Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Humatol Batay sa Panlabas na Anyo

Huwag Humatol Batay sa Panlabas na Anyo

“Huwag na kayong humatol sa panlabas na kaanyuan, kundi humatol kayo ng matuwid na paghatol.”—JUAN 7:24.

AWIT: 142, 123

1. Ano ang inihula ni Isaias tungkol kay Jesus, at bakit ito nakapagpapatibay?

INAALIW tayo at pinatitibay ng hula ni Isaias tungkol sa ating Panginoong Jesu-Kristo. Inihula ni Isaias na si Jesus ay “hindi . . . hahatol ayon lamang sa nakita ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ayon lamang sa narinig ng kaniyang mga tainga.” Sa halip, “sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita.” (Isa. 11:3, 4) Bakit ito nakapagpapatibay? Dahil nabubuhay tayo sa isang daigdig na laganap ang pagtatangi. Pinananabikan nating lahat ang sakdal na Hukom, na hinding-hindi hahatol batay sa ating panlabas na anyo!

2. Ano ang iniutos ni Jesus na gawin natin, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Araw-araw, humahatol tayo sa mga tao. Pero di-gaya ng kay Jesus, ang ating paghatol ay di-perpekto dahil hindi tayo sakdal. May tendensiya tayong madaya ng ating nakikita. Pero noong nasa lupa si Jesus, iniutos niya: “Huwag na kayong humatol sa panlabas na kaanyuan, kundi humatol kayo ng matuwid na paghatol.” (Juan 7:24) Maliwanag, gusto ni Jesus na tularan natin siya at huwag humatol batay sa panlabas na anyo. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong aspekto na kadalasan nang pinagbabatayan ng ating mata: lahi o etnikong grupo, kayamanan, at edad. Sa bawat aspekto, tatalakayin natin ang praktikal na mga paraan para masunod ang utos ni Jesus.

PAGHATOL BATAY SA LAHI O ETNIKONG GRUPO

3, 4. (a) Anong mga pangyayari ang umakay kay apostol Pedro para muling suriin ang pananaw niya sa mga Gentil? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Anong bagong katotohanan ang ipinaunawa ni Jehova kay Pedro?

3 Ano kaya ang iniisip ni apostol Pedro nang papuntahin siya sa Cesarea sa bahay ng Gentil na si Cornelio? (Gawa 10:17-29) Gaya ng iba pang mga Judio noon, naniniwala rin si Pedro na marumi ang mga Gentil. Pero may mga pangyayaring nag-udyok kay Pedro para muling suriin ang paniniwalang iyon. Halimbawa, katatapos lang niyang makakita ng isang pangitain. (Gawa 10:9-16) Ano ang nakita niya? Isang tulad-kumot na sisidlang punong-puno ng maruruming hayop ang ibinababa sa harap niya habang isang tinig sa langit ang nag-uutos: “Tumindig ka, Pedro, magpatay ka at kumain!” Mariing tumanggi si Pedro. Pagkatapos, sinabi ng tinig: “Huwag mo nang tawaging marungis ang mga bagay na nilinis na ng Diyos.” Nang magkamalay siya, naguguluhan siya sa gustong sabihin sa kaniya ng tinig. Sabay datíng naman ng mga mensahero ni Cornelio. Matapos matanggap ang tagubilin ng banal na espiritu, sumama si Pedro sa mga mensahero papunta sa bahay ni Cornelio.

4 Kung humatol lang si Pedro batay sa panlabas na anyo, hinding-hindi siya papasok sa bahay ni Cornelio. Hindi pumapasok ang mga Judio sa bahay ng mga Gentil. Pero bakit pumasok pa rin si Pedro? Dahil naudyukan siya ng pangitaing nakita niya at ng katiyakang tinanggap niya mula sa banal na espiritu. Matapos niyang marinig ang sinabi ni Cornelio, tiyak na naantig si Pedro kung kaya nasabi niya: “Tunay ngang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Isa ngang kapana-panabik at bagong pagkaunawa para kay Pedro—isa na malawak ang kahulugan! Paano nakaaapekto sa lahat ng Kristiyano ang katotohanang ito tungkol sa pagiging di-nagtatangi?

5. (a) Ano ang gusto ni Jehova na maunawaan ng lahat ng Kristiyano? (b) Kahit alam na natin ang katotohanan, ano ang maaaring nasa puso pa rin natin?

