Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 6

Mahal na Mahal Tayo ng Ating Ama, si Jehova

Mahal na Mahal Tayo ng Ating Ama, si Jehova

“Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit.’”—MAT. 6:9.

AWIT 135 “Magpakarunong Ka, Anak Ko”

NILALAMAN *

1. Ano ang dapat gawin ng isa kung gusto niyang makausap ang hari ng Persia?

ISIPIN mong nasa Persia ka, mga 2,500 taon na ang nakakalipas. May gusto kang sabihin sa hari, kaya nagpunta ka sa Susan kung saan siya nakatira. Pero hindi mo basta-basta makakausap ang hari nang walang pahintulot niya. Puwede mo itong ikamatay!—Es. 4:11.

2. Ano ang gusto ni Jehova na madama natin tungkol sa paglapit sa kaniya?

2 Buti na lang, hindi gaya ng hari ng Persia si Jehova! Di-hamak na nakahihigit si Jehova sa lahat ng tagapamahalang tao, pero puwede tayong lumapit sa kaniya kahit kailan. Gusto niyang malaya tayong makalapit sa kaniya. Halimbawa, maraming magagandang titulo si Jehova gaya ng Dakilang Maylalang, Makapangyarihan-sa-Lahat, at Kataas-taasang Panginoon, pero gusto niyang tawagin natin siyang “Ama.” (Mat. 6:9) Nakakatuwang isipin na gusto ni Jehova na madama nating malapít tayo sa kaniya!

3. Bakit natin matatawag na “Ama” si Jehova, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Dapat lang na tawagin nating “Ama” si Jehova—ang Bukal ng ating buhay. (Awit 36:9) Siya ang ating Ama, kaya responsibilidad nating sundin siya. At kung gagawin natin iyan, pagpapalain niya tayo. (Heb. 12:9) Kasama sa mga pagpapalang iyan ang buhay na walang hanggan, sa langit man o sa lupa. Pinagpapala rin niya tayo ngayon. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano kumikilos si Jehova bilang isang mapagmahal na Ama at kung bakit tayo makakatiyak na hinding-hindi niya tayo pababayaan. Pero talakayin muna natin kung bakit tayo makakasigurong mahal na mahal tayo ng ating Ama sa langit at na nagmamalasakit siya sa atin.

SI JEHOVA AY ISANG MAPAGMAHAL AT MAPAGMALASAKIT NA AMA

Gusto ni Jehova na maging malapít sa atin kung paanong gusto ng isang mapagmahal na ama na maging malapít sa anak niya (Tingnan ang parapo 4)

4. Bakit nahihirapan ang ilan na ituring na Ama si Jehova?

4 Nahihirapan ka bang ituring na Ama si Jehova? Baka manliit ang ilan at isiping wala silang halaga kumpara sa Diyos na Jehova. Hindi sila makapaniwalang nagmamalasakit sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero ayaw ng ating mapagmahal na Ama na madama natin iyan. Binigyan niya tayo ng buhay, at gusto niyang maging malapít tayo sa kaniya. Matapos banggitin ang katotohanang iyan, sinabi ni apostol Pablo sa mga kausap niya sa Atenas na si Jehova ay “hindi . . . malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:24-29) Gusto ng Diyos na lumapit tayo sa kaniya, gaya ng isang anak na laging lumalapit sa mapagmahal niyang magulang.

5. Ano ang matututuhan natin sa karanasan ng isang sister?

5 Baka nahihirapan ang iba na ituring na Ama si Jehova dahil hindi sila minahal ng sarili nilang ama. Pansinin ang sinabi ng isang sister. “Napakasakit magsalita ng tatay ko,” ang sabi niya. “Noong nagsisimula pa lang akong mag-aral ng Bibliya, hindi ako naniniwalang puwede akong mapalapít sa isang Ama sa langit. Pero nagbago ’yan nang makilala ko si Jehova.” Ganiyan ka rin ba? Kung oo, huwag kang masiraan ng loob. Darating ang panahon na makikita mong si Jehova ang pinakamahusay na Ama.

