Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Inihanda ang mga Bansa Para sa “Turo ni Jehova”

Inihanda ang mga Bansa Para sa “Turo ni Jehova”

“Ang proconsul . . . ay naging mananampalataya, sapagkat lubha siyang namangha sa turo ni Jehova.”—GAWA 13:12.

1-3. Bakit hindi madali sa mga alagad ni Jesus ang pangangaral ng mabuting balita sa “lahat ng mga bansa”?

HINDI madali ang atas na ibinigay ni Jesu-Kristo sa mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” Sa paggawa nito, “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay [maipangangaral] sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mat. 24:14; 28:19.

2 Mahal ng mga alagad si Jesus at ang mabuting balita. Pero maaaring nag-iisip sila kung paano nila magagawa ang kanilang atas. Una sa lahat, kakaunti lang sila. Si Jesus, na sinasabi nilang Anak ng Diyos, ay pinatay. Sa tingin ng marami, sila ay “walang pinag-aralan at pangkaraniwan.” (Gawa 4:13) At ang kanilang mensahe ay salungat sa turo ng prominenteng mga lider ng relihiyon na arál sa sinaunang mga tradisyon. Sa sarili nilang bayan, ang mga alagad ay hinahamak. At kung ikukumpara sa napakalawak at makapangyarihang Imperyo ng Roma, ano ba naman ang bansang Israel?

3 Bukod diyan, binabalaan ni Jesus ang mga alagad niya na kapopootan sila at pag-uusigin at ang ilan ay papatayin. (Luc. 21:16, 17) Ipagkakanulo sila, babangon ang mga bulaang propeta, at lalago ang katampalasanan. (Mat. 24:10-12) At maganda man ang maging pagtugon sa kanilang mensahe sa lahat ng dako, paano nila maipalalaganap iyon “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa”? (Gawa 1:8) Parang imposibleng magawa nila ito!

4. Ano ang resulta ng pangangaral ng mga alagad noong unang siglo?

4 Anuman ang ikinabahala nila, ang mga alagad ay puspusang nangaral ng mabuting balita hindi lang sa Jerusalem at Samaria kundi pati sa iba pang mga bansa. Napaharap sila sa maraming hadlang, pero sa loob lang ng 30 taon, ang mabuting balita ay ‘naipangaral na sa lahat ng nilalang na nasa silong ng langit’ at “namumunga at lumalago sa buong sanlibutan.” (Col. 1:6, 23) Halimbawa, dahil sa mga sinabi at ginawa ni apostol Pablo sa pulo ng Ciprus, ang Romanong proconsul na si Sergio Paulo ay “naging mananampalataya, sapagkat lubha siyang namangha sa turo ni Jehova.”—Basahin ang Gawa 13:6-12.

5. (a) Ano ang ipinangako ni Jesus sa mga alagad niya? (b) Ano ang sinabi ng isang aklat sa kasaysayan tungkol sa unang siglo?

5 Alam ng mga alagad ni Jesus na hindi nila magagawa ang pangangaral sa sarili nilang kakayahan. Pero sinabi ni Jesus na aalalayan niya sila at tutulungan sila ng banal na espiritu. (Mat. 28:20) May mga kalagayan din noong panahong iyon na pabor sa pangangaral tungkol sa Kaharian. Ayon sa aklat na Evangelism in the Early Church, malamang na ang unang siglo A.D. ang pinakaangkop na yugto sa kasaysayan ng daigdig para simulan ng mga Kristiyano ang pangangaral. Ayon pa rito, sa tingin ng mga Kristiyano noong ikalawang siglo, ang Diyos ang naghanda ng daan para sa kanila.

6. Ano ang susuriin sa (a) artikulong ito? (b) sa susunod na artikulo?

6 Minaniobra ba ni Jehova ang mga pangyayari sa daigdig noong unang siglo para makapangaral nang malawakan ang mga Kristiyano? Hindi sinasabi ng Bibliya. Pero isang bagay ang tiyak: Gusto ni Jehova na maipangaral ang mabuting balita, pero ayaw ni Satanas. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang bagay na nakatulong para maging mas madali ang pangangaral noong unang siglo kumpara sa ibang yugto sa kasaysayan. Sa susunod na artikulo naman, tatalakayin ang mga pangyayari sa panahon natin na nakatutulong para maipangaral ang mabuting balita hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.

