Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Hubarin at Iwan ang Lumang Personalidad

Hubarin at Iwan ang Lumang Personalidad

“Hubarin ninyo ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito.”—COL. 3:9.

AWIT: 83, 129

1, 2. Ano ang napansin ng ilan tungkol sa mga Saksi ni Jehova?

MARAMI ang nagkokomento tungkol sa magagandang katangian ng bayan ni Jehova. Halimbawa, ganito ang isinulat ng awtor na si Anton Gill tungkol sa ating mga kapatid sa Nazi Germany: “Pinag-initan ng mga Nazi ang mga Saksi ni Jehova. . . . Pagsapit ng 1939, may 6,000 na sa kanila ang nasa [mga kampong piitan].” Sa kabila ng matinding pag-uusig, idinagdag ng awtor na ang mga Saksi ay nagpakita ng “pagkamaaasahan at pagiging kalmado,” gayundin ng “integridad at pagkakaisa.”

2 Kamakailan, napansin din ng mga taga-South Africa ang mahuhusay na katangian ng bayan ng Diyos. Sa bansang iyon, dati ay hindi malayang magsama-sama ang mga Saksi na magkakaiba ang kulay ng balat. Pero noong Linggo ng Disyembre 18, 2011, mahigit 78,000 sa ating mga kapatid na iba’t iba ang lahi mula sa South Africa at kalapit na mga bansa ang nagtipon sa pinakamalaking istadyum sa lunsod ng Johannesburg para sa isang espirituwal na programa. Ganito ang komento ng isang manager ng istadyum: “Ito ang grupong may pinakamagandang asal na nakita ko sa istadyum. Maayos ang pananamit ng lahat. At nilinis ninyo nang husto ang istadyum. Pero higit sa lahat, binubuo kayo ng iba’t ibang lahi.”

3. Bakit natatangi ang ating kapatiran?

3 Ipinakikita ng mga komentong ito mula sa mga di-Saksi na talagang natatangi ang ating internasyonal na kapatiran. (1 Ped. 5:9) Pero bakit tayo naiiba sa ibang organisasyon? Sa tulong ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu, sinisikap nating ‘hubarin ang lumang personalidad.’ Kapalit nito, ‘dinaramtan natin ang ating sarili ng bagong personalidad.’—Col. 3:9, 10.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit?

4 Kapag hinubad natin ang lumang personalidad, dapat na natin itong iwan. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin huhubarin ang lumang personalidad, kung bakit kailangan itong gawin agad, at kung paano puwedeng magbago ang isa kahit lulong na siya sa masasamang gawain. Susuriin din natin kung ano ang magagawa ng matatagal na sa katotohanan para tuluyang iwan ang lumang personalidad. Bakit kailangan natin ang mga paalaalang ito? Nakalulungkot, ang ilan na dating naglilingkod kay Jehova ay hindi naging mapagbantay at bumalik sa dating pamumuhay. Kaya kailangan nating dibdibin ang babala: “Siyang nag-iisip na nakatayo siya ay mag-ingat upang hindi siya mabuwal.”—1 Cor. 10:12.

“PATAYIN” ANG MGA PAGNANASANG MAY KINALAMAN SA SEKSUWAL NA IMORALIDAD

5. (a) Ilarawan kung bakit kailangan nating hubarin agad ang lumang personalidad. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Ayon sa Colosas 3:5-9, anong mga gawain ang bahagi ng lumang personalidad?

5 Ano ang gagawin mo kung marumi na ang iyong damit, at baka mabaho pa? Tiyak na huhubarin mo ito agad-agad. Sa katulad na paraan, kailangan tayong kumilos agad para sundin ang utos na alisin ang mga nakaugalian natin na salungat sa personalidad ng Diyos. Gusto nating sundin ang tagubilin ni Pablo sa mga Kristiyano: “Alisin nga ninyo ang lahat ng mga iyon sa inyo.” Talakayin natin ang dalawang makasalanang gawaing binanggit ni Pablo—ang seksuwal na imoralidad at karumihan.—Basahin ang Colosas 3:5-9.