6. Ayon sa Mateo 11:27, ano ang ginawa ni Jehova para matulungan tayong ituring siya bilang isang mapagmahal na Ama?

6 Ipinasulat ni Jehova sa Bibliya ang mga sinabi at ginawa ni Jesus para matulungan tayong ituring siya bilang isang mapagmahal na Ama. (Basahin ang Mateo 11:27.) Lubusang natularan ni Jesus ang kaniyang Ama kaya nasabi niya: “Sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9) Madalas tukuyin ni Jesus si Jehova bilang Ama. Sa apat na Ebanghelyo pa lang, mga 165 beses nang tinukoy ni Jesus si Jehova bilang Ama. Bakit laging binabanggit ni Jesus ang tungkol kay Jehova? Ang isang dahilan ay para makumbinsi ang mga tao na si Jehova ay isang mapagmahal na Ama.​—Juan 17:25, 26.

7. Ano ang matututuhan natin kay Jehova sa pakikitungo niya sa kaniyang Anak?

7 Tingnan kung ano ang matututuhan natin kay Jehova sa pakikitungo niya sa kaniyang Anak, si Jesus. Nakikinig si Jehova sa panalangin ni Jesus, at sinasagot niya ito. (Juan 11:41, 42) Sa lahat ng pagsubok na napaharap kay Jesus, naramdaman niya ang pag-ibig at pag-alalay ng kaniyang Ama.​—Luc. 22:42, 43.

8. Ano ang inilaan ni Jehova kay Jesus?

8 Kinilala ni Jesus na ang kaniyang Ama ang Bukal at Tagatustos ng buhay nang sabihin niya: “Ako ay nabubuhay dahil sa Ama.” (Juan 6:57) Buo ang tiwala ni Jesus sa kaniyang Ama, at inilaan ni Jehova ang pangangailangan niya sa pisikal at lalo na sa espirituwal.​—Mat. 4:4.

9. Paano pinatunayan ni Jehova na isa siyang mapagmahal na Ama kay Jesus?

9 Bilang mapagmahal na Ama, tiniyak ni Jehova na alam ni Jesus na suportado siya ng kaniyang Ama. (Mat. 26:53; Juan 8:16) Hindi naman pinrotektahan ni Jehova si Jesus mula sa lahat ng makakasakit sa kaniya, pero tinulungan Niya siyang matiis ang mga pagsubok. Alam ni Jesus na pansamantala lang ang mga paghihirap na nararanasan niya. (Heb. 12:2) Pinatunayan ni Jehova na mahal niya si Jesus sa pamamagitan ng pakikinig, paglalaan, pagsasanay, at pag-alalay sa kaniya. (Juan 5:20; 8:28) Tingnan naman natin kung paano iyan ipinapakita sa atin ng ating Ama sa langit.

KUNG PAANO IPINAPAKITA NI JEHOVA NA MAHAL NIYA TAYO

Ang isang mapagmahal na ama ay (1) nakikinig, (2) naglalaan, (3) nagsasanay, at (4) umaalalay sa anak niya. Ganiyan din ang pagmamahal sa atin ng ating Ama sa langit (Tingnan ang parapo 10-15) *

10. Ayon sa Awit 66:19, 20, paano ipinapakita ni Jehova na mahal niya tayo?

10 Nakikinig si Jehova sa mga panalangin natin. (Basahin ang Awit 66:19, 20.) Hindi niya nililimitahan ang panalangin natin; gusto niyang lagi tayong manalangin. (1 Tes. 5:17) Makakapanalangin tayo sa ating Diyos anumang oras, nasaan man tayo. Lagi siyang may panahon para makinig sa atin. Kapag alam nating nakikinig si Jehova sa mga panalangin natin, mas napapamahal siya sa atin. Sinabi ng salmista: “Mahal ko si Jehova dahil dinirinig niya ang tinig ko.”​—Awit 116:1.

11. Ano ang maaaring isagot ni Jehova sa mga panalangin natin?

11 Hindi lang nakikinig ang ating Ama sa panalangin natin, sinasagot din niya ito. Tinitiyak sa atin ni apostol Juan: “Anuman ang hingin natin ayon sa kalooban niya ay ibibigay niya.” (1 Juan 5:14, 15) Siyempre, ang sagot ni Jehova ay posibleng iba sa inaasahan natin. Alam niya ang pinakamabuti para sa atin. Kaya minsan, ang sagot niya ay hindi o maghintay muna.​—2 Cor. 12:7-9.

