Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sanayin ang Iyong Tin-edyer na Maglingkod kay Jehova

Sanayin ang Iyong Tin-edyer na Maglingkod kay Jehova

“Si Jesus ay patuloy na sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa lingap ng Diyos at ng mga tao.”—LUC. 2:52.

AWIT: 41, 89

1, 2. (a) Ano ang ikinababahala ng ilang magulang para sa kanilang tin-edyer na mga anak? (b) Sa ano-anong paraan maaaring sumulong ang isang tin-edyer na Kristiyano?

ISA sa pinakamaliligayang sandali para sa Kristiyanong mga magulang ang makitang mabautismuhan ang kanilang anak. “Hindi namin maipaliwanag ang nararamdaman namin. Siyempre, nagpapasalamat kami’t gusto ng mga anak namin na paglingkuran si Jehova,” ang sabi ni Berenice, na may apat na anak na nabautismuhan bago mag-14 anyos. “Pero,” ang sabi pa niya, “alam din namin na maraming hamong haharapin ang aming mga anak bilang tin-edyer.” Gaya ni Berenice, baka nag-aalala ka rin para sa anak mong tin-edyer o malapit nang magtin-edyer.

2 Inamin ng isang eksperto sa child psychology na hamon para sa mga magulang at sa kanilang mga anak ang mga taon ng pagiging tin-edyer. Pero sinabi niya: “Ang pagiging tin-edyer ay hindi isang yugto ng pagiging ‘maloko’ o ‘isip-bata.’ Mahalagang panahon iyon ng matinding emosyon, pakikipagkaibigan, at pagkamalikhain.” Habang tin-edyer ang iyong mga anak, puwede silang maging mas malapít na kaibigan ni Jehova, magtakda at umabot ng mga tunguhin sa ministeryo, at gumawa ng sariling mga desisyon, gaya ng pag-aalay kay Jehova at pamumuhay kaayon nito. Panahon iyon para sumulong sila sa espirituwal, gaya ni Jesus noong kabataan siya. (Basahin ang Lucas 2:52.) Bilang magulang, ano ang papel mo sa maselang mga taóng iyon? Isaalang-alang kung paano nagpakita si Jesus ng pag-ibig, kapakumbabaan, at kaunawaan. Paano makatutulong ang mga katangiang ito sa pagsasanay mo sa iyong tin-edyer na maglingkod kay Jehova?

MAHALIN ANG IYONG TIN-EDYER

3. Bakit matatawag ni Jesus na mga kaibigan ang kaniyang mga apostol?

3 Si Jesus ay isang mapagmahal at tapat na kaibigan. (Basahin ang Juan 15:15.) Noong panahon ng Bibliya, hindi karaniwang sinasabi ng panginoon sa kaniyang mga alipin ang iniisip at damdamin niya. Pero si Jesus ay hindi lang panginoon kundi kaibigan din sa kaniyang tapat na mga apostol. Gumugol siya ng panahon kasama nila, sinabi sa kanila ang damdamin niya, at nakinig sa kanila. (Mar. 6:30-32) Dahil dito, naging malapít sila sa isa’t isa at naihanda ang mga apostol sa karagdagang mga responsibilidad sa paglilingkod sa Diyos.

4. Paano ka magiging kaibigan ng iyong anak nang hindi isinusuko ang awtoridad mo bilang magulang? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

4 “Bilang mga magulang, hindi tayo puwedeng maging parang kaedaran lang ng ating mga anak,” ang sabi ni Michael na may dalawang anak, “pero puwede nila tayong maging kaibigan.” Ang magkaibigan ay gumugugol ng panahon sa isa’t isa. Baka puwede mong i-adjust ang trabaho mo o iba pang pinagkakaabalahan para mas madalas kang makasama ng iyong mga anak. Dapat mo itong ipanalangin at seryosong pag-isipan. Magkapareho rin ng mga hilig ang magkaibigan. Kaya sikaping magustuhan ang mga bagay na nagugustuhan ng iyong tin-edyer—ang paborito niyang musika, pelikula, o isport. Sinabi ni Ilaria na taga-Italy: “Pinakikinggan din ng mga magulang ko ang musikang pinakikinggan ko. Best friend ko ang daddy ko, at nasasabi ko sa kaniya kahit ang sensitibong mga bagay.” Kapag kinakaibigan mo ang mga anak mo at tinutulungan mo silang magkaroon ng “matalik na kaugnayan kay Jehova,” hindi mo naman isinusuko ang awtoridad mo bilang magulang. (Awit 25:14) Sa halip, ipinakikita nito na mahal mo sila, nirerespeto, at na malalapitan ka nila. Kaya mas malamang na magsabi sila sa iyo ng kanilang niloloob.

