Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 36

Handa Ka Na Bang Maging Mangingisda ng Tao?

Handa Ka Na Bang Maging Mangingisda ng Tao?

“Huwag ka nang matakot. Mula ngayon ay manghuhuli ka ng mga taong buháy.”​—LUC. 5:10.

AWIT 73 Bigyan Mo Kami ng Katapangan

NILALAMAN *

1. Ano ang paanyaya ni Jesus sa apat na mangingisda, at ano ang ginawa nila?

PANGINGISDA ang hanapbuhay ng mga alagad na sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan. Siguradong nagulat sila nang marinig ang paanyaya ni Jesus: “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” * Ano ang ginawa nila? Sinasabi ng Bibliya: “Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kaniya.” (Mat. 4:18-22) Binago ng desisyong iyon ang buhay nila. Imbes na manghuli ng isda, “manghuhuli [sila] ng mga taong buháy.” (Luc. 5:10) Sa ngayon, inaanyayahan din ni Jesus ang mga taong umiibig sa katotohanan. (Mat. 28:19, 20) Ikaw, tinanggap mo na ba ang paanyaya ni Jesus na maging mangingisda ng tao?

2. Bakit dapat nating pag-isipang mabuti ang desisyon na maging mangingisda ng tao, at ano ang tutulong sa atin para makapagdesisyon?

2 Matagal ka na sigurong nagba-Bible study, at baka kailangan mo nang magdesisyon kung gusto mo nang maging mamamahayag ng mabuting balita. Kung nag-aalangan ka pang tanggapin ang paanyaya ni Jesus, huwag kang mag-alala. Ibig sabihin lang niyan, alam mong napakaimportante ng desisyong iyan. Totoo, sinasabi ng Bibliya na iniwan “agad” ni Pedro at ng mga kasama niya ang lambat nila. Pero hindi masasabing nagpadalos-dalos si Pedro at ang kapatid niya sa pagdedesisyon. Mahigit anim na buwan na kasi mula nang makilala nila si Jesus at tanggapin bilang Mesiyas. (Juan 1:35-42) Malamang na marami ka na ring alam tungkol kay Jehova at kay Jesus, at gusto mong lalo pang mapalapit sa Diyos. Pero dapat ka munang mag-isip na mabuti bago magdesisyon. Ano ang nakatulong kina Pedro, Andres, Santiago, at Juan para makapagdesisyon?

3. Anong mga katangian ang makakatulong sa iyo para tanggapin ang paanyaya ni Jesus?

3 Mahal ng mga alagad ni Jesus noon ang kanilang ginagawa, may kaalaman sila, malakas ang loob, at may disiplina sa sarili. Siguradong nakatulong ang mga katangiang iyon para maging mahuhusay silang mangingisda ng tao. Tatalakayin sa artikulong ito kung paano ka magkakaroon ng mga katangiang iyon para maging mahusay na alagad ni Kristo.

MAHALIN ANG IYONG GINAGAWA

Si Pedro at ang mga kasama niya ay naging mangingisda ng tao. Patuloy pa rin hanggang ngayon ang mahalagang gawaing ito (Tingnan ang parapo 4-5)

4. Bakit napamahal kay Pedro ang pangingisda?

4 Nangingisda si Pedro para sa pamilya niya, pero hindi lang ito basta trabaho para sa kaniya. Lumilitaw na mahilig siyang mangisda. (Juan 21:3, 9-15) Napamahal din sa kaniya ang pagiging mangingisda ng tao. At sa tulong ni Jehova, naging mahusay si Pedro sa gawaing iyan.​—Gawa 2:14, 41.

5. Ayon sa Lucas 5:8-11, bakit natakot si Pedro, at ano ang makakatulong sa atin para mapaglabanan ang takot?

5 Nangangaral tayo dahil mahal natin si Jehova—iyan ang ating pangunahing dahilan. Makakatulong ang pag-ibig natin kay Jehova para huwag nating isiping hindi tayo kuwalipikado. Nang anyayahan ni Jesus si Pedro na maging mangingisda ng tao, sinabi niya: “Huwag ka nang matakot.” (Basahin ang Lucas 5:8-11.) Hindi natakot si Pedro sa puwedeng mangyari kapag naging alagad siya. Sa halip, naramdaman niyang hindi siya kuwalipikado na maging kamanggagawa ni Jesus dahil sa nakita niyang himala na ginawa ni Jesus para makahuli sila ng napakaraming isda. Pero baka natatakot ka sa lahat ng kailangan mong gawin bilang alagad ni Kristo. Kung gayon, patibayin ang pag-ibig mo kay Jehova, kay Jesus, at sa iyong kapuwa para matanggap mo ang paanyaya ni Jesus na maging mangingisda ng tao.​—Mat. 22:37, 39; Juan 14:15.

