Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Naging Maganda ang Buhay Ko Dahil sa Pagpapala ni Jehova

Naging Maganda ang Buhay Ko Dahil sa Pagpapala ni Jehova

ISINILANG ako noong 1927 sa maliit na bayan ng Wakaw, Saskatchewan, Canada. Pito kaming magkakapatid, apat na lalaki at tatlong babae, kaya bata pa lang ako ay sanay na ako sa mga tao.

Naranasan ng pamilya namin ang epekto ng pagbagsak ng ekonomiya noong Great Depression ng dekada ’30. Hindi kami mayaman, pero hindi naman kami kinapos ng pagkain. Dahil may mga manok kami at baka, lagi kaming may suplay ng itlog, gatas, cream, keso, at mantikilya. Lahat kami ay kailangang tumulong sa mga gawain.

Marami akong masasayang alaala sa panahong iyon, gaya ng mabangong amoy ng mansanas sa loob ng bahay. Tuwing taglagas kasi, kapag nagpupunta si Tatay sa bayan para magbenta ng mga produkto ng farm, isang kahong mansanas na bagong pitas ang dala niya pag-uwi. Araw-araw ay may makatas na mansanas kaming lahat!

NALAMAN NG AMING PAMILYA ANG KATOTOHANAN

Anim na taon ako nang malaman ng mga magulang ko ang katotohanan. Ang unang anak nilang lalaki, si Johnny, ay namatay di-nagtagal mula nang ipanganak. Tinanong ng nagdadalamhating mga magulang ko ang pari sa lugar namin, “Nasaan na kaya si Johnny?” Sinabi ng pari na dahil hindi nabinyagan ang sanggol, wala siya sa langit kundi nasa Limbo. Sinabi rin niya na kung babayaran siya ng mga magulang ko, ipagdarasal niya si Johnny para makaalis sa Limbo at makaakyat sa langit. Kung sa iyo sinabi iyon, ano kaya ang mararamdaman mo? Nadismaya nang husto ang mga magulang ko at hindi na nakipag-usap ulit sa paring iyon. Pero iniisip pa rin nila kung ano na ang nangyari kay Johnny.

Isang araw, nagkaroon si Nanay ng kopya ng buklet na Where Are the Dead? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Binasa niya agad iyon. Nang umuwi si Tatay, tuwang-tuwa niyang sinabi: “Alam ko na kung nasaan si Johnny! Natutulog siya ngayon, pero darating ang panahon na magigising siya.” Nang gabing iyon, binasa ni Tatay ang buong buklet. Napanatag ang loob nila nang malaman nila na sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay natutulog at bubuhaying muli sa hinaharap.—Ecles. 9:5, 10; Gawa 24:15.

Dahil sa mga natutuhan nila, nagbago ang buhay namin. Naging mas panatag kami at maligaya. Nagsimula silang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi at dumalo sa mga pulong sa maliit na kongregasyon sa Wakaw, kung saan karamihan ay Ukrainian. Di-nagtagal, nangangaral na ang aking mga magulang.

Makalipas ang ilang panahon, lumipat kami sa British Columbia at mainit na tinanggap ng isang kongregasyon doon. Naaalala ko pa kung paano pinaghahandaan ng pamilya namin ang Bantayan para sa pulong tuwing Linggo. Napalalalim nito ang pag-ibig naming lahat para kay Jehova at sa katotohanan sa Bibliya. Kitang-kita ko kung paano nagiging maganda ang buhay namin at kung paano kami pinagpala ni Jehova.

Hindi madali para sa aming magkakapatid na makipag-usap sa mga tao tungkol sa aming mga paniniwala. Pero may nakatulong sa amin. Madalas naming inihahanda ng nakababata kong kapatid na si Eva ang buwanang presentasyon sa paglilingkod sa larangan at itinatanghal ito sa Pulong sa Paglilingkod. Dahil doon, natuto kaming makipag-usap sa iba tungkol sa Bibliya kahit mahiyain kami. Laking pasasalamat ko sa paraan ng pagsasanay sa amin na mangaral!

Isa sa mga gustong-gusto kong alaala noong mga bata pa kami ay kapag tumutuloy sa amin ang mga nasa buong-panahong paglilingkod. Tuwang-tuwa kami kapag dalaw ng aming tagapangasiwa ng sirkito, si Jack Nathan, at sa bahay siya tumutuloy. * Aliw na aliw kami sa napakarami niyang kuwento. Dahil sa taimtim na komendasyon niya, ninais naming paglingkuran nang tapat si Jehova.

