Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 8

Labanan ang Inggit at Itaguyod ang Kapayapaan

Labanan ang Inggit at Itaguyod ang Kapayapaan

“Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at nakapagpapatibay sa isa’t isa.”​—ROMA 14:19.

AWIT 113 Ang Taglay Nating Kapayapaan

NILALAMAN *

1. Ano ang nangyari sa pamilya ni Jose dahil sa inggit?

MAHAL ni Jacob ang lahat ng anak niya, pero espesyal ang pagmamahal niya sa 17-anyos na si Jose. Ano ang naging epekto nito sa mga kapatid ni Jose? Nainggit sila sa kaniya at nainis. Wala namang ginawang masama si Jose sa mga kapatid niya para magalit sila. Pero ipinagbili pa rin nila siya sa pagkaalipin at sinabi nila sa tatay nila na pinatay ng isang mabangis na hayop ang paborito nitong anak. Dahil sa inggit, nawala ang kapayapaan ng pamilya at nasaktan nila ang kanilang ama.​—Gen. 37:3, 4, 27-34.

2. Ayon sa Galacia 5:19-21, bakit mapanganib ang inggit?

2 Sa Kasulatan, ang inggit * ay isa sa nakamamatay na “mga gawa ng laman” na puwedeng maging dahilan para ang isang tao ay hindi magmana ng Kaharian ng Diyos. (Basahin ang Galacia 5:19-21.) Madalas na ito ang ugat ng alitan, pag-aaway, at pagsiklab ng galit.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Makikita sa ginawa ng mga kapatid ni Jose na ang inggit ay posibleng makasira sa ugnayan ng pamilya at mag-alis ng kapayapaan. Siyempre, hindi natin gagawin ang ginawa ng mga kapatid ni Jose, pero hindi tayo perpekto at mapandaya ang puso natin. (Jer. 17:9) Kaya talagang makakaramdam tayo ng inggit paminsan-minsan. Balikan natin ang ilang babalang halimbawa sa Bibliya para makita natin kung ano ang mga posibleng dahilan ng pagkainggit. Pagkatapos, tatalakayin natin ang ilang praktikal na paraan para malabanan ito at maitaguyod ang kapayapaan.

ILANG DAHILAN NG PAGKAINGGIT SA KAPUWA

4. Bakit nainggit kay Isaac ang mga Filisteo?

4 Dahil mayaman siya. Mayaman si Isaac, at nainggit ang mga Filisteo dahil dito. (Gen. 26:12-14) Tinabunan pa nga nila ang mga balon na pinagkukunan ni Isaac ng tubig para sa mga alaga niyang hayop. (Gen. 26:15, 16, 27) Gaya ng mga Filisteo, may mga tao rin sa ngayon na naiinggit sa iba na mas marami ang ari-arian kaysa sa kanila. Hindi lang nila gustong magkaroon ng mga bagay na taglay ng iba; gumagawa rin sila ng paraan para mawala ang mga ito sa kapuwa nila.

5. Bakit nainggit kay Jesus ang mga lider ng relihiyon?

5 Dahil gustong-gusto siya ng mga tao. Nainggit kay Jesus ang mga Judiong lider ng relihiyon dahil gustong-gusto siya ng mga tao. (Mat. 7:28, 29) Si Jesus ang kinatawan ng Diyos, at itinuturo niya ang katotohanan. Sa kabila nito, nagkalát pa rin ng kasinungalingan ang mga lider na ito para siraan siya. (Mar. 15:10; Juan 11:47, 48; 12:12, 13, 19) Anong aral ang matututuhan natin dito? Dapat nating labanan ang anumang tendensiyang mainggit sa mga kapatid na napamahal sa kongregasyon dahil sa kanilang mga katangian. Sa halip, pagsikapan natin silang tularan.​—1 Cor. 11:1; 3 Juan 11.

