Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ako ay May Pag-asa sa Diyos”

“Ako ay May Pag-asa sa Diyos”

“Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay.”—1 COR. 15:45.

AWIT: 151, 147

1-3. (a) Ano ang dapat na kabilang sa mga pangunahing paniniwala natin? (b) Bakit napakahalaga ng pagkabuhay-muli? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

KUNG tatanungin ka, ‘Ano ang mga pangunahing turo ng relihiyon n’yo?’ ano ang isasagot mo? Tiyak na sasabihin mong si Jehova ang Maylikha at Tagapagbigay-Buhay. Malamang na babanggitin mo rin na naniniwala ka kay Jesu-Kristo, na namatay bilang pantubos. At masaya mong sasabihin na magiging paraiso ang lupa, kung saan mabubuhay magpakailanman ang bayan ng Diyos. Pero babanggitin mo rin ba ang pagkabuhay-muli bilang isa sa mga turong pinahahalagahan mo?

2 May mabubuti tayong dahilan para banggitin ang pagkabuhay-muli bilang isa sa mga pangunahing turo, kahit umaasa tayong makaligtas nang buháy sa malaking kapighatian at mabuhay magpakailanman sa lupa. Ipinakita ni apostol Pablo kung bakit napakahalaga ng pagkabuhay-muli: “Kung wala ngang pagkabuhay-muli ng mga patay, hindi rin naman ibinangon si Kristo.” Kung hindi binuhay-muli si Kristo, hindi siya puwedeng maging Hari sa langit, at mawawalang-kabuluhan ang pagtuturo natin tungkol sa kaniyang pamamahala. (Basahin ang 1 Corinto 15:12-19.) Pero alam nating binuhay-muli si Jesus. Hindi tayo katulad ng mga Judiong Saduceo, na hindi naniniwala sa pagkabuhay-muli. Kahit na tuyain tayo, matatag tayo sa ating paniniwala.—Mar. 12:18; Gawa 4:2, 3; 17:32; 23:6-8.

3 Nang isulat ni Pablo ang tungkol sa “pang-unang doktrina tungkol sa Kristo,” isinama niya ang “turo tungkol sa . . . pagkabuhay-muli.” (Heb. 6:1, 2) At idiniin ni Pablo na talagang nananampalataya siya rito. (Gawa 24:10, 15, 24, 25) Pero bagaman ang pagkabuhay-muli ay kabilang sa pang-unang doktrina at isa sa “mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos,” hindi nangangahulugan na simpleng turo lang ito. (Heb. 5:12) Bakit?

4. Ano ang maaari nating itanong tungkol sa pagkabuhay-muli?

4 Habang pinag-aaralan ng mga tao ang Bibliya, malamang na mabasa nila ang mga ulat ng pagkabuhay-muli na nangyari noon, gaya ng kay Lazaro. Matututuhan din nila na sina Abraham, Job, at Daniel ay nananampalataya na mabubuhay-muli ang mga patay sa hinaharap. Pero paano ka tutugon kung hanapan ka ng ebidensiya na matutupad ang mga pangako tungkol sa pagkabuhay-muli kahit daan-daang taon na ang lumipas mula nang ipangako ang mga ito? At ipinahihiwatig ba ng Bibliya kung kailan mangyayari ang pagkabuhay-muli? Dahil may kaugnayan ang mga puntong ito sa ating pananampalataya, suriin natin ang sinasabi ng Kasulatan.

PAGKABUHAY-MULING INIHULA DAAN-DAANG TAON PATIUNA

5. Ano muna ang tatalakayin natin tungkol sa pagkabuhay-muli?

5 Madaling isipin ang pagkabuhay-muli ng isang tao na kamamatay lang. (Juan 11:11; Gawa 20:9, 10) Pero kumusta naman kung ang ipinangakong pagkabuhay-muli ay tutuparin pagkaraan ng maraming taon, o daan-daang taon pa nga? Magtitiwala ka ba sa gayon katagal na pangako? Mangyayari ba talaga ang pagkabuhay-muli—para man ito sa isang kamamatay lang o sa isang matagal nang patay? Ang totoo, may nangyari nang gayon, at nananampalataya ka rito. Sino ang tinutukoy natin? At paano ito nakaaapekto sa pag-asa mo tungkol sa pagkabuhay-muli sa hinaharap?

