Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’

‘Ang Kapayapaan ng Diyos ay Nakahihigit sa Lahat ng Kaisipan’

“Ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ay magbabantay sa inyong mga puso.”—FIL. 4:7.

AWIT: 76, 141

1, 2. Anong mga pangyayari sa Filipos ang naging dahilan ng pagkakabilanggo nina Pablo at Silas? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

HALOS hatinggabi na. Dalawang misyonero, sina Pablo at Silas, ang nakabilanggo sa kaloob-loobang bahagi ng kulungan sa lunsod ng Filipos. Nasa pangawan ang kanilang mga paa, at masakit pa ang kanilang likod dahil sa mga hampas na tinanggap nila. (Gawa 16:23, 24) Mabilis ang mga pangyayari! Bago nito, basta na lang sila kinaladkad ng mga mang-uumog papunta sa pamilihan para mahatulan. Pinagpupunit ang kanilang damit, at pinaghahampas sila ng mga pamalo. (Gawa 16:16-22) Kawalang-katarungan nga! Dapat sana ay nilitis muna si Pablo dahil isa siyang mamamayang Romano. *

2 Habang nakabilanggo, pinag-iisipan ni Pablo ang mga nangyari sa araw na iyon. Iniisip din niya ang mga taga-Filipos. Walang sinagoga ng mga Judio doon, di-tulad ng maraming lunsod na dinalaw ni Pablo. Para sumamba, kailangan pang magtipon-tipon ng mga Judio sa labas ng mga pintuang-daan ng lunsod sa tabi ng isang ilog. (Gawa 16:13, 14) Ito kaya ay dahil wala pang 10 lalaking Judio sa lunsod, ang bilang na kailangan para makabuo ng isang sinagoga? Maliwanag na ipinagmamalaki ng mga taga-Filipos ang kanilang pagkamamamayang Romano, kahit pangalawahing uri lang ito. (Gawa 16:21) Marahil iyan ang dahilan kaya hindi man lang nila naisip na ang mga Judio na sina Pablo at Silas ay posibleng mga mamamayang Romano rin. Anuman ang dahilan, di-makatarungan ang pagkakabilanggo nina Pablo at Silas.

3. Bakit maaaring nagtaka si Pablo nang mabilanggo siya? Pero anong saloobin ang ipinakita niya?

3 Malamang na iniisip din ni Pablo ang mga nangyari ilang buwan bago nito. Nasa kabilang ibayo siya ng Dagat Aegeano sa Asia Minor. Doon, paulit-ulit na pinagbawalan si Pablo ng banal na espiritu na mangaral sa ilang lugar. Para bang inaakay siya nito sa ibang direksiyon. (Gawa 16:6, 7) Pero saan? Habang nasa Troas, nakakita si Pablo ng isang pangitain. Sinabi sa kaniya: “Tumawid ka sa Macedonia.” Maliwanag na iyan ang kalooban ni Jehova, kaya agad na tinanggap ni Pablo ang paanyaya. (Basahin ang Gawa 16:8-10.) Pero ano ang nangyari? Pagdating niya sa Macedonia, nabilanggo siya! Bakit hinayaan ni Jehova na mangyari ito kay Pablo? Mabubulok ba siya sa bilangguan? Kung naisip man ni Pablo ang mga tanong na iyan, hindi niya hinayaang makaapekto ito sa kaniyang pananampalataya at kagalakan. Siya at si Silas ay nagsimulang ‘manalangin at pumuri sa Diyos sa pamamagitan ng awit.’ (Gawa 16:25) Napanatag ang kanilang puso at isip dahil sa kapayapaan ng Diyos.

4, 5. (a) Paano puwedeng maging katulad ng naranasan ni Pablo ang sitwasyon natin? (b) Paano nagbago nang di-inaasahan ang sitwasyon ni Pablo?

4 Gaya ni Pablo, baka nadarama mong sinusunod mo naman ang pag-akay ng banal na espiritu ng Diyos, pero iba ang kinalalabasan kaysa sa inaasahan mo. Baka napaharap ka sa maraming hamon, o kinailangan mong gumawa ng malalaking pagbabago dahil sa nagbagong mga kalagayan. (Ecles. 9:11) Kapag nagbabalik-tanaw ka, baka naiisip mo kung bakit hinayaan ni Jehova na mangyari ang ilang bagay. Kaya ano ang makatutulong sa iyo na makapagbata at lubusang magtiwala kay Jehova? Para masagot iyan, balikan natin ang ulat tungkol kina Pablo at Silas.