6. Paano ipinakita ni Diotrepes na naiinggit siya?

6 Dahil sa pribilehiyo niya. Noong unang siglo, nainggit si Diotrepes sa mga nangunguna sa kongregasyong Kristiyano. Gusto niyang “maging pinakaprominente” sa kongregasyon, kaya siniraan niya si apostol Juan at ang iba pang kapatid. (3 Juan 9, 10) Hindi naman natin gagawin ang ginawa ni Diotrepes, pero baka mainggit din tayo sa isang kapatid na nabigyan ng isang atas na inaasam natin—lalo na kung iniisip nating kuwalipikado rin naman tayo sa pribilehiyong iyon.

Ang puso natin ay parang lupa, at ang ating magagandang katangian ay parang magagandang bulaklak. Pero ang inggit ay parang panirang-damo. Sasakalin ng inggit ang magagandang katangiang gaya ng pag-ibig, habag, at kabaitan (Tingnan ang parapo 7)

7. Ano ang posibleng maging epekto sa atin ng inggit?

7 Ang inggit ay parang panirang-damo. Kapag nag-ugat na ito sa puso natin, mahirap na itong bunutin. Kapag tayo ay mayabang, makasarili, at madaling magselos, lalong tumitindi ang inggit sa puso natin. Gaya ng panirang-damo, sasakalin nito ang magagandang katangiang gaya ng pag-ibig, habag, at kabaitan. Kaya kapag napansin nating tumutubo na ang inggit sa ating puso, bunutin ito agad. Paano natin malalabanan ang inggit?

MAGING MAPAGPAKUMBABA AT KONTENTO

Paano natin malalabanan ang inggit? Sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, magagawa nating bunutin ang inggit at palitan ito ng kapakumbabaan at pagkakontento (Tingnan ang parapo 8-9)

8. Anong mga katangian ang makakatulong para malabanan ang inggit?

8 Malalabanan natin ang inggit kung mapagpakumbaba tayo at kontento. Kapag ang puso natin ay punô ng mga katangiang ito, mawawalan na ng lugar ang inggit. Makakatulong ang kapakumbabaan para hindi maging masyadong mataas ang tingin natin sa ating sarili. Hindi iisipin ng isang mapagpakumbabang tao na mas mahalaga siya kaysa sa iba. (Gal. 6:3, 4) Ang isang taong kontento ay masaya na sa anumang mayroon siya, at hindi niya ikinukumpara sa iba ang sarili niya. (1 Tim. 6:7, 8) Ang mapagpakumbaba at kontentong tao ay masaya kapag may nangyayaring maganda sa kapuwa niya.

9. Ayon sa Galacia 5:16 at Filipos 2:3, 4, paano tayo matutulungan ng banal na espiritu?

9 Kailangan natin ang tulong ng banal na espiritu ni Jehova para maiwasan ang inggit at malinang ang kapakumbabaan at pagkakontento. (Basahin ang Galacia 5:16; Filipos 2:3, 4.) Matutulungan tayo ng banal na espiritu na suriin ang ating kaisipan at motibo. Sa tulong ng Diyos, mapapalitan ng mabuti ang masasama nating kaisipan at saloobin. (Awit 26:2; 51:10) Tingnan natin ang halimbawa nina Moises at Pablo, mga lalaking napaglabanan ang tendensiyang mainggit.

Ibinalita ng isang kabataang Israelita kina Moises at Josue na may dalawang lalaki sa kampo na gumagawing parang mga propeta. Sinabi ni Josue kay Moises na pigilan ang mga lalaki, pero hindi pumayag si Moises. Sa halip, sinabi niya kay Josue na masaya siya dahil ibinigay sa kanila ni Jehova ang espiritu Niya (Tingnan ang parapo 10)

10. Anong pangyayari ang puwede sanang sumubok kay Moises? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

10 Napakalaki ng awtoridad ni Moises sa bayan ng Diyos, pero hindi niya ipinagdamot ang pribilehiyong iyan. Halimbawa, may pagkakataong kumuha si Jehova ng ilang bahagi ng banal na espiritu mula kay Moises para ibigay sa isang grupo ng matatandang lalaki sa Israel na nakatayo malapit sa tolda ng pagpupulong. Di-nagtagal, nabalitaan ni Moises na may dalawa pang matanda na hindi pumunta sa tolda, pero tumanggap din ng banal na espiritu at nagsimulang gumawi na parang mga propeta. Ano ang ginawa niya nang hilingan siya ni Josue na pigilan ang dalawang iyon? Hindi nainggit si Moises sa atensiyong ibinigay ni Jehova sa dalawang lalaki. Dahil mapagpakumbaba siya, nakisaya siya sa natanggap nilang pribilehiyo. (Bil. 11:24-29) Anong aral ang matututuhan natin kay Moises?

