Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 9

Hayaan Mong Paginhawahin Ka ni Jehova

Hayaan Mong Paginhawahin Ka ni Jehova

“Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.”​—AWIT 94:19.

AWIT 44 Panalangin ng Nanghihina

NILALAMAN *

1. Bakit tayo nag-aalala, at paano tayo naaapektuhan nito?

NARANASAN mo na bang sobrang mag-alala? * Baka nasaktan ka dahil sa sinabi o ginawa ng iba. O baka naman nag-aalala ka dahil sa nasabi o nagawa mo sa iba. Halimbawa, baka may nagawa kang pagkakamali at nag-aalala kang hindi ka na mapapatawad ni Jehova. At baka nga maisip mong kaya sobra kang nag-aalala ay dahil mahina ang pananampalataya mo at masamang tao ka. Pero totoo ba iyan?

2. Anong mga halimbawa sa Bibliya ang nagpapakitang ang pag-aalala ay hindi nangangahulugang mahina ang ating pananampalataya?

2 Pag-isipan ang ilang halimbawa sa Bibliya. Matibay ang pananampalataya ni Hana, na naging ina ni propeta Samuel. Pero naapektuhan pa rin siya ng masamang pagtrato sa kaniya ng isang miyembro ng sambahayan nila. (1 Sam. 1:7) Matatag ang pananampalataya ni apostol Pablo, pero labis siyang ‘nag-alala para sa lahat ng kongregasyon.’ (2 Cor. 11:28) Malakas ang pananampalataya ni Haring David kaya mahal na mahal siya ni Jehova. (Gawa 13:22) Pero nabagabag siya nang husto dahil sa mga pagkakamali niya. (Awit 38:4) Lahat sila ay pinayapa at pinaginhawa ni Jehova. Tingnan natin kung ano ang matututuhan natin sa mga halimbawa nila.

ANG MATUTUTUHAN NATIN KAY HANA

3. Bakit tayo nasasaktan o nag-aalala kapag pinagsasalitaan tayo ng masama?

3 Kapag pinagsalitaan o ginawan tayo ng masama, baka malungkot tayo o masaktan. Totoo iyan lalo na kapag ang gumawa nito ay malapít nating kaibigan o kapamilya. Baka mag-alala tayong nasira na ang kaugnayan natin sa taong iyon. Minsan naman, nasasaktan tayo ng padalos-dalos na pagsasalita ng iba, at pakiramdam natin, para na rin niya tayong sinaksak ng espada! (Kaw. 12:18) O baka sinasadya naman ng iba na saktan tayo gamit ang mapanirang pananalita. Nangyari iyan sa isang kabataang sister. “Ilang taon na ang nakakaraan,” ang sabi niya, “isang taong itinuturing kong kaibigan ang nagkalát ng tsismis tungkol sa akin online. Nalungkot ako at nasaktan. Hindi ko maintindihan kung bakit niya nagawa sa akin iyon.” Kung nasaktan ka ng isang malapít na kaibigan o kapamilya, marami kang matututuhan kay Hana.

4. Anong mahihirap na sitwasyon ang napaharap kay Hana?

4 Napaharap si Hana sa mahihirap na sitwasyon. Sa loob ng maraming taon, hindi siya magkaanak. (1 Sam. 1:2) Para sa mga Israelita, ang isang babaeng baog ay isinumpa. Kaya kahihiyan ito para kay Hana. (Gen. 30:1, 2) Lalo pang nagpahirap kay Hana si Penina, ang isa pang asawa ng mister niya, na may mga anak. Karibal ang tingin ni Penina kay Hana at ‘lagi siyang iniinsulto nito para pasamain ang loob niya.’ (1 Sam. 1:6) Noong una, lungkot na lungkot si Hana sa sitwasyon niya. Sa sobrang sama ng loob, “umiiyak siya at hindi kumakain.” Naging “napakabigat ng kalooban” niya. (1 Sam. 1:7, 10) Ano ang nakatulong kay Hana?

5. Paano nakatulong kay Hana ang panalangin?

5 Ibinuhos ni Hana kay Jehova ang lahat ng nararamdaman niya. Pagkatapos manalangin, ipinaliwanag niya ang sitwasyon niya sa mataas na saserdoteng si Eli. Sinabi ni Eli: “Umuwi kang payapa, at ibigay nawa ng Diyos ng Israel ang hiniling mo.” Ano ang resulta? Si Hana ay “umalis na at kumain, at nawala na ang lungkot sa mukha niya.” (1 Sam. 1:17, 18) Nakatulong kay Hana ang panalangin para maging payapa ang kalooban niya.

