Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Parangalan ang Dakilang Pangalan ni Jehova

Parangalan ang Dakilang Pangalan ni Jehova

“Luluwalhatiin ko ang iyong pangalan hanggang sa panahong walang takda.”—AWIT 86:12.

1, 2. Di-tulad ng mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan, ano ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa pangalan ng Diyos?

KARAMIHAN ng relihiyon sa Sangkakristiyanuhan ay hindi gumagamit ng pangalan ng Diyos. Halimbawa, ganito ang mababasa sa paunang salita ng Revised Standard Version: “Ang paggamit ng anumang pangalang pantangi para sa iisa at tanging Diyos, [ay] hindi . . . angkop sa pangkalahatang pananampalataya ng Simbahang Kristiyano.”

2 Sa kabaligtaran, ipinagmamalaki ng mga Saksi ni Jehova na tawagin sila sa pangalan ng Diyos at luwalhatiin ito. (Basahin ang Awit 86:12; Isaias 43:10.) Bukod diyan, pribilehiyo nating maunawaan ang kahulugan ng pangalang iyon at ang pansansinukob na usapin tungkol sa pagpapabanal dito. (Mat. 6:9) Iyan ay pribilehiyong dapat nating pahalagahan. Kaya naman, talakayin natin ang tatlong mahahalagang tanong: Ano ang ibig sabihin ng pagkilala sa pangalan ng Diyos? Paano ipinakita ni Jehova na karapat-dapat siya sa kaniyang dakilang pangalan? At paano tayo lalakad sa pangalan ni Jehova?

KUNG ANO ANG IBIG SABIHIN NG PAGKILALA SA PANGALAN NG DIYOS

3. Ano ang ibig sabihin ng pagkilala sa pangalan ng Diyos?

3 Hindi sapat na alam natin ang pangalang “Jehova” para masabing kilala natin ang Diyos. Kailangang alam natin ang reputasyon ni Jehova, pati na ang kaniyang mga katangian, layunin, at mga gawaing isinisiwalat ng Bibliya, gaya ng pakikitungo niya sa kaniyang mga lingkod. Siyempre pa, unti-unting ipinababatid ni Jehova ang mga ito, kasuwato ng kaniyang layunin. (Kaw. 4:18) Alam nating isiniwalat ni Jehova ang kaniyang pangalan sa unang mag-asawa dahil ginamit ito ni Eva matapos niyang isilang si Cain. (Gen. 4:1) Alam ng tapat na mga patriyarkang sina Noe, Abraham, Isaac, at Jacob ang pangalan ng Diyos. Lalo nila itong napahalagahan nang maranasan  nila ang pagpapala at pangangalaga ni Jehova, at nang ipaalam niya sa kanila ang layunin niya. Nang maglaon, isiniwalat ng Diyos kay Moises ang natatanging kahulugan ng Kaniyang pangalan.

Alam ni Moises ang kahulugan ng pangalan ng Diyos, at iyan ang nagpatibay ng pananampalataya niya

4. Bakit nagtanong si Moises tungkol sa pangalan ng Diyos? Bakit natural lang na mabahala si Moises?

4 Basahin ang Exodo 3:10-15. Nang 80 anyos na si Moises, inutusan siya ng Diyos: “Ilabas mo mula sa Ehipto ang aking bayan na mga anak ni Israel.” Magalang na tumugon si Moises, anupat sa diwa ay itinanong niya: ‘Ano po ang pangalan ninyo’? Yamang matagal nang alam ng mga tao ang pangalan ng Diyos, bakit itinanong pa ito ni Moises? Lumilitaw na gusto niyang malaman kung anong uri ng Diyos si Jehova. Gusto niyang makumbinsi ang mga Israelita na talagang ililigtas sila ng Diyos. Natural lang na mabahala si Moises dahil matagal nang inaalipin ang mga Israelita. Malamang na pinag-aalinlangan nila kung makakaya silang iligtas ng Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa katunayan, may mga Israelita na nagsimula nang sumamba sa mga diyos ng Ehipto!—Ezek. 20:7, 8.

5. Ano ang isiniwalat ni Jehova kay Moises tungkol sa Kaniyang pangalan?

5 Paano sinagot ni Jehova si Moises? Sinabi niya: “Ito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Isinugo ako sa inyo ni AKO AY MAGIGING GAYON.’” * Idinagdag pa niya: “Isinugo ako sa inyo ni Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno.” Isiniwalat ng Diyos na siya ay magiging anuman na kinakailangan para matupad ang kaniyang layunin, anupat lagi niyang tutuparin ang kaniyang pangako. Kaya sa talata 15, sinabi mismo ni Jehova: “Ito ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda, at ito ang pinakaalaala sa akin sa sali’t salinlahi.” Tiyak na napahanga si Moises at tumibay ang kaniyang pananampalataya!

