Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 23

“Pakabanalin Nawa ang Pangalan Mo”

“Pakabanalin Nawa ang Pangalan Mo”

“O Jehova, ang pangalan mo ay mananatili magpakailanman.”—AWIT 135:13.

AWIT 10 Purihin si Jehova na Ating Diyos!

NILALAMAN *

1-2. Anong mga paksa ang mahalaga sa mga Saksi ni Jehova?

NAPAPAHARAP tayo sa mahahalagang isyu—soberanya ng Diyos at pagpapabanal sa pangalan niya. Bilang mga Saksi ni Jehova, gustong-gusto nating pag-usapan ang mga ito. Pero magkahiwalay na isyu ba ang soberanya ng Diyos at ang pagpapabanal sa pangalan niya? Hindi.

2 Malinaw sa ating lahat na dapat pabanalin ang pangalan ng Diyos. Natutuhan din natin na dapat mapatunayang pinakamahusay ang soberanya, o paraan ng pamamahala ni Jehova. Kaya parehong mahalaga ang mga isyung ito.

3. Saan nauugnay ang pangalang Jehova?

3 Nauugnay ang pangalang Jehova sa lahat ng bagay tungkol sa ating Diyos, kasama na ang paraan ng pamamahala niya. Kaya kung sinasabi nating ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova ang pinakamahalagang isyu, parang sinasabi na rin nating dapat mapatunayang pinakamahusay ang pamamahala ni Jehova. Ang pangalan ni Jehova ay nauugnay sa paraan ng pamamahala niya bilang Soberano, o Kataas-taasan.​—Tingnan ang kahong “ Ang mga Nasasangkot sa Napakahalagang Isyu.”

4. Ano ang sinasabi ng Awit 135:13 tungkol sa pangalan ng Diyos, at anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

4 Napakaespesyal ng pangalang Jehova. (Basahin ang Awit 135:13.) Bakit napakahalaga ng pangalan ng Diyos? Paano ito unang siniraang-puri? Paano ito pinapabanal ng Diyos? At paano tayo makakatulong dito? Sasagutin natin ang mga tanong na iyan.

ANG KAHALAGAHAN NG ISANG PANGALAN

5. Ano ang posibleng maisip ng ilan kapag narinig nilang dapat pabanalin ang pangalan ng Diyos?

5 “Pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mat. 6:9) Sinabi ni Jesus na dapat na kasama ito sa pinakamahahalagang bagay na ipapanalangin natin. Pero ano ba ang ibig sabihin ng sinabi ni Jesus? Kapag pinapabanal mo ang isang bagay, ginagawa mo itong banal, malinis, o dalisay. Pero baka maisip ng ilan, ‘Hindi ba’t banal, malinis, at dalisay na ang pangalan ni Jehova?’ Para masagot iyan, alamin natin kung ano ang nasasangkot sa isang pangalan.

6. Bakit napakahalaga ng isang pangalan?

6 Ang pangalan ay hindi lang basta isang salita, na puwedeng isulat o bigkasin. Sinasabi ng Bibliya: “Ang magandang pangalan ay mas dapat piliin kaysa sa malaking kayamanan.” (Kaw. 22:1; Ecles. 7:1) Bakit napakahalaga ng isang pangalan? Dahil nasasangkot dito ang reputasyon ng may-ari ng pangalan. Kaya hindi ang paraan ng pagsulat o pagbigkas sa isang pangalan ang pinakamahalaga; ang mas mahalaga ay kung ano ang naiisip ng mga tao kapag nakita nila o narinig ang pangalang iyan.

7. Paano sinubukang sirain ng mga tao ang pangalan ng Diyos?

7 Kapag nagsasabi ang mga tao ng kasinungalingan tungkol kay Jehova, sinusubukan nilang sirain ang reputasyon niya. Sa paggawa nito, para na rin nilang sinisiraang-puri ang pangalan niya. Ang unang paninira sa pangalan at reputasyon ng Diyos ay nangyari sa hardin ng Eden. Tingnan kung ano ang matututuhan natin dito.

