Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ikaw at ang mga Pangitain ni Zacarias

Ikaw at ang mga Pangitain ni Zacarias

“Manumbalik kayo sa akin, . . . at manunumbalik ako sa inyo.”—ZAC. 1:3.

AWIT: 120, 117

1-3. (a) Ano ang sitwasyon ng bayan ni Jehova nang maglingkod si Zacarias bilang propeta? (b) Bakit hinilingan ni Jehova ang kaniyang bayan na ‘manumbalik sa kaniya’?

ISANG lumilipad na balumbon, isang babae na nasa loob ng isang lalagyan, at dalawang babaeng lumilipad na may mga pakpak na gaya ng sa siguana—makikita ang kapana-panabik na mga paglalarawang ito sa aklat na isinulat ni Zacarias. (Zac. 5:1, 7-9) Bakit ibinigay ni Jehova ang mga pangitaing ito sa kaniyang propeta? Ano ang sitwasyon ng mga Israelita noon? At paano tayo makikinabang sa mga pangitaing nakita ni Zacarias?

2 Napakasaya ng taóng 537 B.C.E. para sa nakaalay na bayan ni Jehova. Tapos na ang 70-taóng pagkabihag sa Babilonya at malaya na sila. Dahil sa sigasig, agad nilang sinimulang isauli ang tunay na pagsamba sa Jerusalem. Noong 536 B.C.E., inilatag ang pundasyon ng templo. Nang panahong iyon, “ang bayan ay sumisigaw nang may malakas na sigaw, at ang ingay ay narinig maging sa malayo.” (Ezra 3:10-13) Pero di-nagtagal, sinalansang ang kanilang pagtatayo. Dahil sa maraming hamon, pinanghinaan ng loob ang bayan at huminto sila sa pagtatayo ng templo. Sa halip, inasikaso nila ang kanilang sariling mga bahay at bukid. Makalipas ang 16 na taon, hindi pa rin nila naipagpapatuloy ang pagtatayo ng templo ni Jehova. Kailangang paalalahanan ang bayan na dapat silang manumbalik kay Jehova at huwag unahin ang kanilang sariling interes. Gusto ni Jehova na muli silang sumamba sa kaniya nang buong puso at walang takot.

3 Para tulungan silang maalaala kung bakit sila pinalaya mula sa Babilonya, isinugo ng Diyos ang kaniyang propeta na si Zacarias noong 520 B.C.E. Ang pangalan ni Zacarias ay nangangahulugang “Inalaala ni Jehova.” Malamang na ipinaalaala nito sa kanila na kahit nakalimutan nila ang mga pagliligtas ni Jehova, naaalaala pa rin ng Diyos ang kaniyang bayan. (Basahin ang Zacarias 1:3, 4.) Tiniyak niya na tutulungan niya silang maitatag muli ang dalisay na pagsamba, pero binabalaan din niya sila na hindi niya kukunsintihin ang pagsamba ng mga may pusong hati. Tingnan natin kung paano sila pinasigla ni Jehova sa tulong ng ikaanim at ikapitong pangitain na ibinigay kay Zacarias. Tingnan din natin ang mga aral na matututuhan natin dito.

PARURUSAHAN NG DIYOS ANG MGA MAGNANAKAW

4. Ano ang nakita ni Zacarias sa ikaanim na pangitain? Bakit may sulat ang magkabilang panig ng balumbon? (Tingnan ang larawan 1 sa simula ng artikulo.)

4 Nagsimula ang kabanata 5 ng Zacarias sa isang kakaibang pangitain. (Basahin ang Zacarias 5:1, 2.) Nakakita si Zacarias ng lumilipad na balumbon na halos 9 na metro ang haba at 4.5 metro ang lapad! Nakaladlad ito kaya puwedeng mabasa ang nakasulat dito. Naglalaman ito ng mensahe ng paghatol sa magkabilang panig. (Zac. 5:3) Kadalasan, iisang panig lang ng balumbon ang sinusulatan, kaya maliwanag na ang balumbong ito ay may mabigat at seryosong mensahe.