PINATUNAYAN NI JEHOVA NA KARAPAT-DAPAT SIYA SA KANIYANG PANGALAN

6, 7. Paano lubusang pinatunayan ni Jehova na karapat-dapat siya sa kaniyang dakilang pangalan?

6 Di-nagtagal matapos niyang atasan si Moises, lubusang pinatunayan ni Jehova na karapat-dapat siya sa kaniyang pangalan nang maging Tagapagligtas siya ng Israel. Pinarusahan niya ang Ehipto nang magpasapit siya ng sampung mapaminsalang salot at ipinakita niyang inutil si Paraon at ang iba pang mga diyos ng Ehipto. (Ex. 12:12) Pagkatapos, hinati ni Jehova ang Dagat na Pula, pinatawid dito ang Israel, at nilunod si Paraon at ang hukbong militar nito. (Awit 136:13-15) Sa ‘malaki at kakila-kilabot na ilang,’ si Jehova ay naging Tagapag-ingat ng buhay sa pamamagitan ng paglalaan ng pagkain at tubig sa kaniyang bayan, na marahil ay binubuo ng  dalawa hanggang tatlong milyon katao, o higit pa! Kahit ang mga kasuutan at sandalyas nila ay hindi naluma. (Deut. 1:19; 29:5) Oo, walang makahahadlang kay Jehova sa pagtupad sa kaniyang mga pangako. Nang maglaon, sinabi niya kay Isaias: “Ako—ako ay si Jehova, at bukod pa sa akin ay walang tagapagligtas.”—Isa. 43:11.

7 Nasaksihan din ng kahalili ni Moises na si Josue ang kagila-gilalas na mga gawa ni Jehova sa Ehipto at sa ilang. Kaya noong malapit nang mamatay si Josue, lakas-loob niyang nasabi sa kaniyang mga kapuwa Israelita: “Nalalaman ninyong lubos ng inyong buong puso at ng inyong buong kaluluwa na walang isa mang salita sa lahat ng mabubuting salita na sinalita sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Jos. 23:14) Tinupad ni Jehova ang lahat ng ipinangako niya.

8. Paano pinatunayan ni Jehova sa ngayon na karapat-dapat siya sa kaniyang pangalan?

8 Tinutupad din sa ngayon ni Jehova ang kaniyang ipinangako. Sa pamamagitan ng kaniyang Anak, inihula niya na sa mga huling araw, ang mensahe ng Kaharian ay ipangangaral sa “buong tinatahanang lupa.” (Mat. 24:14) Maliban sa Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, may iba pa bang makahuhula tungkol sa gayong gawain, titiyak na magaganap ito, at gagamit ng maraming “taong walang pinag-aralan at pangkaraniwan” para isakatuparan ito? (Gawa 4:13) Kaya naman, kapag nakikibahagi tayo sa gawaing ito, aktuwal tayong nakikibahagi sa katuparan ng hulang ito sa Bibliya. Pinararangalan natin ang ating Ama at ipinakikita na dinidibdib natin ang panalangin: “Pakabanalin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mat. 6:9, 10.

DAKILA ANG KANIYANG PANGALAN

Hindi kinilala ni Paraon si Jehova bilang Diyos

9, 10. Ano pa ang matututuhan natin kay Jehova sa kaniyang pakikitungo sa mga Israelita?

9 Di-nagtagal matapos ang Pag-alis ng mga Israelita sa Ehipto, nagkaroon ng bagong kaugnayan si Jehova sa kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng tipang Kautusan, siya ay naging “asawang nagmamay-ari” sa kanila, anupat kusang-loob na binalikat ang mga pananagutang kaakibat nito. (Jer. 3:14) Ang mga Israelita naman ay naging kaniyang makasagisag na asawa, ang bayang tinatawag sa pangalan niya. (Isa. 54:5, 6) Kung susundin nila ang kaniyang mga kautusan, siya’y magiging sakdal na ‘Asawa’ para sa kanila, anupat pagpapalain sila, ipagsasanggalang, at bibigyan ng kapayapaan. (Bil. 6:22-27) Sa gayon, ang dakilang pangalan ni Jehova ay maluluwalhati sa gitna ng mga bansa. (Basahin ang Deuteronomio 4:5-8; Awit 86:7-10.) Sa katunayan, noong ang Israel ay bayan pa ng Diyos, maraming banyaga ang naakit sa tunay na pagsamba. Parang sinabi nila ang sinabi ng  Moabitang si Ruth kay Noemi: “Ang iyong bayan ay magiging aking bayan.”—Ruth 1:16.

