Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“May Gantimpala Para sa Inyong mga Gawa”

“May Gantimpala Para sa Inyong mga Gawa”

NASA unahan ng kaniyang hukbo si Haring Asa. Kumakaripas siya pababa mula sa bulubunduking lupain ng Juda patungo sa malalim na libis sa may baybaying kapatagan. Sa malapad na bahagi ng libis, napahinto si Asa at nagulat. Nakita niya sa gawing ibaba ang kampo ng mga kaaway​—isang napakalaking hukbo! Isang milyon ang mga kawal na Etiope. Mahigit kalahati lang ng bilang na iyon ang hukbo ni Asa.

Sa harap ng napipintong digmaan, ano kaya ang pangunahing naglalaro sa isip ni Asa? Mga utos sa kaniyang mga heneral? Pampatibay-loob sa kaniyang mga kawal? Liham para sa kaniyang pamilya? Hinding-hindi! Sa harap ng krisis na iyon, nanalangin si Asa.

Bago natin repasuhin ang kaniyang panalangin at kung ano ang nangyari sa pagkakataong iyon, isaalang-alang natin kung anong uri ng tao si Asa. Bakit gayon ang ikinilos niya? Talaga bang makaaasa siya sa tulong ng Diyos? Ano ang itinuturo sa atin ng ulat na ito hinggil sa pagpapala ni Jehova sa gawa ng Kaniyang mga lingkod?

ANG REKORD NI ASA

Sa loob ng 20 taon mula nang mahati ang Israel sa dalawang kaharian, ang Juda ay lubusang pinasamâ ng mga paganong gawain. Nang maging hari si Asa noong 977 B.C.E., pati ang maharlikang korte ay nabahiran na ng pagsamba sa mga diyos ng pag-aanak ng mga Canaanita. Pero sinasabi ng kinasihang ulat tungkol sa paghahari ni Asa: “Gumawa [siya] ng mabuti at tama sa paningin ni Jehova na kaniyang Diyos. . . . Inalis niya ang mga banyagang altar at ang matataas na dako at pinagdurug-durog ang mga sagradong haligi at pinagpuputol ang mga sagradong poste.” (2 Cro. 14:2, 3) Inalis din ni Asa mula sa kaharian ng Juda ang “mga lalaking patutot sa templo,” na nagsasagawa ng sodomiya sa ngalan ng relihiyon. Pero hindi lang paglilinis ang ginawa ni Asa. Hinimok din niya ang bayan na “hanapin si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno” at sundin ang “kautusan at ang utos” ng Diyos.​—1 Hari 15:12, 13; 2 Cro. 14:4.

Nalugod si Jehova sa sigasig ni Asa para sa tunay na pagsamba kung kaya pinagpala Niya siya ng kapayapaan sa loob ng maraming taon. Dahil dito, masasabi ng hari: “Hinanap natin si Jehova na ating Diyos. Naghanap tayo, at binibigyan niya tayo ng kapahingahan sa buong palibot.” Sinamantala ng bayan ang sitwasyong ito para patibayin ang mga lunsod ng kaharian ng Juda. “Sila ay nagtayo at naging matagumpay,” ang ulat ng Bibliya.​—2 Cro. 14:1, 6, 7.

SA DIGMAAN

Kung pagbabatayan ang rekord ni Asa, hindi kataka-takang nanalangin siya nang mapaharap sa pinakamalaking hukbo ng tao na napaulat sa Kasulatan. Alam ni Asa na ginagantimpalaan ng Diyos ang mga gawa ng pananampalataya. Sa kaniyang panalangin, namanhik si Asa kay Jehova na tulungan sila. Alam niya na kung magtitiwala siya sa Diyos at tatanggap ng tulong Niya, magtatagumpay sila gaanuman karami o kalakas ang kaaway. Sangkot ang pangalan ni Jehova sa digmaang iyon, kaya nagsumamo siya sa Diyos: “Tulungan mo kami, O Jehova na aming Diyos, sapagkat sa iyo kami sumasandig, at sa iyong pangalan kami pumarito laban sa pulutong na ito. O Jehova, ikaw ang aming Diyos. Huwag mong pagtaglayin ng lakas ang taong mortal laban sa iyo.” (2 Cro. 14:11) Para bang sinasabi niya: ‘Diyos na Jehova, ang paglusob ng mga Etiope ay isang pagsalakay sa iyo. Huwag po ninyong payagan na malapastangan ang inyong pangalan sa pagpapahintulot na matalo ang mga nagdadala ng inyong pangalan.’ Kaya “tinalo ni Jehova ang mga Etiope sa harap ni Asa at sa harap ng Juda, at tumakas ang mga Etiope.”​—2 Cro. 14:12.

