Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 28

Patuloy na Sumamba kay Jehova Kahit May Pagbabawal

Patuloy na Sumamba kay Jehova Kahit May Pagbabawal

“Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.”​—GAWA 4:19, 20.

AWIT 122 Magpakatatag!

NILALAMAN *

1-2. (a) Bakit hindi na natin dapat ikagulat ang pagbabawal sa pagsamba natin? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

NOONG 2018, mahigit 223,000 mamamahayag ng mabuting balita ang nakatira sa mga lugar na ipinagbabawal o hinihigpitan ang ating gawain. Hindi na iyan nakakagulat. Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, inaasahan ng tunay na mga Kristiyano na pag-uusigin sila. (2 Tim. 3:12) Saanman tayo nakatira, puwedeng bigla na lang ipagbawal ng gobyerno ang pagsamba natin kay Jehova, ang ating mapagmahal na Diyos.

2 Kapag ipinagbawal ng gobyerno ang pagsamba kay Jehova sa lugar ninyo, baka maisip mo: ‘Ibig bang sabihin nito, ayaw na sa amin ng Diyos? Titigil na ba kami sa pagsamba kay Jehova dahil sa pagbabawal? Dapat ba akong lumipat sa ibang bansa, kung saan malaya kong masasamba ang Diyos?’ Tatalakayin natin sa artikulong ito ang mga tanong na iyan. Pag-uusapan din natin kung paano tayo patuloy na makakapaglingkod kay Jehova kahit may pagbabawal at kung anong mga bitag ang dapat nating iwasan.

IBIG BANG SABIHIN NG PAG-UUSIG, AYAW NA SA ATIN NG DIYOS?

3. Ayon sa 2 Corinto 11:23-27, anong pag-uusig ang dinanas ng tapat na apostol na si Pablo, at ano ang matututuhan natin sa kaniya?

3 Kapag ipinagbawal ng gobyerno ang pagsamba natin, baka isipin nating hindi tayo pinagpapala ng Diyos. Pero tandaan, ang pag-uusig ay hindi naman patunay na hindi na masaya si Jehova sa atin. Isipin si apostol Pablo. Siguradong masaya sa kaniya ang Diyos. Nagkapribilehiyo siyang sumulat ng 14 na liham sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Isa rin siyang apostol para sa ibang mga bansa. Pero dumanas siya ng matinding pag-uusig. (Basahin ang 2 Corinto 11:23-27.) Ipinapakita lang ng karanasan ni apostol Pablo na hinahayaan ni Jehova na pag-usigin ang kaniyang tapat na mga lingkod.

4. Bakit tayo kinapopootan ng sanlibutan?

4 Ipinaliwanag ni Jesus kung bakit dapat nating asahang pag-uusigin tayo. Sinabi niyang kapopootan tayo dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan. (Juan 15:18, 19) Ang pag-uusig ay hindi tanda na hindi tayo pinagpapala ni Jehova. Ipinapakita lang nito na ginagawa natin kung ano ang tama!

TITIGIL NA BA TAYO SA PAGSAMBA KAY JEHOVA DAHIL SA PAGBABAWAL?

5. Lubusan bang mapipigilan ng tao ang pagsamba kay Jehova? Ipaliwanag.

5 Walang sinumang tao ang lubusang makakapigil sa pagsamba sa pinakamakapangyarihang Diyos, si Jehova. Marami na ang sumubok at nabigo. Isipin ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Nang panahong iyon, pinag-usig at pinagmalupitan ng gobyerno sa maraming bansa ang bayan ng Diyos. Ipinagbawal ang gawain ng mga Saksi ni Jehova, hindi lang ng partidong Nazi sa Germany, kundi pati ng gobyerno sa Australia, Canada, at iba pang lupain. Pero ano ang nangyari? Nang magsimula ang digmaan noong 1939, may 72,475 mamamahayag sa buong mundo. Gayunman, ipinapakita ng mga ulat na sa pagtatapos ng digmaan noong 1945, mayroon nang 156,299 na mamamahayag dahil sa pagpapala ni Jehova. Higit pa sa doble ang itinaas ng bilang ng mamamahayag!

6. Sa halip na matakot, ano ang nagagawa sa atin ng pag-uusig? Magbigay ng halimbawa.

6 Sa halip na matakot, mas nagiging determinado pa nga tayong maglingkod kay Jehova kapag pinag-uusig. Halimbawa, isang mag-asawa na may maliit na anak ang nakatira sa isang bansa, kung saan ipinagbawal ng gobyerno ang ating pagsamba. Imbes na matakot, nag-regular pioneer ang mag-asawa. Para magawa iyon, nagbitiw pa nga sa trabaho ang asawang babae kahit malaki ang suweldo niya. Sinabi ng asawang lalaki na dahil sa pagbabawal, marami ang nag-usisa tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Kaya madali siyang nakapagpasimula ng mga pag-aaral sa Bibliya. At mayroon pang magandang resulta ang pagbabawal. Sinabi ng isang elder sa bansang iyon na marami sa mga huminto sa paglilingkod kay Jehova ang dumalo ulit at naging aktibo.