12-13. Paano tayo pinaglalaanan ng ating Ama sa langit?

12 Naglalaan si Jehova para sa atin. Ginagawa niya ang iniutos niyang dapat gawin ng lahat ng ama. (1 Tim. 5:8) Naglalaan siya ng materyal na pangangailangan ng mga anak niya. Ayaw niya tayong mag-alala tungkol sa ating pagkain, damit, o tirahan. (Mat. 6:32, 33; 7:11) Bilang mapagmahal na magulang, tiniyak din ni Jehova na paglalaanan niya tayo sa hinaharap.

13 Higit sa lahat, naglalaan si Jehova ng espirituwal na pangangailangan natin. Sa Bibliya, ipinaalám niya sa atin kung sino siya, kung ano ang layunin niya, kung bakit niya tayo nilalang, at kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Tinulungan niya tayong matutuhan ang katotohanan; ginamit niya ang ating mga magulang o iba pang guro para tulungan tayong makilala siya. At patuloy niya tayong tinutulungan sa pamamagitan ng mapagmahal na mga elder at ng iba pang may-gulang na kapatid. Tinuturuan din tayo ni Jehova sa pamamagitan ng mga pulong, kung saan natututo tayo kasama ng ating mga kapatid. Ang mga iyan, pati na ang iba pang paglalaan, ay nagpapatunay na mahal tayo ni Jehova bilang mga anak niya.​—Awit 32:8.

14. Bakit tayo sinasanay ni Jehova, at paano niya ito ginagawa?

14 Sinasanay tayo ni Jehova. Di-gaya ni Jesus, hindi tayo perpekto. Kaya bilang pagsasanay, dinidisiplina tayo ng ating mapagmahal na Ama kung kailangan. Sinasabi ng Bibliya: “Dinidisiplina ni Jehova ang mga mahal niya.” (Heb. 12:6, 7) Ginagawa iyan ni Jehova sa maraming paraan. Halimbawa, ang pagtutuwid ay posibleng manggaling sa nabasa natin sa Bibliya o napakinggan sa pulong. O baka manggaling sa mga elder ang tulong na kailangan natin. Saanman ito manggaling, dinidisiplina tayo ni Jehova dahil mahal niya tayo.​—Jer. 30:11.

15. Paano tayo inaalalayan ni Jehova?

15 Inaalalayan tayo ni Jehova para matiis ang mga pagsubok. Gaya ng isang mapagmahal na ama na umaalalay sa kaniyang anak kapag may problema, tinutulungan din tayo ng ating Ama sa langit na matiis ang mga pagsubok. Ginagamit niya ang banal na espiritu para matulungan tayong ingatan ang kaugnayan sa kaniya. (Luc. 11:13) Inaalalayan din niya tayo kapag nag-aalala tayo. Halimbawa, binigyan niya tayo ng napakagandang pag-asa. Ang pag-asang iyan ay makakatulong sa atin na makapagtiis. Tandaan: Anumang pagdurusa ang danasin natin, aalisin ng ating mapagmahal na Ama ang lahat ng epekto nito. Pansamantala lang ang mga pagsubok na dinaranas natin, pero ang pagpapala ni Jehova ay walang hanggan.​—2 Cor. 4:16-18.

HINDING-HINDI TAYO PABABAYAAN NG ATING AMA

16. Ano ang naging epekto ng pagsuway ni Adan sa kaniyang mapagmahal na Ama?

16 Mapapatunayan nating mahal tayo ni Jehova kapag pinag-isipan natin ang ginawa niya nang magkasala si Adan. Nang sumuway si Adan sa kaniyang Ama sa langit, naiwala niya ang pribilehiyong maging bahagi ng pamilya ni Jehova at nadamay ang mga magiging inapo niya. (Roma 5:12; 7:14) Pero agad na kumilos si Jehova.