6, 7. (a) Paano ipinakikita ng pananalita ni Pablo na kailangan ang matinding pagsisikap para hubarin ang lumang personalidad? (b) Ano ang naging pamumuhay ni Sakura, at paano siya nagkaroon ng lakas na magbago?

6 Seksuwal na imoralidad. Sa Bibliya, kasama sa orihinal na salita para sa “seksuwal na imoralidad” ang pagtatalik ng mga indibiduwal na hindi legal na kasal sa isa’t isa at ang homoseksuwalidad. Sinabihan ni Pablo ang kaniyang mga kapuwa Kristiyano na “patayin” ang “mga sangkap ng [kanilang] katawan,” ibig sabihin, alisin ang anumang pagnanasa na may kinalaman sa seksuwal na imoralidad. Ipinakikita ng pananalita ni Pablo na kailangan ang matinding pagsisikap para maalis ang maling mga pagnanasa. Pero puwede tayong magtagumpay!

7 Makikita ito sa halimbawa ni Sakura * na mula sa Japan. Noong bata pa siya, lagi siyang nalulungkot at nakadarama ng kawalang-halaga. Sa edad na 15, nagsimula siyang makipagtalik sa iba’t ibang partner para mabawasan ang kaniyang kalungkutan. “Dahil dito,” nahihiya niyang inamin, “tatlong beses akong nagpalaglag.” Sinabi pa niya: “Noong una, parang napapanatag ako kapag nakikipagrelasyon ako, dahil pakiramdam ko, may nagmamahal sa akin. Pero kapag mas madalas akong makipagtalik, lalo lang akong nagiging insecure.” Ganito ang naging buhay ni Sakura hanggang sa edad na 23. Saka siya nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Nagustuhan niya ang mga natututuhan niya, at sa tulong ni Jehova, napagtagumpayan niya ang matinding panunumbat ng budhi at kahihiyan, at iniwan niya ang imoral na pamumuhay. Sa ngayon, naglilingkod si Sakura bilang regular pioneer, at hindi na siya malungkot. Sa halip, sinabi niya, “Maligaya ako dahil damang-dama ko ang pag-ibig ni Jehova araw-araw.”

DAIGIN ANG MARURUMING GAWAIN

8. Ano ang ilang bagay na makapagpaparumi sa atin sa paningin ng Diyos?

8 Karumihan. Sa Bibliya, ang salitang isinalin bilang “karumihan” ay isang malawak na terminong tumutukoy hindi lang sa mga kasalanan sa sekso. Maaari itong tumukoy sa nakapipinsalang bisyo ng paninigarilyo o sa malaswang pagbibiro. (2 Cor. 7:1; Efe. 5:3, 4) Kapit din ito sa maruruming gawaing ginagawa ng isang indibiduwal nang pribado, gaya ng pagbabasa ng mga librong nakapupukaw sa sekso o panonood ng pornograpya, na maaaring mauwi sa maruming bisyo ng masturbasyon.—Col. 3:5. *

9. Saan maaaring mauwi ang di-makontrol na “pita sa sekso”?

9 Ang mga taong regular na nanonood ng pornograpya ay nagkakaroon ng di-makontrol na “pita sa sekso,” na maaaring mauwi sa pagkaadik sa sex. Ipinakikita ng pananaliksik na ang mga indibiduwal na may di-mapaglabanang hilig sa pornograpya ay kakikitaan ng mga palatandaan ng adiksiyon na katulad ng sa mga adik sa alkohol at droga. Hindi kataka-taka na ang nakagawiang panonood ng pornograpya ay may masasamang resulta, gaya ng pagkadama ng matinding kahihiyan, pagiging hindi produktibo sa trabaho, di-maligayang buhay pampamilya, diborsiyo, at pagpapakamatay. Isang taon matapos siyang makalaya sa adiksiyon sa pornograpya, isinulat ng isang lalaki: “Naibalik ko na ang naiwala kong respeto sa sarili.”