5. Paano tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na maranasan ang kaligayahang dulot ng abalang paglilingkod kay Jehova?

5 Alam ni Jesus na magiging maligaya ang mga alagad at kaibigan niya kung magiging abala sila sa paglilingkod kay Jehova. Kaya pinasigla niya sila na maging masigasig sa espirituwal na mga gawain. Oo, gusto niyang maging masigasig sila sa paggawa ng mga alagad! At tiniyak niyang tutulungan niya silang magtagumpay.—Mat. 28:19, 20.

6, 7. Bakit pagpapakita ng pag-ibig sa mga anak ang pagtatatag at pagpapanatili ng espirituwal na rutin?

6 Tiyak na gusto mong manatiling malusog sa espirituwal ang iyong mga anak. At gusto naman ng Diyos na palakihin mo sila sa “disiplina at pangkaisipang patnubay ni Jehova.” (Efe. 6:4) Kaya gamitin ang awtoridad na ibinigay sa iyo ng Diyos para magtatag ng espirituwal na rutin at panatilihin iyon. Bilang paglalarawan: Tinitiyak mong makapag-aral ang iyong mga anak dahil mahalaga ang edukasyon at gusto mong ikintal sa kanila ang interes na matuto. Sa katulad na paraan, tinitiyak ng mapagmahal na magulang na nakikinabang ang kanilang mga anak sa “pangkaisipang patnubay ni Jehova” sa panahon ng mga pulong at iba pang espirituwal na programa. Dahil mahalaga ang edukasyong mula sa Diyos, sinisikap mong ikintal sa iyong mga anak ang pag-ibig sa espirituwal na mga bagay at pagpapahalaga sa karunungan. (Kaw. 24:14) Gaya ng ginawa ni Jesus, tulungan mo rin ang iyong mga anak na magtagumpay sa ministeryo. Tulungan mo silang mahalin ang pagtuturo ng Salita ng Diyos at maging regular sa paglilingkod sa larangan.

7 Paano makatutulong sa iyong tin-edyer ang regular na espirituwal na rutin? Inamin ni Erin na taga-South Africa: “Madalas na umaangal at nagrereklamo kaming magkakapatid sa Bible study, pulong, at paglilingkod sa larangan. Minsan sinasadya naming guluhin ang family study para makaiwas. Pero hindi sumuko ang mga magulang namin.” Sinabi pa niya: “Natulungan ako ng pagsasanay na iyon na maging matiyaga. Ngayon, kapag nasisira ang espirituwal na rutin ko, gustong-gusto kong maibalik agad iyon hangga’t posible. Hindi siguro ako magiging ganito kung hindi naging istrikto ang mga magulang ko sa pagsunod sa espirituwal na rutin. Kung sumuko sila, tiyak na mas madali sa akin na lumiban sa mga pulong o sa iba pang espirituwal na gawain.”

MAGING MAPAGPAKUMBABA

8. (a) Paano kinilala ni Jesus ang kaniyang limitasyon? (b) Ano ang epekto ng kapakumbabaan ni Jesus sa kaniyang mga alagad?

8 Sakdal si Jesus, pero mapagpakumbaba niyang kinilala ang limitasyon niya at umasa siya kay Jehova. (Basahin ang Juan 5:19.) Nabawasan ba ang respeto sa kaniya ng mga alagad niya dahil dito? Hindi. Lalo pa nga silang nagtiwala sa kaniya habang nakikita nilang umaasa siya kay Jehova. Nang maglaon, tinularan nila ang kapakumbabaan ni Jesus.—Gawa 3:12, 13, 16.

9. Kapag mapagpakumbaba kang nagsosori at kinikilala mo ang iyong mga limitasyon, ano ang magiging epekto nito sa iyong mga anak?

9 Marami tayong limitasyon, at di-gaya ni Jesus, hindi tayo sakdal at nagkakamali. Mapagpakumbabang kilalanin ang mga limitasyon mo at aminin ang iyong mga pagkakamali. (1 Juan 1:8) Sino ba ang mas irerespeto mo? Isang boss na umaamin sa kaniyang pagkakamali o isa na hindi nagsosori? Kapag naririnig ng anak mo na nagsosori ka, lalo ka niyang irerespeto. Matututo rin siyang aminin ang mga pagkakamali niya. “Inaamin namin ang aming mga pagkakamali, kaya naman nagsasabi sa amin ng problema ang aming mga anak,” ang sabi ni Rosemary na may tatlong malalaki nang anak. “Alam namin ang aming mga limitasyon, kaya itinuturo namin sa aming mga anak kung saan nila matatagpuan ang pinakamagandang solusyon sa problema nila. Kapag kailangan nila ng tulong, lagi namin silang itinuturo sa ating salig-Bibliyang mga literatura, at sama-sama kaming nananalangin.”