KAPAYAPAANG ROMANO

7. Ano ang Pax Romana, at bakit naiiba ang panahong iyon?

7 Nakinabang ang mga Kristiyano sa ilang kalagayan sa imperyo ng Roma noong unang siglo. Kunin nating halimbawa ang Pax Romana, o Kapayapaang Romano. Noong panahong iyon, napigilan ng pamahalaang Romano ang mga rebelyong bumabangon sa mga teritoryo nito. Kung minsan, mayroon ding “mga digmaan at mga ulat ng mga digmaan,” gaya ng inihula ni Jesus. (Mat. 24:6) Winasak ng mga hukbong Romano ang Jerusalem noong 70 C.E., at nagkaroon ng maliliit na labanan sa mga hangganan ng imperyo. Pero sa loob ng mga 200 taon mula noong panahon ni Jesus, halos walang labanan sa rehiyon ng Mediteraneo. Sinabi ng isang reperensiya: “Sa buong kasaysayan ng tao, noon lang nagkaroon ng ganoon kahabang panahon ng katiwasayan, at hindi na muling nagkaroon ng gayong kapayapaan sa napakaraming bayan.”

8. Paano nakinabang ang mga Kristiyano sa kapayapaang umiiral noong unang siglo?

8 Tungkol sa panahong iyon ng kapayapaan, isinulat ni Origen, isang teologo noong ikatlong siglo: “Malamang na hindi lalaganap ang turo ni Jesus sa buong daigdig kung maraming kaharian noon . . . dahil ang mga tao sa lahat ng dako ay mapipilitang magsundalo at makipaglaban para sa kanilang sariling lupain. . . . Paano magtatagumpay ang turong ito, na nagtataguyod ng kapayapaan at nagbabawal pa nga sa pagganti sa kaaway, malibang magbago ang sitwasyon ng daigdig at maging mas mapayapa ang mga kalagayan pagdating ni Jesus?” Pinag-usig ang mga tagapaghayag ng Kaharian sa mga lupaing sakop ng Roma, pero sila ay mapagpayapa at maliwanag na nakinabang sa kapayapaang umiiral noon.—Basahin ang Roma 12:18-21.

NAGING MAS MADALI ANG PAGLALAKBAY

9, 10. Bakit masasabing madali para sa mga alagad ang maglakbay noon sa Imperyo ng Roma?

9 Nakatulong sa mga Kristiyano ang maraming kalsadang ginawa ng mga Romano. Para mapanatiling kontrolado ang kanilang mga sakop, ang Roma ay may malakas at mahusay na hukbo. Para mabilis na makapaglakbay ang mga sundalo, kailangan ang maayos na kalsada, at sanay na sanay ang mga Romano sa paggawa nito. Ang mga inhinyerong Romano ay gumawa ng mahigit 80,000-kilometrong kalsada na nagkokonekta sa halos lahat ng probinsiya. Ang mga kalsadang ito ay dumaraan sa mga kagubatan, disyerto, at kabundukan.

10 Bukod sa kanilang mga kalsada, ginamit ng mga Romano ang 27,000-kilometrong ilog at kanal bilang ruta sa paglalakbay. Ang mga barkong Romano ay naglakbay sa mga 900 ruta sa karagatan na nagkokonekta sa daan-daang daungan. Kaya puwedeng maglakbay ang mga Kristiyano sa mga lupaing sakop ng Roma. Nagkaroon din ng mga problema, pero si apostol Pablo at ang iba pa ay nakapaglakbay sa buong imperyo nang hindi nangangailangan ng passport at visa. Wala pang immigration at customs noon. Takót sa parusa ng mga Romano ang mga kriminal, kaya medyo ligtas ang paglalakbay sa mga kalsada. Ligtas din ang paglalakbay sa dagat dahil maraming naglalayag na barkong militar ng Roma, na siyang nakapipigil sa mga pirata. Bagaman nawasak ang ilang barkong sinakyan ni Pablo at may mga panganib sa dagat, walang ulat sa Bibliya na sinalakay ng mga pirata ang mga barkong sinakyan niya.—2 Cor. 11:25, 26.

