Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Mahirap Noon, Mayaman Ngayon

Mahirap Noon, Mayaman Ngayon

Ipinanganak ako sa isang maliit na bahay na gawa sa troso sa napakaliit na bayan ng Liberty, Indiana, U.S.A. Tatlo na ang anak noon nina Tatay at Nanay—si Kuya at ang dalawang ate ko. Pagkatapos, nasundan pa ako ng dalawang kapatid na lalaki at isang babae.

Ang maliit na bahay na gawa sa troso kung saan ako ipinanganak

NOONG nag-aaral ako, wala namang gaanong pagbabago. Sa iskul namin, kung sino ang mga kaklase mo sa unang taon, sila pa rin ang kasama mo hanggang matapos ka sa pag-aaral. Sa katunayan, halos magkakakilala kaming lahat sa bayan namin.

Isa ako sa pitong magkakapatid, at marami akong natutuhan tungkol sa pagsasaka noong tin-edyer ako

Maraming maliliit na sakahan sa bayan ng Liberty, at mais ang pangunahing pananim dito. Nang ipanganak ako, nagtatrabaho si Tatay sa sakahan ng isang tagaroon. Natuto akong gumamit ng traktora at naging pamilyar sa iba pang madadaling gawain sa pagsasaka noong tin-edyer ako.

Nang ipanganak ako, may-edad na si Tatay—56 anyos na siya, at 35 anyos naman si Nanay. Malakas si Tatay kahit payat siya. Masipag siya sa trabaho at tinuruan niya kaming magkakapatid na maging masipag din. Maliit lang ang kinikita niya, pero tiniyak niyang may matitirhan kami, maisusuot, at makakain—at lagi siyang nandiyan para sa amin. Namatay siya sa edad na 93; si Nanay naman sa edad na 86. Pareho silang hindi lingkod ni Jehova. Pero isa sa mga kapatid ko ang tapat na naglilingkod bilang elder mula pa noong 1972.

ANG AKING PAGKABATA

Napakarelihiyosa ni Nanay. Isinasama niya kami tuwing Linggo sa simbahan ng mga Baptist. Una kong narinig ang tungkol sa Trinidad noong 12 anyos ako. Dahil mausisa ako, tinanong ko si Nanay: “Paano mangyayaring si Jesus ang Anak, ’tapos, siya pa rin ang Ama?” Tanda ko pa ang sagot niya: “Anak, misteryo ’yon. Hindi natin ’yon maiintindihan.” Talagang misteryo iyon sa akin. Pero kahit ganoon, nagpabautismo pa rin ako sa edad na mga 14 sa isang sapa sa lugar namin—tatlong beses akong inilubog para sa Trinidad!

1952—Sa edad na 17, bago ako tawagin sa army

Noong high school ako, may kaibigan akong boksingero na lumalaban para magkapera. Niyaya niya akong subukan ang boksing, kaya nagsanay ako at naging miyembro ng Golden Gloves, isang samahan ng mga boksingero. Hindi ako ganoon kagaling, kaya ilang laban lang, huminto na ako. Pagkatapos, tinawag ako sa U.S. Army at ipinadala sa Germany. Habang nasa serbisyo roon, pinag-aral ako ng matataas na opisyal sa Noncommissioned Officers Academy dahil sa tingin nila, may kakayahan ako sa pamumuno. Gusto nilang gawin kong karera ang paglilingkod sa militar. Pero hindi ko gustong manatili sa serbisyo, kaya pagkatapos ng dalawang taon, nagbitiw ako noong 1956. Pero di-nagtagal, pumasok ako sa isang naiibang hukbo.

1954-1956—Dalawang taon ako sa U.S. Army

ISANG BAGONG BUHAY

Bago ako matuto ng katotohanan, ibang-iba ang pananaw ko sa totoong kahulugan ng pagiging tunay na lalaki. Malaki ang impluwensiya sa akin ng mga napapanood ko sa pelikula at nakikita sa paligid. Para sa akin, ang mga nangangaral ay hindi tunay na lalaki. Pero may natutuhan ako na nagpabago sa buhay ko. Minsan, habang nagmamaneho sa bayan sakay ng aking pulang kotse, kinawayan ako ng dalawang kabataang babae. Kilala ko sila—sila ang nakababatang kapatid ng bayaw ko, at mga Saksi ni Jehova sila. Dati na nila akong nabigyan ng magasing Bantayan at Gumising! pero nalalaliman ako sa Bantayan. Ngayon naman, inaanyayahan nila akong dumalo sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, isang maliit na pagtitipon para pag-aralan at talakayin ang Bibliya na idinaraos sa kanilang bahay. Sinabi kong pag-iisipan ko. “Pangako?” ang tanong ng dalawang nakangiting babae. “Pangako,” ang sagot ko.