10. Paano nagpakita ng kapakumbabaan si Jesus kapag nagbibigay ng utos sa mga tagasunod niya?

10 May awtoridad si Jesus na magbigay ng utos sa kaniyang mga tagasunod. Pero kadalasan, mapagpakumbaba niyang sinasabi ang dahilan kung bakit niya iniuutos ang isang bagay. Halimbawa, hindi lang niya basta sinabi sa kaniyang mga tagasunod na hanapin muna ang Kaharian at ang katuwiran ng Diyos, kundi sinabi rin niya: “At ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” Matapos sabihing “Huwag na kayong humatol,” binanggit ni Jesus ang dahilang ito: “Upang hindi kayo mahatulan; sapagkat sa hatol na inyong inihahatol ay hahatulan kayo.”—Mat. 6:31–7:2.

11. Kapag angkop, bakit makabubuting ipaliwanag ng magulang ang dahilan sa likod ng isang utos o desisyon?

11 Kapag angkop, ipaliwanag ang dahilan sa likod ng utos o desisyon mo. Kapag naunawaan ng iyong anak ang iniisip mo, malamang na kusang-loob siyang susunod. “Kapag sinasabi mo ang dahilan, nagtitiwala sa iyo ang mga tin-edyer kasi nakikita nilang ang mga desisyon mo ay hindi dahil sa gusto mo lang o kapritso lang kundi makatuwiran,” ang sabi ni Barry na may apat na anak. Tandaan na ang isang tin-edyer ay hindi na bata. Natututo na siyang gumamit ng “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Ipinaliwanag ni Barry: “Kailangang matuto ang mga tin-edyer na magdesisyon batay sa katuwiran at hindi sa emosyon.” (Awit 119:34) Kapag mapagpakumbaba mong ipinaliliwanag ang dahilan ng iyong desisyon, madarama ng anak mo na kinikilala mong nagiging maygulang na siya at natututo nang magdesisyon gamit ang “kakayahan sa pangangatuwiran.”

MAGPAKITA NG KAUNAWAAN AT UNAWAIN ANG IYONG TIN-EDYER

12. Paano gumamit ng kaunawaan si Jesus para tulungan si Pedro?

12 Gumamit si Jesus ng kaunawaan para makita kung paano tutulungan ang kaniyang mga alagad. Halimbawa, maganda naman ang intensiyon ni apostol Pedro nang sabihin niya kay Jesus na maging mabait sa sarili para hindi mapatay. Pero alam ni Jesus na mali ang iniisip ni Pedro. Para matulungan siya at ang iba pang alagad, tuwiran siyang sinaway ni Jesus at binanggit ang kahihinatnan ng pag-una sa sariling kapakanan at ang mga pagpapala para sa mapagsakripisyong espiritu. (Mat. 16:21-27) Nakuha ni Pedro ang aral.—1 Ped. 2:20, 21.

13, 14. (a) Ano ang maaaring maging indikasyon na humihina ang pananampalataya ng iyong tin-edyer? (b) Paano mo magagamit ang kaunawaan para maintindihan at matulungan ang iyong anak?

13 Ipanalangin kay Jehova na bigyan ka ng kaunawaan para makita kung paano mo tutulungan ang iyong tin-edyer. (Awit 32:8) Halimbawa, ano ang maaaring maging indikasyon na humihina ang pananampalataya ng iyong anak? Baka hindi na siya gaanong masaya, namimintas sa mga kapatid, o nagiging malihim na. Huwag mong isipin agad na baka may dobleng pamumuhay na siya at may ginagawang kasalanan. * Pero huwag mo ring bale-walain iyon o isiping lilipas din iyon.

Tulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng mga kaibigan sa kongregasyon (Tingnan ang parapo 14)

14 Gaya ni Jesus, magtanong sa mabait at magalang na paraan. Kung mabilisan mong hihilahin pataas ang panalok ng tubig mula sa balon, maraming tubig ang matatapon. Sa katulad na paraan, kung kokomprontahin mo at pipiliting magsalita ang iyong anak, baka masayang ang mahalagang pagkakataon na malaman ang iniisip at nadarama niya. (Basahin ang Kawikaan 20:5.) Sinabi ni Ilaria, na binanggit kanina: “Noong tin-edyer ako, hatî ang puso ko. Gusto kong lumakad sa katotohanan pero gusto ko ring madalas na kasama ang mga kaklase ko. Naging sumpungin ako dahil dito, at napansin iyon ng mga magulang ko. Isang gabi, sinabi nilang napansin nilang malungkot ako, at itinanong kung ano’ng problema. Bigla akong napaiyak, ipinaliwanag ko ang sitwasyon, at humingi ng tulong. Niyakap nila ako at sinabing naiintindihan nila ako. Nangako rin silang tutulungan ako.” Agad na kumilos ang mga magulang ni Ilaria para magkaroon siya ng mabubuting kaibigan sa kongregasyon.

15. Ipaliwanag kung paano nagpakita ng kaunawaan si Jesus sa pakikitungo sa iba.

15 Nagpakita rin si Jesus ng kaunawaan dahil tinitingnan niya ang mabubuting katangian ng kaniyang mga alagad at kung saan sila nangangailangan ng tulong. Halimbawa, nang mabalitaan ni Natanael na si Jesus ay mula sa Nazaret, sinabi niya: “Mayroon kayang anumang mabuting bagay na manggagaling sa Nazaret?” (Juan 1:46) Batay sa sinabi ni Natanael, ano ang tingin mo sa kaniya? Negatibo? May kinikilingan? Walang pananampalataya? Gumamit si Jesus ng kaunawaan at hinanap niya ang mabuting katangian ni Natanael. Tinawag niya itong “isang tunay na Israelita, na sa kaniya ay walang panlilinlang.” (Juan 1:47) Nababasa ni Jesus ang puso, at ginamit niya ang kakayahang ito para hanapin ang mabuting katangian ng iba.

16. Paano mo matutulungan ang iyong tin-edyer na maglinang ng mabubuting katangian?

16 Kahit hindi mo nababasa ang puso ng iba, sa tulong ng Diyos, magagamit mo ang kaunawaan. Gagamitin mo ba iyan para hanapin ang mabuting katangian ng iyong anak? Hindi gusto ninuman na matawag na “basag-ulero.” Huwag na huwag mong iisipin o tatawaging “rebelde” o “sakit ng ulo” ang anak mo. Nadidismaya ka man ng iyong anak, sabihin sa kaniya na nakikita mo ang potensiyal niya at ang kagustuhan niyang gawin ang tama. Pansinin ang anumang pagsulong niya at bigyan siya ng komendasyon. Para matulungan siya na malinang ang mabubuting katangian, pagkatiwalaan siya ng karagdagang responsibilidad kapag posible. Ganiyan ang ginawa ni Jesus sa mga alagad niya. Mga isa’t kalahating taon mula nang magkausap si Jesus at si Natanael (tinatawag ding Bartolome), pinili ni Jesus si Natanael para maging apostol, at naging masigasig na Kristiyano si Natanael. (Luc. 6:13, 14; Gawa 1:13, 14) Sa halip na ipadama sa iyong anak na parang wala na siyang ginawang tama, patibayin siya at bigyan ng komendasyon. Ipadamang isa siyang maaasahang Kristiyano na magagamit ni Jehova.

PAGSASANAY NA NAGDUDULOT NG MALAKING KAGALAKAN

17, 18. Ano ang magiging resulta kung patuloy mong tutulungan ang iyong tin-edyer na maglingkod kay Jehova?

17 Sa pagpapalaki sa iyong mga anak, baka nadarama mo rin ang nadama ni apostol Pablo, na naging espirituwal na ama sa marami. Dumanas siya ng “kapighatian at panggigipuspos ng puso” dahil sa “pag-ibig” sa kaniyang espirituwal na mga anak sa Corinto. (2 Cor. 2:4; 1 Cor. 4:15) Si Victor, na may tatlong anak, ay nagsabi: “Hindi madali ang mga taon ng pagiging tin-edyer. Pero mas marami naman ang masasayang panahon kaysa sa mga hamong hinarap namin. Sa tulong ni Jehova, naging matalik na magkakaibigan kami ng aming mga anak.”

18 Huwag magsawang sanayin ang iyong mga anak na maglingkod kay Jehova. Habang ipinakikita mo kung gaano mo sila kamahal, maranasan mo nawa ang malaking kagalakan samantalang nakikita silang pumapasok sa katotohanan at nananatili sa hanay ng espirituwal na mga anak na “patuloy na lumalakad sa katotohanan.”—3 Juan 4.