KUNG PAANO UNANG SINIRAANG-PURI ANG PANGALAN

8. Ano ang alam nina Adan at Eva, at anong mga tanong ang bumabangon?

8 Alam nina Adan at Eva na Jehova ang pangalan ng Diyos; alam din nila ang iba pang mahahalagang bagay tungkol sa kaniya. Alam nilang siya ang Maylalang, ang nagbigay sa kanila ng buhay, ng magandang tirahan, at ng perpektong asawa. (Gen. 1:26-28; 2:18) Pero pinag-isipan ba nila ang lahat ng ginawa ni Jehova para sa kanila? Pinalalim ba nila ang pag-ibig at pagpapahalaga nila kay Jehova? Naging malinaw ang sagot nang subukin sila ng kaaway ng Diyos.

9. Ayon sa Genesis 2:16, 17 at 3:1-5, ano ang sinabi ni Jehova sa unang mag-asawa, at paano ito pinilipit ni Satanas?

9 Basahin ang Genesis 2:16, 17 at 3:1-5. Gamit ang ahas, itinanong ni Satanas kay Eva: “Talaga bang sinabi ng Diyos na hindi kayo puwedeng kumain ng bunga mula sa lahat ng puno sa hardin?” Ang tanong na iyan ay may kasamang kasinungalingan. Ang talagang sinabi ng Diyos ay puwede silang kumain sa lahat ng puno maliban sa isa. Kaya siguradong maraming mapagpipilian sina Adan at Eva. (Gen. 2:9) Talagang bukas-palad si Jehova! Pero sinabi ng Diyos na may isang puno na hindi nila puwedeng kainin ang bunga. Kaya pinilipit ni Satanas ang katotohanan. Pinalabas niyang hindi bukas-palad ang Diyos. Baka naisip ni Eva, ‘May ipinagkakait kaya sa akin ang Diyos?’

10. Paano deretsahang siniraang-puri ni Satanas ang pangalan ng Diyos, at ano ang resulta?

10 Nang magtanong si Satanas, sumusunod pa si Eva kay Jehova. Sinabi ni Eva kay Satanas ang malinaw na utos ng Diyos sa kaniya. Sinabi pa niya na hindi man lang nila puwedeng hawakan ang puno. Alam niya ang babala ng Diyos na mamamatay siya kapag hindi siya sumunod. Pero sinabi ni Satanas: “Tiyak na hindi kayo mamamatay.” (Gen. 3:2-4) Hindi na basta nagpapahiwatig si Satanas! Deretsahan na niyang sinisiraang-puri ang pangalan ng Diyos, na para bang sinasabi kay Eva na sinungaling si Jehova. Dahil dito, si Satanas ay naging diyablo, o maninirang-puri. Lubusang nalinlang si Eva; naniwala siya kay Satanas. (1 Tim. 2:14) Mas nagtiwala pa siya kay Satanas kaysa kay Jehova. Kaya naging madali na lang kay Eva na gawin ang pinakamaling desisyon sa buhay niya. Pinili niyang sumuway kay Jehova. Kinain niya ang bunga na ipinagbabawal ni Jehova. Pagkatapos, binigyan niya si Adan.​—Gen. 3:6.

11. Ano sana ang ginawa nina Adan at Eva? Ano ang hindi nila nagawa?

11 Pag-isipan kung ano sana ang isinagot ni Eva kay Satanas. Puwede sanang sinabi niya: “Hindi kita kilala, pero kilala ko ang Ama kong si Jehova. Mahal ko siya at nagtitiwala ako sa kaniya. Sa kaniya galing ang lahat ng mayroon kami. Sino ka para siraan siya? Layas!” Napakasaya sana ni Jehova kung iyan ang sinabi ng anak niya! (Kaw. 27:11) Pero walang tapat na pag-ibig si Eva kay Jehova, at gayon din si Adan. Dahil dito, hindi nila naipagtanggol ang pangalan ng kanilang Ama.

12. Paano nagtanim ng pagdududa si Satanas sa isip ni Eva, at ano ang hindi nagawa nina Adan at Eva?

12 Gaya ng nabanggit na, nagtanim si Satanas ng pagdududa sa isip ni Eva. Siniraan niya ang reputasyon ni Jehova para magduda si Eva kung si Jehova ba ay mabuting Ama. Hindi ipinagtanggol nina Adan at Eva ang pangalan at reputasyon ni Jehova, kaya naging madali sa kanila na magrebelde sa Ama nila. Ganiyan din ang ginagawa ni Satanas ngayon. Sinisiraan niya ang pangalan ni Jehova kaya nagiging madali na lang sa mga taong naniniwala sa mga kasinungalingan ni Satanas na tanggihan ang pamamahala ni Jehova.

