Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 43

Si Jehova ang Nangunguna sa Organisasyon Niya

Si Jehova ang Nangunguna sa Organisasyon Niya

“‘Hindi sa pamamagitan ng hukbong militar, o sa pamamagitan ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.”​—ZAC. 4:6.

AWIT 40 Tayo Ba’y Kanino?

NILALAMAN *

1. Ano ang dapat na patuloy na gawin ng mga bautisadong Kristiyano?

NABAUTISMUHAN ka na ba? Kung oo, ipinapakita nito na nananampalataya ka kay Jehova at gusto mong maglingkod kasama ng organisasyon niya. * Pero dapat mong patuloy na patibayin ang pananampalataya mo sa kaniya at magtiwala na ginagamit ni Jehova ang organisasyon niya sa ngayon.

2-3. Ano ang makikita natin sa paraan ng pangunguna ni Jehova sa organisasyon niya ngayon? Magbigay ng mga halimbawa.

2 Makikita natin sa paraan ng pangunguna ni Jehova sa organisasyon niya ngayon ang kaniyang mga katangian, layunin, at pamantayan. Talakayin natin ang tatlong katangian ni Jehova na makikita sa organisasyon niya.

3 Una, “hindi nagtatangi ang Diyos.” (Gawa 10:34) Dahil sa pag-ibig, ibinigay ni Jehova ang Anak niya “bilang pantubos para sa lahat.” (1 Tim. 2:6; Juan 3:16) Ginagamit ni Jehova ang mga lingkod niya para ipangaral ang mabuting balita sa lahat ng makikinig. Sa ganitong paraan, natutulungan niya ang marami na makinabang sa pantubos. Ikalawa, si Jehova ay Diyos ng kaayusan at kapayapaan. (1 Cor. 14:33, 40) Kaya inaasahan na ang mga mananamba niya ay nagkakaisa at organisadong naglilingkod sa kaniya. Ikatlo, si Jehova ang “Dakilang Tagapagturo.” (Isa. 30:20, 21) Kaya nakapokus ang organisasyon niya sa pagtuturo ng kaniyang Salita, sa kongregasyon man o sa ministeryo. Paano ipinakita ng kongregasyong Kristiyano noon ang tatlong katangiang ito ni Jehova? Paano ito ipinakita ng mga lingkod niya sa modernong panahon? At paano ka matutulungan ng banal na espiritu habang naglilingkod kasama ng organisasyon ni Jehova sa ngayon?

HINDI NAGTATANGI ANG DIYOS

4. Sa Gawa 1:8, ano ang iniutos ni Jesus sa mga tagasunod niya, at anong tulong ang matatanggap nila?

4 Noong unang siglo. Ang mensaheng ipinangaral ni Jesus ay nagbigay ng pag-asa sa lahat. (Luc. 4:43) Iniutos niya sa mga tagasunod niya na ipagpatuloy ang gawaing sinimulan niya—magpatotoo “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Basahin ang Gawa 1:8.) Siyempre, hindi nila ito magagawa sa sarili nilang lakas. Kailangan nila ng banal na espiritu—ang “katulong” na ipinangako sa kanila ni Jesus.​—Juan 14:26; Zac. 4:6.

5-6. Paano tinulungan ng banal na espiritu ang mga tagasunod ni Jesus?

5 Ang mga tagasunod ni Jesus ay tumanggap ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. Sa tulong nito, agad silang nakapangaral, at di-nagtagal, libo-libo ang tumanggap sa mabuting balita. (Gawa 2:41; 4:4) Nang pag-usigin ang mga alagad, hindi sila nagpadala sa takot kundi umasa sa tulong ng Diyos. Nanalangin sila kay Jehova: “Tulungan mo ang iyong mga alipin na patuloy na ihayag ang iyong salita nang walang takot.” Pagkatapos, napuspos sila ng banal na espiritu at patuloy nilang ‘inihayag nang walang takot ang salita ng Diyos.’—Gawa 4:18-20, 29, 31.

6 May iba pang problemang napaharap sa mga alagad ni Jesus. Halimbawa, kaunti lang ang kopya ng Kasulatan noon. Wala ring pantulong sa pag-aaral, gaya ng mayroon tayo sa ngayon. At iba-iba ang wika ng mga taong pangangaralan nila. Pero nagawa pa rin ng masisipag na alagad ang isang bagay na parang imposible—sa loob lang ng mga 30 taon, naipangaral nila ang mabuting balita “sa lahat ng nilalang sa buong lupa.”​—Col. 1:6, 23.

