Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 28

Maging Kumbinsido na Nasa Katotohanan Ka

Maging Kumbinsido na Nasa Katotohanan Ka

“Patuloy mong sundin ang mga bagay na natutuhan mo at nahikayat na paniwalaan.”​—2 TIM. 3:14.

AWIT 56 Manindigan Ka sa Katotohanan

NILALAMAN *

1. Ano ang ibig nating sabihin sa salitang “katotohanan”?

“PAANO mo nalaman ang katotohanan?” “Pinalaki ka ba sa katotohanan?” “Gaano ka na katagal sa katotohanan?” Malamang na naitanong na sa iyo ang mga iyan, o baka naitanong mo na iyan sa iba. Ano ang ibig nating sabihin sa salitang “katotohanan”? Karaniwan nang ginagamit natin ito para tukuyin ang ating paniniwala, paraan ng pagsamba, at paraan ng pamumuhay. Alam ng mga taong nasa katotohanan kung ano ang itinuturo ng Bibliya at sinusunod nila ang mga prinsipyo nito. Dahil dito, napalaya sila mula sa mga maling turo ng huwad na relihiyon at naging masaya ang buhay nila.​—Juan 8:32.

2. Ayon sa Juan 13:34, 35, ano ang posibleng magustuhan ng isa sa katotohanan?

2 Ano ang unang nagustuhan mo sa katotohanan? Baka ang magandang paggawi ng mga lingkod ni Jehova. (1 Ped. 2:12) O baka ang pag-ibig na ipinapakita nila. Marami ang nakapansin sa pag-ibig na iyan noong una silang dumalo, at mas natatandaan nila iyan kaysa sa napakinggan nila sa pulong. Hindi ito nakakapagtaka dahil sinabi ni Jesus na makikilala ang mga alagad niya sa kanilang pag-ibig sa isa’t isa. (Basahin ang Juan 13:34, 35.) Pero hindi lang iyan ang kailangan para magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya.

3. Ano ang posibleng mangyari kung ang pananampalataya natin ay nakabatay lang sa tulad-Kristong pag-ibig na ipinapakita ng mga kapatid?

3 Ang pananampalataya natin ay hindi lang dapat nakabatay sa tulad-Kristong pag-ibig ng bayan ng Diyos. Bakit? Paano kung nakagawa ng malubhang kasalanan ang isang kapananampalataya—baka elder o payunir pa nga? O nasaktan ka ng isang kapatid? O baka naging apostata ang isa at ipinipilit niyang wala sa atin ang katotohanan. Kung mangyari ang mga iyan, matitisod ka ba at hihinto sa paglilingkod kay Jehova? Ang aral: Kung ibabatay mo lang ang pananampalataya mo sa paggawi ng iba sa halip na sa kaugnayan mo kay Jehova, hindi ito magiging matibay. Ang pananampalataya mo ay gaya ng isang bahay. Hindi ito magiging matibay kung puro malambot na materyales lang ang gagamitin mo. Sa katulad na paraan, hindi magiging matibay ang pananampalataya mo kung puro emosyon lang. Kailangan mong pag-aralang mabuti ang Bibliya at maintindihan ito para mapatunayan mong totoo ang itinuturo nito tungkol kay Jehova.​—Roma 12:2.

4. Ayon sa Mateo 13:3-6, 20, 21, paano naapektuhan ang ilan nang masubok ang pananampalataya nila?

4 Sinabi ni Jesus na may ilang tatanggap ng katotohanan “nang masaya” pero hihina ang kanilang pananampalataya kapag nagkaproblema. (Basahin ang Mateo 13:3-6, 20, 21.) Baka hindi nila naiintindihan na ang pagsunod kay Jesus ay may kasamang hamon at paghihirap. (Mat. 16:24) O baka iniisip nila na ang mga Kristiyano ay ligtas sa mga problema—puro pagpapala lang at walang mga hamon. Pero punong-puno ng problema ang mundong ito. Nagbabago rin ang kalagayan, kaya puwedeng mawala ang kagalakan natin.​—Awit 6:6; Ecles. 9:11.

5. Paano napatunayan ng karamihan sa mga kapatid natin na kumbinsido silang nasa katotohanan sila?

5 Napatunayan ng karamihan sa mga kapatid natin na kumbinsido silang nasa katotohanan sila. Paano? Hindi natitinag ang pananampalataya nila kahit may kapatid na nakasakit sa kanila o nagkasala. (Awit 119:165) Sa halip na humina ang pananampalataya nila dahil sa problema, mas tumitibay pa nga ito. (Sant. 1:2-4) Paano ka magkakaroon ng ganiyang uri ng pananampalataya?