5 Sa pamamagitan ni Pedro, tinutulungan ni Jehova ang lahat ng Kristiyano na maunawaang hindi Siya nagtatangi. Hindi mahalaga sa kaniya kung ano ang lahi, etniko, bansa, tribo, o wika ng isa. Ang sinumang lalaki o babae na natatakot sa Diyos at gumagawa ng tama ay kaayaaya sa kaniya. (Gal. 3:26-28; Apoc. 7:9, 10) Tiyak na sasang-ayon ka rito. Pero paano kung lumaki ka sa isang lupain o tahanan na punong-puno ng pagtatangi? Kahit na sinasabi mong hindi ka nagtatangi, maaaring nandoon pa rin iyon sa puso mo. Maging si Pedro, na mismong nagsabi na hindi nagtatangi si Jehova, ay nagtangi pa rin nang maglaon. (Gal. 2:11-14) Paano kaya natin masusunod ang sinabi ni Jesus na huwag humatol batay sa panlabas na anyo?

6. (a) Ano ang makatutulong sa atin para maalis ang pagtatangi sa ating puso? (b) Ano ang ipinakikita ng report ng isang responsableng brother?

6 Dapat nating suriing mabuti ang ating sarili sa liwanag ng Salita ng Diyos para makita kung may bahid pa rin ng pagtatangi ang ating isip o puso. (Awit 119:105) Baka kailangan din natin ang tulong ng iba na maaaring nakakakita na nagtatangi tayo, kahit hindi natin ito napapansin sa ating sarili. (Gal. 2:11, 14) Baka nakagawian na natin ito kaya hindi na natin ito namamalayan. Kuning halimbawa ang isang responsableng brother na nagreport tungkol sa mag-asawang naglilingkod nang buong panahon. Ang asawang lalaki ay mula sa isang etnikong minorya na madalas hamakin ng iba. Lumilitaw na di-namamalayan ng responsableng brother na mababa pala ang tingin niya sa minoryang iyon. Sa kaniyang report, marami siyang sinabing magagandang bagay tungkol sa asawang lalaki; pero sa pagtatapos, sinabi niya: “Kahit galing siya sa [nasyonalidad na ito], ang kaniyang pag-uugali at paraan ng pamumuhay ay nakatulong sa iba na maunawaang hindi komo [nanggaling sa etnikong grupong ito] ay ituturing nang marumi at mababa ang pamumuhay, na karaniwan sa maraming kabilang sa angkang [ito.]” Nakuha mo ba ang punto? Anuman ang responsibilidad natin, dapat nating suriing mabuti ang ating sarili at maging handang tumanggap ng tulong para makita natin ang anumang bahid ng pagtatangi sa ating puso. Ano pa ang puwede nating gawin?

7. Paano natin maipakikitang pinalalawak natin ang ating puso?

7 Kung palalawakin natin ang ating puso, mapapalitan ng pag-ibig ang pagtatangi. (2 Cor. 6:11-13) Nakaugalian mo bang makisama lang sa mga kapareho mo ng lahi, etnikong grupo, nasyonalidad, tribo, o wika? Kung oo, magpalawak ka. Bakit hindi mo yayaing sumama sa iyo sa ministeryo ang mga may ibang pinagmulan o anyayahan sila sa inyong tahanan para magsalusalo? (Gawa 16:14, 15) Kung gagawin mo ito, mapupunô ng pag-ibig ang iyong puso at mawawalan ng puwang ang pagtatangi. Pero may iba pang bagay na nakaiimpluwensiya sa ating hatulan ang iba batay sa kanilang panlabas na anyo. Talakayin naman natin ang materyal na kayamanan.

PAGHATOL BATAY SA KAYAMANAN O KAHIRAPAN

8. Ayon sa Levitico 19:15, paano naaapektuhan ng kayamanan o kahirapan ang ating paghatol?

8 Ang materyal na kayamanan ay isa pang bagay na nakaaapekto sa ating pananaw sa iba. Sinasabi ng Levitico 19:15: “Huwag mong pakikitunguhan nang may pagtatangi ang maralita, at huwag mong kikilingan ang pagkatao ng isang dakila. Sa katarungan ay hahatulan mo ang iyong kasamahan.” Pero paano naaapektuhan ng kayamanan o kahirapan ng isa ang ating pananaw sa kaniya?

9. Anong malungkot na katotohanan ang iniulat ni Solomon, at ano ang itinuturo nito sa atin?

9 Inudyukan ng banal na espiritu si Solomon na iulat ang malungkot na katotohanan tungkol sa di-sakdal na mga tao. Sinasabi sa Kawikaan 14:20: “Ang dukha ay tudlaan ng pagkapoot maging ng kaniyang kapuwa, ngunit marami ang mga kaibigan ng taong mayaman.” Ano ang itinuturo nito sa atin? Kung hindi tayo maingat, baka mayayamang kapatid lang ang gusto nating maging kaibigan at iniiwasan naman ang mahihirap. Bakit napakapanganib na sukatin ang halaga ng ibang tao batay sa kanilang materyal na kayamanan?