7. Mahigit 100 taon na ang nakakalipas, paano nalaman ng mga lingkod ni Jehova kung ano ang gustong ipagawa sa kanila ng Diyos, at paano nila ito ginawa?

7 Sa modernong panahon. Patuloy pa ring pinapatnubayan at pinapalakas ni Jehova ang mga lingkod niya ngayon. Pangunahin niyang ginagamit ang Bibliya, na isinulat sa tulong ng banal na espiritu. Mababasa natin dito ang tungkol sa ministeryo ni Jesus at ang utos na ipagpatuloy ng mga tagasunod niya ang gawaing sinimulan niya. (Mat. 28:19, 20) Sinabi ng The Watch Tower noong Hulyo 1881: “Hindi tayo tinawag, ni pinahiran upang tumanggap ng karangalan at mag-impok ng kayamanan, kundi upang ibigay ang lahat ng ating panahon at lakas, at upang ipangaral ang mabuting balita.” Sinabi ng buklet na To Whom the Work Is Entrusted, na inilathala noong 1919: “Waring gabundok ang gawain, pero ito’y sa Panginoon, at sa tulong niya’y magagawa natin iyon.” Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, nagtiwala ang mga kapatid na ito sa tulong ng banal na espiritu, at lakas-loob nilang naipangaral ang mabuting balita sa lahat ng uri ng tao. Patuloy rin tayong nagtitiwala sa tulong ng banal na espiritu ngayon.

Ginagamit ng organisasyon ni Jehova ang pinakaepektibong mga tool para maipangaral ang mabuting balita (Tingnan ang parapo 8-9)

8-9. Ano-ano ang ginamit ng organisasyon ni Jehova para maipangaral pa ang mabuting balita?

8 Ginagamit ng organisasyon ni Jehova ang pinakaepektibong mga tool para maipangaral ang mabuting balita—gaya ng mga inimprentang publikasyon, “Photo-Drama of Creation,” ponograpo, sound car, programa sa radyo, at ng pinakabagong teknolohiya, tulad ng computer at Internet. Ang organisasyon ng Diyos ay nagsasalin din sa pinakamaraming wika. Bakit? Para marinig ng lahat ng uri ng tao ang mabuting balita ng Kaharian sa sarili nilang wika. Hindi nagtatangi si Jehova; inihula niya na ang mabuting balita ay ipapangaral “sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.”​—Apoc. 14:6, 7.

9 Paano naman ang mga nakatira sa mga lugar na mahirap mapasok, baka dahil mahigpit ang seguridad sa apartment nila? Para mapangaralan sila, gumamit ang organisasyon ni Jehova ng iba’t ibang paraan ng pagpapatotoo sa publiko. Halimbawa, noong 2001, inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang paggamit ng cart at iba pang displey ng literatura sa France. Di-nagtagal, ginamit na rin ito sa iba pang lugar, at napakaganda ng resulta. Noong 2011, sinimulan ang isang bagong paraan ng pangangaral sa United States sa isa sa pinakaabalang lugar sa New York City. Sa unang taon nito, 102,129 na aklat at 68,911 magasin ang naipamahagi. At 4,701 ang gustong magpa-Bible study! Kitang-kita rito ang tulong ng banal na espiritu. Kaya inaprobahan ng Lupong Tagapamahala ang paggamit ng mga displey ng literatura sa buong mundo.

10. Paano tayo magiging mas mahusay sa ministeryo?

10 Ang puwede mong gawin. Samantalahin ang pagsasanay na inilalaan ni Jehova sa mga pulong. Regular na sumama sa pangangaral ng grupo ninyo. Matutulungan ka nila na maging mas mahusay sa ministeryo, at mapapatibay ka sa mahusay na halimbawa nila. Patuloy na mangaral kahit maraming problema. Gaya ng sinasabi ng temang teksto, magagawa natin ang kalooban ng Diyos, hindi sa sarili nating lakas, kundi dahil sa banal na espiritu. (Zac. 4:6) Tiyak na tutulungan tayo ni Jehova dahil sa kaniya ang gawaing ito.