PINAPABANAL NI JEHOVA ANG PANGALAN NIYA

13. Paano ipinapakita ng Ezekiel 36:23 ang pangunahing mensahe ng Bibliya?

13 Basta na lang ba hinahayaan ni Jehova na siraan siya? Hindi! Ipinagtatanggol niya ang sarili niya. Sinasabi ng Bibliya kung ano ang ginawa ni Jehova para linisin ang pangalan niya na siniraang-puri sa Eden. (Gen. 3:15) Sa maikli, ito ang pangunahing mensahe ng Bibliya: Pinapabanal ni Jehova ang pangalan niya sa pamamagitan ng Kaharian na pinamamahalaan ng Anak niya, at ibabalik niya ang katuwiran at kapayapaan sa lupa. Sinasabi ng Bibliya kung paano pinapabanal ni Jehova ang pangalan niya.​—Basahin ang Ezekiel 36:23.

14. Paano napabanal ni Jehova ang pangalan niya sa naging reaksiyon niya sa rebelyon sa Eden?

14 Ginagawa ni Satanas ang lahat para hindi maisagawa ni Jehova ang kalooban Niya. Pero hindi ito nagtatagumpay. Ipinapakita ng Bibliya kung ano ang ginawa ni Jehova, at pinapatunayan nitong si Jehova ay mapagmahal na Ama at pinakamahusay na tagapamahala. Ang totoo, talagang nasaktan si Jehova sa pagrerebelde ni Satanas at ng lahat ng sumusuporta rito. (Awit 78:40) Pero nakapagpakita pa rin siya ng karunungan, pagtitiis, at katarungan. Naipakita rin niya ang walang-kapantay niyang kapangyarihan sa maraming paraan. Higit sa lahat, makikita ang pag-ibig niya sa lahat ng ginagawa niya. (1 Juan 4:8) Si Jehova ay hindi tumitigil sa pagpapabanal sa pangalan niya.

Nagsinungaling si Satanas kay Eva tungkol kay Jehova, at patuloy pa ring sinisiraan ng Diyablo ang Diyos hanggang sa ngayon (Tingnan ang parapo 9-10, 15) *

15. Paano sinisiraan ni Satanas ang pangalan ng Diyos ngayon, at ano ang resulta?

15 Sinisiraan pa rin ni Satanas ang pangalan ng Diyos ngayon. Gusto niyang pagdudahan ng mga tao na ang Diyos ay makapangyarihan, makatarungan, marunong, at mapagmahal. Halimbawa, sinusubukan ni Satanas na kumbinsihin ang mga tao na si Jehova ay hindi Maylalang. At kung naniniwala naman ang mga tao na may Diyos, sinusubukan naman silang paniwalain ni Satanas na ang Diyos at ang pamantayan Niya ay mahigpit at hindi patas. Itinuturo pa nga niya sa mga tao na si Jehova ay malupit na Diyos, na sinusunog ang mga tao sa impiyerno. Kapag naniwala sila sa mga kasinungalingang ito, madali na para sa kanila na tanggihan ang pamamahala ni Jehova. Hangga’t hindi pa napupuksa si Satanas, patuloy niyang sisiraan si Jehova at gagawin ang lahat para ilayo ka rin kay Jehova. Huwag mong hayaang magtagumpay siya!

ANG BAHAGI MO SA MALAKING ISYU

16. Ano ang puwede mong gawin na hindi nagawa nina Adan at Eva?

16 Hinahayaan ni Jehova na magkaroon tayo ng bahagi sa pagpapabanal sa pangalan niya, kaya magagawa mo ang hindi nagawa nina Adan at Eva. Kahit na napapalibutan ka ng mga taong sumisira at lumalapastangan sa pangalan ni Jehova, may pagkakataon kang ipagtanggol ang pangalan ni Jehova at sabihin sa mga tao na si Jehova ay banal, makatuwiran, mabuti, at mapagmahal. (Isa. 29:23) Masusuportahan mo ang pamamahala niya. Matutulungan mo ang mga tao na maunawaang ang pamamahala lang ni Jehova ang totoong matuwid at na ito lang ang makakapagbigay ng kapayapaan at kaligayahan sa lahat ng nilalang.​—Awit 37:9, 37; 146:5, 6, 10.