7. (a) Ano ang matututuhan natin sa Levitico 26:36, 37? (b) Ano ang gagawin mo kapag may pagbabawal?

7 Kapag ipinagbabawal ng mga kaaway natin ang ating pagsamba, inaasahan nilang matatakot tayo at titigil na sa paglilingkod kay Jehova. Baka magkalat din sila ng mga kasinungalingan tungkol sa atin, ipahalughog nila ang bahay natin, sampahan tayo ng kaso, o ipabilanggo pa nga ang ilan sa atin. Umaasa silang masisindak tayo dahil may ilan na silang naipabilanggo. Kung matatakot tayo sa puwede nilang gawin sa atin, baka tayo na ang kusang huminto sa pagsamba. Ayaw nating maging gaya ng inilarawan sa Levitico 26:36, 37. (Basahin.) Hindi natin hahayaang bumagal tayo o huminto pa nga sa ating espirituwal na mga gawain nang dahil sa takot. Hindi tayo natataranta dahil lubusan tayong nagtitiwala kay Jehova. (Isa. 28:16) Nananalangin tayo kay Jehova para sa patnubay niya. Alam nating sa tulong niya, walang sinumang makakahadlang sa ating tapat na pagsamba sa Diyos​—kahit pa ang pinakamakapangyarihang gobyerno ng tao.​—Heb. 13:6.

DAPAT BA AKONG LUMIPAT SA IBANG BANSA?

8-9. (a) Anong personal na desisyon ang kailangang gawin ng bawat isa o ng bawat ulo ng pamilya? (b) Ano ang makakatulong sa isa na makagawa ng matalinong desisyon?

8 Kapag ipinagbawal ng gobyerno sa bansa ninyo ang ating pagsamba, baka maisip mong lumipat sa ibang bansa, kung saan malaya mong mapaglilingkuran si Jehova. Personal mo nang desisyon iyan. Makakatulong sa pagpapasiya ang ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo nang pag-usigin sila. Matapos pagbabatuhin ng mga kaaway si Esteban hanggang sa mamatay, ang mga alagad sa Jerusalem ay lumipat sa Judea at Samaria at nakarating pa nga sa Fenicia, Ciprus, at Antioquia. (Mat. 10:23; Gawa 8:1; 11:19) Pero kapansin-pansin na pagkatapos ng isa pang panahon ng pag-uusig sa mga Kristiyano noong unang siglo, nagpasiya si apostol Pablo na manatili sa mga lugar na may mga humahadlang sa pangangaral. Kahit mapanganib, ipinangaral niya ang mabuting balita at pinatibay ang mga kapatid sa mga lunsod na matindi ang pag-uusig.​—Gawa 14:19-23.

9 Ano ang matututuhan natin sa mga ulat na iyan? Bawat ulo ng pamilya ay dapat magpasiya kung lilipat sila. Bago magpasiya, kailangan muna niyang manalangin at pag-isipang mabuti ang kalagayan ng pamilya niya at ang posibleng maging epekto sa kanila ng paglipat. Sa bagay na iyan, “ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.” (Gal. 6:5) Hindi natin dapat husgahan ang iba sa magiging desisyon nila.

PAANO TAYO SASAMBA KAPAG MAY PAGBABAWAL?

10. Anong mga tagubilin ang ibibigay ng tanggapang pansangay at ng mga elder?

10 Paano natin patuloy na masasamba si Jehova sa kabila ng pagbabawal? Ang tanggapang pansangay ay magbibigay ng mga tagubilin at praktikal na mga mungkahi sa mga elder kung paano makakakuha ng espirituwal na pagkain, magtitipon para sa pagsamba, at mangangaral ng mabuting balita. Kung hindi makontak ng tanggapang pansangay ang mga elder, ang mga elder ang tutulong sa iyo at sa lahat ng nasa kongregasyon para patuloy ninyong masamba si Jehova. Magbibigay sila ng mga tagubiling kaayon ng Bibliya at ng mga publikasyon natin.​—Mat. 28:19, 20; Gawa 5:29; Heb. 10:24, 25.

11. Bakit ka makakatiyak na mabibigyan ka ng espirituwal na pagkain, at ano ang puwede mong gawin para maprotektahan ang iyong Bibliya at iba pang publikasyon?