Medyo nagsisi ako sa sinabi ko, pero parang mahirap nang bawiin. Kaya dumalo ako nang gabing iyon. Humanga ako nang husto sa mga bata. Hindi ako makapaniwalang ang dami nilang alam tungkol sa Bibliya! Lagi kaming nagsisimba ni Nanay tuwing Linggo, pero kakaunti pa rin ang alam ko sa Bibliya. Ngayon, gustong-gusto kong matuto pa, kaya pumayag akong mag-aral ng Bibliya. Dati ko nang alam na Jehova ang personal na pangalan ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat. Noon, kapag tinatanong ko si Nanay tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ang sinasabi lang niya, “A, mga mananamba ’yan ng sinaunang taong si Jehova.” Pero ngayon, malinaw na sa akin ang lahat!

Mabilis ang pagsulong ko, dahil alam kong ito ang katotohanan. Noong Marso 1957, siyam na buwan lang mula nang dumalo ako sa pulong na iyon, nabautismuhan ako. Nagbago ang pananaw ko sa buhay. Kapag naiisip ko ang dating pananaw ko sa pagiging siga-siga ko noon, nagpapasalamat ako na natutuhan ko ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa pagiging tunay na lalaki. Perpektong tao si Jesus. Di-hamak na mas malakas siya at makapangyarihan kaysa sa sinumang sisiga-sigang lalaki. Pero hindi siya nakipag-away kundi “hinayaan niyang pighatiin siya,” gaya ng inihula. (Isa. 53:2, 7) Natutuhan kong ang tunay na tagasunod ni Jesus ay “kailangang maging banayad sa lahat.”—2 Tim. 2:24.

Nagpayunir ako nang sumunod na taon, noong 1958. Pero di-nagtagal, huminto muna ako. Bakit? Gusto ko na kasing pakasalan si Gloria, ang isa sa dalawang babaeng nag-anyaya sa akin sa pag-aaral sa aklat! Hinding-hindi ko pinagsisihan ang desisyong iyon. Si Gloria ay isang mamahaling hiyas mula noon hanggang ngayon. Para sa akin, mas mahalaga pa siya kaysa sa pinakamahal na brilyante, at napakasaya ko na pinakasalan ko siya! Ikukuwento niya sa inyo ang ilang bagay tungkol sa kaniya:

“Labimpito kaming magkakapatid. Tapat na Saksi si Nanay. Namatay siya noong 14 anyos ako, at noong panahon ding iyon nag-aral ng Bibliya si Tatay. Dahil wala na si Nanay, kinausap ni Tatay ang prinsipal ng iskul namin kung puwedeng magsalitan kami ng pasok ni Ate, na nasa huling taon na sa high school noon. Kung salitan kaming papasok, may mag-aalaga sa mga nakababatang kapatid namin at may maghahanda ng hapunan bago umuwi si Tatay mula sa trabaho. Pumayag naman ang prinsipal, kaya iyon ang ginawa namin hanggang makapagtapos si Ate. Dalawang pamilyang Saksi ang nagturo sa amin ng Bibliya, at 11 sa aming magkakapatid ang naging Saksi ni Jehova. Gustong-gusto kong maglingkod sa larangan, kahit nahihirapan ako dahil sa pagiging mahiyain. Natulungan ako ni Sam sa bagay na iyan.”

Ikinasal kami ni Gloria noong Pebrero 1959. Masaya kaming nagpayunir. Noong Hulyo nang taóng iyon, nag-aplay kami para maglingkod sa Bethel, dahil pangarap naming maglingkod sa pandaigdig na punong-tanggapan. Isang brother ang kumausap sa amin, si Simon Kraker. Sinabi niyang hindi tumatanggap ang Bethel ng mga mag-asawa. Hindi pa rin nagbago ang hangarin naming maglingkod sa Bethel—pero napakatagal pa bago iyon natupad!

Sumulat kami sa pandaigdig na punong-tanggapan para sabihing gusto naming maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan. Isa lang ang sagot nila: sa Pine Bluff, Arkansas. Noon, dalawa lang ang kongregasyon sa Pine Bluff—isa para sa mga puti at isa para sa mga itim. Ipinadala kami sa kongregasyon ng mga itim, na mga 14 lang ang mamamahayag.