Gaya ni Hana, paano natin maibabalik at mapapanatili ang kapayapaan ng kalooban? (Tingnan ang parapo 6-10)

6. Ano-anong aral tungkol sa pananalangin ang matututuhan natin kay Hana at sa Filipos 4:6, 7?

6 Magiging payapa ang kalooban natin kung magmamatiyaga tayo sa pananalangin. Matagal na nanalangin si Hana kay Jehova. (1 Sam. 1:12) Puwede rin tayong manalangin nang matagal kay Jehova at sabihin sa kaniya ang ating mga álalahanín, ikinatatakot, at kahinaan. Hindi rin natin kailangang maging makata o sobrang pormal kapag nananalangin. Baka nga makapagsalita pa tayo nang padalos-dalos habang umiiyak. Pero hindi mapapagod si Jehova na pakinggan tayo. Bukod sa pananalangin tungkol sa mga problema natin, kailangan din nating tandaan ang payo sa Filipos 4:6, 7. (Basahin.) Espesipikong binanggit ni Pablo na kailangan nating isama sa panalangin ang pasasalamat. Napakarami nating dahilan para magpasalamat kay Jehova. Halimbawa, puwede natin siyang pasalamatan sa regalo niyang buhay, sa magagandang gawa niya, sa kaniyang tapat na pag-ibig, at sa pag-asang ibinigay niya sa atin. Ano pa ang matututuhan natin kay Hana?

7. Ano ang regular na ginagawa ni Hana at ng kaniyang asawa?

7 Sa kabila ng pinagdadaanan niya, regular pa ring sumasama si Hana sa asawa niya papunta sa lugar ng pagsamba kay Jehova sa Shilo. (1 Sam. 1:1-5) Nasa tabernakulo si Hana nang patibayin siya ng mataas na saserdoteng si Eli. Sinabi nito sa kaniya na pakinggan sana ni Jehova ang panalangin niya.​—1 Sam. 1:9, 17.

8. Anong tulong ang nakukuha natin sa mga pulong? Ipaliwanag.

8 Magiging payapa ang kalooban natin kung patuloy tayong dadalo sa mga pulong. Sinisimulan sa panalangin ang ating mga pulong, at kadalasan nang kasama rito ang paghiling ng banal na espiritu. Ang kapayapaan ay isa sa mga katangian na bunga ng espiritu. (Gal. 5:22) Kapag dumadalo tayo sa mga pulong kahit nai-stress tayo, binibigyan natin ng pagkakataon si Jehova at ang ating mga kapatid na patibayin tayo at tulungan tayong magkaroon ng payapang isip at puso. Ang panalangin at mga pulong ay ilan sa pangunahing paraan na ginagamit ni Jehova para paginhawahin tayo. (Heb. 10:24, 25) Bukod diyan, may isa pa tayong matututuhan kay Hana.

9. Ano ang hindi nagbago sa kalagayan ni Hana, pero ano ang nakatulong sa kaniya?

9 Hindi agad nawala ang mga problema ni Hana. Pag-uwi niya mula sa tabernakulo, kasama pa rin niya sa bahay si Penina. At walang pahiwatig sa Bibliya na nagbago ang pagtrato sa kaniya ni Penina. Kaya malamang na kailangan pa rin niyang tiisin ang masasakit na salita nito. Pero naging payapa na ang kalooban ni Hana. Tandaan na noong ipinaubaya na niya kay Jehova ang problema, hindi na siya nag-alala. Hinayaan niyang payapain ni Jehova ang kalooban niya at paginhawahin siya. Di-nagtagal, sinagot ni Jehova ang panalangin ni Hana at binigyan siya ng mga anak.​—1 Sam. 1:19, 20; 2:21.

10. Ano ang natutuhan natin kay Hana?

10 Puwede pa ring maging payapa ang kalooban natin kahit hindi nawawala ang problema. Kahit na taimtim tayong nananalangin at regular na dumadalo sa pulong, maaaring hindi pa rin mawala ang ilang problema. Pero sa halimbawa ni Hana, natutuhan natin na walang makakapigil kay Jehova na paginhawahin tayo. Alam niya ang mga pinagdadaanan natin, at gagantimpalaan niya tayo dahil hindi tayo sumuko.​—Heb. 11:6.