10. Anong problema ang binanggit ni Santiago?

10 Kung hahatulan natin ang ibang tao batay sa kanilang materyal na kayamanan, magiging dahilan tayo ng pagkakabaha-bahagi sa loob ng kongregasyon. Ang alagad na si Santiago ay nagbabala na ang problemang ito ang naging dahilan ng pagkakabaha-bahagi sa ilang kongregasyon noong unang siglo. (Basahin ang Santiago 2:1-4.) Dapat tayong mag-ingat na huwag maapektuhan ng ganitong pag-iisip ang ating kongregasyon. Paano natin mapaglalabanan ang tendensiyang humatol batay sa panlabas na anyo?

11. May epekto ba ang materyal na pag-aari ng isang tao sa kaniyang kaugnayan kay Jehova? Ipaliwanag.

11 Dapat nating tingnan ang ating mga kapatid gaya ng tingin sa kanila ni Jehova. Hindi mahalaga kay Jehova kung mahirap o mayaman ang isa. Ang ating kaugnayan kay Jehova ay hindi kailanman masusukat sa dami o kakulangan ng materyal na pag-aari natin. Totoo, sinabi ni Jesus na “magiging mahirap na bagay para sa isang taong mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit,” pero hindi niya sinabing imposible ito. (Mat. 19:23) Sa kabilang banda, sinabi rin niya: “Maligaya kayong mga dukha, sapagkat inyo ang kaharian ng Diyos.” (Luc. 6:20) Pero hindi ito nangangahulugang lahat ng mahirap ay pinagpala at tumugon sa itinuro ni Jesus. Maraming mahihirap ang hindi tumugon. Ang punto? Hindi natin talaga mahahatulan ang kaugnayan ng isang tao kay Jehova batay sa kaniyang materyal na pag-aari.

12. Ano ang payo ng Kasulatan sa mayayaman at mahihirap?

12 Pinagpala tayo sa pagkakaroon ng maraming kapatid, mayayaman at mahihirap, na buong-pusong umiibig at naglilingkod kay Jehova. Pinapayuhan ng Kasulatan ang mayayaman na “ilagak ang kanilang pag-asa, hindi sa walang-katiyakang kayamanan, kundi sa Diyos.” (Basahin ang 1 Timoteo 6:17-19.) Kasabay nito, pinapayuhan ng Bibliya ang lahat sa bayan ng Diyos, mayaman at mahirap, na huwag ibigin ang salapi. (1 Tim. 6:9, 10) Oo, kapag tinitingnan natin ang mga kapatid gaya ng tingin ni Jehova sa kanila, hindi tayo matutuksong hatulan sila batay lang sa kanilang materyal na taglay o di-taglay. Pero kumusta naman pagdating sa edad? Matibay na batayan ba ito sa paghatol sa iba? Tingnan natin.

PAGHATOL BATAY SA EDAD

13. Ano ang itinuturo sa atin ng Kasulatan tungkol sa paggalang sa mga nakatatanda?

13 Madalas itagubilin ng Kasulatan na igalang natin ang mga nakatatanda. Sinasabi ng Levitico 19:32: “Sa harap ng may uban ay titindig ka, at pakukundanganan mo ang pagkatao ng isang matanda, at matakot ka sa iyong Diyos.” Sinasabi rin ng Kawikaan 16:31 na “ang ulong may uban ay korona ng kagandahan kapag ito ay nasusumpungan sa daan ng katuwiran.” Pagkatapos, pinayuhan din ni Pablo si Timoteo na huwag punahin nang may katindihan ang isang matandang lalaki, kundi ituring itong gaya ng isang ama. (1 Tim. 5:1, 2) Kahit may awtoridad si Timoteo sa matatandang lalaki, dapat pa rin niya silang kahabagan at igalang.

14. Kailan angkop na magbigay ng kinakailangang payo o disiplina sa isa na nakatatanda sa atin?

14 Pero hanggang saan maikakapit ang simulaing iyan? Halimbawa, dapat ba nating kunsintihin ang isang nakatatanda kung sinasadya na niyang magkasala o sumusuporta siya sa isang bagay na hindi nakalulugod kay Jehova? Hindi hahatol si Jehova batay sa panlabas na anyo at hindi niya kukunsintihin ang isang kusang nagkasala dahil lang sa nakatatanda siya. Pansinin ang simulain sa Isaias 65:20: “Kung tungkol sa makasalanan, bagaman isang daang taon ang gulang ay susumpain siya.” Ganiyan din ang simulaing ipinakikita sa pangitain ni Ezekiel. (Ezek. 9:5-7) Kaya dapat na maging pangunahin sa atin ang magpakita ng paggalang sa Sinauna sa mga Araw, ang Diyos na Jehova. (Dan. 7:9, 10, 13, 14) Kung gagawin natin ito, hindi tayo matatakot na payuhan ang isang tao kung kailangan, anuman ang edad niya.—Gal. 6:1.