17. Ano ang agad na ginawa ni Jehova pagkatapos ng rebelyon ni Adan?

17 Pinarusahan ni Jehova si Adan, pero binigyan niya ng pag-asa ang mga magiging inapo nito. Agad niyang ipinangako na magiging bahagi ulit ng pamilya niya ang mga masunurin. (Gen. 3:15; Roma 8:20, 21) Naging posible ito nang ilaan ni Jehova ang haing pantubos ng kaniyang mahal na Anak, si Jesus. Sa pagbibigay ng kaniyang Anak alang-alang sa atin, ipinakita ni Jehova kung gaano niya tayo kamahal.​—Juan 3:16.

Kung napalayo tayo sa ating mapagmahal na Ama, si Jehova, makakasiguro tayong buong puso niya tayong tatanggapin kung nagsisisi tayo (Tingnan ang parapo 18)

18. Bakit tayo makakasigurong buong puso tayong tatanggapin ni Jehova bilang mga anak niya kahit napalayo tayo sa kaniya?

18 Kahit hindi tayo perpekto, gusto pa rin ni Jehova na maging bahagi tayo ng pamilya niya. Hindi pabigat ang tingin niya sa atin. Baka masaktan natin siya o mapalayo tayo sa kaniya, pero hindi niya tayo susukuan. Makikita sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa alibughang anak kung gaano kamahal ni Jehova ang mga anak niya. (Luc. 15:11-32) Ang ama sa ilustrasyong iyon ay laging umaasang babalik ang anak niya. Nang magbalik ang anak, buong puso siyang tinanggap ng kaniyang ama. Kung napalayo tayo kay Jehova, makakasiguro tayong buong puso tayong tatanggapin ng ating mapagmahal na Ama kung nagsisisi tayo.

19. Paano aayusin ni Jehova ang pinsalang idinulot ni Adan?

19 Aayusin ng ating Ama ang lahat ng pinsalang idinulot ni Adan. Pagkatapos ng rebelyon ni Adan, nagdesisyon si Jehova na kumuha ng 144,000 mula sa sangkatauhan na maglilingkod bilang hari at saserdote sa langit kasama ng kaniyang Anak. Tutulungan ni Jesus at ng mga kasama niyang tagapamahala ang masunuring mga tao na maging perpekto sa bagong sanlibutan. Kapag nakapasa ang mga ito sa huling pagsubok, bibigyan sila ni Jehova ng buhay na walang hanggan. Magiging napakasaya ng ating Ama dahil ang lupa ay mapupuno ng perpektong mga anak niya. Kamangha-manghang panahon iyan!

20. Paano ipinakita ni Jehova na mahal na mahal niya tayo, at ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Ipinakita ni Jehova na mahal na mahal niya tayo. Siya ang pinakamahusay na Ama. Dinirinig niya ang mga panalangin natin, at inilalaan niya ang materyal at espirituwal na pangangailangan natin. Sinasanay niya tayo at inaalalayan. Naglaan din siya ng magandang pagpapala para sa atin sa hinaharap. Nakakataba ng pusong malaman na mahal na mahal tayo ng ating Ama at nagmamalasakit siya sa atin! Tatalakayin naman sa susunod na artikulo kung paano natin maipapakitang mahal din natin siya.

AWIT 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos

^ par. 5 Kapag pinag-uusapan si Jehova, agad nating naiisip na siya ang ating Maylalang at Kataas- taasang Tagapamahala. Pero may magagandang dahilan para ituring natin siya bilang isang mapagmahal at mapagmalasakit na Ama. Tatalakayin sa artikulong ito ang mga dahilang iyan. Malalaman din natin kung bakit tayo makakatiyak na hinding-hindi tayo pababayaan ni Jehova.

^ par. 59 LARAWAN: Makikita sa larawan ang apat na paraan ng pagpapakita ng pagmamahal ng ama sa anak: isang ama na nakikinig sa sinasabi ng anak niya, isang ama na naglalaan ng pangangailangan ng anak niya, isang ama na nagsasanay sa anak niya, at isang ama na laging nandiyan para sa anak niya. Ang kamay na makikita sa background ng apat na tagpo ay nagpapaalala sa atin na ganiyan din tayo kamahal ni Jehova.