10. Paano napagtagumpayan ni Ribeiro ang adiksiyon sa pornograpya?

10 Para sa marami, ang pagiging malaya sa pornograpya ay isang patuluyang pakikipaglaban. Pero gaya ng ipinakikita ng karanasan ni Ribeiro na mula sa Brazil, maipapanalo ito. Naglayas si Ribeiro noong tin-edyer siya at nang maglaon ay nagtrabaho sa isang plantang nagre-recycle ng papel, kung saan nakakakita siya ng pornograpikong babasahin. Ikinuwento niya: “Unti-unti akong naadik. Umabot ito sa punto na gustong-gusto kong umaalis ng bahay ang babaeng kinakasama ko para makapanood ako ng pornograpikong mga video.” Isang araw habang nasa trabaho siya, tiningnan ni Ribeiro ang isang bunton ng mga aklat na ire-recycle, at nakita niya ang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya. Dinampot niya ito at binasa. Dahil sa nabasa niya, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, pero matagal-tagal din bago niya napagtagumpayan ang kaniyang masamang bisyo. Ano ang nakatulong sa kaniya? “Sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aaral ng Bibliya, at pagbubulay-bulay sa mga natututuhan ko, lumalim ang pagpapahalaga ko sa mga katangian ng Diyos at naging mas masidhi ang pag-ibig ko kay Jehova kaysa sa pagnanasa ko sa pornograpya,” ang paliwanag niya. Sa tulong ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ng banal na espiritu, hinubad ni Ribeiro ang kaniyang lumang personalidad, nabautismuhan, at ngayon ay isa nang elder sa kongregasyon.

11. Ano ang kailangan para tuluyang makalaya sa pornograpya ang isa?

11 Pansinin na para magtagumpay sa kaniyang pakikipaglaban, hindi lang basta nag-aral ng Bibliya si Ribeiro. Naglaan siya ng panahon para patagusin sa puso niya ang mensahe ng Bibliya. Sa pamamagitan ng pananalangin at pagbubulay-bulay, nadaig ng pag-ibig niya sa Diyos ang hilig niya sa pornograpya. Ang pagkakaroon ng masidhing pag-ibig kay Jehova at pagkapoot sa kasamaan ang pinakamabuting paraan para tuluyang makalaya sa pornograpya.—Basahin ang Awit 97:10.

ALISIN ANG GALIT, MAPANG-ABUSONG PANANALITA, AT PAGSISINUNGALING

12. Ano ang nakatulong kay Stephen na alisin ang galit at mapang-abusong pananalita?

12 Inilalabas ng mga taong mainitin ang ulo ang kanilang galit sa pamamagitan ng mapang-abusong pananalita. Nakasasamâ ito sa buhay pampamilya. Ikinuwento ni Stephen, isang ama sa Australia: “Dati, lagi akong nagmumura, at kaunting bagay lang, sumasabog na ang galit ko. Tatlong beses na kaming naghiwalay ng misis ko, at magdidiborsiyo na sana kami.” Pero nagsimula silang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Ano ang resulta nang sundin ni Stephen ang payo ng Bibliya? “Talagang napabuti ang buhay pampamilya namin. Sa tulong ni Jehova, payapa na ako at kalmado, samantalang dati, para akong bombang punô ng hinanakit at galit na handang sumabog anumang oras.” Sa ngayon, si Stephen ay isa nang ministeryal na lingkod at ang asawa niya ay ilang taon nang naglilingkod bilang regular pioneer. Ganito ang sabi ng mga elder sa kanilang kongregasyon: “Si Stephen ay isang tahimik, masipag, at mapagpakumbabang brother.” Kahit kailan, hindi pa raw nila siya nakitang nagalit. Dahil ba ito sa sariling pagsisikap ni Stephen? Sinabi niya: “Hindi mangyayari sa buhay ko ang magagandang pagpapalang ito kung hindi ko tinanggap ang tulong ni Jehova na lubusang baguhin ang aking personalidad.”

13. Bakit mapanganib ang galit, at anong babala ang ibinibigay ng Bibliya?

13 Nagbababala ang Bibliya laban sa galit, mapang-abusong pananalita, at hiyawan. (Efe. 4:31) Kadalasan, nauuwi ang mga ito sa karahasan. Normal lang sa sanlibutan ang pagiging magagalitin, pero nakasisirang-puri ito sa ating Maylikha. Kinailangang hubarin ng maraming kapatid ang masasamang ugaling ito bago nila maisuot ang bagong personalidad.—Basahin ang Awit 37:8-11.

