Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Panatilihin ang Katapatan sa Kaharian ng Diyos

Panatilihin ang Katapatan sa Kaharian ng Diyos

“Hindi sila bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 17:16.

AWIT: 63, 129

1, 2. (a) Bakit mahalaga sa mga Kristiyano ang katapatan sa Diyos? Paano ito nauugnay sa pagiging neutral? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Saan iniuukol ng marami ang kanilang katapatan, at ano ang idinudulot nito?

ANG katapatan at neutralidad ay mahalagang isyu para sa mga tunay na Kristiyano, hindi lang sa panahon ng digmaan. Bakit? Dahil ang lahat ng nag-alay kay Jehova ay nangakong sa kaniya nila iuukol ang kanilang pag-ibig, katapatan, at pagsunod. (1 Juan 5:3) Gusto nating sumunod sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos saanman tayo nakatira at anuman ang ating pinagmulan, nasyonalidad, o kultura. Ang katapatan kay Jehova at sa kaniyang Kaharian ay mas mahalaga kaysa sa anupamang bagay. (Mat. 6:33) Dahil diyan, kailangan ng mga Kristiyano na manatiling hiwalay sa lahat ng alitan at isyu sa sanlibutang ito.—Isa. 2:4; basahin ang Juan 17:11, 15, 16.

2 Marami sa ngayon ang nag-uukol ng katapatan sa kanilang bansa, tribo, kultura, o maging sa mga koponan ng kanilang bansa. Nakalulungkot, nagdulot ito ng mga kompetisyon, pagkakapootan, at sa ilang kaso, pagdanak ng dugo at lipulan ng lahi. Ang mga pagsisikap na lutasin ang mga isyung ito, na maaaring magpabuti o magpalala ng sitwasyon, ay puwedeng makaapekto sa atin o sa pamilya natin dahil bahagi tayo ng lipunan ng tao. Nilalang ng Diyos ang tao na may likas na kakayahang maunawaan kung ang isang bagay ay makatarungan o hindi, kaya baka may mga desisyon ang gobyerno na para sa atin ay hindi tama at patas. (Gen. 1:27; Deut. 32:4) Ano ang gagawin natin sa gayong mga sitwasyon? Mananatili ba tayong neutral, o may papanigan tayo sa mga isyu sa sanlibutan?

3, 4. (a) Bakit nananatiling neutral ang mga Kristiyano sa mga isyu sa sanlibutang ito? (b) Ano ang susuriin sa artikulong ito?

3 Dahil sa impluwensiya ng mga institusyong namamahala sa lipunan, nakukumbinsi ang marami na makisangkot sa mga isyung bumabangon. Pero bilang mga tunay na Kristiyano, hindi tayo nakikialam sa politikal na mga isyu ng sanlibutan; ni humahawak man tayo ng sandata. (Mat. 26:52) Hindi tayo nahihikayat na itaguyod ang isang bahagi ng sanlibutan ni Satanas. (2 Cor. 2:11) Dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan, hindi tayo nakikialam sa anumang alitan sa daigdig na ito.—Basahin ang Juan 15:18, 19.

4 Hindi tayo sakdal, kaya baka ang ilan sa atin ay nakikipaglaban pa rin sa negatibong damdamin tungkol sa mga taong naiiba sa atin. (Jer. 17:9; Efe. 4:22-24) Sa artikulong ito, susuriin natin ang ilang simulain na makatutulong para malabanan ang gayong tendensiya. Susuriin din kung paano natin sasanayin ang ating isip at budhi na maging tapat sa Kaharian ng Diyos.

KUNG BAKIT WALA TAYONG PINAPANIGAN SA MGA ISYU SA DAIGDIG

5, 6. Noong nasa lupa si Jesus, paano niya itinuring ang iba’t ibang grupo ng mga tao, at bakit?

