Iniibig Mo Ba ang Iyong Kapuwa Gaya ng Iyong Sarili?
“Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—MAT. 22:39.
1, 2. Paano ipinakikita ng Kasulatan ang kahalagahan ng pag-ibig?
PAG-IBIG ang nangingibabaw na katangian ng Diyos na Jehova. (1 Juan 4:16) Ang unang nilalang niya, si Jesus, ay bilyon-bilyong taon niyang nakasama sa langit at natutuhan nito ang maibiging mga daan ng Diyos. (Col. 1:15) Sa buong buhay ni Jesus, sa langit at sa lupa, ipinakita niyang lubusan niyang nauunawaan na napakamaibigin ng Diyos na Jehova, at tinularan niya iyon. Kaya naman makatitiyak tayo na ang pamamahala ni Jehova at ni Jesus ay laging ginagabayan ng pag-ibig.
2 Nang tanungin kung ano ang pinakadakilang utos sa Kautusan, sinabi ni Jesus: “‘Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.’ Ito ang pinakadakila at unang utos. Ang ikalawa, na tulad niyaon, ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’”—Mat. 22:37-39.
3. Sino ang ating “kapuwa”?
3 Pansinin na sinabi ni Jesus na ang pag-ibig sa kapuwa ay pangalawa sa pag-ibig kay Jehova. Ipinakikita nito na napakahalagang magpakita ng pag-ibig sa lahat ng pakikipag-ugnayan natin. Pero sino ba ang ating “kapuwa”? Kung may asawa tayo, ang asawa natin
ang pinakamalapit na kapuwa natin. Malapit din sa atin ang mga kapatid sa kongregasyon—mga kapuwa natin mananamba sa tunay na Diyos. Ang mga natatagpuan natin sa ministeryo ay mga kapuwa rin natin. Paano magpapakita ng pag-ibig sa kapuwa ang mga sumasamba kay Jehova at sumusunod sa turo ng kaniyang Anak?PAGPAPAKITA NG PAG-IBIG SA ASAWA
4. Bakit puwedeng magtagumpay ang pag-aasawa kahit hindi sakdal ang mga tao?
4 Matapos lalangin ni Jehova sina Adan at Eva, isinagawa niya ang unang kasalan nang dalhin niya ang babae sa lalaki. Layunin niyang magsama sila nang maligaya magpakailanman at punuin nila ang lupa ng kanilang mga supling. (Gen. 1:27, 28) Pero dahil sa paghihimagsik sa pamamahala ni Jehova, nasira ang unang pag-aasawa at nagdulot ito ng kasalanan at kamatayan sa lahat ng tao. (Roma 5:12) Gayunman, sinasabi ng Bibliya kung paano magtatagumpay ang pag-aasawa. Masusumpungan dito ang pinakamahuhusay na payo tungkol sa pag-aasawa dahil mula ito kay Jehova, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa.—Basahin ang 2 Timoteo 3:16, 17.
5. Gaano kahalaga sa pag-aasawa ang pag-ibig?
5 Ipinakikita ng Salita ng Diyos na ang pag-ibig—mainit at personal na pagkagiliw o masidhing pagmamahal—ay mahalaga para maging maligaya ang ugnayan ng mga tao. Totoong-totoo iyan sa pag-aasawa. Patungkol sa kongregasyon, sinabi ni apostol Pablo: “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis at mabait. Ang pag-ibig ay hindi mapanibughuin, ito ay hindi nagyayabang, hindi nagmamalaki, hindi gumagawi nang hindi disente, hindi naghahanap ng sarili nitong kapakanan, hindi napupukaw sa galit. Hindi ito nagbibilang ng pinsala. Hindi ito nagsasaya sa kalikuan, kundi nakikipagsaya sa katotohanan. Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Cor. 13:4-8) Kung bubulay-bulayin ito at ikakapit, tiyak na magiging mas maligaya ang pag-aasawa.
6, 7. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagkaulo? (b) Paano dapat pakitunguhan ng Kristiyanong lalaki ang kaniyang asawa?
6 Dahil sa simulain ng pagkaulo sa kaayusan ng Diyos, napakahalaga ng pag-ibig. Ipinaliwanag ni Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Cor. 11:3) Pero ang pagkaulo ay hindi dapat gampanan sa dominanteng paraan. Si Jehova ay isang mabait at di-makasariling Ulo. Kaya naman iginalang ni Jesus ang maibiging pagkaulo ng Diyos, at sinabi niya: “Iniibig ko ang Ama.” (Juan 14:31) Hindi ganiyan ang madarama ni Jesus kung naging mabagsik o diktador si Jehova sa kaniyang Anak.
