Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 44

Patibayin ang Pagkakaibigan Bago Dumating ang Wakas

Patibayin ang Pagkakaibigan Bago Dumating ang Wakas

“Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.”​—KAW. 17:17.

AWIT 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa

NILALAMAN *

Kakailanganin natin ng mabubuting kaibigan sa “malaking kapighatian” (Tingnan ang parapo 2) *

1-2. Batay sa 1 Pedro 4:7, 8, ano ang makakatulong sa atin na maharap ang mga pagsubok?

HABANG papalapit tayo sa katapusan ng “mga huling araw,” baka mapaharap tayo sa mabibigat na pagsubok. (2 Tim. 3:1) Halimbawa, sa isang bansa sa kanlurang Africa, nagkaroon ng kaguluhan at karahasan pagkatapos ng kampanya sa eleksiyon. Kaya sa loob ng mahigit anim na buwan, napakadelikado ng kalagayan ng mga kapatid doon. Ano ang nakatulong sa kanila? Ang ilan ay pinatuloy ng mga kapatid na nakatira sa ligtas na lugar. Sinabi ng isang brother: “Sa ganitong sitwasyon, mabuti na lang at may mga kaibigan ako. Napatibay namin ang isa’t isa.”

2 Pagdating ng “malaking kapighatian,” mapapahalagahan natin na may mabubuti tayong kaibigan na nagmamahal sa atin. (Apoc. 7:14) Kaya dapat tayong magkaroon ng matibay na kaugnayan sa iba ngayon pa lang. (Basahin ang 1 Pedro 4:7, 8.) Marami tayong matututuhan sa karanasan ni Jeremias, na tinulungan ng mga kaibigan niya na makaligtas bago mawasak ang Jerusalem. * Paano natin matutularan si Jeremias?

MATUTO SA HALIMBAWA NI JEREMIAS

3. (a) Ano ang posibleng dahilan para gustuhin ni Jeremias na ibukod ang sarili niya? (b) Ano ang sinabi ni Jeremias sa kalihim niyang si Baruc, at ano ang resulta?

3 Sa loob ng 40 taon o higit pa, namuhay si Jeremias sa gitna ng mga taong di-tapat, kasama na diyan ang mga kapitbahay at posibleng ilang kamag-anak niya sa kanilang bayan na Anatot. (Jer. 11:21; 12:6) Pero hindi niya ibinukod ang sarili niya. Sa katunayan, sinabi niya sa tapat na kalihim niyang si Baruc ang niloloob niya, at nalaman din natin ito dahil napaulat ito sa Bibliya. (Jer. 8:21; 9:1; 20:14-18; 45:1) Siguradong lumalim ang pagkakaibigan nila at paggalang sa isa’t isa habang isinusulat ni Baruc ang mga nangyari kay Jeremias.—Jer. 20:1, 2; 26:7-11.

4. Ano ang ipinagawa ni Jehova kay Jeremias, at paano napatibay ng atas na ito ang pagkakaibigan nina Jeremias at Baruc?

4 Sa loob ng maraming taon, lakas-loob na nagbabala si Jeremias sa mga Israelita tungkol sa mangyayari sa Jerusalem. (Jer. 25:3) Para bigyan pa ng pagkakataong magsisi ang bayan, inutusan ni Jehova si Jeremias na isulat sa balumbon ang Kaniyang mga babala. (Jer. 36:1-4) Habang nagtutulungan sina Jeremias at Baruc sa atas na ito mula sa Diyos, na posibleng tumagal nang ilang buwan, siguradong nakapagpatibayan sila.

5. Paano naging mabuting kaibigan si Baruc kay Jeremias?

5 Nang panahon na para isiwalat ang laman ng balumbon, pinagkatiwalaan ni Jeremias ang kaibigan niyang si Baruc na sabihin ang mensahe sa mga tao. (Jer. 36:5, 6) Lakas-loob na ginawa ni Baruc ang delikadong atas na ito. Isipin na lang ang paghanga ni Jeremias kay Baruc nang pumasok ito sa looban ng templo para gawin ang iniutos niya! (Jer. 36:8-10) Nabalitaan ito ng matataas na opisyal, at inutusan nila si Baruc na basahin nang malakas ang balumbon! (Jer. 36:14, 15) Napagpasiyahan nilang sabihin kay Haring Jehoiakim ang mensahe. Dahil sa pagmamalasakit, sinabi nila kay Baruc: “Magtago kayo ni Jeremias, at huwag ninyong sabihin kahit kanino kung nasaan kayo.” (Jer. 36:16-19) Magandang payo iyan!