ANG MATUTUTUHAN NATIN KAY APOSTOL PABLO

11. Ano ang mga dahilan ng pag-aalala ni Pablo?

11 Maraming dahilan si Pablo para mag-alala. Halimbawa, dahil mahal niya ang mga kapatid niya, nag-alala siya sa mga problemang napapaharap sa kanila. (2 Cor. 2:4; 11:28) Bilang apostol, napaharap si Pablo sa mga mang-uusig na bumugbog at nagpabilanggo sa kaniya. Naging “kapos” din siya, na posibleng maging dahilan ng pag-aalala. (Fil. 4:12) Sa mga paglalakbay niya, mga tatlong beses na nawasak ang barkong sinasakyan niya, kaya malamang na alalang-alala siya tuwing sumasakay ng barko. (2 Cor. 11:23-27) Paano hinarap ni Pablo ang mga ito?

12. Ano ang nakatulong para mabawasan ang pag-aalala ni Pablo?

12 Nag-aalala si Pablo sa mga kapatid niya kapag napapaharap sila sa problema, pero hindi niya sinubukan na solusyunang mag-isa ang lahat ng problema nila. Mapagpakumbaba si Pablo. Humingi siya ng tulong sa iba. Halimbawa, ipinagkatiwala niya ang ibang pananagutan sa mga maaasahang lalaking gaya nina Timoteo at Tito. Talagang nakatulong sila para mabawasan ang pag-aalala ni Pablo.​—Fil. 2:19, 20; Tito 1:1, 4, 5.

Gaya ni apostol Pablo, paano natin maiiwasan ang sobrang pag-aalala? (Tingnan ang parapo 13-15)

13. Paano matutularan ng mga elder si Pablo?

13 Humingi ng tulong sa iba. Gaya ni Pablo, maraming mapagmahal na elder sa ngayon ang nag-aalala sa mga kapatid na napapaharap sa mga problema. Pero hindi kayang tulungan ng isang elder ang lahat sa kongregasyon. Dahil sa kapakumbabaan, hihingi siya ng tulong sa ibang kuwalipikadong brother at magsasanay siya ng mga kabataan na tutulong sa kaniya sa pag-aasikaso sa kawan ng Diyos.​—2 Tim. 2:2.

14. Ano ang hindi ikinabahala ni Pablo, at ano ang matututuhan natin sa kaniya?

14 Aminin na kailangan mo ng pampatibay. Mapagpakumbaba si Pablo, at alam niyang kailangan niya ng pampatibay mula sa mga kaibigan niya. Hindi siya nabahala na baka isipin ng iba na mahina siya dahil pinatibay siya ng iba. Sa sulat niya kay Filemon, sinabi ni Pablo: “Tuwang-tuwa ako at talagang napatibay nang marinig ko ang tungkol sa pag-ibig mo.” (Flm. 7) Binanggit din ni Pablo ang iba pa niyang kamanggagawa na talagang nagpatibay sa kaniya noong panahong may problema siya. (Col. 4:7-11) Kapag mapagpakumbaba tayo at inaamin nating kailangan natin ng pampatibay, matutuwa ang mga kapatid na ibigay ang suportang kailangan natin.

15. Ano ang ginawa ni Pablo noong nasa mahirap siyang sitwasyon?

15 Umasa sa Salita ng Diyos. Alam ni Pablo na mapapatibay siya ng Kasulatan. (Roma 15:4) Mabibigyan din siya nito ng karunungan para maharap ang mga pagsubok. (2 Tim. 3:15, 16) Nang mabilanggo siya sa Roma sa ikalawang pagkakataon, alam ni Pablo na malapit na siyang patayin. Sa mahirap na sitwasyong iyon, ano ang ginawa niya? Sinabihan niya si Timoteo na pumunta agad sa kaniya at dalhin ang “mga balumbon.” (2 Tim. 4:6, 7, 9, 13) Bakit? Dahil ang mga balumbong iyon ay malamang na bahagi ng Hebreong Kasulatan na magagamit ni Pablo sa personal na pag-aaral ng Bibliya. Kapag regular tayong nag-aaral ng Bibliya gaya ni Pablo, gagamitin ni Jehova ang Kasulatan para paginhawahin tayo—gaano man kahirap ang pinagdadaanan natin.

ANG MATUTUTUHAN NATIN KAY HARING DAVID

Gaya ni Haring David, ano ang makakatulong sa atin kung may nagawa tayong malubhang kasalanan? (Tingnan ang parapo 16-19)

16. Ano ang naging epekto kay David ng kasalanan niya?

16 Nakonsensiya si David sa nagawa niyang kasalanan. Nangalunya siya kay Bat-sheba, gumawa siya ng paraan para mamatay ang asawa nito, at sinubukan niyang itago ang kasalanan niya. (2 Sam. 12:9) Noong una, binale-wala ni David ang konsensiya niya. Kaya nasira ang kaugnayan niya kay Jehova at sobra siyang nabagabag at nanghina. (Awit 32:3, 4) Ano ang nakatulong kay David na maharap ang pag-aalalang idinulot ng kasalanan niya, at ano ang makakatulong sa atin kapag nakagawa tayo ng malubhang pagkakasala?