SI JEHOVA AY DIYOS NG KAAYUSAN AT KAPAYAPAAN

11. Ano ang ginawa ng lupong tagapamahala noong unang siglo para mapanatili ang kaayusan sa bayan ng Diyos?

11 Noong unang siglo. Ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ay nagkaisa para mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Diyos. (Gawa 2:42) Halimbawa, noong mga 49 C.E., nang bumangon ang isyu tungkol sa pagtutuli, pinag-usapan ito ng lupong tagapamahala sa patnubay ng banal na espiritu. Kung hindi nagkaisa ang kongregasyon sa isyung ito, apektado ang gawaing pangangaral. Kahit Judio ang mga apostol at matatandang lalaki, hindi sila naimpluwensiyahan ng tradisyong Judio o ng mga tagapagtaguyod nito. Umasa sila sa Salita ng Diyos at sa patnubay ng banal na espiritu. (Gawa 15:1, 2, 5-20, 28) Kaya pinagpala ni Jehova ang desisyon nila, napanatili ang kapayapaan at pagkakaisa, at patuloy nilang naipangaral ang mabuting balita.​—Gawa 15:30, 31; 16:4, 5.

12. Bakit natin masasabi na may kaayusan at kapayapaan sa organisasyon ni Jehova sa ngayon?

12 Sa modernong panahon. Dahil sa organisasyon ni Jehova, napapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa bayan ng Diyos. Ang Nobyembre 15, 1895 na isyu ng Zion’s Watch Tower and Herald of Christ’s Presence ay may artikulong “Angkop at May Kaayusan,” na batay sa 1 Corinto 14:40. Ayon sa artikulo: “Marami ang sinabi ng mga apostol sa unang [Simbahan] tungkol sa kaayusan . . . Mahalaga na sunding mabuti ‘ang mga bagay na isinulat noon para matuto tayo.’” (Roma 15:4) Talagang pinagsisikapan ng organisasyon ni Jehova ngayon na mapanatili ang kaayusan at kapayapaan, gaya ng mga Kristiyano noon. Halimbawa, saanmang kongregasyon o bansa ka dumalo ng Pag-aaral sa Bantayan, iisa lang ang tinatalakay at paraan ng pagtalakay. Kaya komportable ka agad! Ang pagkakaisang iyan ay dahil lang sa espiritu ng Diyos.​—Zef. 3:9, tlb.

13. Kaayon ng Santiago 3:17, ano ang dapat nating itanong sa sarili?

13 Ang puwede mong gawin. Gusto ni Jehova na mapanatili ng bayan niya “ang kapayapaan para maingatan ang pagkakaisang dulot ng espiritu.” (Efe. 4:1-3) Kaya tanungin ang sarili: ‘Nakakatulong ba ako para mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon? Masunurin ba ako sa mga nangunguna? Maaasahan ba ako, lalo na kung may pribilehiyo ako sa kongregasyon? Nasa oras ba ako, matulungin, at handang maglingkod?’ (Basahin ang Santiago 3:17.) Kapag nakita mong may kailangan ka pang pasulungin, manalangin para sa banal na espiritu. Mapapahusay nito ang iyong personalidad at pagkilos, kaya mas mamahalin ka at pahahalagahan ng mga kapatid.

TINUTURUAN TAYO NI JEHOVA AT IBINIBIGAY ANG KAILANGAN NATIN

14. Ayon sa Colosas 1:9, 10, paano tinuruan ni Jehova ang bayan niya noong unang siglo?

14 Noong unang siglo. Gustong-gusto ni Jehova na turuan ang bayan niya. (Awit 32:8) Gusto niya na makilala nila siya at mahalin, at gusto niya na mabuhay sila magpakailanman bilang minamahal niyang mga anak. Magiging imposible ang mga ito kung hindi niya sila tinuturuan. (Juan 17:3) Ginamit ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo para turuan ang bayan niya. (Basahin ang Colosas 1:9, 10.) Malaki rin ang nagawa rito ng banal na espiritu—ang “katulong” na ipinangako ni Jesus. (Juan 14:16) Dahil sa banal na espiritu, mas naunawaan ng mga alagad ang Salita ng Diyos, at ipinaalala nito sa kanila ang mga sinabi at ginawa ni Jesus, na nang maglaon ay napaulat sa mga Ebanghelyo. Kaya napatibay ang pananampalataya ng mga Kristiyano noon, pati na ang pag-ibig nila sa Diyos, sa kaniyang Anak, at sa isa’t isa.