WIKANG GRIEGO

Naging mas madali ang paghahanap ng mga teksto dahil sa codex (Tingnan ang parapo 12)

11. Bakit ginamit ng mga alagad ang wikang Griego?

11 Ang wikang Griego ay nakatulong sa mahusay na komunikasyon at pagkakaisa ng mga kongregasyong Kristiyano. Maraming lugar na pinamamahalaan ng mga Romano ang dating nasakop ng Griegong tagapamahala na si Alejandrong Dakila. Kaya ang mga tao sa mga lupaing iyon ay nakapagsasalita ng isang uri ng Griego na tinatawag na Koine. Bilang resulta, puwedeng makapangaral doon ang mga alagad gamit ang wikang iyon. Bukod diyan, isinalin ng mga Judiong taga-Ehipto sa wikang Griego ang Hebreong Kasulatan. Pamilyar ang mga tao sa Septuagint version na ito, at maraming beses na sumipi mula rito ang mga unang tagasunod ni Kristo. Ginamit din ng mga manunulat ng Bibliya ang Griego sa pagsulat ng natitirang bahagi ng Kasulatan. Malawak ang bokabularyo ng wikang ito at marami itong termino na magagamit sa pagpapaliwanag ng espirituwal na mga bagay.

12. (a) Ano ang codex, at bakit mas madali itong gamitin kaysa sa balumbon? (b) Kailan malawakang ginamit ng mga Kristiyano ang codex?

12 Ano ang ginagamit ng mga Kristiyano noon sa pagtuturo ng Bibliya? Sa simula, mga balumbon ang gamit nila. Hindi ito madaling gamitin dahil kailangan pang irolyo, at karaniwan nang isang panig lang nito ang may sulat. Isang buong balumbon ang kailangan para lang sa Ebanghelyo ni Mateo! Pero naimbento ang codex—ang kauna-unahang uri ng aklat. Ito ay pinagtahi-tahing mga pahina. Ang codex ay nabubuklat kaya mabilis lang maghanap ng mga teksto. Hindi matiyak kung kailan sinimulang gamitin ng mga Kristiyano ang codex, pero ganito ang sabi ng isang reperensiya: “Napakaraming Kristiyano ang gumagamit ng codex noong ikalawang siglo kaya malamang na sinimulan itong gamitin bago pa ang A.D. 100.”

BATAS ROMANO

13, 14. (a) Paano ginamit ni Pablo ang kaniyang pagkamamamayang Romano? (b) Paano nakatulong sa mga Kristiyano ang batas Romano?

13 Ang batas Romano ay ipinatutupad sa buong imperyo, at ang mga mamamayang Romano ay binigyan ng mahahalagang karapatan at proteksiyon. Sa ilang pagkakataon, ginamit ni Pablo ang kaniyang pagkamamamayang Romano. Nang hahagupitin na siya sa Jerusalem, itinanong niya sa opisyal na Romano: “Matuwid bang hagupitin ninyo ang isang tao na isang Romano at hindi pa nahahatulan?” Ang sagot ay hindi. Nang sabihin ni Pablo na isa siyang mamamayang Romano mula pa sa pagsilang, “lumayo sa kaniya ang mga lalaki na magsisiyasat sana sa kaniya na may kasamang pagpapahirap; at ang kumandante ng militar ay natakot nang matiyak na siya ay isang Romano at na iginapos niya siya.”—Gawa 22:25-29.

14 Ang pagkamamamayan ni Pablo sa ilalim ng batas Romano ay nakaapekto sa naging pagtrato sa kaniya sa Filipos. (Gawa 16:35-40) Matapos pakalmahin ang galít na mga mang-uumog sa Efeso, sinabihan sila ng tagapagtala ng lunsod na labag sa batas ng Roma ang ginagawa nila. (Gawa 19:35-41) Ang pag-apela ni Pablo sa Cesarea ang naging daan para maipagtanggol niya ang kaniyang pananampalataya sa harap ni Cesar. (Gawa 25:8-12) Kaya naman dahil sa batas Romano, naging posibleng ‘ipagtanggol at legal na itatag ang mabuting balita.’—Fil. 1:7.