6. Ano ang ginawa nina Jeremias at Baruc nang dumanas sila ng pagsalansang?

6 Galit na galit si Haring Jehoiakim nang marinig niya ang mensahe, kaya sinunog niya ang balumbon at ipinaaresto sina Jeremias at Baruc. Pero hindi natakot si Jeremias. Kumuha ulit siya ng balumbon, ibinigay ito kay Baruc, at habang idinidikta ni Jeremias ang mensahe ni Jehova, “isinulat ni Baruc ang lahat ng salitang nasa balumbon na sinunog ni Haring Jehoiakim ng Juda.”—Jer. 36:26-28, 32.

7. Ano ang malamang na nangyari habang nagtutulungan sina Jeremias at Baruc?

7 Ang mga taong magkasamang nakakalampas sa mga pagsubok ay kadalasan nang nagiging matalik na magkaibigan. Kaya malamang na habang pinapalitan nina Jeremias at Baruc ang balumbon na sinunog ng masamang haring si Jehoiakim, nakita nila ang magagandang katangian ng isa’t isa. Paano tayo makikinabang sa halimbawa ng dalawang tapat na lalaking ito?

SABIHIN SA ISA’T ISA ANG NILOLOOB

8. Ano ang posibleng makahadlang sa atin sa pagkakaroon ng matatalik na kaibigan, at bakit dapat pa rin nating sikaping makipagkaibigan?

8 Baka nahihirapan tayong sabihin sa iba ang nadarama natin dahil minsan na tayong nasaktan. (Kaw. 18:19, 24) O baka pakiramdam natin, wala na tayong panahon at lakas para makipagkaibigan. Pero dapat pa rin nating sikaping makipagkaibigan. Kung gusto nating tulungan tayo ng mga kapatid sa panahon ng pagsubok, dapat tayong magtiwala sa kanila ngayon pa lang at sabihin natin sa kanila ang ating iniisip at nadarama. Mahalaga iyan para sa tunay na pagkakaibigan.—1 Ped. 1:22.

9. (a) Paano ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa mga kaibigan niya? (b) Paano makakatulong ang pagsasabi mo sa iba ng niloloob mo para tumibay ang pakikipagkaibigan mo sa kanila? Magbigay ng halimbawa.

9 Ipinakita ni Jesus na may tiwala siya sa mga kaibigan niya. Sinasabi niya sa kanila ang niloloob niya, at wala siyang itinatago. (Juan 15:15) Natutularan natin si Jesus kapag sinasabi natin sa iba ang mga bagay na nakakapagpasaya, nakakabahala, at nakakadismaya sa atin. Pakinggang mabuti ang sinasabi ng kausap mo. Baka marami pala kayong pagkakapareho sa iniisip, nararamdaman, at mga tunguhin. Tingnan ang halimbawa ni Cindy, isang sister na 29 anyos. Kinaibigan niya ang isang payunir na 67 anyos, si Marie-Louise. Magkasama silang nangangaral tuwing Huwebes ng umaga, at nakakapag-usap sila tungkol sa iba’t ibang bagay. Sinabi ni Cindy, “Nag-e-enjoy akong makipag-usap sa mga kaibigan ko tungkol sa seryosong mga bagay. Natutulungan kasi ako nito na mas makilala at maintindihan sila.” Kapag nasasabi ng magkaibigan sa isa’t isa ang niloloob nila, titibay ang pagkakaibigan nila. Gaya ni Cindy, kung mauuna ka sa paggawa nito sa iba, titibay ang pakikipagkaibigan mo sa kanila.—Kaw. 27:9.

GUMAWANG MAGKASAMA

Ang tunay na magkaibigan ay gumagawang magkasama sa ministeryo, lubusang nagpapatawaran, at nagtutulungan sa panahon ng pangangailangan (Tingnan ang parapo 10)

10. Ayon sa Kawikaan 27:17, ano ang resulta kapag gumagawa tayong kasama ng mga kapatid?

10 Gaya nina Jeremias at Baruc, kapag gumagawa tayong kasama ng mga kapatid at nakikita natin ang magaganda nilang katangian, natututo tayo at mas napapalapít sa kanila. (Basahin ang Kawikaan 27:17.) Halimbawa, sa ministeryo, ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mo ang kaibigan mo na ipinagtatanggol ang pananampalataya niya o sinasabi nang may kombiksiyon ang tungkol kay Jehova at sa mga layunin Niya? Malamang na lalo kang napapalapít sa kaibigan mo.

11-12. Magbigay ng halimbawa kung paano napapatibay ng ministeryo ang pagkakaibigan.