Naisip ko noon, “Paglaki ko, gusto kong maging gaya ni Brother Nathan.” Hindi ko namamalayang natutulungan na pala ako ng halimbawa niya na maging handa sa buong-panahong paglilingkod. Nang mag-15 anyos ako, determinado na akong maglingkod kay Jehova. Nabautismuhan kami ni Eva noong 1942.

MGA PAGSUBOK SA PANANAMPALATAYA

Noong Digmaang Pandaigdig II, matindi ang damdaming makabayan. Dahil sa di-pagsaludo sa bandila, pinatalsik ng gurong si Miss Scott sa paaralan ang dalawang kapatid kong babae at isang kapatid na lalaki. Pagkatapos, kinontak niya ang guro ko at hinikayat na patalsikin ako sa paaralan. Pero sinabi ng guro ko, “Nasa isang malayang bansa tayo, at may karapatan tayong hindi sumali sa mga seremonyang makabayan.” Kahit anong pilit ni Miss Scott, matatag na sinabi ng guro ko, “Iyan na ang desisyon ko.”

Sinabi ni Miss Scott: “Hindi ikaw ang magdedesisyon. Irereport kita kapag hindi mo pinatalsik si Melita.” Ipinaliwanag ng guro ko sa aking mga magulang na dahil ayaw niyang mawalan ng trabaho, napilitan siyang patalsikin ako sa paaralan, kahit naniniwala siyang mali iyon. May nakuha naman kaming mga materyal na puwede naming pag-aralan sa bahay. Di-nagtagal, lumipat kami sa isang lugar na mga 32 kilometro ang layo, at isang paaralan ang tumanggap sa amin.

Dahil sa digmaan, ipinagbawal ang ating mga literatura, pero nagbabahay-bahay pa rin kami gamit ang Bibliya. Kaya naman nasanay kaming mangaral ng mabuting balita ng Kaharian nang direkta mula sa Bibliya. Nakatulong ito para sumulong kami sa espirituwal at maranasan ang suporta ni Jehova.

PAGPASOK SA BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD

May talento ako sa hairdressing at nakatanggap ng mga award

Nang makapagtapos kami ni Eva sa pag-aaral, nagpayunir kami. Nakapagtrabaho ako sa isang department store. Di-nagtagal, anim na buwan akong nag-aral ng hairdressing, na gustong-gusto kong gawin kapag nasa bahay. Nagtrabaho ako sa isang salon dalawang araw sa isang linggo at nagturo ng hairdressing dalawang beses sa isang buwan, kaya nasuportahan ko ang aking buong-panahong paglilingkod.

Noong 1955, gusto kong dumalo sa asamblea na “Triumphant Kingdom” sa New York City, U.S.A., at sa Nuremberg, Germany. Pero bago pumunta sa New York, nakilala ko si Brother Nathan Knorr na mula sa pandaigdig na punong-tanggapan. Dumadalo silang mag-asawa sa kombensiyon sa Vancouver, Canada. Napakisuyuan ako na ayusan ng buhok ni Sister Knorr. Natuwa si Brother Knorr sa resulta at gusto niya akong makilala. Habang nag-uusap kami, sinabi ko sa kaniya na plano kong magpunta sa New York bago dumeretso sa Germany. Inimbitahan niya akong magtrabaho sa Bethel sa Brooklyn nang siyam na araw.

Binago ng biyaheng iyon ang buhay ko. Sa New York, nakilala ko ang brother na si Theodore (Ted) Jaracz. Nagulat ako nang tanungin niya ako, “Payunir ka ba?” Sinabi ko, “Hindi.” Narinig iyon ng kaibigan kong si LaVonne at agad na sumabad, “Oo, payunir siya.” Nalito si Ted at tinanong si LaVonne, “Sino bang mas nakakaalam sa inyo, ikaw o siya?” Ipinaliwanag kong nagpapayunir ako noon at plano kong magsimula ulit pagbalik ko mula sa kombensiyon.

ANG ESPIRITUWAL NA LALAKING PINAKASALAN KO

Isinilang si Ted noong 1925 sa Kentucky, U.S.A. Sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova noong 15 anyos siya. Kahit wala siyang kapamilya na pumasok sa katotohanan, naging regular pioneer siya makalipas ang dalawang taon. Iyon ang pasimula ng buong-panahong paglilingkod niya na umabot nang halos 67 taon.

Noong Hulyo 1946, sa edad na 20, nagtapos si Ted sa ikapitong klase ng Watchtower Bible School of Gilead. Pagkatapos, naglingkod siya bilang naglalakbay na tagapangasiwa sa Cleveland, Ohio. Makalipas ang mga apat na taon, inatasan siyang maging lingkod ng sangay sa Australia.