5 Kung nahihirapan kang manatiling neutral sa isang partikular na sitwasyon, itanong sa sarili, ‘Ano kaya ang gagawin ni Jesus?’ Namuhay si Jesus sa gitna ng mga taong nagmula sa iba’t ibang rehiyon—Judea, Galilea, Samaria, at iba pa. Ipinakikita ng mga ulat ng Bibliya na may tensiyon sa pagitan ng mga taong iyon. (Juan 4:9) May tensiyon din sa pagitan ng mga Pariseo at mga Saduceo (Gawa 23:6-9), sa pagitan ng taong-bayan at mga maniningil ng buwis (Mat. 9:11), at sa pagitan ng mga nakapag-aral ng Kautusan at mga hindi nakapag-aral nito. (Juan 7:49) Noong unang siglo, ang Israel ay pinamamahalaan ng mga Romano, na kinamumuhian ng mga Judio. Kahit laging ipinagtatanggol ni Jesus ang katotohanan at kinikilalang sa mga Judio nagsimula ang kaligtasan, hindi niya itinuro sa mga alagad niya na nakahihigit sila sa iba. (Juan 4:22) Sa halip, tinuruan niya silang ibigin ang lahat ng tao.—Luc. 10:27.

6 Bakit hindi itinuring ni Jesus na may grupo ng mga tao na nakatataas kaysa sa iba? Dahil wala silang kinikilingan ng kaniyang Ama. Nang lalangin ni Jehova ang mga tao, layunin niyang punuin nila ang lupa ng iba’t ibang lahi. (Gen. 1:27, 28) Kaya para kay Jehova at kay Jesus, pantay-pantay ang lahat ng tao anuman ang kanilang lahi, nasyonalidad, o wika. (Gawa 10:34, 35; Apoc. 7:9, 13, 14) Dapat nating tularan ang kanilang halimbawa.—Mat. 5:43-48.

7, 8. (a) Sa anong isyu dapat na may panigan ang mga Kristiyano? (b) Ano ang dapat kilalanin ng mga Kristiyano pagdating sa paglutas sa mga problema sa lipunan at politika?

7 Gayunman, pagdating sa isang isyu—pagsuporta sa pansansinukob na soberanya ni Jehova—dapat na may panigan tayo. Nagsimula ang isyung ito sa Eden nang hamunin ni Satanas ang pamamahala ni Jehova. Ngayon, bawat isa ay dapat magdesisyon kung kaninong pamamahala ang paniniwalaan niyang mas mahusay—sa Diyos o kay Satanas. Panig ka ba kay Jehova, anupat sinusunod ang kaniyang mga utos at pamantayan sa halip na gawin ang mga bagay-bagay sa sarili mong paraan? Kumbinsido ka bang ang Kaharian niya ang tanging solusyon sa lahat ng problema ng tao? O naniniwala kang kaya ng tao na pamahalaan ang kaniyang sarili?—Gen. 3:4, 5.

8 Makikita sa sagot mo sa mga tanong na ito kung paano ka tutugon kapag hinihingi ang opinyon mo tungkol sa kontrobersiyal na mga isyu. Matagal nang sinisikap ng mga politiko, aktibista, at repormador na solusyunan ang mga isyu sa lipunan. Baka gusto naman talaga nilang makatulong. Pero kinikilala ng mga Kristiyano na Kaharian ng Diyos lang ang makalulutas sa problema ng sangkatauhan at makapaglalaan ng tunay na katarungan. Dapat nating ipaubaya iyan kay Jehova. Kung igigiit ng bawat Kristiyano ang solusyong iniisip niyang pinakamaganda, hindi ba’t mababahagi ang kongregasyon?

9. Ano ang naging problema ng kongregasyon sa Corinto noong unang siglo? Anong solusyon ang inirekomenda ni apostol Pablo?

9 Pansinin ang reaksiyon ng ilang Kristiyano noong unang siglo sa isyung bumangon sa kongregasyon. Sinabi ng ilang indibiduwal sa Corinto: “‘Ako ay kay Pablo,’ ‘Ngunit ako ay kay Apolos,’ ‘Ngunit ako ay kay Cefas,’ ‘Ngunit ako ay kay Kristo.’” Anuman ang dahilan ng isyung ito, nagalit si apostol Pablo sa naging epekto nito dahil “lumilitaw na nababahagi ang Kristo.” Ano ang solusyon? Sinabi ni Pablo sa mga Kristiyano: “Ngayon ay pinapayuhan ko kayo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo na kayong lahat ay magsalita nang magkakasuwato, at na huwag magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi lubos kayong magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” Hindi rin dapat magkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa kongregasyong Kristiyano ngayon.—1 Cor. 1:10-13; basahin ang Roma 16:17, 18.

