Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

 BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Sarili Ko Lang ang Iniisip Ko

Sarili Ko Lang ang Iniisip Ko
  • ISINILANG: 1951

  • BANSANG PINAGMULAN: GERMANY

  • DATING MAYABANG AT MAPAGSARILI

ANG AKING NAKARAAN:

Ang aming pamilya ay nakatira noon sa Leipzig, East Germany, malapit sa mga hangganan ng Czechoslovakia at Poland. Noong anim na taóng gulang ako, nangibang-bansa kami dahil sa trabaho ni Tatay—sa Brazil at pagkatapos ay sa Ecuador.

Sa edad na 14, pinag-aral ako ng mga magulang ko sa isang boarding school sa Germany. Dahil nasa Timog Amerika sila, ako lang ang nag-alaga sa sarili ko. Nasanay ako na hindi umaasa sa iba. Hindi ko iniintindi kung ano ang sasabihin ng iba tungkol sa paggawi ko.

Noong 17 anyos na ako, bumalik sa Germany ang aking mga magulang. Sa umpisa, tumira ako sa bahay nila. Pero dahil nasanay akong mamuhay nang mag-isa, nahirapan akong makisama sa kanila. Sa edad na 18, bumukod na ako.

Hindi ko alam kung ano ang gusto ko sa buhay. Pero pagkatapos obserbahan ang iba’t ibang istilo ng buhay ng mga tao at gawain ng mga organisasyon, nakumbinsi ako na pinakamabuting gamitin ang aking buhay sa pagpunta sa magagandang lugar bago pa ito sirain ng tao.

Umalis ako ng Germany, bumili ng motorsiklo, at nagbiyahe patungong Aprika. Pero di-nagtagal, bumalik ako sa Europa para ipakumpuni ang motorsiklo ko. Pagkatapos, napadpad ako sa isang dalampasigan sa Portugal. Inihinto ko ang pagmomotorsiklo at nagsimula naman akong maglayag.

Sumama ako sa isang grupo ng mga kabataang naghahandang maglayag para tawirin ang Karagatang Atlantiko. Noon ko nakilala si Laurie, ang napangasawa ko. Una, naglayag kami sa mga isla ng Caribbean. Pagkatapos ng maikling paglagi sa Puerto Rico, nagbalik kami sa Europa. Humanap kami ng isang sailboat na puwede naming gawing tirahan. Pero matapos ang tatlong-buwang paghahanap, nahinto ang aming proyekto. Tinawag ako na maglingkod sa militar sa Germany.

Naglingkod ako nang 15 buwan sa hukbong pandagat ng Germany. Nang panahong iyon, nagpakasal kami ni Laurie at nagplanong ipagpatuloy ang aming paglalakbay. Bago ako  pumasok sa militar, bumili kami ng kasko ng isang lifeboat. Unti-unti namin itong ginawang maliit na barkong pinatatakbo ng layag. Balak namin itong gawing tirahan at patuloy na maglakbay sa magagandang lugar. Nang panahong ito—pagkatapos ng paglilingkod ko sa militar at bago pa matapos ang barko—nakilala namin ang mga Saksi ni Jehova at nagsimula kaming mag-aral ng Bibliya.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:

Sa simula, parang wala naman akong masyadong kailangang baguhin sa buhay ko. Kasal na kami ni Laurie at inihinto ko na ang paninigarilyo. (Efeso 5:5) Tungkol naman sa plano naming maglakbay sa buong mundo, iniisip kong ang pagmamasid sa kamangha-manghang mga nilalang ng Diyos ay makabuluhang tunguhin.

Pero kailangan ko talagang magbago—lalo na sa aking personalidad. Dahil masyado akong mayabang at mapagsarili, bilib na bilib ako sa aking kakayahan at mga nagagawa. Sarili ko lang ang iniisip ko.

Isang araw, nabasa ko ang kilalang sermon ni Jesus—ang Sermon sa Bundok. (Mateo, kabanata 5-7) Noong una, hindi ko maintindihan ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagiging maligaya. Halimbawa, sinabi niya na maligaya ang mga nagugutom at nauuhaw. (Mateo 5:6) Naging palaisipan sa akin kung paanong ang isang tao na nangangailangan ay magiging maligaya. Habang nag-aaral, nalaman ko na lahat pala tayo ay may espirituwal na pangangailangan. Pero dapat na mapagpakumbaba nating kilalanin iyon para masapatan. Gaya ng sinabi ni Jesus: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.”Mateo 5:3.

Matapos masimulan sa Germany ang pag-aaral ng Bibliya, lumipat kami ni Laurie sa France at sumunod ay sa Italy. Saanman kami magpunta, may mga Saksi ni Jehova. Talagang hanga ako sa kanilang pagkakaisa at taimtim na pag-ibig sa isa’t isa. Ang mga Saksi ay talagang isang pangglobong kapatiran. (Juan 13:34, 35) Nang maglaon, kami ni Laurie ay nagpabautismo at patuloy kong binago ang aking personalidad.

Naglayag kami ni Laurie sa baybayin ng Aprika at pagkatapos ay tinawid namin ang Karagatang Atlantiko patungong Estados Unidos. Sa gitna ng karagatan, habang kaming dalawa lang sa aming maliit na barko, naisip ko kung gaano ako kaliit kumpara sa ating dakilang Maylalang. Dahil wala namang masyadong magawa sa gitna ng karagatan, marami akong panahon para magbasa ng Bibliya. Talagang naantig ako ng mga ulat tungkol sa buhay ni Jesus sa lupa. Dahil perpekto siya, may mga kakayahan siyang malayong-malayo kumpara sa kaya kong gawin, pero hinding-hindi niya itinanghal ang kaniyang sarili. Hindi niya inisip ang sarili niya kundi ang kaniyang Ama sa langit.

Nakita ko na kailangan kong unahin sa aking buhay ang Kaharian ng Diyos

Habang pinag-iisipan ko ang halimbawa ni Jesus, nakita ko na kailangan kong unahin sa aking buhay ang Kaharian ng Diyos sa halip na isingit lang ito sa iba’t ibang bagay na gusto kong gawin. (Mateo 6:33) Nang sa wakas ay dumaong kami ni Laurie sa Estados Unidos, nagpasiya kaming manirahan doon at magpokus sa aming paglilingkod sa Diyos.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG:

Dati, hindi ako sigurado sa mga desisyon ko sa buhay. Pero ngayon, nasumpungan ko ang karunungan na gagabay sa akin. (Isaias 48:17, 18) Nagkaroon din ng layunin ang buhay ko—ang sambahin ang Diyos at tulungan ang iba na makilala siya.

Lalong tumibay ang pagsasama namin ni Laurie dahil sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya. Pinagpala rin kami ng magandang anak na babae, na naglilingkod kay Jehova.

Hindi naman laging maganda ang aming buhay. Pero sa tulong ni Jehova, determinado kaming patuloy na maglingkod at magtiwala sa kaniya.Kawikaan 3:5, 6.