PAGHARAP SA PAGTATANGI NG LAHI

Siguro iniisip ninyo kung bakit kailangang paghiwalayin ng mga Saksi ni Jehova ang kongregasyon ng mga itim at ng mga puti. Simple lang ang sagot: hindi kasi ito maiiwasan noon. May mga batas na nagbabawal pagsamahin ang magkaibang lahi, at nandiyan din ang banta ng karahasan. Sa maraming lugar, takót ang mga kapatid na baka sirain ang kanilang Kingdom Hall kapag nagtipong magkakasama ang magkaibang lahi para sumamba. Talagang nangyayari iyan noon. Kapag nagbahay-bahay sa lugar ng mga puti ang mga Saksing itim, aarestuhin sila—at malamang na bugbugin pa. Kaya para patuloy na makapangaral, sumusunod na lang kami sa batas at umaasang bubuti rin ang kalagayan.

May mga hamon sa aming paglilingkod. Habang nangangaral sa teritoryo ng mga itim, di-sinasadyang nakatok namin ang pintuan ng isang pamilyang puti. Kailangan naming isipin agad kung magbibigay ba kami ng maikling patotoo mula sa Kasulatan o hihingi na lang ng paumanhin at aalis na. Ganiyan ang nangyayari noon sa ilang lugar.

Siyempre pa, kailangan naming magtrabaho para suportahan ang aming pagpapayunir. Madalas, tatlong dolyar kada araw ang kinikita namin sa bawat trabahong nakukuha namin. May ilang bahay na nililinis si Gloria. Minsan, pinayagan akong tulungan siya para matapos agad ang trabaho. Binigyan kami ng pananghalian—isang naka-pack na pagkaing galing sa freezer na pinaghatian namin ni Gloria bago umuwi. Namamalantsa rin ng damit si Gloria linggo-linggo sa isang pamilya. Naglilinis ako ng bakuran, mga bintana, at gumagawa ng iba pang trabaho. Sa bahay ng isang pamilyang puti, naglilinis kami ng mga bintana—nasa loob si Gloria, at nasa labas naman ako. Inaabot iyon ng maghapon kaya doon na kami pinakakain ng tanghalian. Sa loob ng bahay kumakain si Gloria, pero hindi kasama ng pamilya; sa garahe naman ako kumakain. Okey lang iyon, masarap naman ang pagkain. Mabait ang pamilyang iyon; nasanay lang talaga sila sa ganoong sistema o pag-iisip. Naalaala ko nang minsang huminto kami sa isang gasolinahan. Pagkatapos magpagasolina, tinanong ko ang nagbabantay kung puwedeng makigamit ng CR si Gloria. Tiningnan lang niya ako at pagalít na sinabi, “Sarado.”

MGA KABAITANG DI-MALILIMUTAN

May masasayang panahon din naman kami kasama ng mga kapatid, at talagang na-enjoy namin ang ministeryo! Nang dumating kami sa Pine Bluff, nakitira kami sa bahay ng isang brother, na siyang lingkod ng kongregasyon noong panahong iyon. Hindi pa Saksi noon ang asawa niya, kaya tinulungan siya ni Gloria na mag-aral ng Bibliya. Ako naman ang nag-Bible study sa kanilang anak na babae at sa asawa nito. Nagpasiyang maglingkod kay Jehova ang mag-ina at nagpabautismo.

May mga kaibigan din kami sa kongregasyon ng mga puti. Iniimbitahan nila kaming maghapunan sa bahay nila, pero palihim. Aktibo noon ang Ku Klux Klan (KKK), isang organisasyong nagtataguyod ng karahasan at pagtatangi ng lahi. Natatandaan ko pa ang isang lalaking nakaupo sa kaniyang beranda isang gabi ng Halloween. Proud na proud siya sa suot niyang mahabang damit na puti na may hood, gaya ng isinusuot ng mga miyembro ng KKK. Sa kabila nito, patuloy pa rin sa pagpapakita ng kabaitan ang mga kapatid. Isang tag-araw, kailangang-kailangan namin ng pera para makadalo sa kombensiyon, at isang brother ang pumayag na bilhin ang aming 1950 Ford para makadalo kami. Makalipas ang isang buwan, nang minsang umuwi kaming pagód dahil sa pagbabahay-bahay sa kainitan ng araw at pagba-Bible study, nagulat kami nang makita naming nakaparada sa harap ng bahay namin ang aming kotse! Mababasa sa note na nasa windshield: “Sa inyo na uli ang kotse n’yo, regalo ko. Ang inyong kapatid.”