10. Paano inilarawan ni apostol Pablo na kailangan ng mga Kristiyano na manatiling neutral sa mga isyu sa sanlibutang ito?

10 Hinimok ni Pablo ang mga pinahirang Kristiyano na magpokus sa kanilang pagkamamamayan sa langit sa halip na sa mga bagay na nasa lupa. (Fil. 3:17-20) * Magsisilbi silang mga embahador na humahalili para kay Kristo. Hindi nakikialam ang mga embahador sa gawain ng mga bansang kinaroroonan nila. (2 Cor. 5:20) Ang mga Kristiyano na may makalupang pag-asa ay mga sakop din ng Kaharian ng Diyos, kaya hindi angkop na makialam sila sa mga isyu sa sanlibutang ito.

SANAYIN ANG SARILI NA MAGING TAPAT KAY JEHOVA

11, 12. (a) Bakit mahirap kung minsan para sa mga Kristiyano na manatiling tapat sa Kaharian ng Diyos? (b) Anong hamon ang napaharap sa isang Kristiyano, at paano niya ito napagtagumpayan?

11 Sa maraming lugar sa daigdig, napakalaki ng pagpapahalaga ng mga tao sa kanilang kasaysayan, kultura, at wika na kadalasang ipinagmamalaki nila. Sa ganitong sitwasyon, kailangang sanayin ng mga Kristiyano ang kanilang isip at budhi para makapanatiling neutral kapag may mga isyung bumabangon. Paano ito magagawa?

12 Pansinin ang karanasan ni Mirjeta * na mula sa isang rehiyon ng dating Yugoslavia. Lumaki siya sa isang lugar na galít sa mga Serbiano. Nang matutuhan niya na hindi nagtatangi si Jehova at na si Satanas ang nasa likod ng mga kaguluhan dahil sa lahi, sinikap niyang alisin ang damdaming makabayan. Pero nang maglaban-laban ang mga etnikong grupo sa lugar nila, nanumbalik ang galit ni Mirjeta at halos ayaw na niyang mangaral sa mga Serbiano. Alam niyang hindi siya puwedeng basta maupo na lang at umasang mawawala ang nadarama niya. Nagsumamo siya kay Jehova na tulungan siyang mapagtagumpayan ang hamong iyon. Hiniling din niyang tulungan siyang makapagpayunir. “Nang magpokus ako sa ministeryo, nakita kong ito ang pinakamagandang tulong,” ang sabi ni Mirjeta. “Sa ministeryo, sinisikap kong tularan ang pagiging maibigin ni Jehova, at nakita kong unti-unting naglaho ang negatibong damdamin ko.”

13. (a) Anong sitwasyon ang hindi nagustuhan ng isang Saksi, at ano ang ginawa niya? (b) Ano ang matututuhan natin sa karanasan ni Zoila?

13 Tingnan naman natin ang karanasan ni Zoila. Galing siya sa Mexico at kaugnay ngayon sa isang kongregasyon sa Europe. Napansin niyang pinagtatawanan ng ilang kakongregasyon niyang mula sa Latin America ang bansa niya, ang mga kaugalian at ang musika nito. Ano kaya ang gagawin mo sa gayong sitwasyon? Nasaktan si Zoila sa mga narinig niya. Mabuti na lang at humingi siya ng tulong kay Jehova na madaig ang negatibong damdamin niya. Aminin man natin o hindi, hamon pa rin sa ilan sa atin ang ganitong sitwasyon. Hindi natin gustong magsalita o gumawa ng anumang magiging dahilan ng pagkakabaha-bahagi ng ating mga kapatid o ng ibang mga tao.—Roma 14:19; 2 Cor. 6:3.

14. Paano sasanayin ng mga Kristiyano ang kanilang isip at budhi para maiayon ito sa kaisipan ni Jehova?

14 Lumaki ka ba sa isang pamilya o komunidad na may malaking pagpapahalaga sa bansa o sa rehiyong pinagmulan? May ganiyan ka pa rin bang damdamin? Hindi dapat hayaan ng mga Kristiyano na mabahiran ng pagiging makabayan ang tingin nila sa iba. Pero paano kung makita mong may negatibong kaisipan ka sa mga taong iba ang nasyonalidad, kultura, wika, o lahi? Makatutulong kung bubulay-bulayin mo ang pananaw ni Jehova sa nasyonalismo at pagtatangi. Magandang isama sa personal na pag-aaral o pampamilyang pagsamba ang pagsasaliksik sa mga paksang gaya nito. Pagkatapos, hingin ang tulong ni Jehova para maiayon mo ang iyong kaisipan sa kaniyang kaisipan.—Basahin ang Roma 12:2.