6. Ano pa ang ibang dahilan kung bakit tayo nangangaral?

6 May iba pang dahilan kung bakit tayo nangangaral. Gusto nating sundin ang utos ni Jesus: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad.” (Mat. 28:19, 20) Nangangaral din tayo dahil ang mga tao ay “sugatán at napabayaan” at kailangang-kailangan nila ang katotohanan tungkol sa Kaharian. (Mat. 9:36) Gusto ni Jehova na ang lahat ng uri ng tao ay magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan at maligtas.​—1 Tim. 2:4.

7. Paano ipinapakita sa Roma 10:13-15 na mahalaga ang pangangaral?

7 Gugustuhin nating mangaral kapag inisip nating makakatulong ito para makaligtas ang mga tao. Di-gaya ng mga mangingisda na ibinebenta o kinakain ang mga huli nila, tayo ay “nanghuhuli” ng mga tao para iligtas ang buhay nila.​—Basahin ang Roma 10:13-15; 1 Tim. 4:16.

DAGDAGAN PA ANG IYONG KAALAMAN

8-9. Ano ang dapat na alam ng isang mangingisda, at bakit?

8 Noong panahon ni Jesus, dapat na alam ng isang Israelitang mangingisda kung anong uri ng isda ang mahuhuli niya. (Lev. 11:9-12) Dapat na alam din niya kung saan siya makakahuli ng mga isda. Ang mga isda ay karaniwan nang nasa lugar na gusto nila ang tubig at marami silang makakain. Mahalaga rin ang oras kung kailan mangingisda. Tungkol dito, pansinin ang sinabi ng isang Saksing taga-Pacific island nang anyayahan niyang mangisda ang isang misyonero. Sinabi ng misyonero, “Magkita tayo ng alas-nuwebe ng umaga bukas.” Sumagot ang brother: “Hindi gano’n ’yon. Mangingisda tayo sa oras na maraming isda at hindi sa oras na gusto natin.”

9 Ganoon din ang mga mangingisda ng tao noong unang siglo—pumupunta sila sa mga lugar na maraming “isda” at sa oras na posibleng nandoon ang mga ito. Halimbawa, ang mga tagasunod ni Jesus noon ay nangaral sa templo at sa mga sinagoga, sa bahay-bahay, at sa pamilihan. (Gawa 5:42; 17:17; 18:4) Kailangang alam din natin kung kailan nasa bahay ang mga tao sa ating teritoryo. Kailangang mag-adjust tayo at mangaral kung saan at kung kailan posibleng matatagpuan ang mga tao.​—1 Cor. 9:19-23.

ANG MAHUHUSAY NA MANGINGISDA AY . . . 1. nangingisda kung kailan at kung saan posibleng maraming isda (Tingnan ang parapo 8-9)

10. Anong mga tool ang ibinibigay sa atin ng organisasyon ni Jehova?

10 Ang isang mangingisda ay kailangang may tamang kagamitan, at dapat na alam niya kung paano ito gagamitin. Kailangan din natin ang tamang kagamitan sa ating pangangaral. At dapat na alam natin kung paano ito gagamitin. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad kung paano mangangaral. Sinabi niya sa kanila kung ano ang dadalhin, kung saan mangangaral, at kung ano ang sasabihin. (Mat. 10:5-7; Luc. 10:1-11) Sa ngayon, nagbigay ang organisasyon ni Jehova ng Toolbox sa Pagtuturo na may mabibisang tool. * At tinuturuan tayo kung paano gagamitin ang mga ito. Natutulungan tayo ng ganitong pagsasanay na magkaroon ng kumpiyansa at kakayahan na kailangan para maging mabisa sa ating gawain.​—2 Tim. 2:15.

ANG MAHUHUSAY NA MANGINGISDA AY . . . 2. sanáy gumamit ng tamang kagamitan (Tingnan ang parapo 10)

PALAKASIN ANG IYONG LOOB

11. Bakit dapat na malakas ang loob ng mga mangingisda ng tao?

11 Kailangang malakas ang loob ng literal na mga mangingisda. Kung minsan, biglang nagbabago ang sitwasyon sa dagat. Madalas na sa gabi sila nangingisda, at kung minsan, bigla na lang bumabagyo. Kailangan ding maging malakas ang loob ng mga mangingisda ng tao. Kapag nangangaral na tayo at nagpapakilalang mga Saksi ni Jehova, baka mapaharap tayo sa mga “bagyo.” Halimbawa, baka tumutol ang pamilya natin, pagtawanan tayo ng mga kakilala natin, at walang makinig sa mensahe natin. Pero hindi na tayo dapat magtaka. Sinabi ni Jesus na isusugo niya ang kaniyang mga tagasunod para mangaral sa mga taong hindi interesado sa mensahe.​—Mat. 10:16.