MAGKAROON NG “TUMPAK NA KAALAMAN TUNGKOL SA DIYOS”

6. Saan ibinatay ng unang-siglong mga alagad ang pananampalataya nila?

6 Ang pananampalataya ng unang-siglong mga alagad ay nakabatay sa kanilang kaalaman sa Kasulatan at sa mga turo ni Jesu-Kristo, “ang katotohanan ng mabuting balita.” (Gal. 2:5) Ang katotohanang ito ay binubuo ng lahat ng turo na pinaniniwalaan natin bilang Kristiyano, pati na ang katotohanan tungkol sa haing pantubos ni Jesus at sa kaniyang pagkabuhay-muli. Kumbinsido si apostol Pablo na ang mga turong ito ay totoo. Bakit? Kasi ginamit niya ang Kasulatan para patunayan “gamit ang mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at buhaying muli.” (Gawa 17:2, 3) Tinanggap ng unang-siglong mga alagad ang mga turong iyon at umasa sa tulong ng banal na espiritu para maunawaan nila ang Salita ng Diyos. Pinatunayan nila sa kanilang sarili na ang mga turong ito ay nakabatay sa Kasulatan. (Gawa 17:11, 12; Heb. 5:14) Hindi lang nila ibinatay sa emosyon ang pananampalataya nila, at hindi sila naglingkod kay Jehova dahil lang sa masayang kasama ang mga kapatid. Sa halip, ibinatay nila ang kanilang pananampalataya sa “tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos.”​—Col. 1:9, 10.

7. Paano nakakatulong sa atin ang pananampalataya natin sa mga katotohanan sa Bibliya?

7 Ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos ay hindi nagbabago. (Awit 119:160) Halimbawa, hindi nagbabago ang mga ito kahit sinaktan tayo ng isang kapananampalataya o nakagawa siya ng malubhang kasalanan. At hindi rin nagbabago ang mga ito kahit mapaharap tayo sa mga problema. Kaya dapat tayong maging pamilyar sa mga turo ng Bibliya at maging kumbinsidong totoo ang mga ito. Ang ating matibay na pananampalataya na nakabatay sa mga katotohanan sa Bibliya ay tutulong sa atin para hindi tayo matinag sa panahon ng pagsubok, kung paanong ang angkla ay nakakatulong para hindi matinag ang barko kapag may bagyo. Paano mo mapapatibay ang paniniwala mong nasa katotohanan ka?

MAGING KUMBINSIDO

8. Ayon sa 2 Timoteo 3:14, 15, bakit kumbinsido si Timoteo na nasa katotohanan siya?

8 Kumbinsido si Timoteo na nasa katotohanan siya. Bakit? (Basahin ang 2 Timoteo 3:14, 15.) Itinuro sa kaniya ng nanay at lola niya ang “banal na mga kasulatan.” Pero tiyak na pinag-aralan din niya ang mga iyon. Kaya ‘nahikayat siyang paniwalaan’ na totoo ang mga iyon. Nang maglaon, natutuhan ni Timoteo at ng nanay at lola niya ang mga turong Kristiyano. Siguradong humanga si Timoteo sa pag-ibig na ipinakita ng mga tagasunod ni Jesus, at gustong-gusto niyang makasama at paglingkuran ang mga kapatid. (Fil. 2:19, 20) Pero ang pananampalataya niya ay hindi nakabatay sa emosyon kundi sa mga katotohanang nagpalapít sa kaniya kay Jehova. Dapat mo ring pag-aralan ang Bibliya at makumbinsi sa itinuturo nito tungkol kay Jehova.

9. Anong tatlong pangunahing katotohanan ang kailangan mong patunayan sa sarili mo?

9 Sa umpisa, kailangan mong patunayan sa sarili mo ang tatlo sa mga pangunahing katotohanan. Una, dapat na kumbinsido ka na ang Diyos na Jehova ang Maylalang ng lahat ng bagay. (Ex. 3:14, 15; Heb. 3:4; Apoc. 4:11) Ikalawa, dapat mong patunayan sa sarili mo na ang Bibliya ay mensahe ng Diyos sa mga tao. (2 Tim. 3:16, 17) At ikatlo, dapat na sigurado ka na si Jehova ay may organisadong grupo ng mga tao na sumasamba sa kaniya sa pangunguna ni Kristo at na ang grupong iyon ay ang mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12; Juan 14:6; Gawa 15:14) Hindi mo kailangang maging parang encyclopedia ng Bibliya para patunayan sa sarili mo ang mga pangunahing katotohanang iyon. Ang tunguhin mo ay ang gamitin ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran” para makumbinsi kang nasa katotohanan ka.​—Roma 12:1.