5 Habang umaawit ng papuri sina Pablo at Silas, naganap ang sunod-sunod at di-inaasahang mga pangyayari. Biglang nagkaroon ng malakas na lindol at nabuksan ang mga pinto ng bilangguan. Nakalag ang mga gapos ng lahat ng bilanggo. Pinigilan ni Pablo ang tangkang pagpapakamatay ng tagapagbilanggo, at nabautismuhan ito at ang buong pamilya nito. Kinabukasan, ang mga mahistrado ng lunsod ay nagsugo ng mga kustable para palayain sina Pablo at Silas. Sinabihan sila ng mga opisyal na umalis sa lunsod nang payapa. Nang malaman ng mga mahistrado na sina Pablo at Silas ay mga mamamayang Romano, nakita nila na nakagawa sila ng malaking pagkakamali kaya sila mismo ang pumunta para ilabas ang dalawang lalaki. Pero bago umalis sina Pablo at Silas, nagpaalam muna sila sa bagong-bautisadong kapatid na si Lydia. Ginamit din nila ang pagkakataong iyon para patibayin ang mga kapatid. (Gawa 16:26-40) Napakabilis ngang nagbago ang sitwasyon!

ITO AY “NAKAHIHIGIT SA LAHAT NG KAISIPAN”

6. Ano ang tatalakayin natin?

6 Ano ang matututuhan natin dito? Sa harap ng pagsubok, magagawa ni Jehova ang mga bagay na di-inaasahan kaya hindi tayo dapat mag-alala. Tumatak kay Pablo ang aral na iyan, at makikita iyan sa isinulat niya nang maglaon sa mga kapatid sa Filipos tungkol sa pagkabalisa at sa kapayapaan ng Diyos. Talakayin muna natin ang sinabi ni Pablo sa Filipos 4:6, 7. (Basahin.) Pagkatapos, suriin natin ang iba pang halimbawa sa Kasulatan kung paano ginawa ni Jehova ang di-inaasahan. At saka natin isasaalang-alang kung paano makatutulong ang “kapayapaan ng Diyos” para makapagbata tayo at lubusang magtiwala kay Jehova.

7. Anong aral ang itinuro ni Pablo sa kaniyang liham sa mga kapatid sa Filipos? At ano ang matututuhan natin dito?

7 Nang mabasa ng mga kapatid sa Filipos ang liham ni Pablo, tiyak na naalaala nila ang nangyari sa kaniya at kung paano siya tinulungan ni Jehova sa paraang hindi nila inaasahan. Anong aral ang itinuturo ni Pablo sa kanila? Ito: Huwag mag-alala. Manalangin, at tatanggapin nila ang kapayapaan ng Diyos. Pero pansinin na “ang kapayapaan ng Diyos [ay] nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Ano ang ibig sabihin nito? Ginamit ng ilang tagapagsalin ang pananalitang “nakahihigit sa lahat ng ating mga pangarap” o “nakahihigit sa lahat ng plano ng tao.” Kaya sa diwa, sinasabi ni Pablo na “ang kapayapaan ng Diyos” ay mas kahanga-hanga kaysa sa maiisip natin. Kaya kahit wala tayong makitang solusyon sa ating problema, may solusyon si Jehova, at magagawa niya ang hindi natin inaasahan.—Basahin ang 2 Pedro 2:9.

8, 9. (a) Kahit dumanas si Pablo ng kawalang-katarungan sa Filipos, ano ang magandang resulta nito? (b) Bakit makapagtitiwala ang mga kapatid sa Filipos sa isinulat ni Pablo?

8 Tiyak na napatibay ang mga kapatid sa Filipos habang binubulay-bulay nila ang mga nangyari sa nakalipas na 10 taon. Kahit hinayaan ni Jehova na dumanas ng kawalang-katarungan sina Pablo at Silas, ang resulta naman nito ay ang “pagtatanggol at . . . legal na pagtatatag ng mabuting balita.” (Fil. 1:7) Mag-iisip-isip muna ang mga mahistrado sa lunsod na iyon bago gumawa ng anumang laban sa bagong-tatag na kongregasyong Kristiyano doon. Marahil dahil sa ginawa ni Pablo, ang manggagamot na si Lucas, na kasamahan niya sa paglalakbay, ay nakapanatili sa Filipos pagkaalis nina Pablo at Silas. Kaya makapaglalaan din ng tulong si Lucas sa mga bagong Kristiyano sa lunsod na iyon.