11 Tingnan ang dalawang karanasan na nagpapakitang ang magkasamang gumagawa sa ministeryo ay napapalapít sa isa’t isa. Niyaya ng sister na si Adeline, 23 anyos, ang kaibigan niyang si Candice na mangaral sa seldom-worked territory. “Gusto naming maging mas masigasig sa ministeryo at mas ma-enjoy ito,” ang sabi niya. “Kailangan namin ng pampatibay para mapaglingkuran namin si Jehova nang lubusan.” Paano sila nakinabang sa paggawang magkasama? “Sa pagtatapos ng bawat araw,” ang sabi ni Adeline, “pinag-uusapan namin ang nararamdaman namin, ang nakakapagpatibay na mga karanasan namin, at kung paano namin nadama ang patnubay ni Jehova sa ministeryo. Na-enjoy namin ang ganoong mga pag-uusap, at mas nakilala namin ang isa’t isa.”

12 Dalawang dalaga mula sa France, sina Laïla at Marianne, ang nangaral nang limang linggo sa Bangui, ang mataong kabisera ng Central African Republic. Sinabi ni Laïla: “Nagkakaproblema rin kami ni Marianne, pero dahil nag-uusap kami at mahal namin ang isa’t isa, tumibay ang pagkakaibigan namin. Habang pinagmamasdan ko ang kakayahan ni Marianne na makibagay, ang pag-ibig niya sa mga tagaroon, at ang sigasig niya sa ministeryo, mas hinangaan ko siya.” Hindi mo na kailangang magpunta sa ibang bansa para maranasan iyan. Sa tuwing gumagawa kang kasama ng isang kapatid sa teritoryo ninyo, may pagkakataon kang mas makilala siya at mapatibay ang pagkakaibigan ninyo.

MAGPOKUS SA POSITIBO, AT MAGING MAPAGPATAWAD

13. Anong hamon ang puwedeng mapaharap sa atin kapag gumagawa tayong kasama ng mga kaibigan natin?

13 Kung minsan, kapag gumagawa tayong kasama ng mga kaibigan natin, hindi lang magagandang katangian nila ang nakikita natin, kundi pati ang mga kahinaan nila. Ano ang makakatulong sa atin kapag nangyari iyan? Isiping muli si Jeremias. Ano ang nakatulong sa kaniya na makita ang magagandang katangian ng iba at mapalampas ang mga pagkakamali nila?

14. Ano ang natutuhan ni Jeremias tungkol kay Jehova, at paano ito nakatulong sa kaniya?

14 Si Jeremias ang sumulat ng aklat na nakapangalan sa kaniya, at malamang na siya rin ang sumulat ng mga aklat ng Bibliya na 1 at 2 Hari. Siguradong dahil sa atas na iyon, nakita niya ang pagkamaawain ni Jehova sa di-perpektong mga tao. Halimbawa, nalaman niya na noong magsisi si Haring Ahab, hindi pinuksa ni Jehova ang pamilya nito habang nabubuhay ito. (1 Hari 21:27-29) Alam din ni Jeremias na mas masahol pa ang ginawa ni Manases kaysa kay Ahab. Pero pinatawad pa rin ni Jehova si Manases dahil nagsisi ito. (2 Hari 21:16, 17; 2 Cro. 33:10-13) Tiyak na nakatulong ang mga ulat na iyon kay Jeremias na maging matiisin at maawain gaya ng Diyos sa pakikitungo niya sa kaniyang matatalik na kaibigan.—Awit 103:8, 9.

15. Paano tinularan ni Jeremias ang pagkamatiisin ni Jehova nang mawala ang pokus ni Baruc sa atas?

15 Pag-isipan kung paano pinakitunguhan ni Jeremias si Baruc nang pansamantalang mawala ang pokus nito sa atas. Sa halip na sukuan, tinulungan ni Jeremias si Baruc sa pamamagitan ng pagsasabi rito ng isang mabait pero deretsahang mensahe mula sa Diyos. (Jer. 45:1-5) Anong mga aral ang matututuhan natin sa ulat na ito?