Iginagalang mo ba ang mga nakababatang brother? (Tingnan ang parapo 15)

15. Anong aral ang natutuhan natin kay apostol Pablo tungkol sa paggalang sa mga nakababatang brother?

15 Kumusta naman ang mga nakababatang brother sa kongregasyon? Ano ang tingin mo sa kanila? Isinulat ni apostol Pablo sa kabataang si Timoteo: “Huwag hamakin ng sinumang tao ang iyong kabataan. Sa halip, sa mga tapat ay maging halimbawa ka sa pagsasalita, sa paggawi, sa pag-ibig, sa pananampalataya, sa kalinisan.” (1 Tim. 4:12) Nang isulat ni Pablo ang pananalitang iyan, posibleng mahigit 30 anyos lang si Timoteo. Pero inatasan na siya ni Pablo ng mabibigat na pananagutan. Anuman ang dahilan sa pagbibigay ng payong iyon, maliwanag ang punto. Hindi natin dapat hatulan ang mga nakababatang brother batay lang sa edad nila. Dapat nating tandaan na maging ang Panginoong Jesus ay mahigit 30 anyos lang nang ganapin niya ang kaniyang ministeryo dito sa lupa.

16, 17. (a) Paano malalaman ng mga elder kung ang isang brother ay kuwalipikado nang irekomenda bilang ministeryal na lingkod o elder? (b) Paano posibleng di-kaayon ng Kasulatan ang sariling pananaw o kultura?

16 Baka nasa kultura natin na maliitin ang mga nakababatang lalaki. Kung ganoon nga, baka mag-atubili ang mga elder sa kongregasyon na irekomenda ang mga nakababatang brother na kuwalipikado namang maglingkod bilang ministeryal na lingkod o elder. Makabubuting tandaan ng mga elder na walang itinakdang edad ang Kasulatan para mairekomendang ministeryal na lingkod o elder ang isang brother. (1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9) Kung ang isang elder ay nagtatakda ng isang tuntunin batay sa kultura, hindi siya kumikilos ayon sa Kasulatan. Ang mga nakababatang brother ay dapat suriin batay sa pamantayan ng Salita ng Diyos sa halip na sa ating sariling pananaw o kultura.—2 Tim. 3:16, 17.

17 Tingnan kung paano nakahahadlang sa mga kuwalipikadong brother ang gayong di-makakasulatang pananaw na nakabatay sa kultura. Sa isang bansa, pinagkakatiwalaan ng mabibigat na pananagutan ang isang mahusay na ministeryal na lingkod. Kahit aminado ang mga elder na kuwalipikado naman ang kabataang ito na maging elder, hindi pa rin siya inirerekomenda. Iginiit ng ilang nakatatandang elder na napakabata pang tingnan ng brother para maging elder. Nakalulungkot, hindi inirekomenda ang brother dahil lang sa hitsura niya. Kahit isang karanasan lang ito, ipinakikita ng mga ulat na apektado ng ganitong kaisipan ang marami sa iba’t ibang panig ng daigdig. Napakahalaga ngang manalig sa Kasulatan sa halip na sa ating sariling pananaw o kultura! Iyan ang tanging paraan para masunod si Jesus at huwag humatol batay sa panlabas na anyo.

MATUWID NA PAGHATOL

18, 19. Ano ang kailangan para tingnan natin ang iba gaya ng tingin ni Jehova sa kanila?

18 Kahit hindi tayo sakdal, puwede nating tingnan ang iba gaya ng tingin ni Jehova sa kanila—walang pagtatangi. (Gawa 10:34, 35) Pero nangangailangan ito ng patuluyang pagsisikap at mga paalaala mula sa Salita ng Diyos. Kung ikakapit natin ang mga paalaalang ito, mas masusunod natin ang utos ni Jesus na huwag humatol batay sa panlabas na anyo.—Juan 7:24.

19 Di-magtatagal, hahatulan ng ating Haring si Jesu-Kristo ang lahat ng tao, hindi batay sa kaniyang nakita o narinig, kundi batay sa matuwid na paghatol. (Isa. 11:3, 4) Tiyak na kapana-panabik ito!