Walang lugar sa gitna ng mga Kristiyano ang anumang uri ng pagnanakaw (Tingnan ang parapo 5-7)

5, 6. Ano ang pananaw ni Jehova sa lahat ng uri ng pagnanakaw?

5 Basahin ang Zacarias 5:3, 4. Ang lahat ng tao ay mananagot kay Jehova, pero lalo na ang bayang nagtataglay ng kaniyang pangalan. Alam ng mga umiibig sa Diyos na lahat ng anyo ng pagnanakaw ay ‘lumalapastangan sa pangalan ng kanilang Diyos.’ (Kaw. 30:8, 9) Anuman ang motibo o dahilan ng isang magnanakaw, inuuna niya ang kaniyang sakim na hangarin bago ang Diyos at ipinakikitang mas mahalaga ang materyal na mga bagay. Binabale-wala niya si Jehova, ang Kaniyang pangalan, at kautusan.

6 Napansin mo ba sa Zacarias 5:3, 4 na “ang sumpa [sa Ingles, curse] . . . ay papasok sa bahay ng magnanakaw . . . at iyon ay manunuluyan sa loob ng kaniyang bahay at wawasakin ito”? Hindi mahahadlangan ng anumang harang o kandado ang hatol ni Jehova. Mararating nito kahit ang mga tagóng lugar para ibunyag ang anumang maling ginagawa sa gitna ng bayan ni Jehova. Maitago man ng isang tao sa mga awtoridad, employer, elder, o magulang ang kaniyang pagnanakaw, hindi niya ito maitatago sa Diyos. Titiyakin Niya na malalantad ito. (Heb. 4:13) Nakagiginhawa ngang makasama ang mga tao na nagsisikap na maging “matapat sa lahat ng bagay”!—Heb. 13:18.

7. Paano natin maiiwasan ang sumpa ng lumilipad na balumbon?

7 Galít si Jehova sa lahat ng uri ng pagnanakaw. Kaya isang karangalan para sa atin na mamuhay ayon sa mataas na pamantayang moral ni Jehova at gumawi sa paraang hindi malalapastangan ang pangalan niya. Dahil dito, maiiwasan natin ang hatol ni Jehova sa mga kusang lumalabag sa kaniyang kautusan.

MAGING TAPAT SA IYONG SALITA “ARAW-ARAW”

8-10. (a) Ano ang isang sumpa? (b) Anong sumpa ni Haring Zedekias ang hindi niya tinupad?

8 Sumunod, ang mensaheng nakasulat sa lumilipad na balumbon ay may babala sa mga ‘nananata ng sumpa sa pangalan ng Diyos nang may kabulaanan.’ (Zac. 5:4) Ang sumpa [sa Ingles, oath] ay isang sinumpaang kapahayagan para patunayang totoo ang isang bagay, o isang taimtim na pangako na gagawin o hindi gagawin ng isa ang isang partikular na bagay.

9 Seryosong bagay ang manumpa sa pangalan ni Jehova. Makikita natin iyan sa nangyari kay Zedekias, ang huling hari na namahala sa Jerusalem. Sumumpa si Zedekias sa pangalan ni Jehova na magpapasakop siya sa hari ng Babilonya. Pero hindi niya ito tinupad. Dahil dito, hinatulan siya ni Jehova. “Buháy ako,” ang sabi ni Jehova, “sa dako ng hari na naglagay bilang hari [kay Zedekias] na humamak sa kaniyang sumpa at sumira sa kaniyang tipan, samantalang nasa loob siya ng Babilonya ay mamamatay siya.”—Ezek. 17:16.

10 Obligado si Haring Zedekias na tuparin kay Jehova ang sumpang ipinanata niya sa pangalan ng Diyos. (2 Cro. 36:13) Pero sa halip, humingi siya ng tulong sa Ehipto para makalaya sa pamatok ng Babilonya. At hindi ito nagtagumpay.—Ezek. 17:11-15, 17, 18.

11, 12. (a) Ano ang pinakamahalagang panata na magagawa natin? (b) Paano dapat makaapekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ang pag-aalay natin?