KUMBINSIHIN ANG IBA

10. Pagkatapos malaman ang katotohanan, ano pa ang dapat nating gawin?

10 Kapag kumbinsido ka na sa tatlong pangunahing katotohanan tungkol sa Diyos, sa Bibliya, at sa bayan ng Diyos, dapat mo nang gamitin ang Kasulatan para patunayan ang mga katotohanang ito sa iba. Bakit? Dahil pananagutan nating mga Kristiyano na ituro ang mga katotohanang natutuhan natin sa mga makikinig sa atin. * (1 Tim. 4:16) At habang kinukumbinsi natin ang iba tungkol sa mga katotohanang iyon, mas nagiging totoo rin sa atin ang mga iyon.

11. Paano natin matutularan ang halimbawa ni apostol Pablo sa pagtuturo?

11 Kapag tinuturuan ni apostol Pablo ang mga tao, “[hinihikayat] niya silang maniwala kay Jesus gamit ang Kautusan ni Moises at ang mga Propeta.” (Gawa 28:23) Paano natin matutularan si Pablo? Hindi sapat na sabihin lang ang katotohanan. Dapat nating tulungan ang mga Bible study natin na pag-aralan at pag-isipang mabuti ang mga natututuhan nila sa Bibliya. Gusto nating tanggapin nila ang katotohanan, hindi dahil hinahangaan nila tayo, kundi dahil kumbinsido sila na totoo ang mga natututuhan nila tungkol sa ating mapagmahal na Diyos.

Mga magulang, ituro sa mga anak ninyo ang “malalalim na bagay ng Diyos” para magkaroon sila ng pananampalataya (Tingnan ang parapo 12-13) *

12-13. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na manatili sa katotohanan?

12 Mga magulang, siguradong gusto ninyong manatili sa katotohanan ang mga anak ninyo. Baka maisip ninyo na kapag mayroon na silang mabubuting kaibigan sa kongregasyon, susulong na sila sa espirituwal. Pero hindi lang iyan ang kailangan para makumbinsi silang nasa katotohanan sila. Kailangan din nilang maging kaibigan ang Diyos at makumbinsing totoo ang mga itinuturo ng Bibliya.

13 Para maituro ng mga magulang sa mga anak nila ang mga katotohanan tungkol sa Diyos, dapat silang magpakita ng mabuting halimbawa sa pag-aaral ng Bibliya. Dapat silang maglaan ng panahon para pag-isipang mabuti ang mga natututuhan nila. Sa paggawa nito, matuturuan nila ang mga anak nila na gawin din iyon. Kailangan nilang ituro sa mga anak nila kung paano gagamitin ang mga tool sa pag-aaral ng Bibliya, gaya ng ginagawa nila sa mga Bible study nila. Kung gagawin nila ito, matutulungan nila ang mga anak nila na mahalin si Jehova at magtiwalang ginagamit niya ang “tapat at matalinong alipin” para maunawaan natin ang Bibliya. (Mat. 24:45-47) Mga magulang, hindi sapat ang basta pagtuturo sa inyong mga anak ng pangunahing mga katotohanan sa Bibliya. Para tumibay ang pananampalataya nila, ituro din sa kanila ang “malalalim na bagay ng Diyos” depende sa edad at kakayahan nila.​—1 Cor. 2:10.

PAG-ARALAN ANG MGA HULA SA BIBLIYA

14. Bakit dapat nating pag-aralan ang mga hula sa Bibliya? (Tingnan din ang kahong “ Maipapaliwanag Mo Ba ang mga Hulang Ito?”)

14 Ang mga hula sa Bibliya ay mahalagang bahagi ng Salita ng Diyos na tutulong sa ating magkaroon ng matibay na pananampalataya kay Jehova. Anong mga hula ang nagpatibay sa pananampalataya mo? Baka maisip mo ang hula tungkol sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5; Mat. 24:3, 7) Pero ano pang natupad na hula ang nagpatibay sa iyo? Halimbawa, maipapaliwanag mo ba kung paano natupad at natutupad ang mga hula sa Daniel kabanata 2 o Daniel kabanata 11? * Kung nakabatay sa Bibliya ang pananampalataya mo, hindi ito matitinag. Isipin ang halimbawa ng mga kapatid na dumanas ng matinding pag-uusig sa Germany noong Digmaang Pandaigdig II. Kahit hindi nila lubusang naiintindihan ang mga hula tungkol sa mga huling araw, matibay ang pananampalataya nila sa Salita ng Diyos.

Ang pag-aaral ng Bibliya, pati na ang mga hula nito, ay tutulong sa atin na magkaroon ng lakas ng loob sa panahon ng pag-uusig (Tingnan ang parapo 15-17) *

15-17. Paano nakatulong ang pag-aaral ng Bibliya sa mga kapatid na pinag-usig ng mga Nazi?