17. Batay sa Awit 51:1-4, bakit natin masasabi na talagang nagsisisi si David?

17 Manalangin para sa kapatawaran. Nang bandang huli, nanalangin si David kay Jehova. Sisíng-sisí si David, at ipinagtapat niya ang mga kasalanan niya. (Basahin ang Awit 51:1-4.) Talagang naginhawahan siya sa paggawa nito! (Awit 32:1, 2, 4, 5) Kung may nagawa kang malubhang kasalanan, huwag mo itong itago. Ipagtapat mo ito kay Jehova sa panalangin. Magiginhawahan ka, at mababawasan ang bigat ng kalooban mo. Pero kung gusto mong maibalik ang kaugnayan mo kay Jehova, higit pa sa panalangin ang kailangan mo.

18. Paano tumugon si David sa disiplina?

18 Tanggapin ang disiplina. Nang isugo ni Jehova si propeta Natan para kausapin si David tungkol sa nagawa niyang kasalanan, hindi nangatuwiran si David o nagsabing hindi naman ganoon kasama ang ginawa niya. Agad niyang inamin na nagkasala siya sa asawa ni Bat-sheba at lalo na kay Jehova. Tinanggap ni David ang disiplina mula kay Jehova, at pinatawad siya ni Jehova. (2 Sam. 12:10-14) Kung may nagawa tayong malubhang kasalanan, kailangan natin itong ipakipag-usap sa mga elder. (Sant. 5:14, 15) At dapat nating iwasang mangatuwiran. Kapag agad nating tinanggap ang disiplina, mas mabilis nating maibabalik ang kapayapaan ng kalooban natin at magiging masaya tayo.

19. Ano ang dapat na maging determinasyon natin?

19 Maging determinado na huwag nang maulit ang nagawang kasalanan. Alam ni Haring David na kailangan niya ang tulong ni Jehova para hindi na niya maulit ang kasalanan niya. (Awit 51:7, 10, 12) Matapos siyang patawarin ni Jehova, determinado si David na iwasan ang maling mga pagnanasa. Kaya naging payapa ang kalooban niya.

20. Paano natin maipapakitang mahalaga sa atin ang kapatawaran ni Jehova?

20 Maipapakita nating mahalaga sa atin ang kapatawaran ni Jehova kung mananalangin tayo para dito, tatanggapin ang disiplina, at pagsisikapang hindi na maulit ang nagawa nating kasalanan. Kung gagawin natin iyan, maibabalik natin ang kapayapaan ng ating isip. Naranasan ito ni James, isang brother na nakagawa ng malubhang kasalanan. Sinabi niya: “Nang ipagtapat ko ang kasalanan ko sa mga elder, para akong nabunutan ng tinik. Naging payapa ang isip ko.” Nakakapagpatibay ngang malaman na “si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob”!—Awit 34:18.

21. Paano natin hahayaan si Jehova na paginhawahin tayo?

21 Dahil napakalapit na ng wakas, lalo pang darami ang dahilan ng pag-aalala natin. Kapag sobra kang nag-aalala, agad na manalangin kay Jehova. Pag-aralang mabuti ang Bibliya. Matuto mula sa halimbawa nina Hana, Pablo, at David. Hilingin sa ating Ama sa langit na tulungan kang matukoy ang dahilan ng pag-aalala mo. (Awit 139:23) Hayaan mong tulungan ka niya sa mga álalahanín mo, lalo na sa mga hindi mo kontrolado. Kapag ginawa mo ito, masasabi mo rin ang sinabi ng salmista kay Jehova: “Noong maraming gumugulo sa isip ko, pinayapa mo ang kalooban ko at pinaginhawa mo ako.”​—Awit 94:19.

AWIT 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”

^ par. 5 Lahat tayo ay nakaranas nang mag-alala dahil sa mga problema. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong lingkod ni Jehova noon na sobrang nag-alala. Tatalakayin din dito kung paano pinayapa at pinaginhawa ni Jehova ang kalooban nila.

^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pag-aalala ay ang pagkadama ng takot o pagkabahala dahil sa isang bagay. Puwedeng dahil ito sa problema sa pinansiyal, pagkakasakit, problema sa pamilya, o iba pang álalahanín. Baka nababagabag din tayo sa mga nagawa nating pagkakamali o nag-aalala sa mga problemang posibleng mapaharap sa atin.