12. Kaayon ng Josue 1:7-9, ano ang makakatulong para mapalakas ang ating loob?

12 Paano mo mapapalakas ang loob mo? Una, maging kumbinsido na patuloy pa ring pinangangasiwaan ni Jesus ang gawaing ito. (Juan 16:33; Apoc. 14:14-16) Ikalawa, magtiwala sa pangako ni Jehova na pangangalagaan ka niya. (Mat. 6:32-34) Habang tumitibay ang pananampalataya mo, lalong lalakas ang loob mo. Nagpakita ng matibay na pananampalataya si Pedro at ang kaniyang mga kasama nang iwan nila ang kanilang hanapbuhay at sumama kay Jesus. Naipakita mo rin ang iyong matibay na pananampalataya nang sabihin mo sa mga kakilala mo at kapamilya na Bible study ka na ng mga Saksi ni Jehova at dumadalo ka na sa mga pulong nila. Siguradong nakagawa ka na ng malalaking pagbabago sa iyong paggawi at pamumuhay para makasunod sa matuwid na pamantayan ni Jehova. Kailangan din diyan ang pananampalataya at lakas ng loob. Habang pinapalakas mo ang iyong loob, makakatiyak ka na “kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.”​—Basahin ang Josue 1:7-9.

ANG MAHUHUSAY NA MANGINGISDA AY . . . 3. malakas ang loob kahit masama ang panahon (Tingnan ang parapo 11-12)

13. Paano makakatulong ang pagbubulay-bulay at pananalangin para lumakas ang loob mo?

13 Paano mo pa mapapalakas ang loob mo? Hilingin sa panalangin na bigyan ka ng lakas ng loob. (Gawa 4:29, 31) Sasagutin ni Jehova ang mga panalangin mo, at hinding-hindi ka niya iiwan. Lagi siyang nandiyan para suportahan ka. Puwede mo ring bulay-bulayin kung paano nagligtas si Jehova noon. Isipin din kung paano ka niya tinulungang makayanan ang mga problema at binigyan ng lakas na mabago ang iyong pamumuhay. Ang Isa na umakay sa kaniyang bayan patawid sa Dagat na Pula ay siguradong makakatulong sa iyo para maging alagad ni Kristo. (Ex. 14:13) Tularan ang pagtitiwala ng salmista na nagsabi: “Kakampi ko si Jehova; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?”—Awit 118:6.

14. Ano ang matututuhan mo kina Masae at Tomoyo?

14 Nakakapagpalakas din ng loob kapag nakakarinig tayo ng mga karanasan tungkol sa mga taong dati ay mahiyain pero natulungan ni Jehova na lumakas ang loob. Tingnan ang ginawa ng sister na si Masae. Mahiyain siya at pakiramdam niya, hinding-hindi niya kakayanin ang pangangaral. Para sa kaniya, ang pakikipag-usap sa mga di-kakilala ay parang pag-akyat sa mataas na pader, at hinding-hindi niya iyon kakayanin. Kaya nagsikap siyang palalimin ang pag-ibig niya sa Diyos at sa kapuwa. Inisip niyang kakaunting panahon na lang ang natitira, at hiniling niya kay Jehova na patindihin pa ang kaniyang kagustuhang mangaral. Napaglabanan niya ang takot at naging regular pioneer pa nga. Matutulungan din ni Jehova ang mga baguhang mamamahayag na ‘lumakas ang loob.’ Tingnan natin ang karanasan ng sister na si Tomoyo. Nang magbahay-bahay siya, sinigawan siya ng una niyang nakausap: “Hindi ako tumatanggap ng mga Saksi ni Jehova!” at biglang isinara ang pinto. Sinabi ni Tomoyo sa kapartner niya: “Narinig mo ’yon? Wala pa ’kong sinasabi, alam na niyang Saksi ni Jehova ako. Nakakatuwa, ’di ba?” Regular pioneer na ngayon si Tomoyo.