7 Kahit ang lalaki ang ulo, sinasabi ng Bibliya na ‘pag-ukulan niya ng karangalan’ ang kaniyang asawa. (1 Ped. 3:7) Paano? Maaari niyang isaalang-alang ang pangangailangan ng kaniyang asawa at unahin ang kagustuhan nito pagdating sa ilang bagay. Oo, sinasabi ng Salita ng Diyos: “Mga asawang lalaki, patuloy na ibigin ang inyu-inyong asawang babae, kung paanong inibig din ng Kristo ang kongregasyon at ibinigay ang kaniyang sarili ukol dito.” (Efe. 5:25) Ibinigay ni Jesus kahit ang buhay niya para sa kaniyang mga tagasunod. Kapag tinutularan ng lalaki ang maibiging pagkaulo ni Jesus, nagiging mas madali para sa asawa niya na mahalin at irespeto siya at magpasakop sa kaniya.—Basahin ang Tito 2:3-5.
IBIGIN ANG IYONG MGA KAPANANAMPALATAYA
8. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa ating mga kapatid?
8 Sa buong daigdig, milyon-milyon ang sumasamba kay Jehova at nagpapatotoo sa kaniyang pangalan at layunin. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa ating mga kapatid? Sinasabi ng Bibliya: “Gumawa tayo ng mabuti sa lahat, ngunit lalo na roon sa mga may kaugnayan sa atin sa pananampalataya.” (Gal. 6:10; basahin ang Roma 12:10.) Isinulat naman ni apostol Pedro: “Ngayong dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagkamasunurin sa katotohanan na ang resulta ay walang-pagpapaimbabaw na pagmamahal na pangkapatid, ibigin ninyo ang isa’t isa nang masidhi mula sa puso.” Sinabi rin niya sa mga kapuwa Kristiyano: “Higit sa lahat, magkaroon kayo ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.”—1 Ped. 1:22; 4:8.
9, 10. Bakit nagkakaisa ang bayan ng Diyos?
9 Dahil sa matinding pag-ibig natin sa ating mga kapatid, natatangi ang ating pambuong-daigdig na organisasyon. At dahil iniibig natin si Jehova at sinusunod ang kaniyang mga utos, ginagamit niya ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso, ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa, para tulungan tayo. Kaya naman kahanga-hanga ang pagkakaisa natin bilang isang internasyonal na kapatiran.—Basahin ang 1 Juan 4:20, 21.
10 Idiniin ni Pablo na kailangang ibigin ng mga Kristiyano ang isa’t isa. Isinulat niya: “Damtan ninyo ang inyong sarili ng magiliw na pagmamahal na may habag, kabaitan, kababaan ng pag-iisip, kahinahunan, at mahabang pagtitiis. Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba. Kung paanong si Jehova ay lubusang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo. Ngunit, bukod pa sa lahat ng bagay na ito, damtan ninyo ang inyong sarili ng pag-ibig, sapagkat ito ay isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Col. 3:12-14) Laking pasasalamat natin dahil anuman ang ating lahi o pinagmulan, umiiral sa gitna natin ang pag-ibig—“isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa”!
11. Paano makikilala ang organisasyon ni Jehova batay sa pag-ibig at pagkakaisa?
11 Ipinakikita ng tunay na pag-ibig at pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova na sila ang nagsasagawa ng tunay na relihiyon. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) At isinulat ni apostol Juan: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa bagay na ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa paggawa ng katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang mensahe na inyong narinig buhat pa nang pasimula, na dapat tayong magkaroon ng pag-ibig sa isa’t isa.” (1 Juan 3:10, 11) Ang pag-ibig na nagbubunga ng di-pangkaraniwang pagkakaisa ang nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova ang tunay na mga tagasunod ni Kristo, ang ginagamit ng Diyos para gawin ang layunin niyang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian sa buong lupa.—Mat. 24:14.
PAGTITIPON SA “ISANG MALAKING PULUTONG”
12, 13. Ano ang ginagawa ngayon ng “malaking pulutong,” at ano ang malapit na nilang maranasan?
12 Karamihan sa lingkod ni Jehova ay bahagi ng “malaking pulutong . . . mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.” Sila ay “nakatayo sa harap ng trono [ng Diyos] at sa harap ng Kordero [si Jesu-Kristo].” Sino sila? “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero,” dahil nanampalataya sila sa haing pantubos ni Jesus. Iniibig ng dumaraming miyembro ng “malaking pulutong” si Jehova at ang kaniyang Anak at “nag-uukol sila sa [Diyos] ng sagradong paglilingkod araw at gabi.”—Apoc. 7:9, 14, 15.
13 Malapit nang puksain ng Diyos ang masamang sanlibutang ito sa “malaking kapighatian.” (Mat. 24:21; basahin ang Jeremias 25:32, 33.) Pero dahil mahal ni Jehova ang kaniyang mga lingkod, iingatan niya sila bilang isang grupo at aakayin tungo sa kaniyang bagong sanlibutan. Gaya ng inihula halos 2,000 taon na ang nakalilipas, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Gustong-gusto mo na bang mabuhay sa Paraiso kapag “ang mga dating bagay ay lumipas na”?—Apoc. 21:4.