Sa ngayon, napapaharap ang bayan ng Diyos sa maraming makapangyarihang kaaway. Hindi tayo literal na nakikipaglaban sa kanila gamit ang pisikal na mga sandata. Pero makatitiyak tayo na gagantimpalaan ni Jehova ng tagumpay ang lahat ng tapat na lingkod niya sa kanilang espirituwal na pakikipagdigma alang-alang sa kaniyang pangalan. Maaaring kasama sa ating personal na pakikipagbaka ang pakikipagpunyagi laban sa bumababang moralidad at sa ating mga kahinaan, o ang pagsisikap na protektahan ang ating pamilya sa maruruming impluwensiya. Pero anuman ang hamon na napapaharap sa atin, mapatitibay tayo ng panalangin ni Asa. Ang tagumpay niya ay tagumpay ni Jehova. Ipinakikita nito kung ano ang maaasahan ng lahat ng nananalig sa Diyos. Walang kapangyarihan ng tao ang makapapantay sa lakas ni Jehova.

PAMPATIBAY-LOOB AT ISANG BABALA

Pagbalik ni Asa mula sa pakikipagdigma, kinausap siya ni Azarias. Ang propetang ito ay nagbigay ng pampatibay-loob at isang babala: “Dinggin ninyo ako, O Asa at buong Juda at Benjamin! Si Jehova ay sumasainyo hangga’t kayo ay sumasakaniya; at kung hahanapin ninyo siya, hahayaan niyang siya ay masumpungan ninyo, ngunit kung iiwan ninyo siya ay iiwan niya kayo. . . . Magpakalakas-loob kayo at huwag ninyong ilaylay ang inyong mga kamay, sapagkat may gantimpala para sa inyong mga gawa.”​—2 Cro. 15:1, 2, 7.

Nakapagpapatibay ng pananampalataya ang pananalitang ito. Ipinakikita nito na sasaatin si Jehova hangga’t naglilingkod tayo nang tapat sa kaniya. Kapag humingi tayo ng tulong sa kaniya, diringgin niya tayo. “Magpakalakas-loob kayo,” ang sabi ni Azarias. Kadalasan nang kailangan ang lakas ng loob para gawin ang tama, pero alam natin na magagawa natin ito sa tulong ni Jehova.

Ang lola ni Asa na si Maaca ay gumawa ng “isang kakila-kilabot na idolo sa sagradong poste.” Napaharap si Asa sa isang mabigat na pagpapasiya​—ang pagpapaalis sa kaniyang lola sa posisyon nito bilang “ginang.” Pero ginawa ito ni Asa at sinunog din niya ang idolo ng kaniyang lola. (1 Hari 15:13) Pinagpala si Asa dahil sa kaniyang determinasyon at lakas ng loob. Dapat din tayong mangunyapit kay Jehova at sa kaniyang matuwid na mga pamantayan, tapat man sa Diyos ang mga kamag-anak natin o hindi. Sa gayon, gagantimpalaan ni Jehova ang ating matapat na pagkilos.

Naging gantimpala rin kay Asa na makitang dumaragsa sa Juda ang maraming Israelita mula sa apostatang hilagang kaharian dahil nakita ng mga ito na sumasakaniya si Jehova. Gayon na lang ang pagpapahalaga ng mga ito sa dalisay na pagsamba kung kaya pinili nilang iwan ang kanilang mga tahanan para mamuhay kasama ng mga lingkod ni Jehova. Pagkatapos nito, si Asa at ang buong Juda ay may-kagalakang pumasok sa ‘isang tipan upang hanapin si Jehova nang kanilang buong puso at kaluluwa.’ Ang resulta? “Hinayaan [ng Diyos na] siya ay masumpungan nila; at si Jehova ay patuloy na nagbigay sa kanila ng kapahingahan sa buong palibot.” (2 Cro. 15:9-15) Nagagalak din tayo kapag tinatanggap ng mga umiibig sa katuwiran ang dalisay na pagsamba kay Jehova!

Pero may kalakip na babala ang mga salita ni propeta Azarias: “Kung iiwan ninyo [si Jehova] ay iiwan niya kayo.” Huwag sanang mangyari iyan sa atin! Masaklap ang kahihinatnan nito. (2 Ped. 2:20-22) Hindi isinisiwalat ng Kasulatan kung bakit nagpadala si Jehova ng ganitong babala kay Asa, pero hindi ito pinakinggan ng hari.