Isa pang kabaitan ang tumatak sa isip ko. Noong 1962, naanyayahan akong mag-aral sa Kingdom Ministry School sa South Lansing, New York. Isang-buwang pagsasanay ito para sa mga nangangasiwa sa mga kongregasyon, sirkito, at distrito. Pero nang matanggap ko ang imbitasyon, wala akong trabaho at gipit kami sa pera. Sakto namang nainterbyu na ako ng isang kompanya ng telepono sa Pine Bluff para sa isang trabaho. Kung matatanggap ako, ako ang kauna-unahang itim na magtatrabaho sa kompanyang iyon. Sa wakas, sinabi nilang tanggap ako sa trabaho. Ano’ng gagawin ko? Wala naman akong pamasahe papuntang New York. Kaya naisip kong tanggapin na lang ang trabaho at tanggihan ang imbitasyon sa pag-aaral. Sa katunayan, gagawa na sana ako ng sulat para tanggihan ang imbitasyon nang mangyari ang isang bagay na hinding-hindi ko malilimutan.

Isang sister sa aming kongregasyon, na hindi Saksi ang asawa, ang kumatok sa pintuan namin isang umaga at iniabot sa akin ang isang sobre. Punô ito ng pera. Siya pala at ang ilan sa kaniyang mga batang anak ay pumupunta sa taniman ng bulak tuwing madaling araw para mag-alis ng mga panirang-damo na tumutubo sa pagitan ng mga ito. Ginawa nila ito para makaipon ng pamasahe para makapunta ako sa New York. Sinabi niya, “Pumunta ka sa klase at mag-aral kang mabuti, at pagbalik mo, turuan mo kami!” Pagkatapos, tinanong ko ang kompanya ng telepono kung puwedeng palipasin muna ang limang linggo bago ako magtrabaho. “Hindi puwede!” ang sagot nila. Okey lang, nakapagdesisyon na ako. ’Buti na lang at hindi ko tinanggap ang trabaho!

Ito naman ang naaalaala ni Gloria sa Pine Bluff: “Napamahal na sa akin ang teritoryo! Ang dami kong Bible study, mga 15 hanggang 20. Nagbabahay-bahay kami sa umaga, pagkatapos, nagba-Bible study sa buong hapon, kung minsan hanggang alas-11 ng gabi. Enjoy na enjoy akong maglingkod! Masaya na ako sa atas namin. Kung puwede lang sanang manatili dito sa halip na mag-circuit work, pero iba ang nasa isip ni Jehova.” Oo, iba nga ang nasa isip Niya.

ANG GAWAING PAGLALAKBAY

Habang nagpapayunir sa Pine Bluff, nag-aplay kami para maging special pioneer. Inaasahan naming maaaprobahan kami, kasi gusto ng tagapangasiwa ng distrito na tumulong kami sa isang kongregasyon sa Texas bilang mga special pioneer. Gusto namin ang ideyang iyon. Kaya naghintay kami nang naghintay sa sagot ng Samahan, pero walang dumarating. Hanggang isang araw, nakatanggap kami ng sulat—inaatasan kami sa gawaing paglalakbay! Enero 1965 noon. Kasabay kong naging tagapangasiwa ng sirkito si Brother Leon Weaver, ngayo’y koordineytor ng Komite ng Sangay sa United States.

Kabado akong maging tagapangasiwa ng sirkito. Mga isang taon na ang nakararaan, sinuri ng tagapangasiwa ng distrito, si James A. Thompson, Jr., ang kuwalipikasyon ko. Mabait niyang ipinakita sa akin ang ilang bagay na puwede kong pasulungin, gaya ng ilang kasanayang kailangan ng isang mahusay na tagapangasiwa ng sirkito. Sandaling panahon pa lang ako sa gawaing pansirkito, nakita ko na agad ang kahalagahan ng payo niya. Nang maging tagapangasiwa ako ng sirkito, si Brother Thompson ang unang tagapangasiwa ng distrito na nakasama ko. Napakarami kong natutuhan sa tapat na kapatid na ito.