6. Paano nauugnay kay Jesus ang katuparan ng Awit 118?

6 Tungkol sa isang pagkabuhay-muli na inihula daan-daang taon patiuna, isaalang-alang ang Awit 118, na malamang ay isinulat ni David. Mababasa natin dito ang pakiusap ng salmista: “Jehova, magligtas ka, pakisuyo! . . . Pagpalain nawa ang Isa na dumarating sa pangalan ni Jehova.” Marahil naalaala mo na sinipi ng mga tao ang hulang ito tungkol sa Mesiyas nang pumasok si Jesus sa Jerusalem noong Nisan 9, nang malapit na siyang mamatay. (Awit 118:25, 26; Mat. 21:7-9) Pero paano tinukoy ng Awit 118 ang isang pagkabuhay-muli na mangyayari maraming taon pa sa hinaharap? Pansinin na inihula rin nito: “Ang bato na itinakwil ng mga tagapagtayo ang naging ulo ng panulukan [o pangulong batong-panulok].”—Awit 118:22.

“Itinakwil ng mga tagapagtayo” ang Mesiyas (Tingnan ang parapo 7)

7. Paano itinakwil ng mga Judio si Jesus?

7 Ang “mga tagapagtayo” na nagtakwil sa Mesiyas ay ang mga Judiong lider. Hindi lang nila binale-wala si Jesus o tinanggihan bilang Kristo. Ipinagsigawan pa ng maraming Judio na ipapatay siya. (Luc. 23:18-23) Oo, responsable rin sila sa kamatayan ni Jesus.

Si Jesus ay binuhay-muli para maging “ulo ng panulukan” (Tingnan ang parapo 8, 9)

8. Paano naging “ulo ng panulukan” si Jesus?

8 Kung itinakwil si Jesus at pinatay, paano siya magiging “ulo ng panulukan”? Mangyayari lang iyan kung bubuhayin siyang muli. Tinukoy ito ni Jesus nang ilahad niya ang isang ilustrasyon tungkol sa mga tagapagsaka ng ubasan na nagmaltrato sa mga isinugo sa kanila ng may-ari, gaya ng pagmamalupit ng mga Israelita sa mga propetang isinugo ng Diyos. Sa wakas, isinugo ng may-ari ang kaniyang minamahal na anak, ang tagapagmana. Tinanggap ba ng mga tagapagsaka ang anak? Hindi. Pinatay pa nga nila siya. Matapos ilahad ni Jesus ang ilustrasyong iyon, sinipi niya ang hula sa Awit 118:22. (Luc. 20:9-17) Tinukoy rin ni apostol Pedro ang hulang iyan nang kausap niya ang mga Judiong “tagapamahala at matatandang lalaki at mga eskriba,” na nagkakatipon sa Jerusalem. Binanggit niya sa kanila si “Jesu-Kristo na Nazareno, na ibinayubay ninyo ngunit ibinangon ng Diyos mula sa mga patay.” Pagkatapos, sinabi ni Pedro: “Ito ‘ang bato na itinuring ninyong mga tagapagtayo bilang walang halaga na naging ulo ng panulukan.’”—Gawa 3:15; 4:5-11; 1 Ped. 2:5-7.

9. Anong mahalagang pangyayari ang inihula ng Awit 118:22?

9 Oo, daan-daang taon patiuna, inihula na ng Awit 118:22 ang isang pagkabuhay-muli. Itatakwil ang Mesiyas at papatayin, pero bubuhayin siyang muli para maging ulo ng panulukan. Matapos buhaying muli, ang Anak na ito lang ang may pangalang “ibinigay sa mga tao na siya nating dapat ikaligtas.”—Gawa 4:12; Efe. 1:20.

10. (a) Ano ang inihula sa Awit 16:10? (b) Bakit natin masasabi na hindi kay David natupad ang Awit 16:10?

10 Tingnan natin ang isa pang teksto tungkol sa isang inihulang pagkabuhay-muli. Isinulat ito mahigit sanlibong taon patiuna, kaya mapatitibay nito ang ating pagtitiwala na puwedeng maganap ang pagkabuhay-muli kahit matagal na itong inihula o ipinangako. Sa Awit 16, isinulat ni David: “Hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pahihintulutang makita ng iyong matapat ang hukay.” (Awit 16:10) Hindi sinasabi ni David na hindi siya mamamatay o mapupunta sa karaniwang libingan ng sangkatauhan. Malinaw na ipinakikita ng Salita ng Diyos na tumanda si David, at nang mamatay siya, siya ay namahinga o “humigang kasama ng kaniyang mga ninuno at inilibing sa Lunsod ni David.” (1 Hari 2:1, 10) Kaya sino ang tinutukoy sa Awit 16:10?

11. Kailan ipinaliwanag ni Pedro ang tungkol sa Awit 16:10?

11 Mahigit isang milenyo matapos isulat ang awit na iyon at ilang linggo pagkaraang mamatay at buhaying muli si Jesus, nagsalita si Pedro sa libo-libong Judio at proselita tungkol sa Awit 16:10. (Basahin ang Gawa 2:29-32.) Sinabi niya na namatay nga si David at inilibing. Alam iyon ng mga nakikinig kay Pedro. At walang sinasabi ang ulat na may tumutol sa sinabi ni Pedro na “nakita [ni David] nang patiuna at sinalita ang tungkol sa pagkabuhay-muli” ng Mesiyas.