11 Nangako si Jehova na ang mga lingkod niya ay mabubusog sa espirituwal. (Isa. 65:13, 14; Luc. 12:42-44) Kaya makakatiyak kang gagawin ng kaniyang organisasyon ang lahat para mailaan ang iyong espirituwal na pangangailangan. Ano ang puwede mong gawin? Kapag may pagbabawal, maghanap ng mapagtataguan ng iyong Bibliya at iba pang publikasyon. Huwag mong basta-basta iiwan ang mga iyon​—nakaimprenta man o digital​—sa lugar na madaling makita. Ang bawat isa ay dapat na gumawa ng paraan para makapanatiling malakas sa espirituwal.

Sa tulong ni Jehova, hindi tayo matatakot na magdaos ng mga pulong (Tingnan ang parapo 12) *

12. Paano mag-oorganisa ang mga elder ng mga pulong na hindi makakatawag ng pansin?

12 Paano naman ang mga pulong linggo-linggo? Ang mga elder ay mag-oorganisa ng mga pulong na hindi makakatawag ng pansin. Baka magbigay sila ng tagubiling magtipon-tipon ang mga kapatid sa maliliit na grupo, at baka bagu-baguhin nila ang oras at lugar ng pulong. Mapoprotektahan mo ang lahat ng dadalo kung hihinaan mo ang pagsasalita papasók o palabas ng pulong. Baka kailangan mo ring magsuot ng damit na medyo kaswal.

Kahit pagbawalan tayo ng gobyerno, mangangaral pa rin tayo (Tingnan ang parapo 13) *

13. Ano ang matututuhan natin sa mga kapatid sa dating Unyong Sobyet?

13 Tungkol naman sa pangangaral, iba-iba ang magiging sitwasyon sa bawat lugar. Pero dahil mahal natin si Jehova at gustong-gusto nating sabihin sa iba ang tungkol sa kaniyang Kaharian, gagawa tayo ng paraan para makapangaral. (Luc. 8:1; Gawa 4:29) May kinalaman sa pangangaral ng mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet, sinabi ng istoryador na si Emily B. Baran: “Nang pagbawalan sila ng gobyerno na mangaral, ang kinausap ng mga Saksi ay ang kanilang mga kapitbahay, katrabaho, at kaibigan. Nang ibilanggo sila sa mga kampong piitan, mga kapuwa bilanggo naman ang pinangaralan nila.” Sa kabila ng pagbabawal, hindi tumigil sa pangangaral ang mga kapatid sa dating Unyong Sobyet. Kung sakaling ipagbawal ang pangangaral sa lugar ninyo, ganoon din sana ang gawin mo!

MGA BITAG NA DAPAT IWASAN

Dapat na alam natin kung kailan mananahimik (Tingnan ang parapo 14) *

14. Ano ang babala sa atin ng Awit 39:1?

14 Mag-ingat sa pagbibigay ng impormasyon. Kapag may pagbabawal, dapat na alam natin kung kailan ang “panahon ng pagtahimik.” (Ecles. 3:7) Ingatan natin ang mahahalagang impormasyon, gaya ng pangalan ng mga kapatid, lugar ng pulong, kung paano tayo nangangaral, at kung paano tayo tumatanggap ng espirituwal na pagkain. Hindi natin ito isisiwalat sa mga awtoridad; hindi rin natin ito sasabihin sa mga kaibigan o kamag-anak natin, kahit pa nasa ibang bansa sila. Kapag ginawa natin ito, puwedeng manganib ang mga kapatid natin.​—Basahin ang Awit 39:1.

15. Ano ang gusto ni Satanas na mangyari sa atin, at paano natin maiiwasan ang bitag niya?

15 Huwag hayaang magkabaha-bahagi tayo dahil sa maliliit na isyu. Alam ni Satanas na ang pamilyang nababahagi ay mawawasak. (Mar. 3:24, 25) Lagi siyang gagawa ng paraan para magkabaha-bahagi tayo. Gusto niya kasing tayo ang maglaban-laban sa halip na siya ang labanan natin.

16. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Sister Gertrud Poetzinger?

16 Kahit ang maygulang na mga Kristiyano ay dapat ding mag-ingat na huwag mabitag nito. Pag-isipan ang nangyari sa dalawang pinahirang sister, sina Gertrud Poetzinger at Elfriede Löhr. Ibinilanggo sila kasama ng iba pang sister sa kampong piitan ng Nazi. Nainggit si Gertrud kay Elfriede nang magbigay ito ng nakakapagpatibay na mga pahayag sa iba pang sister sa bilangguan. Nang maglaon, nahiya si Gertrud sa naramdaman niya at humingi siya ng tulong kay Jehova. Isinulat niya: “Kailangan nating tanggapin na may mga taong mas magaling at mas pinapaboran kaysa sa atin.” Paano niya naalis ang inggit? Nagpokus si Gertrud sa kabaitan at iba pang magagandang katangian ni Elfriede. Dahil diyan, bumalik ang magandang kaugnayan niya kay Elfriede. Pareho silang nakalaya sa kampong piitan at tapat na naglingkod kay Jehova hanggang sa matapos ang buhay nila sa lupa. Kung pagsisikapan nating ayusin ang mga di-pagkakaunawaan, maiiwasan natin ang bitag na magkabaha-bahagi tayo.​—Col. 3:13, 14.

