Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Dapat gamitin ng mga Kristiyano ang kanilang budhing sinanay sa Bibliya kapag nakikitungo sa mga opisyal ng gobyerno

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Ano ang makatutulong sa mga Kristiyano na malaman kung angkop na magbigay ng mga regalo o tip sa mga empleado ng gobyerno?

Maraming bagay ang dapat isaalang-alang. Ang mga Kristiyano ay dapat maging tapat. Obligado silang sumunod sa mga batas ng lupain kung hindi naman salungat ang mga ito sa mga batas ni Jehova. (Mat. 22:21; Roma 13:1, 2; Heb. 13:18) Sinisikap din nilang igalang ang lokal na mga kostumbre at budhi ng iba at ‘ibigin ang kanilang kapuwa gaya ng sarili.’ (Mat. 22:39; Roma 12:17, 18; 1 Tes. 4:11, 12) Ang nabanggit na mga simulain ay makaaapekto sa pananaw ng mga Kristiyano sa iba’t ibang bahagi ng daigdig pagdating sa pagbibigay ng mga regalo at tip.

Sa maraming lugar, ang isang mamamayan ay hindi kailangang magbigay ng anuman sa mga empleado ng gobyerno kapalit ng serbisyong karapatan niyang makuha. Ang mga empleadong ito ay binabayaran ng gobyerno para sa kanilang serbisyo, at hindi sila humihiling o umaasang tatanggap ng anuman bukod sa kanilang regular na sahod. Sa maraming lupain, ilegal para sa mga empleado ng gobyerno na humingi o tumanggap ng anuman kapalit ng kanilang serbisyo, kahit legal naman ang pagganap nila sa kanilang trabaho. Ang gayong regalo ay maituturing na suhol, kahit wala itong epekto sa magiging resulta ng trabaho nila. Sa ganitong sitwasyon, hindi na isyu kung dapat bang magbigay ang isang Kristiyano ng regalo o tip sa mga empleado ng gobyerno. Malinaw na hindi angkop ang gayong pagreregalo.

Pero sa mga lupaing walang gayong batas o hindi mahigpit ang pagpapatupad sa gayong mga batas, iba ang tingin ng mga empleado ng gobyerno sa kanilang trabaho. Sa ilang lupain, sinasamantala ng mga opisyal ng gobyerno ang kanilang posisyon para mangikil o humingi ng pabor sa mga dapat nilang paglingkuran, at hindi sila kikilos malibang abutan sila ng regalo. Kaya naman, ang mga opisyal na nagkakasal, tumatanggap ng lehitimong bayad sa buwis, nagbibigay ng building permit, at iba pa ay nanghihingi ng tip. Kung walang tip, baka sadyain ng mga opisyal na pahirapan ang mga mamamayan o gawin pa ngang imposible na makuha ng mga ito ang serbisyong karapatan nilang matanggap. May ulat pa nga na sa isang bansa, hindi kikilos ang mga rumerespondeng bombero para apulahin ang apoy hangga’t hindi sila inaabutan ng malaki-laking tip.

Kung minsan, angkop na magbigay ng maliit na regalo bilang pagpapahalaga sa isang lehitimong serbisyo na karapatan naman ng isa

Kapag ganiyan ang kaugalian sa isang lugar, iniisip ng ilan na hindi nila maiiwasang magbigay ng tip. Sa gayong mga sitwasyon, baka ituring ng isang Kristiyano na ang tip ay karagdagang bayad para makuha ang isang lehitimong serbisyo. Pero sa mga lugar na laganap ang korapsiyon, kailangang mag-ingat ang mga Kristiyano para manatiling malinaw sa kanila kung ano ang katanggap-tanggap at hindi katanggap-tanggap sa pananaw ng Diyos. Ang pagbibigay ng tip para sa serbisyong karapatang makuha ng isa ay ibang-iba sa pagbibigay nito para makakuha ng pabor sa ilegal na paraan. Ang ilan ay nagbibigay ng tip sa isang opisyal para makuha ang serbisyong hindi naman nararapat sa kanila o nag-aalok ng “tip” sa pulis o inspektor para makaiwas sa multa. Siyempre pa, hindi tamang gawing tiwali ang isa sa pamamagitan ng pagbibigay ng “regalo,” kung paanong hindi rin tamang maging tiwali sa pamamagitan ng pagtanggap ng gayong “regalo.” Alinman sa mga ito ay pagbaluktot sa katarungan.​—Ex. 23:8; Deut. 16:19; Kaw. 17:23.

Dahil sa kanilang budhing sinanay sa Bibliya, karamihan sa may-gulang na mga Kristiyano ay hindi komportableng magbigay ng tip sa mga opisyal na humihingi nito. Itinuturing nila itong pangungunsinti o pagtataguyod ng korapsiyon. Kaya tinatanggihan nila ang mga nanghihingi ng kahit anong regalo.