11 Nakikinig din si Jehova kapag nangangako tayo. Para sa kaniya, seryoso ang mga panata natin, at dapat nating tuparin ang mga ito para sang-ayunan niya tayo. (Awit 76:11) Ang pinakamahalagang pangakong ginawa natin ay ang pag-aalay ng ating sarili kay Jehova. Ang pag-aalay ay isang taimtim na panata na paglilingkuran natin si Jehova nang walang kondisyon.

12 Paano tayo makapamumuhay ayon sa ating panata sa pag-aalay? Kapag naninindigan tayo sa maliliit at malalaking pagsubok, ipinakikita nating sineseryoso natin ang ating panatang purihin si Jehova “araw-araw.” (Awit 61:8) Pero paano kung may nakikipag-flirt sa atin sa trabaho o sa paaralan? Tinatanggihan ba natin ito at itinuturing iyon na pagkakataon para ‘malugod sa mga daan ni Jehova’? (Kaw. 23:26) Kung tayo lang ang Saksi sa pamilya, humihingi ba tayo ng tulong kay Jehova para mapanatili ang Kristiyanong personalidad kahit mag-isa lang tayong gumagawa nito? Araw-araw ba tayong nananalangin sa ating Ama sa langit at nagpapasalamat sa kaniyang patnubay at pag-ibig? Naglalaan ba tayo ng panahon para basahin ang Bibliya araw-araw? Nang mag-alay tayo, para na rin nating ipinangako na gagawin natin ang mga ito. Mahalaga ang maging masunurin. Makikita sa ating lubusang pakikibahagi sa pagsamba kay Jehova na mahal natin siya at talagang nakaalay tayo sa kaniya. Ang ating pagsamba ay hindi lang pormalidad kundi isang paraan ng pamumuhay. Ang pagtupad sa pangako natin ay para sa ating ikabubuti dahil ang ating katapatan ay aakay sa isang tiwasay na kinabukasan.—Deut. 10:12, 13.

13. Ano ang matututuhan natin sa ikaanim na pangitain ni Zacarias?

13 Sa ikaanim na pangitain ni Zacarias, nakita natin na ang mga umiibig kay Jehova ay hindi dapat masangkot sa anumang uri ng pagnanakaw o panunumpa nang di-totoo. Nakita rin natin na sa kabila ng kanilang mga pagkakamali, hindi sumuko si Jehova sa mga Israelita. Naiintindihan niya ang panggigipit na nararanasan nila dahil sa mga kaaway sa paligid. Mabuting halimbawa siya sa pagtupad ng kaniyang mga pangako, at tutulungan din niya tayong tuparin ang mga pangako natin. Ang isang tulong ay ang pag-asang wawakasan niya ang lahat ng kasamaan sa buong lupa. Tinitiyak ito ng sumunod na pangitain ni Zacarias.

ANG KABALAKYUTAN AY ‘ILALAGAY SA KANIYANG WASTONG DAKO’

14, 15. (a) Ano ang nakita ni Zacarias sa ikapitong pangitain? (Tingnan ang larawan 2 sa simula ng artikulo.) (b) Ano ang inilalarawan ng babae sa loob ng lalagyan na epa, at bakit siya ikinulong doon at tinakpan?

14 Pagkatapos makita ni Zacarias ang lumilipad na balumbon, sinabihan siya ng isang anghel na tumingala. Ano kaya ang ikapitong pangitain? Nakakita siya ng isang lalagyan, na tinatawag na “epa.” (Basahin ang Zacarias 5:5-8.) Katamtaman ang laki ng lalagyang ito at may “pabilog na takip na tingga.” Nang iangat ang takip, nakakita si Zacarias ng “isang babae na nakaupo sa loob.” Ipinaliwanag ng anghel na ang babae sa loob ng lalagyan ay ang “Kabalakyutan.” Isip-isipin ang pangingilabot ni Zacarias habang nakikita niyang tinatangka ng babae na gumapang papalabas! Agad na kumilos ang anghel. Inihagis niya ang babae pabalik sa loob ng lalagyan at sinarhan ito ng mabigat na takip. Ano ang ibig sabihin nito?