Dumalo rin si Ted sa kombensiyon sa Nuremberg, Germany, at nagkasama kami nang ilang panahon. Nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Masaya ako dahil ang mga tunguhin niya ay nakasentro sa buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova. Kahanga-hanga ang dedikasyon niya. Seryoso siya sa kaniyang debosyon pero mabait at palakaibigan. Nadama kong mas inuuna niya ang kapakanan ng iba kaysa sa kaniya. Pagkatapos ng kombensiyon, bumalik si Ted sa Australia at ako naman sa Vancouver. Pero regular kaming nagsulatan.

Pagkalipas ng mga limang taon sa Australia, bumalik si Ted sa United States at pagkatapos ay nagpayunir sa Vancouver. Tuwang-tuwa akong makita na gustong-gusto siya ng pamilya ko. Napaka-protective ng kuya kong si Michael at kadalasan, nag-aalala siya kapag may brother na nagkakagusto sa akin. Pero nagustuhan agad niya si Ted. “Melita,” ang sabi niya, “mabait siya. Pakitaan mo nang maganda at huwag mo nang hayaang mawala sa iyo.”

Matapos ikasal noong 1956, maraming taon kaming masayang naglingkod nang buong panahon

Tuluyan ding nabihag ni Ted ang puso ko. Nagpakasal kami noong Disyembre 10, 1956. Nagpayunir kami sa Vancouver, sumunod ay sa California, at pagkatapos, inatasan kami sa gawaing pansirkito sa Missouri at Arkansas. Sa 18 taóng paglilingkod sa gawaing paglalakbay sa malaking bahagi ng United States, iba-iba ang bahay namin linggo-linggo. Marami kaming magagandang karanasan sa ministeryo at masasayang pakikipagsamahan sa mga kapatid. Kaya kahit hindi madali ang buhay na palipat-lipat, naging maligaya kami sa gawaing paglalakbay.

Kahit kailan ay hindi pinabayaan ni Ted ang kaugnayan niya kay Jehova kaya naman nakuha niya ang respeto ko. Pinahahalagahan niya nang husto ang sagradong paglilingkod niya sa pinakadakilang Persona sa uniberso. Gustong-gusto naming magbasa at mag-aral ng Bibliya nang magkasama. Sa gabi, bago matulog, lumuluhod kami sa tabi ng kama at nananalanging magkasama. Pagkatapos, mananalangin kami nang magkahiwalay. Alam na alam ko kapag may gumugulo sa isip ni Ted. Bumabangon siya ulit, lumuluhod sa tabi ng kama, at tahimik na nananalangin nang mahaba. Lubos kong hinahangaan ang pagnanais niyang ipanalangin kay Jehova ang malalaki at maliliit na bagay.

Makalipas ang ilang taon mula nang ikasal kami, ipinaliwanag sa akin ni Ted na makikibahagi na siya sa mga emblema sa Memoryal. “Marubdob ko nang ipinanalangin ito para lubusang matiyak na ginagawa ko kung ano ang gusto ni Jehova na gawin ko,” ang sabi niya. Hindi ko na ikinagulat na pinahiran siya ng espiritu ng Diyos para maglingkod sa langit. Itinuturing kong isang pribilehiyo na sumuporta sa isa sa mga kapatid ni Kristo.—Mat. 25:35-40.

BAGONG LARANGAN NG SAGRADONG PAGLILINGKOD

Noong 1974, gulat na gulat kami nang anyayahan si Ted na maging miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Di-nagtagal, tinawag kami para maglingkod sa Bethel sa Brooklyn. Habang inaasikaso ni Ted ang mga responsibilidad niya sa Lupong Tagapamahala, nagtatrabaho naman ako sa salon o bilang housekeeper.

Bilang isa sa mga responsibilidad ni Ted, inatasan siyang dumalaw sa iba’t ibang sangay. Interesadong-interesado siya sa gawaing pangangaral sa mga bansa sa Iron Curtain. Minsan, habang nagbabakasyon kami sa Sweden, sinabi ni Ted: “Melita, bawal ang gawaing pangangaral sa Poland, at gusto kong makatulong sa mga kapatid doon.” Kaya kumuha kami ng visa at pumunta sa Poland. Nakipagkita si Ted sa ilang brother na nag-aasikaso sa ating gawain, at naglakad sila nang malayo para walang makarinig sa pag-uusap nila. Apat na araw silang nagmiting nang puspusan, pero masaya naman ako dahil nakita kong tuwang-tuwa si Ted na matulungan ang kaniyang espirituwal na pamilya.

Nakabalik kami sa Poland noong Nobyembre 1977. Sa unang pagkakataon, opisyal na dumalaw roon sina F. W. Franz, Daniel Sydlik, at Ted bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Bawal pa rin ang gawain natin, pero nagawa nilang makipag-usap sa mga tagapangasiwa, payunir, at matatagal nang Saksi sa iba’t ibang lunsod.