9 Nang mabasa ng mga kapatid sa Filipos ang liham ni Pablo, alam nilang hindi lang personal na opinyon ang mga isinulat niya. Talagang dumanas si Pablo ng mahihirap na kalagayan; pero nasa kaniya ang “kapayapaan ng Diyos.” Sa katunayan, nakakulong si Pablo sa Roma nang lumiham siya sa mga taga-Filipos. Pero ipinakita niya na nasa kaniya pa rin ang “kapayapaan ng Diyos.”—Fil. 1:12-14; 4:7, 11, 22.

“HUWAG KAYONG MABALISA SA ANUMANG BAGAY”

10, 11. Ano ang kailangan nating gawin kapag masyado tayong nababalisa? At ano ang maaasahan natin?

10 Ano ang makatutulong sa atin na huwag mabalisa sa anumang bagay at maranasan ang “kapayapaan ng Diyos”? Ipinakikita ng mga sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos na ang panlaban sa pag-aalala ay panalangin. Kaya kapag nababalisa, idaan sa panalangin ang álalahanín. (Basahin ang 1 Pedro 5:6, 7.) Manalangin kay Jehova nang may buong pagtitiwala na nagmamalasakit siya sa iyo. Manalangin sa kaniya na “may kasamang pasasalamat” sa bawat pagpapalang tinatanggap mo. Titibay ang ating pagtitiwala sa kaniya kung tatandaan natin na siya ay “makagagawa ng ibayo pang higit sa lahat ng mga bagay na ating mahihingi o maiisip.”—Efe. 3:20.

11 Tulad ng naranasan nina Pablo at Silas sa Filipos, baka magulat din tayo sa gagawin ni Jehova para sa atin. Hindi man iyon pambihirang bagay, pero tiyak na iyon ang kailangan natin. (1 Cor. 10:13) Siyempre pa, hindi ibig sabihin na uupo na lang tayo at maghihintay na ituwid ni Jehova ang sitwasyon o lutasin ang problema. Kailangan nating kumilos kaayon ng ating mga panalangin. (Roma 12:11) Sa gayon, makikita sa ating pagkilos na taimtim tayo at nabibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo. Pero tandaan din na higit pa ang magagawa ni Jehova kaysa sa hinihiling o iniisip natin. Kung minsan, sinosorpresa niya tayo at ginagawa ang hindi natin inaasahan. Talakayin natin ang ilang ulat sa Bibliya na magpapatibay ng ating pagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na gawin ang di-inaasahan para sa atin.

MGA HALIMBAWA NG DI-INAASAHANG PAGKILOS NI JEHOVA

12. (a) Ano ang ginawa ni Haring Hezekias nang magbanta si Haring Senakerib ng Asirya? (b) Ano ang matututuhan natin sa solusyong ginawa ni Jehova?

12 Sa Kasulatan, marami tayong mababasang halimbawa ng pagkilos ni Jehova nang di-inaasahan. Noong panahon ni Haring Hezekias, sinalakay ni Haring Senakerib ng Asirya ang Juda at sinakop ang lahat ng nakukutaang lunsod nito, maliban sa Jerusalem. (2 Hari 18:1-3, 13) Pero ito na ang isusunod niya. Ano ang ginawa ni Haring Hezekias sa harap ng bantang ito? Lumapit siya kay Jehova sa panalangin at humingi ng payo kay Isaias na propeta ni Jehova. (2 Hari 19:5, 15-20) Naging makatuwiran din si Hezekias dahil binayaran niya ang multang itinakda ni Senakerib. (2 Hari 18:14, 15) Pagkatapos, gumawa si Hezekias ng mga paghahanda para makatagal ang lunsod sa pangungubkob. (2 Cro. 32:2-4) Pero ano ang nangyari? Nagsugo si Jehova ng isang anghel na pumatay ng 185,000 kawal ni Senakerib sa iisang gabi. Kahit si Hezekias ay hindi umaasang mangyayari iyon!—2 Hari 19:35.

Anong aral ang matututuhan natin sa nangyari kay Jose?—Gen. 41:42 (Tingnan ang parapo 13)

13. (a) Anong aral ang matututuhan natin sa nangyari kay Jose? (b) Anong di-inaasahang bagay ang naranasan ni Sara?

