.C.E. May nakikita ka bang aral dito? Kailangan tayong magplano para sa mga pangangailangan natin sa buhay. (Kaw. 6:6-11) Pero katalinuhan bang gumugol ng napakaraming panahon at lakas sa mga bagay na mawawalan ng halaga? Totoo na ang organisasyon ni Jehova ay patuloy na nagpaplano para sa pagtatayo ng mga bagong Kingdom Hall, pasilidad ng sangay, at iba pang teokratikong mga proyekto. Pero may kinabukasan ang mga proyektong ito dahil ang layunin ng mga ito ay ang itaguyod ang mga interes ng Kaharian. Kapag nagpaplano, angkop din para sa lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova na magtakda ng katulad na mga priyoridad. Talaga bang ‘hinahanap mo muna ang kaharian at ang katuwiran ni Jehova’?​—Mat. 6:33.

“ITINUTURING KONG MGA BASURA ANG MGA IYON”

10, 11. (a) Saan nakasentro ang mga pagsisikap ni Pablo bago siya naging Kristiyano? (b) Bakit lubusang nagbago ang tunguhin ni Pablo?

10 Bilang huling halimbawa, pag-usapan natin si Pablo. Bago siya makumberte sa Kristiyanismo, parang maganda ang kinabukasan niya sa Judaismo. Tinuruan siya sa kautusang Judio ng isa sa pinakasikat na mga guro noong panahon niya. Tumanggap siya ng awtoridad mula sa mataas na saserdoteng Judio. At mas malaki ang pagsulong niya sa Judaismo kaysa sa mga kontemporaryo niya. (Gawa 9:1, 2; 22:3; 26:10; Gal. 1:13, 14) Pero nagbagong lahat iyon nang maunawaan ni Pablo na wala na ang pagpapala ni Jehova sa bansang Judio.

11 Naunawaan ni Pablo na ang karera sa Judiong sistema ay walang halaga kay Jehova; wala itong kahihinatnan. (Mat. 24:2) Nasabi pa nga ng dating Pariseong ito na kung ihahambing sa kaniyang bago at malinaw na unawa sa layunin ng Diyos at pribilehiyo sa ministeryong Kristiyano, ang mga bagay na dating mahalaga sa kaniya ay itinuturing niyang “mga basura.” Tinalikuran ni Pablo ang kaniyang karera sa Judaismo at ginugol ang nalalabing mga araw niya sa lupa sa pangangaral ng mabuting balita.​—Basahin ang Filipos 3:4-8, 15; Gawa 9:15.

SURIIN ANG IYONG MGA PRIYORIDAD

12. Saan nagpokus si Jesus pagkatapos ng kaniyang bautismo?

12 Ginugol nina Noe, Moises, Jeremias, Pablo, at ng maraming iba pa ang kanilang panahon at lakas sa teokratikong mga gawain. Mabuting halimbawa sila para sa atin. Siyempre pa, sa lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova, si Jesus ang pinakadakilang halimbawa. (1 Ped. 2:21) Pagkatapos mabautismuhan, ginugol ni Jesus ang kaniyang natitirang mga araw sa lupa sa pangangaral ng mabuting balita at pagpaparangal kay Jehova. Kaya kung kinikilala ng isang Kristiyano si Jehova bilang kaniyang Panginoon, gagawin niyang priyoridad ang paglilingkod sa Kaniya. Ganiyan ka rin ba? Paano tayo magiging timbang pagdating sa teokratikong mga tunguhin at kinakailangang sekular na gawain?​—Basahin ang Awit 71:15; 145:2.

13, 14. (a) Pinasisigla ang lahat ng nakaalay na Kristiyano na gawin ang ano? (b) Anong kasiyahan ang maaaring maranasan ng bayan ng Diyos?

13 Sa nakalipas na mga taon, paulit-ulit na pinasisigla ng organisasyon ni Jehova ang mga Kristiyano na isaalang-alang at ipanalangin kung maaari silang magpayunir. Sa iba’t ibang kadahilanan, ang ilang tapat na lingkod ni Jehova ay wala sa kalagayang gumugol ng mga 70 oras buwan-buwan sa pangangaral. Hindi ito dapat magpahina ng kanilang loob. (1 Tim. 5:8) Kumusta ka naman? Nasa kalagayan ka bang magpayunir?

14 Pag-isipan ang kagalakang nadama ng maraming lingkod ng Diyos noong nakalipas na panahon ng Memoryal. Dahil sa isang espesyal na kaayusan noong Marso, ang mga auxiliary pioneer ay nakapili kung gugugol sila ng 30 o 50 oras sa ministeryo. (Awit 110:3) Milyun-milyon ang nag-auxiliary pioneer, at talagang bakas sa mga kongregasyon ang natatanging sigla at kagalakan. Maisasaayos mo ba ang iyong iskedyul para mas madalas mong maranasan ang kagalakang iyan? Sa pagtatapos ng bawat araw, nagdudulot ng kasiyahan sa isang nakaalay na Kristiyano na sabihin, “Diyos na Jehova, ginawa ko po ang buong makakaya ko sa paglilingkod sa inyo.”

