Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pandistritong kombensiyon sa Nyzhnya Apsha, Ukraine, noong 2012

Isang Masaganang Ani!

Isang Masaganang Ani!

INIHULA ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay masisiyahan sa masaganang ani sa panahong ito ng kawakasan. (Mat. 9:37; 24:14) Tingnan kung paano ito natutupad sa isang lugar sa Transcarpathia, Ukraine. Sa tatlong karatig-bayan ng lugar na iyon, may 50 kongregasyon at mahigit 5,400 mamamahayag. * Oo, 1 sa bawat 4 na nakatira sa tatlong bayang ito ay Saksi ni Jehova!

Kumusta ang mga tao sa teritoryong ito? “May paggalang sa Bibliya ang mga tagarito, makatarungan sila, malalapít sa kanilang pamilya, at nagtutulungan sa isa’t isa,” ang sabi ni Vasile, isang brother na tagaroon. Idinagdag niya: “Hindi sila laging sang-ayon sa ating paniniwala. Pero kapag may ipinakita ka mula sa Bibliya, nakikinig silang mabuti.”

Siyempre pa, may naiibang hamon ang pangangaral sa isang lugar na ganoon kataas ang ratio ng mamamahayag sa populasyon. Halimbawa, may isang kongregasyon na 134 ang mamamahayag pero 50 lang ang bahay sa teritoryo nito! Paano nag-adjust ang mga mamamahayag?

Maraming kapatid ang nagpalawak para makapangaral sa mga lugar na mas malaki ang pangangailangan. “Sa teritoryo ng aming kongregasyon, ang ratio ay 1 mamamahayag para sa bawat 2 bahay,” ang sabi ni Ionash, isang 90-anyos na brother. “Nangangaral ako sa aming nayon, pero nitong kamakailan bago humina ang kalusugan ko, naglakbay rin ako nang mga 160 kilometro papunta sa isang unassigned territory, kung saan nangaral ako sa wikang Hungarian.” Ang mga mamamahayag ay kailangang magsakripisyo para makatulong sa ibang teritoryo. “Para maabutan ko ang tren, gumigising ako noon nang alas-kuwatro ng umaga at nangangaral hanggang alas-seis ng gabi—ang oras ng alis ng tren pauwi. Ginagawa ko iyon nang dalawa o tatlong beses bawat linggo,” ang sabi ni Ionash. Sulit ba ang kaniyang pagsisikap? “Talagang nag-enjoy ako sa gayong uri ng ministeryo,” ang sabi niya. “Isang pribilehiyong matulungan ang isang pamilyang nakatira sa liblib na lugar na malaman ang katotohanan.”

Totoo, hindi lahat ng nasa mga kongregasyon sa lugar na ito ay kayang maglakbay sa malalayong lugar. Pero ang lahat, pati na ang mga may-edad na mamamahayag, ay nagsisikap na makubrehan ang teritoryo ng kanilang kongregasyon. Kaya noong 2017, ang dumalo sa Memoryal sa tatlong bayang ito ay halos doble ng bilang ng mamamahayag—o kalahati ng buong populasyon. Oo, saanman tayo naglilingkod, ‘marami pa tayong magagawa sa gawain ng Panginoon.’—1 Cor. 15:58.

^ par. 2 Ang pangalan ng mga bayan ay Hlybokyy Potik, Serednye Vodyane, at Nyzhnya Apsha.