Para sa may-gulang na mga Kristiyano, ang pagbibigay ng regalo para makakuha ng ilegal na pabor ay maaaring katumbas ng panunuhol. Pero dahil sa lokal na mga kalagayan at budhi ng iba, baka ang ilan ay nagbibigay ng maliit na regalo para makatanggap ng isang lehitimong serbisyo o para maiwasan ang di-makatuwirang pagkaantala nito. Sa ilang kaso, pagkatapos ng libreng paggamot sa isang pampublikong ospital, may mga Kristiyanong nagreregalo sa mga doktor at nars bilang pasasalamat. Ginagawa nila ito pagkatapos ng gamutan, hindi bago nito, para hindi iyon magpahiwatig ng panunuhol o paghingi ng espesyal na pagtrato.

Hindi natin matatalakay ang lahat ng posibleng sitwasyon sa bawat lupain. Kaya anuman ang lokal na kalagayan, kapag nagpapasiya ang mga Kristiyano, dapat nilang sikaping magkaroon ng malinis na budhi. (Roma 14:1-6) Dapat nilang iwasan ang ilegal na mga gawa. (Roma 13:1-7) Dapat din nilang iwasan ang anumang gawain na maaaring magdulot ng upasala sa pangalan ni Jehova o makatisod sa iba. (Mat. 6:9; 1 Cor. 10:32) At dapat makita sa kanilang mga desisyon na may pag-ibig sila sa kapuwa.​—Mar. 12:31.

Paano maipapahayag ng kongregasyon ang kagalakan nito kapag ipinatalastas na nakabalik na ang isang tiwalag?

Mababasa natin sa Lucas kabanata 15 ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa isang tao na may 100 tupa. Nang mawala ang isang tupa, iniwan ng lalaki ang 99 sa ilang at hinanap ang nawawalang tupa “hanggang sa masumpungan niya ito.” Sinabi pa ni Jesus: “Kapag nasumpungan na niya ito ay ipapasan niya ito sa kaniyang mga balikat at magsasaya. At kapag nakarating na siya sa tahanan ay tatawagin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sinasabi sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nasumpungan ko na ang aking tupa na nawala.’” Ganito ang konklusyon ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo na gayon magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanan na nagsisisi kaysa sa siyamnapu’t siyam na matuwid na walang pangangailangang magsisi.”​—Luc. 15:4-7.

Ipinakikita ng konteksto na sinabi ito ni Jesus para ituwid ang kaisipan ng mga eskriba at Pariseo, na bumabatikos sa kaniya dahil sa pakikisama niya sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan. (Luc. 15:1-3) Ipinakita ni Jesus na may kagalakan sa langit kapag nagsisi ang isang makasalanan. Maitatanong natin, ‘Kung may kagalakan sa langit, hindi ba dapat may kagalakan din sa lupa kapag ang isang makasalanan ay nagsisi, nanumbalik, at itinuwid ang kaniyang mga landas?’​—Heb. 12:13.

May dahilan tayong magsaya kapag ang isang tiwalag ay naibalik sa kongregasyon. Dapat niyang panatilihin ang kaniyang katapatan sa Diyos, pero kinailangan muna niyang magsisi para maibalik sa kongregasyon, at natutuwa tayo na nagsisi siya. Kaya, posibleng kusang pumalakpak ang mga kapatid nang may dignidad kapag ipinatalastas ng mga elder na nakabalik na ang isang tiwalag.

Ano kaya ang posibleng dahilan kung bakit “nagugulo” ang tubig ng tipunang-tubig ng Betzata sa Jerusalem?

Noong panahon ni Jesus, inakala ng ilang taga-Jerusalem na nakapagpapagaling ang tipunang-tubig ng Betzata kapag “nagugulo” ang tubig nito. (Juan 5:1-7) Kaya naman dinudumog iyon ng mga taong gustong gumaling.

Itinuturing na ang tipunang-tubig ng Betzata ay isang paliguang ginagamit ng mga Judio sa kanilang ritwal. Ang tubig nito ay nanggagaling sa isang kalapit na imbakan na nasa lugar ding iyon. Ipinakikita ng pagsisiyasat doon na may dam sa pagitan ng dalawang tipunang-tubig. May paagusan sa dam na puwedeng buksan para dumaloy ang tubig mula sa imbakan patungo sa isang lagusan na nasa ilalim ng paliguan. Kapag binubuksan ang paagusan, tiyak na magugulo ang ibabaw ng tipunang-tubig dahil sa pagragasa ng tubig.

Kapansin-pansin na ang Juan 5:4, na nagsasabing isang anghel ang gumugulo sa tubig, ay wala sa iginagalang na sinaunang mga manuskritong Griego, gaya ng Codex Sinaiticus ng ikaapat na siglo. Pero pinagaling ni Jesus sa Betzata ang isang lalaking 38 taon nang may sakit. Kaagad na gumaling ang lalaking iyon kahit hindi siya lumusong sa tipunang-tubig.