15 Idiniriin ng bahaging ito ng pangitain na hindi kukunsintihin ni Jehova ang anumang uri ng kabalakyutan, o matinding kasamaan, sa gitna ng kaniyang bayan. Titiyakin niya na mapipigilan ito at agad na maaalis. (1 Cor. 5:13) Makikita ito sa ginawa ng anghel nang agad niyang ibalik ang takip sa ibabaw ng lalagyan.

Tinitiyak ni Jehova na mananatiling malinis ang dalisay na pagsamba (Tingnan ang parapo 16-18)

16. (a) Ano ang ginawa sa lalagyan na epa? (Tingnan ang larawan 3 sa simula ng artikulo.) (b) Saan dinala ng mga babaeng may pakpak ang lalagyan na epa?

16 Pagkatapos, nakakita si Zacarias ng dalawang babae na may mga pakpak na gaya ng sa siguana. (Basahin ang Zacarias 5:9-11.) Ibang-iba ang mga babaeng ito sa babaeng nasa loob ng lalagyan! Ginagamit ng mga babaeng ito ang kanilang malalakas na pakpak para kunin at iangat ang lalagyang naglalaman ng “Kabalakyutan.” Saan nila ito dadalhin? Ang Kabalakyutan ay dinala sa “lupain ng Sinar,” o Babilonya. Pero bakit doon?

17, 18. (a) Bakit ang Sinar ang “wastong dako” para manirahan ang “Kabalakyutan”? (b) Ano ang dapat nating maging determinasyon tungkol sa kabalakyutan?

17 Para sa mga Israelita noong panahon ni Zacarias, angkop na lugar ang Sinar para doon ilagay ang Kabalakyutan. Alam ni Zacarias at ng mga Judio noon na ang Babilonya ay lugar ng kabalakyutan, o matinding kasamaan. Lumaki sila sa paganong lunsod na iyon, na punô ng imoralidad at idolatriya, at kailangan nilang labanan ang impluwensiya nito araw-araw. Kay laking ginhawa nga ng pangitaing iyon sa kanila—isang katiyakan na pananatilihing malinis ni Jehova ang dalisay na pagsamba!

18 Pero ipinaalaala rin ng pangitain sa mga Judio na may pananagutan silang panatilihing dalisay ang kanilang pagsamba. Hindi puwedeng makapasok at manatili ang kabalakyutan sa gitna ng bayan ni Jehova. Dahil inakay tayo ng Diyos sa kaniyang malinis na organisasyon, kung saan binibigyan tayo ng kalinga at proteksiyon, pananagutan nating panatilihing malinis ang ating “bahay.” Ginagawa ba natin ito? Hindi dapat makapasok sa ating espirituwal na paraiso ang anumang uri ng kasamaan.

ANG MALINIS NA BAYAN AY NAGPAPARANGAL KAY JEHOVA

19. Anong mga aral ang itinuturo ng kapana-panabik na mga pangitain ni Zacarias?

19 Ang ikaanim at ikapitong pangitain ni Zacarias ay seryosong babala sa mga gumagawa ng masama—isang paalaala na hindi kinukunsinti ni Jehova ang kabalakyutan. Talagang dapat mamuhi sa kasamaan ang kaniyang tapat na mga mananamba! Ang mga pangitaing ito ay katiyakan din mula sa ating Ama sa langit. Kung sisikapin nating taglayin ang pagkatao na sinasang-ayunan ng Diyos, hindi tayo daranas ng nakamamatay na sumpa. Sa halip, poprotektahan at pagpapalain tayo ni Jehova. Sulit ang lahat ng pagsisikap natin na manatiling malinis sa mundong punô ng kasamaan. Sa tulong ni Jehova, magtatagumpay tayo! Pero paano tayo makatitiyak na mananaig ang tunay na pagsamba sa di-makadiyos na mundong ito? Ano ang garantiya na poprotektahan ni Jehova ang kaniyang organisasyon habang papalapit ang malaking kapighatian? Sasagutin ang mga iyan sa susunod na artikulo.