Magpakita ng Pagpapahalaga sa Pagkabukas-Palad ni Jehova
SI Jehova ay isang bukas-palad na Diyos. (Sant. 1:17) Mula sa mabituing kalangitan hanggang sa luntiang pananim na bumabalot sa lupa, ang mga nilalang ni Jehova ay umaawit tungkol sa kaniyang pagkabukas-palad.—Awit 65:12, 13; 147:7, 8; 148:3, 4.
Napakalalim ng pagpapahalaga ng salmista sa kaniyang Maylalang kaya napakilos siyang lumikha ng awit na pumupuri sa mga gawa ni Jehova. Basahin ang Awit 104 at tingnan kung ganiyan din ang nadarama mo. Sinabi ng salmista: “Aawit ako kay Jehova sa buong buhay ko; aawit ako ng papuri sa aking Diyos hangga’t ako ay nabubuhay.” (Awit 104:33) Ganiyan din ba ang nais mong gawin?
PINAKAMAHUSAY NA HALIMBAWA NG PAGKABUKAS-PALAD
Gusto ni Jehova na tularan natin ang kaniyang pagkabukas-palad. Nagbigay rin siya ng mga dahilan para maging bukas-palad tayo. Pansinin ang ipinasulat niya kay apostol Pablo: “Magbigay ka ng utos doon sa mayayaman sa kasalukuyang sistema ng mga bagay na huwag maging mataas ang pag-iisip, at na ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan; na gumawa ng mabuti, na maging mayaman sa maiinam na gawa, na maging mapagbigay, handang mamahagi, maingat na nag-iimbak para sa kanilang sarili ng isang mainam na pundasyon para sa hinaharap, upang makapanghawakan silang mahigpit sa tunay na buhay.”—1 Tim. 6:17-19.
Nang isulat ni Pablo ang kaniyang ikalawang liham sa kongregasyon sa Corinto, idiniin niya kung ano ang tamang saloobin sa pagbibigay. Sinabi ni Pablo: “Gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya niya sa kaniyang puso, hindi mabigat sa loob o sa ilalim ng pamimilit, sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay.” (2 Cor. 9:7) Pagkatapos, binanggit niya ang mga nakikinabang sa bukas-palad na pagbibigay: ang mga tumatanggap, na nasasapatan ang pangangailangan; at ang mga nagbibigay, na saganang pinagpapala sa espirituwal.—2 Cor. 9:11-14.
Tinukoy ni Pablo ang pinakamatibay na ebidensiya ng pagkabukas-palad ng Diyos nang isulat niya: “Salamat sa Diyos dahil sa kaniyang di-mailarawang kaloob na walang bayad.” (2 Cor. 9:15) Malinaw na kasama sa kaloob na ito ni Jehova ang lahat ng kabutihang ipinakita ng Diyos sa kaniyang bayan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Napakadakila nito anupat hindi lubusang mailalarawan ang halaga nito.
Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa lahat ng ginawa at gagawin ni Jehova at ng kaniyang Anak para sa atin? Maging bukas-palad sa pagbibigay ng ating panahon, lakas, at mga tinatangkilik para sa ikasusulong ng dalisay na pagsamba kay Jehova, maliit man o malaki ang ating ibinibigay.—1 Cro. 22:14; 29:3-5; Luc. 21:1-4.