13 Tingnan din ang halimbawa ng kabataang si Jose, na anak ni Jacob. Habang nakabilanggo sa Ehipto, siguradong hindi man lang sumagi sa isip ni Jose na ilalagay siya sa pangalawang pinakamataas na posisyon sa lupain at na gagamitin siya ni Jehova para iligtas ang kaniyang pamilya sa taggutom. (Gen. 40:15; 41:39-43; 50:20) Higit nga sa inaasahan ni Jose ang ginawa ni Jehova! Isipin din ang tungkol kay Sara, na lola sa tuhod ni Jose. Inaasahan ba ng may-edad na babaeng ito na bibigyan pa siya ni Jehova ng sarili niyang anak, at hindi lang ang anak ng kaniyang alilang babae? Siguradong nahigitan ng kapanganakan ni Isaac ang lahat ng inaasahan ni Sara.—Gen. 21:1-3, 6, 7.

14. Anong pagtitiwala ang taglay natin kay Jehova?

14 Hindi tayo umaasa na makahimalang aalisin ni Jehova ang lahat ng problema natin bago dumating ang bagong sanlibutan. Hindi rin tayo umaasang gagawa siya ng pambihirang mga bagay para sa atin. Pero alam natin na ang Diyos na tumulong sa kaniyang mga lingkod noon sa kamangha-manghang paraan ay ang Diyos din natin, si Jehova. (Basahin ang Isaias 43:10-13.) Kaya may tiwala tayo sa kaniya. Alam nating magagawa niya ang anumang kailangan para palakasin tayo na lubusang gawin ang kaniyang kalooban. (2 Cor. 4:7-9) Anong aral ang matututuhan natin sa mga ulat ng Bibliya tungkol kina Hezekias, Jose, at Sara? Ipinakikita ng mga ito na kung mananatili tayong tapat kay Jehova, gagawin niya para sa atin ang mga bagay na parang imposible.

Kung mananatili tayong tapat kay Jehova, gagawin niya para sa atin ang mga bagay na parang imposible

15. Ano ang tutulong sa atin na mapanatili ang “kapayapaan ng Diyos”? At paano ito nagiging posible?

15 Paano natin mahaharap ang mga pagsubok at mapananatili ang “kapayapaan ng Diyos”? Dapat nating ingatan ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova. Nagiging posible lang ang kaugnayang ito “sa pamamagitan ni Kristo Jesus,” na naghandog ng kaniyang buhay bilang haing pantubos. Ang paglalaan ng pantubos ay isa pang kamangha-manghang gawa ng ating Ama. Dahil sa pantubos, pinapatawad niya ang ating mga kasalanan para magkaroon tayo ng malinis na budhi at maging malapít sa kaniya.—Juan 14:6; Sant. 4:8; 1 Ped. 3:21.

BABANTAYAN NITO ANG ATING PUSO AT KAKAYAHANG PANGKAISIPAN

16. Ano ang mangyayari kapag taglay natin ang “kapayapaan ng Diyos”? Ilarawan.

16 Ano ang mangyayari kapag taglay natin ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan”? Ito ang “magbabantay sa [ating] mga puso at sa [ating] mga kakayahang pangkaisipan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.” (Fil. 4:7) Sa orihinal na wika, ang salitang “magbabantay” ay ginagamit sa militar. Tumutukoy ito sa garison ng mga kawal na nakapuwesto para magbantay sa isang nakukutaang lunsod, gaya ng Filipos. Kapag gabi, mahimbing ang tulog ng mga taga-Filipos dahil alam nilang may mga kawal na nagbabantay sa mga pintuang-daan ng lunsod. Sa katulad na paraan, kung taglay natin ang “kapayapaan ng Diyos,” mananatiling panatag ang ating puso at isip. Alam nating nagmamalasakit sa atin si Jehova at gusto niya tayong magtagumpay. (1 Ped. 5:10) Dahil dito, nababantayan tayo para hindi tayo madaig ng kabalisahan at pagkasira ng loob.

17. Ano ang tutulong sa atin na maharap ang kinabukasan nang may lubos na pagtitiwala?

17 Malapit na nating harapin ang pinakamatinding kapighatiang mangyayari sa lupa. (Mat. 24:21, 22) Hindi natin alam kung ano ang eksaktong mangyayari sa bawat isa sa atin. Pero hindi tayo kailangang mabalisa nang labis. Kahit hindi natin alam ang lahat ng gagawin ni Jehova, kilala naman natin ang ating Diyos. Nakita natin sa kaniyang mga ginawa noon na anuman ang mangyari, laging isinasakatuparan ni Jehova ang kaniyang layunin, at kung minsan, sa paraang di-inaasahan. Sa tuwing gagawin iyan ni Jehova para sa atin, mararanasan natin sa panibagong paraan ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.”

^ par. 1 Lumilitaw na si Silas ay isa ring mamamayang Romano.—Gawa 16:37.