15. Ano ang dapat maging tunguhin ng mga kabataang Kristiyano sa pagkuha ng sekular na edukasyon?

15 Baka malapit ka nang magtapos sa pag-aaral. Baka maganda ang kalusugan mo at wala kang gaanong pananagutan sa buhay. Napag-isipan mo na bang mabuti ang pagpapayunir? Sinasabi ng mga tagapayo sa paaralan na makabubuti sa iyo na kumuha ng mataas na edukasyon at magplano para sa isang sekular na karera. Pero ang tiwala nila ay nasa salapi at mga organisasyon ng tao na walang kinabukasan. Sa kabaligtaran, kung magtataguyod ka ng espirituwal na karera, magiging kasiya-siya at makabuluhan ang mga tunguhin mo. Sa paggawa nito, matutularan mo ang sakdal na halimbawa ni Jesus. Magiging maligaya ka sa gayong matalinong pagpapasiya. Proteksiyon ito sa iyo. At ipakikita nito na talagang determinado kang mamuhay ayon sa pag-aalay mo kay Jehova.​—Mat. 6:19-21; 1 Tim. 6:9-12.

16, 17. Anong mga tanong ang bumabangon tungkol sa sekular na trabaho at iba pang mga tunguhin?

16 Maraming lingkod ng Diyos sa ngayon ang nagtatrabaho nang maraming oras para mailaan ang pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya. Pero baka ang iba ay nagtatrabaho nang mas maraming oras kaysa sa kailangan. (1 Tim. 6:8) Gusto tayong papaniwalain ng daigdig ng komersiyo na hindi tayo mabubuhay kung wala ang maraming produkto at bawat bagong bagay na lumalabas sa merkado. Pero ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nagpapadikta sa sanlibutan ni Satanas. (1 Juan 2:15-17) Para naman sa mga retirado na, mayroon pa bang mas mabuting paraan ng paggamit ng kanilang panahon kaysa sa pagpapayunir at pag-una sa paglilingkod kay Jehova?

17 Maaaring tanungin ng lahat ng nakaalay na lingkod ni Jehova ang kanilang sarili: Ano ang pangunahing tunguhin ko sa buhay? Inuuna ko ba ang mga interes ng Kaharian? Tinutularan ko ba ang mapagsakripisyong saloobin ni Jesus? Sinusunod ko ba ang payo ni Jesus na patuloy siyang sundan? Maisasaayos ko ba ang iskedyul ko para makagugol ng mas maraming panahon sa pangangaral ng Kaharian o sa iba pang teokratikong mga gawain? Kahit hindi ipinahihintulot ng aking kasalukuyang kalagayan na mapalawak ko ang aking paglilingkod, patuloy ba akong naglilinang ng mapagsakripisyong saloobin?

“LOOBIN AT IKILOS”

18, 19. Ano ang maaari mong ipanalangin, at bakit kalugud-lugod kay Jehova ang gayong kahilingan?

18 Nakagagalak makita ang sigasig ng bayan ng Diyos. Pero may ilan na walang pagnanais na magpayunir o nakadaramang hindi sila kuwalipikado​—kahit nasa kalagayan silang magpayunir. (Ex. 4:10; Jer. 1:6) Paano kung gayon? Maaari kaya nila itong ipanalangin? Oo naman. Sinabi ni Pablo sa mga kapananampalataya niya na si Jehova “ang isa na alang-alang sa kaniyang ikinalulugod ay kumikilos sa loob ninyo upang kapuwa ninyo loobin at ikilos.” (Fil. 2:13) Kung wala kang pagnanais na palawakin ang iyong ministeryo, hilingin kay Jehova na bigyan ka ng pagnanais at ng kakayahang gawin iyon.​—2 Ped. 3:9, 11.

19 Sina Noe, Moises, Jeremias, Pablo, at Jesus ay mga lalaking may debosyon sa Diyos. Ginamit nila ang kanilang panahon at lakas para ipahayag ang babalang mensahe ni Jehova. Hindi sila nagpagambala. Malapit na ang wakas ng kasalukuyang sistema ng mga bagay. Kaya naman, para sa atin na nag-alay sa Diyos, kailangang tiyakin natin na ginagawa natin ang ating buong makakaya para matularan ang mahuhusay na halimbawang ito sa Bibliya. (Mat. 24:42; 2 Tim. 2:15) Sa paggawa nito, mapalulugdan natin si Jehova at tatanggapin natin ang kaniyang saganang pagpapala.​—Basahin ang Malakias 3:10.

[Talababa]

^ par. 9 Tingnan ang Mensahe ng Diyos sa Atin sa Pamamagitan ni Jeremias, pahina 104-106.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 21]

Hindi nagbigay-pansin ang mga tao sa babala ni Noe

[Larawan sa pahina 24]

Napag-isipan mo na bang mabuti ang pagpapayunir?