Ang tunay na magkaibigan ay lubusang nagpapatawaran (Tingnan ang parapo 16)

16. Ayon sa Kawikaan 17:9, ano ang dapat nating gawin para mapanatili ang pakikipagkaibigan natin sa mga kapatid?

16 Siyempre, hindi naman perpekto ang mga kapatid. Kaya kapag nagkaroon na tayo ng matatalik na kaibigan, kailangan nating pagsikapang mapanatili ang pagkakaibigang iyon. Kung magkamali ang mga kaibigan natin, baka kailangan nating magbigay ng mabait pero deretsahang payo mula sa Bibliya. (Awit 141:5) At kung masaktan nila tayo, kailangan natin silang patawarin. Kapag napatawad na natin sila, dapat nating iwasang ungkatin pa ang pagkakamaling iyon. (Basahin ang Kawikaan 17:9.) Sa mahirap na panahong ito, napakahalagang magpokus sa magagandang katangian ng mga kapatid sa halip na sa mga kahinaan nila! Sa gayon, mapapatibay natin ang kaugnayan natin sa kanila. Mahalaga iyan dahil kakailanganin natin ang matatalik na kaibigan sa malaking kapighatian.

MAGPAKITA NG TAPAT NA PAG-IBIG

17. Paano naipakita ni Jeremias na isa siyang tunay na kaibigan sa panahon ng pagsubok?

17 Naipakita ni propeta Jeremias na isa siyang tunay na kaibigan sa panahon ng pagsubok. Halimbawa, matapos siyang iligtas ng opisyal na si Ebed-melec mula sa maputik at malalim na imbakan ng tubig, natakot si Ebed-melec sa puwedeng gawin sa kaniya ng matataas na opisyal. Nang malaman ito ni Jeremias, hindi siya nanahimik at umasa na lang na malalampasan ito ng kaibigan niya. Kahit nakakulong si Jeremias, ginawa niya ang makakaya niya. Sinabi niya sa kaibigan niyang si Ebed-melec ang nakakapagpatibay na pangako ni Jehova.—Jer. 38:7-13; 39:15-18.

Ang tunay na magkaibigan ay nagtutulungan sa panahon ng pangangailangan (Tingnan ang parapo 18)

18. Ayon sa Kawikaan 17:17, ano ang dapat nating gawin kapag may problema ang kapatid natin?

18 Sa ngayon, napapaharap ang mga kapatid sa iba’t ibang problema. Halimbawa, marami ang nabibiktima ng likas na sakuna o ng mga kapahamakang gawa ng tao. Kapag nangyari iyan, ang ilan ay puwedeng magpatulóy ng mga kapatid sa bahay nila. Ang iba naman ay puwedeng makatulong sa pinansiyal. Pero lahat tayo ay puwedeng manalangin kay Jehova na tulungan ang mga kapatid na ito. Kapag nalaman nating pinanghihinaan ng loob ang isang kapatid, baka hindi natin alam kung ano ang ating sasabihin o gagawin. Pero lahat tayo ay may maitutulong. Halimbawa, puwede nating samahan ang kapatid na iyon. Pakinggan nating mabuti ang sinasabi niya. At sabihin natin sa kaniya ang isang nakakapagpatibay na tekstong gustong-gusto natin. (Isa. 50:4) Ang pinakamahalaga, nandoon ka para sa mga kaibigan mo sa panahong kailangan ka nila.—Basahin ang Kawikaan 17:17.

19. Paano makakatulong sa atin sa hinaharap ang pagkakaroon natin ng matibay na pagkakaibigan ngayon pa lang?

19 Dapat na determinado tayong magkaroon ng malapít na kaugnayan sa mga kapatid at mapanatili ito ngayon pa lang. Bakit? Dahil pilit na sisirain ng mga kaaway ang ating pagkakaisa sa pamamagitan ng mga kasinungalingan at maling impormasyon. Susubukan nilang sirain ang ating pagsasamahan. Pero mabibigo sila. Hindi nila maaalis ang pag-ibig natin sa isa’t isa. Hindi nila masisira ang pagkakaibigan natin. Sa katunayan, ang pagkakaibigang iyon ay magtatagal, hindi lang hanggang sa katapusan ng sistemang ito, kundi magpakailanman!

AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!

^ par. 5 Habang papalapit ang wakas, kailangan nating patibayin ang kaugnayan natin sa ating mga kapananampalataya. Sa artikulong ito, susuriin natin kung ano ang matututuhan natin kay Jeremias. Tatalakayin din natin kung paano makakatulong ang pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa iba kapag may mga pagsubok.

^ par. 2 Ang mga pangyayari sa aklat ng Jeremias ay hindi nakaulat ayon sa pagkakasunod-sunod.

^ par. 57 LARAWAN: Ipinapakita sa larawang ito ang puwedeng mangyari sa “malaking kapighatian.” Ang ilang kapatid ay nasa attic. Dahil magkakasama sila, panatag sila sa panahong iyon ng pagsubok. Napatibay na ng mga kapatid na ito ang pagkakaibigan nila bago pa magsimula ang malaking kapighatian.