Hinding-hindi ko malilimutan ang naitulong sa akin ng tapat na mga brother

Noong panahong iyon, wala pang gaanong pagsasanay para sa mga tagapangasiwa ng sirkito. Isang linggo kong inobserbahan ang tagapangasiwa ng sirkito habang dumadalaw sa isang kongregasyon. Nang sumunod na linggo, ako naman ang inobserbahan niya nang dumalaw ako sa ibang kongregasyon. Nagbigay siya ng mga mungkahi at payo. Pagkatapos, nagkani-kaniya na kami. Naalaala kong sinabi ko kay Gloria, “Kailangan ba niya talagang umalis?” Pero nang maglaon, may mahalagang bagay akong natutuhan. Laging may mababait na brother na tutulong sa iyo—kung hahayaan mo silang tulungan ka. Hinding-hindi ko malilimutan ang naitulong sa akin ng makaranasang mga brother, gaya ni J. R. Brown, naglalakbay na tagapangasiwa noon, at ni Fred Rusk ng pamilyang Bethel.

Matindi ang pagtatangi ng lahi noon. Minsan, nagmartsa ang mga miyembro ng KKK sa bayang dinadalaw namin sa Tennessee. Naaalaala ko rin nang minsang kumain ang grupo namin sa paglilingkod sa isang fast-food restaurant. Papunta ako ng CR, at napansin kong tumayo rin ang isang mukhang-sangganong lalaki na may tato na parang simbolo ng mga puti, at sinundan ako. Pero lumapit ang isang puting brother, na di-hamak na mas malaki kaysa sa aming dalawa. “May problema ba, Brother Herd?” ang tanong niya. Agad na umalis ang lalaki at hindi na gumamit ng CR. Sa paglipas ng mga taon, nakita kong ang pagtatangi ay hindi talaga tungkol sa kulay ng balat; tungkol ito sa kasalanan—sa kasalanan ni Adan na nakaapekto sa ating lahat. At natutuhan ko rin na ang isang kapatid ay nananatiling kapatid anuman ang kulay niya, at handa siyang mamatay para sa iyo kung kailangan.

MAYAMAN NGAYON

Gumugol kami ng 33 taon sa gawaing paglalakbay, at ang huling 21 taon nito ay sa gawaing pandistrito. Kasiya-siya ang mga taóng iyon, at punong-puno ng nakapagpapatibay na mga karanasan. Pero may isa pang pagpapalang naghihintay sa amin. Noong Agosto 1997, natupad din ang matagal na naming pinapangarap. Naanyayahan kaming maglingkod sa Bethel sa United States—mga 38 taon mula nang mag-aplay kami. Nagsimula kaming maglingkod sa Bethel noong sumunod na buwan. Akala ko, pansamantala lang akong tutulong doon, pero hindi pala.

Si Gloria ay isang mamahaling hiyas noong pakasalan ko siya, at hanggang ngayon

Ang unang atas ko ay sa Service Department. Napakarami kong natutuhan doon. Kailangang asikasuhin ng mga brother doon ang maraming maseselan at komplikadong tanong ng mga lupon ng matatanda at ng mga tagapangasiwa ng sirkito sa buong bansa. Nagpapasalamat ako sa pagiging matiyaga at matulungin ng mga kapatid na nagsanay sa akin. Pero kung maaatasan ulit ako doon, pakiramdam ko, napakarami ko pa ring dapat matutuhan.

Gustong-gusto namin ni Gloria ang buhay sa Bethel. Sanay kaming gumising nang maaga, at malaki ang naitulong nito sa amin sa Bethel. Makalipas ang mga isang taon, naglingkod naman ako bilang helper sa Service Committee ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. At noong 1999, naging miyembro ako ng Lupong Tagapamahala. Napakarami kong natutuhan sa atas na ito, pero ang pinakamahalaga sa lahat ay na kitang-kita kong si Jesu-Kristo—hindi ang sinumang tao—ang ulo ng kongregasyong Kristiyano.

Nagkapribilehiyo akong maglingkod bilang miyembro ng Lupong Tagapamahala mula noong 1999

Kapag naiisip ko ang naging buhay ko, parang kapareho ito ng kay propeta Amos. Napansin ni Jehova ang hamak na pastol na iyon na isa lang tagaputi ng mga igos ng sikomoro—pagkaing para lang sa mahihirap. Inatasan ng Diyos si Amos na maging propeta, isang atas na mayaman sa espirituwal. (Amos 7:14, 15) Gaya ni Amos, napansin din ako ni Jehova, kahit anak lang ako ng isang mahirap na magsasaka sa Liberty, Indiana, at ibinuhos niya sa akin ang napakaraming pagpapala—sobrang dami para isa-isahin! (Kaw. 10:22) Naniniwala ako na ang buhay ko, mahirap man noon sa materyal, mayaman naman ngayon sa espirituwal—kayamanang ’di ko sukat akalain!