Paano matutularan ng mga elder ang kapakumbabaan ni Moises? (Tingnan ang parapo 11-12) *

11. Paano matutularan ng mga elder si Moises?

11 Kung isa kang elder, nahilingan ka na bang sanayin ang iba para sa isang pribilehiyong mahal na mahal mo? Halimbawa, baka napakahalaga sa iyo ng pangangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan. Pero kung mapagpakumbaba kang gaya ni Moises, hindi mo iisiping hindi ka na mahalaga kapag hinilingan kang sanayin ang iba para gampanan ang pribilehiyong ito. Sa halip, masaya mong tutulungan ang iyong kapatid.

12. Paano naipapakita ng maraming Kristiyano sa ngayon ang pagkakontento at kapakumbabaan?

12 Tingnan natin ang isa pang sitwasyong napapaharap sa maraming brother na nagkakaedad na. Sa loob ng maraming taon, naglilingkod sila bilang mga koordineytor ng lupon ng matatanda. Pero kapag 80 anyos na sila, kusa nilang binibitiwan ang kanilang atas. Mapagpakumbaba ring binibitiwan ng mga tagapangasiwa ng sirkito na 70 anyos na ang pribilehiyo nila at tinatanggap ang bagong atas sa paglilingkod. At nitong nakaraang mga taon, maraming Bethelite sa buong mundo ang tumanggap ng bagong atas sa labas ng Bethel. Ang tapat na mga kapatid na ito ay hindi naghihinanakit sa mga pumalit sa kanila.

13. Bakit puwede sanang mainggit si Pablo sa 12 apostol?

13 Si apostol Pablo ay isa ring magandang halimbawa sa pagkakontento at kapakumbabaan. Hindi niya hinayaang tumubo ang inggit sa puso niya. Masigasig siya sa ministeryo, pero mapagpakumbaba niyang sinabi: “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol.” (1 Cor. 15:9, 10) Nakasama ni Jesus ang 12 apostol sa kaniyang ministeryo sa lupa, pero naging Kristiyano lang si Pablo matapos buhaying muli si Jesus. Naatasan si Pablo bilang “apostol para sa ibang mga bansa,” pero hindi siya nabigyan ng espesyal na pribilehiyong maging isa sa 12 apostol. (Roma 11:13; Gawa 1:21-26) Imbes na mainggit sa kanila at sa malapít na pakikipagsamahan nila kay Jesus, nanatiling kontento si Pablo sa atas niya.

14. Ano ang gagawin natin kung kontento tayo at mapagpakumbaba?

14 Kung kontento tayo at mapagpakumbaba, tutularan natin si Pablo at igagalang natin ang mga binigyan ni Jehova ng awtoridad. (Gawa 21:20-26) Inatasan niya ang mga elder na manguna sa kongregasyong Kristiyano. Kahit hindi sila perpekto, itinuturing sila ni Jehova “bilang regalo.” (Efe. 4:8, 11) Kapag iginagalang natin ang mga naatasang lalaking ito at mapagpakumbabang sinusunod ang kanilang tagubilin, mapapanatili natin ang malapít na kaugnayan kay Jehova at ang kapayapaan sa kongregasyon.

‘ITAGUYOD ANG MGA BAGAY NA NAGDUDULOT NG KAPAYAPAAN’

15. Ano ang kailangan nating gawin?

15 Walang kapayapaan kapag may inggitan. Kailangan nating bunutin ang inggit sa ating puso at iwasang maging dahilan para mainggit ang iba. Kailangan nating gawin ang mga ito para masunod ang utos ni Jehova na ‘itaguyod ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at nakapagpapatibay sa isa’t isa.’ (Roma 14:19) Ano ang puwede nating gawin para tulungan ang iba na malabanan ang inggit, at paano natin maitataguyod ang kapayapaan?