14. Gaano na karami ang malaking pulutong ngayon?
14 Nang magsimula ang mga huling araw noong 1914, iilang libo lang ang lingkod ni Jehova sa buong daigdig. Dahil sa pag-ibig sa kapuwa at sa tulong ng espiritu ng Diyos, isang maliit na grupo ng nalabing pinahirang Kristiyano ang nagpursiging ipangaral ang Kaharian. Kaya isang malaking pulutong na may pag-asang mabuhay sa lupa ang natitipon ngayon. Mga 8,000,000 na ang mga Saksi sa mahigit 115,400 kongregasyon sa buong daigdig, at patuloy pa tayong dumarami. Halimbawa, noong 2014 taon ng paglilingkod, mahigit 275,500 bagong mga Saksi ang nabautismuhan. Ibig sabihin, mga 5,300 ang nababautismuhan linggo-linggo.
15. Ilarawan kung gaano na kalawak ang ginagawang pangangaral ng Kaharian.
15 Kahanga-hanga ang lawak ng ginagawang pangangaral. Ang ating salig-Bibliyang mga literatura ay inilalathala na ngayon sa mahigit 700 wika. Sa buong daigdig, ang magasing Ang Bantayan ang may pinakamalawak na sirkulasyon. Mahigit 52,000,000 kopya ng magasing ito ang iniimprenta buwan-buwan, at inilalathala ito sa 247 wika. Mahigit 200,000,000 kopya naman ng aklat na Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na ginagamit natin sa pagtuturo ang naimprenta sa mahigit 250 wika.
16. Bakit may espirituwal na kasaganaan ang makalupang bahagi ng organisasyon ni Jehova?
16 Ang kamangha-manghang pagsulong na nakikita natin ngayon ay resulta ng ating pananampalataya sa Diyos at lubusang pagtanggap sa Bibliya—ang kinasihang Salita ni Jehova. (1 Tes. 2:13) Walang katulad ang espirituwal na kasaganaan ng bayan ni Jehova—kahit pa kinapopootan at sinasalansang ni Satanas, ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.”—2 Cor. 4:4.
LAGING MAGPAKITA NG PAG-IBIG SA IBA
17, 18. Ano ang dapat na maging saloobin ng mga lingkod ng Diyos sa mga di-sumasampalataya?
17 Ano ang dapat na maging saloobin ng mga lingkod ni Jehova sa mga hindi sumasamba sa tanging tunay na Diyos? Iba-iba ang reaksiyon ng tao kapag nangangaral tayo—nakikinig ang ilan, nagagalit naman ang iba. Pero anuman ang reaksiyon nila, ipinakikita ng Salita ng Diyos kung ano ang dapat gawin ng kaniyang mga lingkod. Sinasabi nito: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Col. 4:6) Kapag ipinagtatanggol natin ang ating mga paniniwala, ginagawa natin ito “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang” dahil mahal natin ang ating kapuwa.—1 Ped. 3:15.
18 Nagpapakita tayo ng pag-ibig kahit tinatanggihan ng galít na may-bahay ang ating mensahe. Tinutularan natin si Jesus: “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Ped. 2:23) Mga kapananampalataya man o hindi ang kasama natin, nagpapakumbaba tayo at ikinakapit ang payo: “[Huwag gumanti] ng pinsala sa pinsala o ng panlalait sa panlalait, kundi, sa kabaligtaran, [maggawad] ng pagpapala.”—1 Ped. 3:8, 9.
19. Anong simulain ang ibinigay ni Jesus tungkol sa mga sumasalansang?
19 Kapag nananatiling mapagpakumbaba ang bayan ni Jehova, isang mahalagang simulain na ibinigay ni Jesus ang sinusunod nila. Sa kaniyang Sermon sa Bundok, sinabi niya: “Narinig ninyo na sinabi, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa at kapopootan mo ang iyong kaaway.’ Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at ipanalangin yaong mga umuusig sa inyo; upang mapatunayan ninyo na kayo ay mga anak ng inyong Ama na nasa langit, yamang pinasisikat niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mat. 5:43-45) Oo, bilang mga lingkod ng Diyos, dapat nating ‘ibigin ang ating mga kaaway’ anuman ang pagtrato nila sa atin.
20. Bakit mamamayani sa bagong sanlibutan ang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)
20 Dapat na lagi nating ipakita na iniibig natin si Jehova at ang ating kapuwa. Halimbawa, tinatanggihan man ng ilan ang mensahe ng Kaharian, tinutulungan pa rin natin sila kapag nangangailangan sila. Isinulat ni Pablo: “Huwag kayong magkautang sa kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa; sapagkat siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa kautusan. Sapagkat ang kodigo ng kautusan, ‘Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papaslang, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,’ at anumang iba pang utos, ay nabubuo sa salitang ito, samakatuwid nga, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.’ Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kaniyang kapuwa; kaya nga ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan.” (Roma 13:8-10) Bilang mga Saksi ni Jehova, nagpapakita tayo ng tunay pag-ibig sa watak-watak, marahas, at masamang daigdig na ito na nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. (1 Juan 5:19) Kapag napuksa na si Satanas, ang kaniyang mga demonyo, at ang mapaghimagsik na mga tao, tiyak na pag-ibig ang mangingibabaw sa lupa sa bagong sanlibutan. Napakaganda ngang pagpapala kapag lahat ng nabubuhay sa lupa ay umiibig sa Diyos at sa kanilang kapuwa!