17. Paano ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama?

17 Kapag ipinagtatanggol natin ang pangalan ni Jehova, tinutularan natin si Jesu-Kristo. (Juan 17:26) Ipinakilala niya ang pangalan ng kaniyang Ama, hindi lang sa pamamagitan ng paggamit sa pangalang iyan; itinuro din niya kung sino talaga si Jehova. Halimbawa, sa paggawi ng mga Pariseo, si Jehova ay nagmumukhang malupit, mapaghanap, walang pakialam, at walang awa. Pero tinulungan ni Jesus ang mga tao na makitang ang Ama niya ay makatuwiran, matiisin, mapagmahal, at mapagpatawad. Tinulungan din niya ang mga tao na makilala si Jehova sa pamamagitan ng lubusang pagtulad niya sa mga katangian ng kaniyang Ama.​—Juan 14:9.

18. Paano natin mapapatunayang hindi totoo ang masasamang sinasabi ng mga tao tungkol kay Jehova?

18 Gaya ni Jesus, puwede nating sabihin sa mga tao ang alam natin tungkol kay Jehova at ituro sa kanila na Siya ay mapagmahal at mabait na Diyos. Kapag ginawa natin iyan, mapapatunayan nating hindi totoo ang masasamang sinasabi ng mga tao tungkol kay Jehova. Mapapabanal natin ang pangalan ni Jehova sa isip at puso ng mga tao. Matutularan din natin si Jehova. Posible ito kahit hindi tayo perpekto. (Efe. 5:1, 2) Kapag naipapakita natin sa salita at gawa kung anong uri ng Diyos si Jehova, makakatulong tayo sa pagpapabanal sa pangalan niya. Naipagbabangong-puri natin ang pangalang iyan kapag tinutulungan natin ang mga tao na malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos. * Napapatunayan din nating puwedeng maging tapat sa Diyos ang di-perpektong mga tao.​—Job 27:5.

Gusto nating ipaalám sa mga Bible study natin na si Jehova ay mabait at mapagmahal (Tingnan ang parapo 18-19) *

19. Paano makakatulong sa atin ang Isaias 63:7 para makita ang pangunahing tunguhin natin sa pagtuturo?

19 May iba pa tayong magagawa para mapabanal ang pangalan ni Jehova. Kapag itinuturo natin ang katotohanan sa Bibliya, madalas nating idinidiin ang soberanya ng Diyos—si Jehova lang ang may karapatang mamahala sa uniberso—at tama naman iyan. Totoo, mahalagang ituro ang mga batas ng Diyos, pero ang pangunahing tunguhin natin ay tulungan ang iba na ibigin ang ating Ama, si Jehova, at maging tapat sa kaniya. Kaya kailangan nating idiin ang magaganda niyang katangian at ipakita kung anong uri ng Diyos si Jehova. (Basahin ang Isaias 63:7.) Kapag ginawa natin iyan, matutulungan natin ang mga tao na ibigin at sundin si Jehova dahil gusto nilang maging tapat sa kaniya.

20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Pero paano tayo makakasiguro na ang paggawi natin at paraan ng pagtuturo ay nagpapaganda sa pangalan ni Jehova at tumutulong sa iba na mapalapit sa kaniya? Sasagutin iyan sa susunod na artikulo.

AWIT 2 Jehova ang Iyong Ngalan

^ par. 5 Anong isyu ang napapaharap sa lahat ng tao at anghel? Bakit napakahalaga nito, at paano tayo nasasangkot dito? Ang sagot sa mga ito at sa iba pang kaugnay na tanong ay tutulong sa atin na mapatibay ang kaugnayan kay Jehova.

^ par. 18 May mga pagkakataong sinasabi sa mga publikasyon natin na hindi na kailangang ipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova kasi wala namang kumukuwestiyon sa karapatan niya na tawagin sa pangalang iyan. Pero nilinaw iyan sa taunang miting noong 2017. Sinabi ng chairman: “Hindi maling ipanalangin ang pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova dahil talagang kailangang pawalang-sala [o, linisin] ang kaniyang reputasyon.”​—Tingnan ang Enero 2018 na programa sa jw.org®. Tingnan sa LIBRARY > JW BROADCASTING®.

^ par. 62 LARAWAN: Siniraang-puri ng Diyablo ang Diyos at sinabi kay Eva na ang Diyos ay sinungaling. Napakatagal nang niloloko ni Satanas ang mga tao; pinapalabas niyang malupit ang Diyos at hindi nilikha ng Diyos ang mga tao.

^ par. 64 LARAWAN: Habang nagba-Bible study, idinidiin ng isang brother ang mga katangian ng Diyos.