16. Paano natin tutulungan ang iba na malabanan ang inggit?

16 Ang ating saloobin at pagkilos ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba. Gusto ng sanlibutan na ‘ipagyabang’ natin ang ating mga pag-aari. (1 Juan 2:16) Pero nagtataguyod iyan ng inggit. Maiiwasan nating maging dahilan ng pagkainggit ng iba kung hindi natin laging babanggitin ang tungkol sa mga pag-aari natin o mga planong bilhin. Maiiwasan din natin iyan kung hindi natin ipagyayabang ang mga pribilehiyo natin sa kongregasyon. Kapag lagi nating binabanggit ang mga pribilehiyo natin, para tayong nagbubungkal ng lupa na pagsisibulan ng inggit. Pero kapag nagpapakita tayo ng interes sa iba at nagpapahalaga sa magandang ginagawa nila, natutulungan natin silang maging kontento, at naitataguyod natin ang pagkakaisa at kapayapaan sa loob ng kongregasyon.

17. Ano ang nagawa ng mga kapatid ni Jose, at bakit?

17 Madaraig natin ang inggit! Balikan natin ang halimbawa ng mga kapatid ni Jose. Maraming taon matapos nilang maltratuhin si Jose, nagkita ulit sila sa Ehipto. Bago magpakilala si Jose sa mga kapatid niya, sinubok muna niya kung nagbago na sila. Nagpahanda siya ng pagkain, at binigyan niya ang bunsong si Benjamin ng mas maraming pagkain kaysa sa ibang kapatid niya. (Gen. 43:33, 34) Pero hindi nainggit kay Benjamin ang mga kapatid niya. Sa halip, nagpakita sila ng malasakit sa kapatid nila at sa ama nilang si Jacob. (Gen. 44:30-34) Naibalik ng mga kapatid ni Jose ang kapayapaan sa kanilang pamilya dahil wala na ang inggit sa puso nila. (Gen. 45:4, 15) Kung bubunutin din natin ang inggit sa ating puso, mapapanatili natin ang kapayapaan sa pamilya at sa kongregasyon.

18. Kaayon ng Santiago 3:17, 18, ano ang mangyayari kapag itinaguyod natin ang kapayapaan?

18 Gusto ni Jehova na labanan natin ang inggit at itaguyod ang kapayapaan. Dapat nating pagsikapang magawa ang mga bagay na iyan. Gaya ng tinalakay sa artikulong ito, may tendensiya tayong mainggit. (Sant. 4:5) At ang mundong kinabubuhayan natin ay nagtataguyod ng inggit. Pero kung tayo ay mapagpakumbaba, kontento, at mapagpahalaga, mawawalan na ng lugar ang inggit. Sa halip, maitataguyod natin ang kapayapaan na pagmumulan ng magagandang katangian.​—Basahin ang Santiago 3:17, 18.

AWIT 130 Maging Mapagpatawad

^ par. 5 May kapayapaan sa organisasyon ni Jehova. Pero puwedeng mawala ang kapayapaang ito kapag pumasok ang inggit. Tatalakayin natin sa artikulong ito ang mga dahilan ng pagkainggit. Tatalakayin din natin kung paano lalabanan ang masamang ugaling ito at kung paano itataguyod ang kapayapaan.

^ par. 2 KARAGDAGANG PALIWANAG: Gaya ng sinasabi sa Bibliya, ang inggit ay hindi lang mag-uudyok sa isang tao na hangarin ang isang bagay na taglay ng iba, kundi gagawa rin siya ng paraan para mawala ito sa kapuwa niya.

^ par. 61 LARAWAN: Sa isang miting ng mga elder, hinilingan ang may-edad nang brother na tagapangasiwa sa Pag-aaral sa Bantayan na sanayin ang isang nakababatang elder para sa pribilehiyong iyon. Mahal ng may-edad nang brother ang atas niya pero buong puso siyang sumunod sa desisyon ng mga elder. Binigyan niya ang nakababatang elder ng praktikal na mga mungkahi at taimtim na komendasyon.