PANGANGALAT NG MGA JUDIO

15. Saan naninirahan ang maraming Judio noong unang siglo?

15 Maaaring naging mas madali rin ang pangangaral ng mga Kristiyano noong unang siglo dahil may komunidad ng mga Judio sa mga lupaing sakop ng Roma. Ilang siglo bago nito, ang mga Judio ay ipinatapon ng mga Asiryano, at nang maglaon ng mga Babilonyo, mula sa kanilang lupain. Noon pa mang ikalimang siglo B.C.E., mayroon nang komunidad ng mga Judio sa 127 probinsiya ng Imperyo ng Persia. (Es. 9:30) Noong narito sa lupa si Jesus, may mga komunidad ng mga Judio sa Ehipto at sa iba’t ibang bahagi ng Hilagang Aprika, gayundin sa Gresya, Asia Minor, at Mesopotamia. Tinatayang sa 60,000,000 katao sa Imperyo ng Roma, mga 1 sa bawat 14 ay Judio. At saanman magpunta ang mga Judio, dala nila ang kanilang relihiyon.—Mat. 23:15.

16, 17. (a) Paano nakinabang sa pangangalat ng mga Judio ang maraming di-Judio? (b) Anong mga gawain ng mga Judio ang tinularan ng mga alagad?

16 Dahil may mga Judio noon sa napakaraming bansa, maraming di-Judio ang naging pamilyar sa Hebreong Kasulatan. Natutuhan nila na iisa lang ang tunay na Diyos at ang mga naglilingkod sa kaniya ay dapat sumunod sa kaniyang mga batas at pamantayang moral. Bukod diyan, maraming hula sa Hebreong Kasulatan tungkol sa Mesiyas. (Luc. 24:44) Alam ng mga Judio at mga Kristiyano na ang Hebreong Kasulatan ay kinasihang Salita ng Diyos, kaya hindi nahirapan si Pablo na mangaral sa mga taong handang makinig sa mabuting balita. Nakaugalian ng apostol na pumasok sa sinagoga ng mga Judio at makipagkatuwiranan sa kanila mula sa Kasulatan.—Basahin ang Gawa 17:1, 2.

17 Ang mga Judio ay may mga kaayusan para sa pagsamba. Regular silang nagtitipon sa mga sinagoga o sa mga pulungan sa labas. Umaawit sila, nananalangin, at tinatalakay nila ang Kasulatan. Ganiyan din ang ginagawa ng mga kongregasyong Kristiyano sa ngayon.

NAGING POSIBLE SA TULONG NI JEHOVA

18, 19. (a) Ano ang naging posible dahil sa mga kalagayan noong unang siglo? (b) Ano ang nadarama mo kay Jehova matapos nating talakayin ang paksang ito?

18 Ang mga kalagayan noong unang siglo ay nakatulong para matagumpay na maipangaral ang mabuting balita. Ang Pax Romana, mas madaling paglalakbay, internasyonal na wika, batas Romano, at pangangalat ng mga Judio ay nakatulong sa mga alagad ni Jesus para magampanan ang pangangaral na iniatas ng Diyos.

19 Apat na siglo bago nito, isang karakter sa akda ng Griegong pilosopo na si Plato ang nagsabi: “Mahirap matuklasan ang maygawa at ama ng ating uniberso, at mahanap man natin siya, imposibleng maipakipag-usap sa lahat ang tungkol sa kaniya.” Pero sinabi ni Jesus: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Luc. 18:27) Gusto ng Maylalang ng uniberso na mahanap siya at makilala ng mga tao. At sinabi rin ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Gumawa [kayo] ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa.” (Mat. 28:19) Sa tulong ng Diyos na Jehova, posibleng magawa ang atas na iyan. Ipakikita sa susunod na artikulo kung paano ito ginagawa sa ngayon.