15. Paano mo nakikitang natutupad ang pangako ni Jehova na nasa Isaias 2:2, 3?

15 Sa modernong panahon. Inihula ni Jehova na “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay dadagsa sa kaniyang “bundok,” o sasama sa mga tunay na mananamba niya, para maturuan tungkol sa kaniyang mga daan. (Basahin ang Isaias 2:2, 3.) Natutupad ngayon ang hulang iyan. Nakikita natin na nakakahigit ang tunay na pagsamba kaysa sa anumang uri ng huwad na pagsamba. At napakaraming espirituwal na pagkain ang inilalaan ni Jehova! (Isa. 25:6) Ginagamit niya ang “tapat at matalinong alipin” para ilaan ang lahat ng ito. Natatanggap natin ang mga ito sa iba’t ibang paraan, gaya ng mga artikulo, pahayag, digital animation, at video. (Mat. 24:45) Sang-ayon tayo sa sinabi ng kaibigan ni Job na si Elihu: “Sino ang tagapagturong gaya [ng Diyos]?”—Job 36:22.

Maging kumbinsido na ito ang katotohanan, at isabuhay ang natututuhan mo (Tingnan ang parapo 16) *

16. Ano ang puwede mong gawin para sumulong sa espirituwal?

16 Ang puwede mong gawin. Matutulungan ka ng espiritu ng Diyos na isabuhay ang nababasa at napag-aaralan mo sa Bibliya. Manalangin gaya ng salmista, na nagsabi: “O Jehova, turuan mo ako tungkol sa iyong daan. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Tulungan mo akong matakot sa pangalan mo nang buong puso.” (Awit 86:11) Kaya patuloy na samantalahin ang espirituwal na pagkain na inilalaan ni Jehova gamit ang kaniyang Salita at organisasyon. Pero huwag lang basta kumuha ng kaalaman; dapat na maging kumbinsido ka na ito ang katotohanan, at isabuhay ito. Matutulungan ka ng espiritu ni Jehova na magawa iyan. Patibayin mo rin ang mga kapatid. (Heb. 10:24, 25) Bakit? Dahil pamilya mo sila. Hingin ang tulong ng espiritu ng Diyos para makapagbigay ka ng taos-pusong mga komento sa pulong at para maibigay mo ang buong makakaya mo kapag may bahagi ka. Sa paggawa nito, maipapakita mo kay Jehova at sa Anak niya na mahal mo ang kanilang mga “tupa.”​—Juan 21:15-17.

17. Paano mo maipapakita na sinusuportahan mo ang organisasyon ni Jehova?

17 Malapit nang mawala ang lahat ng organisasyon sa lupa, maliban sa organisasyong pinapatnubayan ng espiritu ng Diyos. Kaya makipagtulungan sa organisasyon ni Jehova. Para matularan ang Diyos na hindi nagtatangi, mangaral sa lahat ng tao. Para ipakitang mahalaga rin sa iyo ang kaayusan at kapayapaan, panatilihin ang pagkakaisa sa kongregasyon. At makinig sa iyong Dakilang Tagapagturo—samantalahin ang saganang espirituwal na pagkain na inilalaan niya. Sa gayon, kapag pinuksa na ang sistema ni Satanas, hindi ka matatakot. Sa halip, lakas-loob kang tatayo kasama ang tapat na mga lingkod ni Jehova.

AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas

^ par. 5 Kumbinsido ka bang si Jehova ang nangunguna sa organisasyon niya ngayon? Tatalakayin natin sa artikulong ito kung paano pinatnubayan ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano noon at kung paano niya iyan patuloy na ginagawa sa bayan niya ngayon.

^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang organisasyon ni Jehova ay may makalangit na bahagi at makalupang bahagi. Sa artikulong ito, ang salitang “organisasyon” ay tumutukoy sa makalupang bahagi.

^ par. 52 LARAWAN: Isang payunir na sister ang nanonood ng video tungkol sa paglilingkod sa ibang bansa na mas malaki ang pangangailangan. Nakakita rin siya ng iba na nakagawa na nito, at napakilos siya na tularan ang halimbawa nila. Di-nagtagal, naabot niya ang tunguhin niya na maglingkod sa gayong teritoryo.