10 Sa loob ng mga 1,500 taon, isiniwalat ni Jehova ang maraming aspekto ng kaniyang personalidad sa pakikitungo niya sa Israel. Sa kabila ng paulit-ulit na pagrerebelde ng bayan, pinatunayan ni Jehova na isa siyang “Diyos na maawain” at “mabagal sa pagkagalit.” Nagpakita siya ng napakahabang pagtitiis sa kanila. (Ex. 34:5-7) Pero umabot ito sa sukdulan nang itakwil at ipapatay ng bansang Judio ang kaniyang Anak. (Mat. 23:37, 38) Hindi na sila maaaring tawagin sa pangalan ng Diyos. Sa pangmalas ni Jehova, sila ay naging patay sa espirituwal, tulad ng tuyot na punungkahoy. (Luc. 23:31) Paano ito nakaapekto sa saloobin nila sa pangalan ng Diyos?

11. Bakit hindi na ginamit ng bansang Judio ang pangalan ni Jehova?

11 Sa paglipas ng panahon, ang mga Israelita ay nagkaroon ng pamahiin tungkol sa pangalan ng Diyos. Inisip nilang napakabanal nito at hindi dapat bigkasin. (Ex. 20:7) Kaya dumating sa punto na hindi na nila ginamit ang pangalan ng Diyos. Walang-alinlangang nasaktan si Jehova sa paglapastangang ito sa kaniyang pangalan. (Awit 78:40, 41) Tiyak na hindi papayag ang Diyos, “na ang pangalan ay Mapanibughuin,” na patuloy na gamitin ng isang bayang mapaghimagsik ang kaniyang pangalan. (Ex. 34:14) Itinuturo nito na napakahalagang igalang natin ang pangalan ng ating Maylalang.

ISANG BAGONG BAYAN NA TINATAWAG SA PANGALAN NG DIYOS

12. Sino ang naging bayang tinatawag sa pangalan ng Diyos?

12 Sa pamamagitan ni Jeremias, isiniwalat ni Jehova ang kaniyang layunin na magtatag ng “isang bagong tipan” sa isang bagong bansa, ang espirituwal na Israel. Lahat ng miyembro nito, “mula sa pinakamababa sa kanila at maging hanggang sa pinakadakila sa kanila,” ay ‘makakakilala kay Jehova.’ (Jer. 31:31, 33, 34) Nagsimulang matupad ang hulang iyan noong Pentecostes 33 C.E. Itinatag ng Diyos ang bagong tipan. Ang bagong bansang iyon, ang “Israel ng Diyos,” na kinabibilangan ng mga Judio at di-Judio, ay naging ‘isang bayan ukol sa pangalan ng Diyos.’ Sila ay “mga taong tinatawag ayon sa aking pangalan,” ang sabi ni Jehova.—Gal. 6:16; basahin ang Gawa 15:14-17; Mat. 21:43.

13. (a) Ginamit ba ng unang mga Kristiyano ang pangalan ng Diyos? Ipaliwanag. (b) Ano ang saloobin mo sa paggamit sa pangalan ni Jehova sa iyong ministeryo?

13 Bilang ‘mga taong tinatawag ayon sa pangalan ng Diyos,’ ginagamit ng mga miyembro ng espirituwal na bansang iyon ang banal na pangalan, lalo na kapag sumisipi sa Hebreong Kasulatan. * Kaya nang magpahayag si apostol Pedro sa malaking grupo ng mga Judio at proselita noong Pentecostes 33 C.E., ginamit niya ang pangalan ng Diyos nang maraming ulit. (Gawa 2:14, 20, 21, 25, 34) Pinarangalan ng unang mga Kristiyano si Jehova kaya pinagpala niya ang kanilang pangangaral. Sa katulad na paraan, pinagpapala ni Jehova ang ating ministeryo kapag ipinahahayag natin sa iba ang kaniyang pangalan at ipinakikita ito mula sa kanilang kopya ng Bibliya, hangga’t maaari. Isang karangalan na maipakilala ang tunay na Diyos sa ganitong paraan! Para sa mga interesado, maaaring ito ang pasimula ng isang matibay at habambuhay na pakikipagkaibigan kay Jehova.

14, 15. Sa kabila ng paglaganap ng apostasya, paano iningatan ni Jehova ang kaniyang pangalan?