15 Noong namamahala ang Nazi Germany, libo-libong kapatid ang ipinatapon sa mga kampong piitan. Galit na galit sa mga Saksi ni Jehova si Hitler at si SS Chief Heinrich Himmler. Ayon sa isang sister, sinabi ni Himmler sa mga sister sa isang kampong piitan: “Baka namamahala nga sa langit ang Jehova n’yo, pero dito sa lupa, kami ang namamahala! Malalaman natin kung sino ang matibay, kayo o kami!” Ano ang nakatulong sa mga lingkod ni Jehova na manatiling tapat?

16 Alam ng mga Estudyante ng Bibliya na iyon na namamahala na ang Kaharian ng Diyos mula pa noong 1914. Kaya hindi sila nagtataka kung bakit sila pinag-uusig. At kumbinsido ang mga lingkod ni Jehova na walang gobyerno ng tao ang makakapigil sa layunin ng Diyos. Hindi kayang alisin ni Hitler ang tunay na pagsamba o magtatag ng isang gobyernong nakakahigit sa Kaharian ng Diyos. Kumbinsido ang mga kapatid natin na magwawakas ang pamamahala ni Hitler.

17 At hindi nagkamali ang mga kapatid. Di-nagtagal, bumagsak ang rehimeng Nazi at kailangang tumakas ni Heinrich Himmler—ang nagsabi na “dito sa lupa, kami ang namamahala.” Habang tumatakas, nakausap niya si Brother Lübke, isang dating bilanggo na alam niyang isang Saksi ni Jehova. Depres na depres noon si Himmler nang tanungin niya si Brother Lübke: “Estudyante ng Bibliya, ano na’ng mangyayari?” Sinabi ni Brother Lübke kay Himmler na matagal nang alam ng mga Saksi ni Jehova na babagsak ang rehimeng Nazi at makakalaya ang mga Saksi. Dati, maraming masamang sinasabi si Himmler tungkol sa mga Saksi ni Jehova, pero ngayon, natahimik siya. Di-nagtagal, nagpakamatay siya. Ano ang aral? Ang pag-aaral ng Bibliya, pati na ang mga hula nito, ay tutulong sa atin na magkaroon ng matibay na pananampalataya sa Diyos at ng lakas ng loob sa panahon ng pag-uusig.​—2 Ped. 1:19-21.

18. Gaya ng ipinapakita sa Juan 6:67, 68, bakit natin kailangan ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa”?

18 Lahat tayo ay dapat magpakita ng pag-ibig para mapatunayan nating mga tunay na Kristiyano tayo. Pero kailangan din natin ng “tumpak na kaalaman at malalim na unawa.” (Fil. 1:9) Kung hindi, maiimpluwensiyahan tayo ng “turo ng mga taong nandaraya,” kasama na ang mga apostata. (Efe. 4:14) Kahit na marami sa mga alagad ni Jesus noong unang siglo C.E. ang huminto sa pagsunod sa kaniya, si apostol Pedro ay kumbinsidong na kay Jesus ang “mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Basahin ang Juan 6:67, 68.) Hindi man naiintindihan ni Pedro noon ang lahat ng detalye ng sinabi ni Jesus, nanatili pa rin siyang tapat dahil naunawaan niya ang katotohanan tungkol kay Kristo. Kaya mo ring patibayin ang paniniwala mo sa mga itinuturo ng Bibliya. Kung gagawin mo iyan, magkakaroon ka ng di-natitinag na pananampalataya at matutulungan mo rin ang iba na magkaroon nito.​—2 Juan 1, 2.

AWIT 72 Inihahayag ang Katotohanan ng Kaharian

^ par. 5 Tutulungan tayo ng artikulong ito na makitang napakahalaga ng mga katotohanan sa Bibliya. Tatalakayin din dito kung paano tayo magiging mas kumbinsido na nasa katotohanan tayo.

^ par. 10 Sa pagpapaliwanag ng pangunahing mga turo ng Bibliya, matutulungan ka ng seryeng “Pakikipag-usap sa Iba” na makikita sa 2010 hanggang 2015 ng Bantayan. Mababasa rito ang mga paksang gaya ng “Si Jesus Ba ang Diyos?,” “Kailan Nagsimulang Mamahala ang Kaharian ng Diyos?,” at “Pinarurusahan Ba ng Diyos ang mga Tao sa Impiyerno?

^ par. 14 Tinatalakay ang mga hulang ito sa mga isyu ng Bantayan na Hunyo 15, 2012 at Mayo 2020.

^ par. 60 LARAWAN: Sa pampamilyang pagsamba, pinag-aaralan ng isang pamilya ang mga hula sa Bibliya tungkol sa malaking kapighatian.

^ par. 62 LARAWAN: Sa panahon ng malaking kapighatian, hindi nabigla ang pamilya sa mga nangyayari.