12. Paano natupad ang Awit 16:10? At ano ang tinitiyak nito tungkol sa pangako ng pagkabuhay-muli?

12 Idiniin ni Pedro ang kaniyang punto nang sipiin niya ang sinabi ni David sa Awit 110:1. (Basahin ang Gawa 2:33-36.) Dahil sa pangangatuwiran ni Pedro gamit ang Kasulatan, nakumbinsi ang malaking grupong kausap niya na si Jesus ay “kapuwa Panginoon at Kristo.” At mas mahalaga, kinilala nila na ang Awit 16:10 ay natupad noong buhaying muli si Jesus. Ganito rin ang pangangatuwirang ginamit ni apostol Pablo nang kausap niya ang mga Judio sa lunsod ng Antioquia sa Pisidia. Talagang nakumbinsi sila sa paliwanag niya kung kaya gusto pa nilang matuto. (Basahin ang Gawa 13:32-37, 42.) Dapat din itong makakumbinsi sa atin na mapagkakatiwalaan ang mga pangako ng Bibliya tungkol sa pagkabuhay-muli sa hinaharap, kahit daan-daang taon na ang lumipas mula nang ihula ang mga iyon.

KAILAN MAGAGANAP ANG PAGKABUHAY-MULI?

13. Ano ang maitatanong natin tungkol sa pagkabuhay-muli?

13 Nakapagpapatibay ngang malaman na puwedeng maganap ang pagkabuhay-muli kahit daan-daang taon na itong ipinangako. Pero baka maitanong mo: ‘Ibig bang sabihin, maghihintay pa ako nang mahabang panahon bago ko makitang muli ang mga mahal ko sa buhay? Kailan ba matutupad ang pagkabuhay-muli?’ Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol na may mga bagay na hindi nila alam at hindi puwedeng malaman. May mga detalye tungkol sa “mga panahon o mga kapanahunan na inilagay ng Ama sa kaniyang sariling kapamahalaan.” (Gawa 1:6, 7; Juan 16:12) Pero may makukuha naman tayong ilang impormasyon kung kailan mangyayari ang pagkabuhay-muli.

14. Paano naiiba ang pagkabuhay-muli ni Jesus sa mga naunang pagkabuhay-muli?

14 Alalahanin ang mga pagkabuhay-muli na inihula sa Bibliya. Ang pinakamahalaga sa mga ito ay ang kay Jesus. Kung hindi siya binuhay-muli, wala tayong pag-asa na makita pa ang mga namatay nating mahal sa buhay. Ang mga binuhay-muli bago si Jesus, gaya noong panahon nina Elias at Eliseo, ay hindi naman nabuhay magpakailanman. Namatay silang muli at nakakita ng kasiraan. Pero “ibinangon [si Jesus] mula sa mga patay, [at] hindi na namamatay; ang kamatayan ay hindi na namamanginoon sa kaniya.” Sa langit, siya ay “nabubuhay magpakailan-kailanman,” at hindi na makakakita ng kasiraan.—Roma 6:9; Apoc. 1:5, 18; Col. 1:18; 1 Ped. 3:18.

15. Bakit tinawag si Jesus na “unang bunga”?

15 Si Jesus ang unang binuhay-muli bilang espiritu sa langit at ang kaniyang pagkabuhay-muli ang pinakamahalaga. (Gawa 26:23) Pero hindi lang siya ang bubuhaying muli sa langit. Nangako si Jesus sa kaniyang tapat na mga apostol na mamamahala sila sa langit kasama niya. (Luc. 22:28-30) Para matanggap ang kanilang gantimpala, kailangan muna nilang mamatay. Pagkatapos, gaya ni Kristo, bubuhayin silang muli taglay ang katawang espiritu. Isinulat ni Pablo: “Si Kristo nga ay ibinangon mula sa mga patay, ang unang bunga niyaong mga natulog na sa kamatayan.” Binanggit din ni Pablo na may iba pang bubuhaying muli sa langit: “Bawat isa ay sa kani-kaniyang katayuan: si Kristo ang unang bunga, pagkatapos ay yaong mga kay Kristo sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.”1 Cor. 15:20, 23.

16. Anong ideya ang mayroon tayo kung kailan magaganap ang makalangit na pagkabuhay-muli?

16 Binibigyan tayo nito ng ideya kung kailan magaganap ang makalangit na pagkabuhay-muli—“sa panahon ng kaniyang pagkanaririto.” Matagal nang napatunayan ng mga Saksi ni Jehova na ayon sa Kasulatan, nabubuhay na tayo sa panahon ng “pagkanaririto” ni Jesus mula noong 1914. Nagpapatuloy ito, at napakalapit na ng wakas ng masamang sistemang ito.