Para makapanatiling tapat kay Jehova, dapat tayong manindigan kahit pinagbabantaan (Tingnan ang parapo 15, 16)

15, 16. (a) Ano ang magiging reaksiyon ng iba sa pananatili nating tapat sa Diyos? (b) Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na manatiling tapat kay Jehova?

15 Lahat ng lingkod ni Jehova ay mapapaharap sa mga sitwasyon kung saan, dahil sa kanilang budhi, kakailanganin nilang gumawa ng desisyon na iba sa ginagawa ng mga nasa paligid nila—mga katrabaho man, kaklase, kapitbahay, kamag-anak, o iba pa. (1 Ped. 2:19) Pero dapat tayong manindigan! Hindi tayo dapat magtaka kapag napoot sa atin ang sanlibutan dahil sa paninindigan natin; binabalaan na tayo ni Jesus tungkol dito. Hindi naiintindihan ng karamihan sa mga sumasalansang ang mga dahilan kung bakit kailangan nating manatiling neutral. Pero para sa atin, napakahalaga ng mga bagay na iyon.

16 Para makapanatiling tapat kay Jehova, dapat tayong manindigan kahit pinagbabantaan. (Dan. 3:16-18) Lahat tayo ay puwedeng maapektuhan ng pagkatakot sa tao, pero ang mga kabataan ang baka mas nahihirapang sumalungat sa agos, wika nga. Kung napapaharap ang mga anak mo sa mga isyung gaya ng pagsaludo sa bandila o mga nasyonalistikong selebrasyon, alalayan sila. Sa inyong Pampamilyang Pagsamba, tulungan ang iyong mga anak na maunawaan kung ano ang nadarama ni Jehova sa gayong mga isyu para maharap nila ang mga iyon. Tulungan silang maipaliwanag nang malinaw at may paggalang ang kanilang paniniwala. (Roma 1:16) Kung kailangan, kausapin ang mga guro nila tungkol sa mga bagay na ito.

PAHALAGAHAN ANG LAHAT NG NILALANG NI JEHOVA!

17. Anong kaisipan ang dapat nating iwasan, at bakit?

17 Natural lang na gusto natin ang sariling atin—pagkain, wika, tanawin, kultura, at bansa. Pero dapat nating iwasan ang kaisipang ang sa atin ang laging pinakamagaling. Lumalang si Jehova ng napakaraming bagay na sari-sari para masiyahan tayo. (Awit 104:24; Apoc. 4:11) Kaya bakit natin igigiit na ang isang bagay ay mas magaling kaysa sa iba?

18. Paano tayo makikinabang kung tutularan natin ang kaisipan ni Jehova?

18 Gusto ng Diyos na ang lahat ng uri ng tao ay sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan at magtamasa ng buhay na walang hanggan. (Juan 3:16; 1 Tim. 2:3, 4) Kung bukás ang ating isipan sa iba’t ibang ideya na katanggap-tanggap naman, magiging kasiya-siya ang buhay natin at mapoprotektahan ang ating pagkakaisa bilang mga Kristiyano. Habang sinisikap nating manatiling tapat kay Jehova, dapat nating iwasang makisangkot sa mga isyu ng sanlibutan. Wala tayong kinakampihang anuman o sinuman. Laking pasasalamat nga natin na pinalaya tayo ni Jehova mula sa mga gawain ng sanlibutang ito ni Satanas na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi, pagmamataas, at kompetisyon! Maging determinado nawa tayo na linangin ang isang mapayapang saloobin na binanggit ng salmista: “Narito! Anong buti at anong kaiga-igaya na ang magkakapatid ay manahanang magkakasama sa pagkakaisa!”—Awit 133:1.

^ par. 10 Ang Filipos ay isang kolonya ng Roma. Ang ilang miyembro ng kongregasyon doon ay maaaring may isang uri ng pagkamamamayang Romano, kaya may ilang pribilehiyo sila na wala sa iba nilang kapatid.

^ par. 12 Binago ang ilang pangalan.