14. Posible bang maging maamo ang isang taong marahas?

14 Si Hans ay isang elder sa isang kongregasyon sa Austria. “Isa siya sa pinakamaaamong brother na makikilala mo,” ang sabi ng koordineytor ng lupon ng matatanda sa kanilang kongregasyon. Pero dati, hindi maamo si Hans. Noong tin-edyer pa siya, malakas siyang uminom, at dahil dito, naging marahas siya. Dahil sa impluwensiya ng alkohol, nagwala siya at napatay ang kaniyang girlfriend, kung kaya nasentensiyahan siyang mabilanggo nang 20 taon. Hindi nakatulong ang pagkakabilanggo ni Hans para magbago ang marahas na personalidad niya. Pero isinaayos ng nanay niya na dalawin siya ng isang elder sa bilangguan, at nagsimulang mag-aral ng Bibliya si Hans. Sinabi niya: “Nahirapan akong hubarin ang aking lumang personalidad. Pero napatibay ako ng mga tekstong gaya ng Isaias 55:7, na nagsasabi: ‘Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad,’ at ng 1 Corinto 6:11, na tungkol sa mga tumalikod sa kanilang makasalanang landasin: ‘Gayunma’y ganiyan ang ilan sa inyo noon.’ Sa loob ng maraming taon, matiyaga akong tinulungan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu para maisuot ko ang bagong personalidad.” Pagkatapos makulong nang 17 at kalahating taon, pinalaya si Hans na isa nang bautisadong Kristiyano. “Nagpapasalamat ako sa dakilang awa at kapatawaran ni Jehova,” ang sabi niya.

15. Ano ang ginagawa ng marami, pero ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?

15 Bukod sa mapang-abusong pananalita, ang pagsisinungaling ay bahagi rin ng lumang personalidad. Halimbawa, maraming tao ang nagsisinungaling para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis o sa kaparusahan sa kanilang kasalanan. Sa kabaligtaran, si Jehova ang “Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Kaya kahilingan niya na ang “bawat isa” sa kaniyang mga mananamba ay ‘magsalita ng katotohanan sa kaniyang kapuwa’ at ‘huwag magsinungaling.’ (Efe. 4:25; Col. 3:9) Kaya naman, dapat tayong magsabi ng totoo kahit nakakahiya o mahirap itong gawin.—Kaw. 6:16-19.

KUNG PAANO SILA NAGTAGUMPAY

16. Paano magtatagumpay ang isa na hubarin ang lumang personalidad?

16 Hindi natin kayang hubarin ang lumang personalidad sa sarili nating lakas. Ang mga indibiduwal na binanggit sa artikulong ito—sina Sakura, Ribeiro, Stephen, at Hans—ay nakipaglaban nang husto para maalis ang kanilang masasamang gawain. Nagtagumpay sila dahil binuksan nila ang kanilang isip at puso sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos at ng kaniyang banal na espiritu. (Luc. 11:13; Heb. 4:12) Para makinabang sa kapangyarihang iyan, kailangan nating basahin ang Bibliya araw-araw, bulay-bulayin ito, at laging manalangin para magkaroon ng karunungan at lakas na sundin ang payo ng Bibliya. (Jos. 1:8; Awit 119:97; 1 Tes. 5:17) Makikinabang din tayo sa Salita ng Diyos at sa kaniyang banal na espiritu kung maghahanda tayo para sa mga pulong at dadalo sa mga ito. (Heb. 10:24, 25) Sinasamantala rin natin ang iba’t ibang paraan ng paglalaan ng espirituwal na pagkain para sa bayan ng Diyos sa buong daigdig.—Luc. 12:42.

Paano tayo magtatagumpay na hubarin ang lumang personalidad? (Tingnan ang parapo 16)

17. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

17 Tinalakay natin ang ilang masasamang gawain na dapat alisin at iwan ng mga Kristiyano. Pero ito lang ba ang kailangan para matamo ang pagsang-ayon ng Diyos? Hindi. Kailangan din nating damtan ang ating sarili ng bagong personalidad. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin ang ilang katangian ng bagong personalidad na kailangan nating isuot at panatilihin.