17, 18. Ano ang mangyayari sa ilang pinahiran sa panahon ng pagkanaririto ni Kristo?

17 May karagdagang detalye pa ang Bibliya tungkol sa makalangit na pagkabuhay-muli: “Hindi namin ibig na kayo ay walang-alam may kinalaman sa mga natutulog sa kamatayan . . . Sapagkat kung tayo ay nananampalataya na namatay si Jesus at muling bumangon, sa gayunding paraan, yaong mga natulog na sa kamatayan . . . ay dadalhin ng Diyos kasama niya . . . Tayong mga buháy na natitira hanggang sa pagkanaririto ng Panginoon ay hindi sa anumang paraan mauuna roon sa mga natulog na sa kamatayan; sapagkat ang Panginoon mismo ay bababa mula sa langit na may nag-uutos na panawagan, . . . at yaong mga patay na kaisa ni Kristo ang unang babangon. Pagkatapos tayong mga buháy na siyang natitira, kasama nila, ay aagawin sa mga ulap upang salubungin ang Panginoon sa hangin; at sa gayon ay lagi na tayong makakasama ng Panginoon.”—1 Tes. 4:13-17.

18 Ang unang pagkabuhay-muli ay magaganap ilang panahon pagkatapos magsimula ang “pagkanaririto” ni Kristo. Ang mga pinahirang buháy pa sa panahon ng malaking kapighatian ay “aagawin sa mga ulap.” (Mat. 24:31) Ang mga “aagawin” ay hindi na “matutulog sa kamatayan”; ibig sabihin, hindi sila mananatiling patay nang mahabang panahon. Silang “lahat ay babaguhin, sa isang iglap, sa isang kisap-mata, sa panahon ng huling trumpeta.”—1 Cor. 15:51, 52.

19. Ano ang “mas mabuting pagkabuhay-muli” na mangyayari sa hinaharap?

19 Sa ngayon, karamihan sa tapat na mga Kristiyano ay hindi pinahiran at hindi tinawag para maglingkod sa langit kasama ni Kristo. Sa halip, hinihintay nila ang “araw ni Jehova,” kung kailan magwawakas ang masamang sistemang ito. Walang nakaaalam sa eksaktong oras ng wakas, pero ipinakikita ng ebidensiya na malapit na ito. (1 Tes. 5:1-3) Pagkatapos nito, magaganap ang naiibang uri ng pagkabuhay-muli—ang pagkabuhay-muli sa isang paraisong lupa. Ang mga bubuhaying muli sa lupa ay may pag-asang maging sakdal at hindi na muling mamamatay. Iyon ay magiging “mas mabuting pagkabuhay-muli” kung ikukumpara sa mga binuhay-muli noon na namatay rin nang maglaon.—Heb. 11:35.

20. Bakit tayo makatitiyak na magiging organisado ang pagkabuhay-muli?

20 Sinasabi ng Bibliya na ang mga makararanas ng makalangit na pagkabuhay-muli ay ibabangon “sa kani-kaniyang katayuan.” (1 Cor. 15:23) Kung gayon, makatitiyak tayo na ang makalupang pagkabuhay-muli ay magaganap din sa maayos na paraan. Kaya baka maitanong natin: Ang mga namatay ba kamakailan ay bubuhayin sa pagsisimula ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo at sasalubungin ng mga mahal nila sa buhay? Mauuna bang buhaying muli ang mga sinaunang lalaking tapat na may kakayahang manguna para tumulong na organisahin ang bayan ng Diyos sa bagong sanlibutan? Kumusta naman ang mga namatay na hindi lingkod ni Jehova? Kailan at saan sila bubuhaying muli? Marami pa tayong maitatanong. Pero kailangan ba talaga nating pakaisipin ang mga tanong na ito? Hindi ba mas mabuting abangan na lang natin ang mangyayari? Kapana-panabik ngang makita kung ano ang gagawin ni Jehova.

21. Ano ang pag-asa natin tungkol sa pagkabuhay-muli?

21 Samantala, dapat nating patibayin ang ating pananampalataya kay Jehova. Sa pamamagitan ni Jesus, nangako siya na bubuhayin niyang muli ang mga nasa alaala niya. (Juan 5:28, 29; 11:23) Pinatunayan ni Jesus na kayang buhayin ni Jehova ang mga patay nang sabihin niya na para kay Jehova, sina Abraham, Isaac, at Jacob “ay buháy sa kaniya.” (Luc. 20:37, 38) Maliwanag, gaya ni Pablo, marami tayong dahilan para sabihin: “Ako ay may pag-asa sa Diyos . . . na magkakaroon ng pagkabuhay-muli.”—Gawa 24:15.