Si Ted at ang iba pa sa harap ng Ministry of Justice sa Moscow noong opisyal na irehistro ang ating gawain

Noong sumunod na taon, nang dumalaw sa Poland sina Milton Henschel at Ted, nakipagmiting sila sa mga opisyal na unti-unti nang nagiging maunawain sa atin at sa ating mga gawain. Noong 1982, pinayagan ng gobyerno ng Poland ang ating mga kapatid na magdaos ng mga asamblea na tig-isang araw. Nang sumunod na taon, mas malalaking kombensiyon naman ang idinaos, na karamihan ay sa mga nirentahang pasilidad. Noong 1985, kahit bawal pa rin ang ating gawain, pinayagan tayo na magdaos ng apat na kombensiyon sa malalaking istadyum. Pagkatapos, noong Mayo 1989, habang pinaplano ang mas malalaki pang kombensiyon, legal na kinilala ng gobyerno ng Poland ang mga Saksi ni Jehova. Isa ito sa mga pangyayaring talagang nagpasaya kay Ted.

Pandistritong kombensiyon sa Poland

PAGHARAP SA MGA PROBLEMA SA KALUSUGAN

Noong 2007, nagbiyahe kami para dumalo sa pag-aalay ng sangay sa South Africa. Habang nasa England, nagkaproblema si Ted sa blood pressure niya, at pinayuhan ng isang doktor na ipagpaliban ang biyahe. Nang maka-recover si Ted, bumalik kami sa United States. Pero makalipas ang ilang linggo, na-stroke siya at naparalisa ang kanang bahagi ng katawan niya.

Hindi agad naka-recover si Ted. Noong umpisa, hindi siya nakakapunta sa opisina. Pero nagpapasalamat kami na hindi naapektuhan ang kaniyang pagsasalita. Sa kabila ng mga limitasyon, sinikap niyang ipagpatuloy ang kaniyang rutin. Nakikibahagi pa nga siya sa lingguhang miting ng Lupong Tagapamahala gamit ang telepono sa aming sala.

Lubos na pinahahalagahan ni Ted ang napakahusay na physical therapy na ginawa sa kaniya sa infirmary ng Bethel. Unti-unti, nakakilos na siya nang maayos at nagampanan na niya ang ilang teokratikong atas. Nanatili rin siyang masayahin.

Makalipas ang tatlong taon, na-stroke ulit siya at namatay noong Hunyo 9, 2010, araw ng Miyerkules. Alam kong darating ang panahon na aakyat si Ted sa langit matapos ang kaniyang makalupang landasin, pero hindi ko maipaliwanag kung gaano kasakit ang pagkawala niya at kung gaano ko siya nami-miss. Araw-araw, pinasasalamatan ko pa rin si Jehova dahil sa mga nagawa ko para masuportahan si Ted. Mahigit 53 taon kaming masayang naglingkod nang buong panahon. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa lahat ng naitulong ni Ted para lalo akong mapalapít sa aking makalangit na Ama. Natitiyak kong napakasaya ni Ted ngayon sa kaniyang bagong atas.

PAGHARAP SA BAGONG MGA HAMON SA BUHAY

Masayang-masaya ako sa pagtatrabaho at pagsasanay sa iba sa beauty shop sa Bethel

Dahil maraming taon kong nakasama si Ted sa masayang paglilingkod, hindi madaling mag-adjust sa kasalukuyang mga hamon. Gustong-gusto namin ni Ted na makipag-usap sa mga bumibisita sa Bethel at sa Kingdom Hall namin. Ngayong wala na ang mahal kong asawa at hindi na ako malakas gaya ng dati, limitado na ang pakikipagsamahan ko sa iba. Pero masayang-masaya pa rin akong makasama ang mga kapatid sa Bethel at sa kongregasyon. Hindi madali ang rutin sa Bethel, pero nagagalak akong makapaglingkod sa Diyos sa ganitong paraan. At kahit kailan, hindi nabawasan ang pag-ibig ko sa gawaing pangangaral. Napapagod man ako at hindi na nakakatayo nang matagal, lubos akong nasisiyahan sa pagpapatotoo sa lansangan at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.

Kapag nakikita ko ang lahat ng masasaklap na pangyayari sa daigdig, laking pasasalamat ko na nakapaglingkod ako kay Jehova kasama ng isang napakahusay na asawa! Talagang naging maganda ang buhay ko dahil sa mga pagpapala ni Jehova.—Kaw. 10:22.

^ par. 13 Ang talambuhay ni Jack Nathan ay inilathala sa Ang Bantayan, Setyembre 1, 1990, p. 10-14.