MAGKAROON NG DISIPLINA SA SARILI

15. Ano ang disiplina sa sarili, at bakit ito mahalaga sa mga Kristiyano?

15 May disiplina sa sarili ang mahuhusay na mangingisda. Ang disiplina sa sarili ay “ang kakayahang mapilit ang sarili na gawin ang mga bagay na dapat gawin.” Dapat disiplinahin ng mga mangingisda ang kanilang sarili na gumising nang maaga, tapusin ang pangingisda, at patuloy na gawin ito kahit masama ang panahon. Kailangan din natin ang disiplina sa sarili para makapagtiis at matapos ang gawain natin.​—Mat. 10:22.

16. Paano tayo magkakaroon ng disiplina sa sarili?

16 Hindi namamana ang disiplina sa sarili. Sa halip, natural sa mga tao na gawin ang mga bagay-bagay nang hindi sila mahihirapan. Para magkaroon ng disiplina sa sarili, kailangang kontrolado natin ang ating sarili. Kaya kailangan natin ng tulong para masanay ang ating sarili na gawin ang mga bagay-bagay kahit mahirap gawin ang mga ito. Ibinibigay ni Jehova ang tulong na iyan sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu.​—Gal. 5:22, 23.

17. Sa 1 Corinto 9:25-27, ano ang sinabi ni apostol Pablo na dapat niyang gawin para magkaroon ng disiplina sa sarili?

17 May disiplina sa sarili si apostol Pablo. Pero inamin niyang “binubugbog” niya ang kaniyang katawan para magawa ang tama. (Basahin ang 1 Corinto 9:25-27.) Pinapatibay niya ang iba na disiplinahin ang sarili nila at gawin ang lahat ng bagay “nang disente at maayos.” (1 Cor. 14:40) Dapat tayong magkaroon ng disiplina sa sarili para mapanatili ang magandang rutin sa espirituwal, kasama na ang regular na pakikibahagi sa makasagisag na gawaing pangingisda.​—Gawa 2:46.

KUMILOS NA NGAYON

18. Paano tayo magiging matagumpay sa paningin ni Jehova?

18 Masasabing matagumpay ang isang mangingisda kapag marami siyang nahuhuli. Pero iba naman pagdating sa pangangaral. Hindi ito paramihan ng naaakay sa organisasyon ng Diyos. (Luc. 8:11-15) Hangga’t patuloy tayong nangangaral ng mabuting balita at nagtuturo sa iba, matagumpay tayo sa paningin ni Jehova. Bakit? Dahil sinusunod natin siya at ang kaniyang Anak.​—Mar. 13:10; Gawa 5:28, 29.

19-20. Ano pa ang isang dahilan para mangaral na ngayon?

19 Sa ilang bansa, may mga buwan lang na puwedeng mangisda. Sa mga bansang iyon, baka lalong nag-aapura ang isang mangingisda kapag malapit nang matapos ang mga buwan ng pangingisda. Bilang mangingisda ng tao, ito ang isa pang dahilan para mangaral na ngayon: Napakalapit nang magwakas ang sistemang ito! Kakaunting panahon na lang ang natitira para sa nagliligtas-buhay na gawaing ito. Huwag nang maghintay ng magandang pagkakataon bago makibahagi rito.​—Ecles. 11:4.

20 Kumilos na ngayon! Mahalin ang iyong ginagawa, dagdagan pa ang iyong kaalaman sa Bibliya, lakasan ang iyong loob, at magkaroon ng disiplina sa sarili. Sumama sa mahigit walong milyong mangingisda ng tao, at makakaramdam ka ng kagalakan mula kay Jehova. (Neh. 8:10) Maging determinado na lubusang makibahagi sa pangangaral hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawaing ito. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang tatlong paraan para mapatibay ang ating determinasyon na makibahagi sa pangangaral ng Kaharian bilang mangingisda ng tao.

AWIT 66 Ihayag ang Mabuting Balita

^ par. 5 Inanyayahan ni Jesus ang mga mapagpakumbaba at masisipag na mangingisda para maging alagad niya. Sa ngayon, nag-aanyaya pa rin si Jesus ng mga taong may ganoon ding mga katangian para maging mangingisda ng tao. Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang kailangang gawin ng mga Bible study na nag-aalangang tanggapin ang paanyaya ni Jesus.

^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang pananalitang “mangingisda ng tao” ay tumutukoy sa lahat ng nangangaral ng mabuting balita at nagtuturo sa iba para maging alagad ni Kristo.

^ par. 10 Tingnan ang artikulong “Magturo ng Katotohanan” sa Bantayan, Oktubre 2018, p. 11-16.