17. Bakit hindi tayo dapat maging pangahas?

17 Huwag maging pangahas. Kung susunod tayo sa tagubilin ng mga elder, makakaiwas tayo sa mga problema. (1 Ped. 5:5) Halimbawa, sa isang lugar na may pagbabawal, itinagubilin ng mga elder sa mga mamamahayag na huwag mag-iwan ng literatura kapag nangangaral. Pero hindi sumunod ang isang brother na payunir at namahagi pa rin siya ng literatura. Ano ang resulta? Hindi pa natatagalan pagkatapos niyang magpatotoo kasama ng iba, sinita sila ng mga pulis. Malamang na nasundan sila ng mga pulis at nakuha ng mga ito ang mga literaturang ipinamahagi nila. Ano ang matututuhan natin dito? Kailangan nating sumunod sa mga tagubilin kahit pa nga hindi tayo sang-ayon dito. Lagi tayong pinagpapala ni Jehova kapag nakikipagtulungan tayo sa mga inatasan niyang manguna sa atin.​—Heb. 13:7, 17.

18. Bakit hindi tayo dapat gumawa ng di-kinakailangang mga utos?

18 Huwag gumawa ng di-kinakailangang mga utos. Kapag gumagawa ang mga elder ng ganitong mga utos, napapabigatan nila ang iba. Naalaala ni Brother Juraj Kaminský ang nangyari noong may pagbabawal sa dating Czechoslovakia. Sinabi niya: “Nang maaresto ang maraming elder, ang ilang nangunguna sa mga kongregasyon at sirkito ay gumawa ng mga listahan ng dapat at di-dapat gawin ng mga mamamahayag.” Hindi tayo binigyan ni Jehova ng awtoridad na gumawa ng desisyon para sa iba. Ang gumagawa ng di-kinakailangang mga utos ay hindi pumoprotekta sa kaniyang mga kapatid, kundi nag-aastang panginoon sa kanila.​—2 Cor. 1:24.

HUWAG HUMINTO SA PAGSAMBA KAY JEHOVA

19. Ayon sa 2 Cronica 32:7, 8, bakit may dahilan tayong magkaroon ng lakas ng loob anuman ang gawin ni Satanas?

19 Ang mortal nating kaaway, si Satanas na Diyablo, ay hindi titigil sa pag-usig sa tapat na mga lingkod ni Jehova. (1 Ped. 5:8; Apoc. 2:10) Susubukan ni Satanas at ng mga kampon niya na patigilin ang pagsamba natin kay Jehova. Pero walang dahilan para magpadaig tayo sa takot! (Deut. 7:21) Kakampí natin si Jehova, at patuloy niya tayong tutulungan kahit ipagbawal ang gawain natin.​—Basahin ang 2 Cronica 32:7, 8.

20. Ano ang determinado mong gawin?

20 Tularan sana natin ang determinasyon ng mga kapatid noong unang siglo, na nagsabi sa mga tagapamahala: “Kung sa tingin ninyo ay tama sa paningin ng Diyos na makinig kami sa inyo sa halip na sa Diyos, nasa sa inyo iyon. Pero kami, hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.”​—Gawa 4:19, 20.

AWIT 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan

^ par. 5 Ano ang gagawin natin kapag pinagbabawalan tayo ng gobyerno na sumamba kay Jehova? Mababasa sa artikulong ito ang ilang praktikal na mungkahi kung ano ang dapat at di-dapat gawin para hindi tayo mapahinto sa pagsamba sa Diyos.

^ par. 59 LARAWAN: Ipinapakita ang iba’t ibang kalagayan ng mga Saksi sa mga lugar na hinihigpitan ang ating gawain. Sa larawang ito, isang maliit na grupo ang nagpupulong sa bodega ng isang kapatid.

^ par. 61 LARAWAN: Isang sister (sa kaliwa) ang nakikipag-usap sa babae; humahanap siya ng tiyempo para makapagpatotoo rito.

^ par. 63 LARAWAN: Isang brother ang sumasailalim sa interogasyon ng mga pulis; ayaw niyang magbigay ng impormasyon tungkol sa kongregasyon.