“IKAW AY KUMILOS NANG MAY KAMANGMANGAN”

Noong ika-36 na taon ng paghahari ni Asa, nagsimulang kumilos si Haring Baasa ng Israel laban sa Juda. Marahil para pigilan ang kaniyang mga sakop sa pagpanig kay Asa at sa dalisay na pagsamba, pinatibay ni Baasa ang hanggahang lunsod ng Rama, na walong kilometro sa hilaga ng Jerusalem. Sa halip na umasa sa Diyos gaya ng ginawa niya noong sasalakayin sila ng mga Etiope, sa tao siya humingi ng tulong. Nagpadala siya ng kaloob sa hari ng Sirya, at hiniling dito na salakayin ang hilagang kaharian ng Israel. Pagkatapos ng ilang pagsalakay ng mga Siryano, iniwan ni Baasa ang Rama.​—2 Cro. 16:1-5.

Hindi nalugod si Jehova kay Asa. Kaya isinugo Niya si propeta Hanani para sabihin ito kay Asa. Yamang alam ni Asa kung paano nakitungo ang Diyos sa mga Etiope, dapat sana’y alam na niya na ang “mga mata [ni Jehova] ay lumilibot sa buong lupa upang ipakita ang kaniyang lakas alang-alang sa mga may pusong sakdal sa kaniya.” Marahil ay may nagbigay ng maling payo kay Asa. O baka naman iniisip niyang hindi malaking banta si Baasa at ang hukbo nito, at na kayang-kaya niyang harapin ang sitwasyon. Anuman ang dahilan, nanalig si Asa sa makalamang pangangatuwiran sa halip na kay Jehova. “Ikaw ay kumilos nang may kamangmangan may kaugnayan dito,” ang sabi ni Hanani, “sapagkat mula ngayon ay magkakaroon ng mga digmaan laban sa iyo.”​—2 Cro. 16:7-9.

Minasama ito ni Asa. Sa tindi ng kaniyang galit, ipinatapon niya sa pangawan si propeta Hanani. (2 Cro. 16:10) Baka nangatuwiran si Asa, ‘Pagkatapos kong maging tapat nang maraming taon, sasawayin ako?’ Ngayong may-edad na siya, pumurol na kaya ang kaniyang pangangatuwiran? Hindi sinasabi ng Bibliya.

Noong ika-39 na taon ng kaniyang paghahari, lubhang humina ang kalusugan ni Asa dulot ng sakit sa kaniyang mga paa. “Maging sa kaniyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap si Jehova kundi ang mga tagapagpagaling,” ang sabi ng ulat. Nang panahong iyon, waring naging pabaya na si Asa sa kaniyang espirituwalidad. Lumilitaw na namatay siya sa gayong kondisyon at disposisyon noong ika-41 taon ng kaniyang pamamahala.​—2 Cro. 16:12-14.

Sa kabila nito, ang mabubuting katangian ni Asa at ang kaniyang sigasig sa dalisay na pagsamba ay mas matimbang kaysa sa kaniyang mga kamalian. Hindi siya huminto sa paglilingkod kay Jehova. (1 Hari 15:14) Kung gayon, ano ang matututuhan natin sa naging buhay ni Asa? Itinuturo nito sa atin na dapat nating bulay-bulayin kung paano tayo tinulungan ni Jehova noon. Ang gayong mahahalagang alaala ay magpapakilos sa atin na manalangin ukol sa kaniyang tulong kapag napapaharap tayo sa bagong mga pagsubok. Bukod diyan, hindi natin dapat isipin na hindi na tayo nangangailangan ng payo mula sa Kasulatan dahil maraming taon na tayong tapat na naglilingkod sa Diyos. Anuman ang ating rekord, sasawayin tayo ni Jehova kapag nagkasala tayo. Makikinabang tayo kung tatanggapin natin nang mahinahon ang gayong pagtutuwid. Higit sa lahat, sasaatin ang ating makalangit na Ama hangga’t tayo ay sumasakaniya. Hinahanap ng mga mata ni Jehova ang mga tapat sa kaniya sa buong lupa. Ginagantimpalaan niya sila sa pamamagitan ng paggamit ng kaniyang lakas alang-alang sa kanila. Ginawa ito ni Jehova para kay Asa, at magagawa rin Niya ito para sa atin.

[Blurb sa pahina 9]

Gagantimpalaan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod na may espirituwal na pakikipagdigma

[Blurb sa pahina 10]

Kailangan ang lakas ng loob para magawa ang tama sa paningin ni Jehova