Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TAMPOK NA PAKSA | BAKIT NANGYAYARI ANG MASASAMANG BAGAY SA MABUBUTING TAO?

Laganap ang Masasamang Bagay!

Laganap ang Masasamang Bagay!

Kilalang mapagmahal at mapagmalasakit si Smita, * isang 35-anyos na taga-Dhaka, Bangladesh. Masipag at masayahin siyang maybahay at gusto niyang tulungan ang iba na matuto tungkol sa Diyos. Gulát na gulát ang mga kapamilya at kaibigan niya nang biglang magkasakit si Smita at wala pang isang linggo ay namatay na!

Si James at ang kaniyang misis, parehong mahigit 30 anyos, ay mapagmahal ding gaya ni Smita. Minsan, dinalaw nila ang kanilang mga kaibigan sa West Coast ng Estados Unidos. Hindi na sila nakauwi sa New York. Namatay sila sa isang aksidente sa sasakyan, na labis na ipinagdalamhati ng mga mahal nila sa buhay at katrabaho.

Hindi mo na kailangang lumayo pa para makitang laganap ngayon ang kasamaan at pagdurusa. Kapuwa sibilyan at sundalo ay namamatay sa digmaan. Biktima ng krimen at karahasan ang inosenteng mga tao. Walang pinipili ang mga aksidente at malulubhang sakit. Binubura sa mapa ng mga kalamidad ang mga komunidad. Talamak ang diskriminasyon at kawalang katarungan. Marahil ay naging biktima ka na ng isa sa mga ito.

Natural lang na magtanong:

  • Bakit nangyayari ang masasamang bagay sa mabubuting tao?

  • Dapat bang isisi sa Diyos ang mga ito?

  • Nagkataon lang ba o gawang-tao ang mga kalamidad at trahedya?

  • Dahil kaya sa Karma, sa mga ginawa ng isa noon sa nakaraang buhay niya, kung kaya siya nagdurusa ngayon?

  • Kung may makapangyarihang Diyos, bakit hindi niya inilalayo sa panganib ang mabubuting tao?

  • Mawawala pa kaya ang kasamaan at pagdurusa?

Para masagot ang mga ito, kailangan nating malaman ang sagot sa dalawang tanong na ito: Bakit nangyayari ang masasamang bagay, at ano ang gagawin ng Diyos?

^ par. 3 Binago ang mga pangalan.