14 Nang maglaon, lalo na pagkamatay ng mga apostol, nagsimulang lumaganap sa kongregasyong Kristiyano ang apostasya. (2 Tes. 2:3-7) Itinaguyod pa nga ng mga bulaang guro ang tradisyong Judio na di-paggamit sa pangalan ng Diyos. Pero hahayaan kaya ni Jehova na tuluyang makalimutan ang kaniyang  pangalan? Hinding-hindi! Bagaman hindi matiyak kung ano ang eksaktong bigkas dito, nananatili ang pangalang ito. Sa loob ng daan-daang taon, lumitaw ito sa iba’t ibang salin ng Bibliya, pati na sa mga akda ng mga iskolar ng Bibliya. Halimbawa, noong 1757, isinulat ni Charles Peters na kung ihahambing sa maraming titulo ng Diyos, ang “Jehova” ang “waring pinakamagandang paglalarawan sa kaniya.” Sa isang aklat tungkol sa pagsamba sa Diyos noong 1797, ganito sinimulan ni Hopton Haynes ang kabanata 7: “JEHOVA ang pangalang pantangi ng DIYOS na kinikilala ng mga Judio; na tangi nilang sinasamba; gaya rin ng ginawa ni Kristo at ng kaniyang mga Apostol.” Hindi lang ginamit ni Henry Grew (1781-1862) ang pangalan ng Diyos, kundi kinilala rin niya na nilapastangan ito at kailangang pabanalin. Ginamit din ni George Storrs (1796-1879), malapít na kasamahan ni Charles T. Russell, ang pangalan ng Diyos, gaya ng ginawa ni Russell.

15 Napakahalaga ng taóng 1931 dahil noon tinanggap ng International Bible Students (gaya ng tawag noon sa bayan ng Diyos) ang maka-Kasulatang pangalan na Mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Sa gayon, inihayag nila sa buong daigdig na ipinagmamalaki nilang maging mga lingkod ng tanging tunay na Diyos, “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan,” na pumupuri sa pangalang iyon. (Gawa 15:14) Ipinaaalaala sa atin ng mga pangyayaring ito ang sinabi ni Jehova sa Malakias 1:11: “Mula sa sikatan ng araw hanggang sa lubugan nito ay magiging dakila ang aking pangalan sa gitna ng mga bansa.”

LUMAKAD SA PANGALAN NI JEHOVA

16. Bakit natin dapat ituring na isang karangalan na lumakad sa pangalan ni Jehova?

16 Isinulat ng propetang si Mikas: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mik. 4:5) Hindi lang isang malaking karangalan para sa mga Estudyante ng Bibliya na matawag sa pangalan ng Diyos. Isa rin itong nakapagpapatibay na indikasyon na taglay nila ang pagsang-ayon niya. (Basahin ang Malakias 3:16-18.) Kumusta ka naman? Sinisikap mo bang ‘lumakad sa pangalan ni Jehova’? Nauunawaan mo ba ang ibig sabihin niyan?

17. Ano ang nasasangkot sa paglakad sa pangalan ng Diyos?

17 Tatlong bagay ang nasasangkot sa paglakad sa pangalan ng Diyos. Una, dapat nating ipaalam sa iba ang pangalang iyan, dahil tanging ang mga “tumatawag sa pangalan ni Jehova [ang] maliligtas.” (Roma 10:13) Ikalawa, kailangan nating tularan ang mga katangian ng Diyos, lalo na ang kaniyang pag-ibig. (1 Juan 4:8) At ikatlo, lumalakad tayo sa pangalan ng Diyos kapag sinusunod natin ang kaniyang matuwid na mga pamantayan, anupat iniiwasang magdulot ng upasala sa kaniyang pangalan. (1 Juan 5:3) Determinado ka bang ‘lumakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda’?

18. Bakit makaaasa ng magandang kinabukasan ang lahat ng nagpaparangal sa dakilang pangalan ni Jehova?

18 Di-magtatagal, ang mga nagwawalang-bahala o lumalapastangan kay Jehova ay mapipilitang kumilala sa kaniya. (Ezek. 38:23) Kasama sa mga ito ang mga taong gaya ni Paraon, na nagsabi: “Sino si Jehova, anupat susundin ko ang kaniyang tinig?” Talaga ngang nakilala niya kung sino si Jehova! (Ex. 5:1, 2; 9:16; 12:29) Sa kabaligtaran, kusang-loob nating kinikilala si Jehova. Ipinagmamalaki nating dalhin ang kaniyang pangalan at sundin siya. Kaya naman, makaaasa tayo ng magandang kinabukasan kapag natupad ang pangako sa Awit 9:10: “Yaong mga nakaaalam ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo, sapagkat tiyak na hindi mo iiwan yaong mga humahanap sa iyo, O Jehova.”

^ par. 5 Ang pangalan ng Diyos ay isang anyo ng pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging.” Kaya ang “Jehova” ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.”—Gen. 2:4.

^ par. 13 Ang tekstong Hebreo na ginamit ng unang mga Kristiyano ay naglalaman ng Tetragrammaton. Ipinakikita ng ebidensiya na gayon din ang unang mga kopya ng Septuagint, isang salin ng Hebreong Kasulatan sa wikang Griego.