Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 47

Patuloy Ka Bang Magpapaakay sa Tamang Landas?

Patuloy Ka Bang Magpapaakay sa Tamang Landas?

“Bilang panghuli, mga kapatid, patuloy kayong magsaya, magpaakay sa tamang landas.”​—2 COR. 13:11.

AWIT 54 “Ito ang Daan”

NILALAMAN *

1. Ayon sa Mateo 7:13, 14, bakit masasabing tayo ay nasa isang paglalakbay?

TAYONG lahat ay nasa isang paglalakbay. Ang ating destinasyon, o tunguhin, ay ang mabuhay sa bagong sanlibutan sa ilalim ng maibiging pamamahala ni Jehova. Araw-araw tayong nagsisikap na lumakad sa landas patungo sa buhay. Pero gaya ng sabi ni Jesus, makitid ang daang iyon at kung minsan, mahirap lakaran. (Basahin ang Mateo 7:13, 14.) Hindi tayo perpekto, kaya madali tayong malihis sa landas na iyon.​—Gal. 6:1.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito? (Tingnan din ang kahong “ Kailangan ang Kapakumbabaan Para Makagawa ng Pagbabago.”)

2 Kung gusto nating manatili sa makitid na daang papunta sa buhay, dapat na handa nating baguhin ang ating pag-iisip, ugali, at mga ginagawa. Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na patuloy na “magpaakay sa tamang landas.” (2 Cor. 13:11) Ang payong iyan ay para din sa atin. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano makakatulong ang Bibliya para makagawa tayo ng mga pagbabago at kung paano makakatulong ang mabubuting kaibigan para makapanatili tayo sa landas patungo sa buhay. Tatalakayin din natin kung kailan puwedeng maging mahirap sundin ang tagubilin ng organisasyon ni Jehova. Makikita natin kung paano makakatulong sa atin ang kapakumbabaan para makapagbago pero masaya pa rin sa paglilingkod kay Jehova.

HAYAANG ITUWID KA NG SALITA NG DIYOS

3. Paano ka matutulungan ng Salita ng Diyos?

3 Hindi madaling malaman kung ano talaga ang iniisip natin at nararamdaman. Mapandaya ang puso, kaya mahihirapan tayong malaman kung saan tayo nito aakayin. (Jer. 17:9) Madali nating madaya ang ating sarili ng “maling pangangatuwiran.” (Sant. 1:22) Kaya dapat nating gamitin ang Salita ng Diyos para suriin ang ating sarili. Sa tulong nito, malalaman natin kung sino talaga tayo at kung ano ang “mga kaisipan at intensiyon” ng puso natin. (Heb. 4:12, 13) Ang Salita ng Diyos ay parang X-ray machine, na nakakatulong para makita ang mga bagay na hindi nakikita. Pero dapat tayong maging mapagpakumbaba para masunod natin ang payo ng Bibliya o ng mga kinatawan ng Diyos.

4. Ano ang nagpapakita na naging mayabang si Haring Saul?

4 Makikita sa ginawa ni Haring Saul kung ano ang puwedeng mangyari kapag hindi tayo mapagpakumbaba. Dahil sa sobrang kayabangan ni Saul, hindi niya maamin, kahit sa sarili niya, na kailangang baguhin ang kaniyang pag-iisip at mga ginagawa. (Awit 36:1, 2; Hab. 2:4) Kitang-kita ito nang sabihin ni Jehova kay Saul ang dapat nitong gawin matapos talunin ang mga Amalekita. Sinuway ni Saul ang utos na iyon ni Jehova. At nang komprontahin siya ni propeta Samuel, hindi tinanggap ni Saul na nagkamali siya. Ikinatuwiran niyang maliit na bagay lang iyon at ipinasa ang sisi sa iba. (1 Sam. 15:13-24) May nagawa na ring ganiyan si Saul noon. (1 Sam. 13:10-14) Nakakalungkot, hinayaan niyang maging mapagmataas siya. Hindi niya itinuwid ang pag-iisip niya, kaya sinaway siya ni Jehova at itinakwil.

5. Ano ang matututuhan natin sa nangyari kay Saul?

5 Ayaw nating maging gaya ni Saul, kaya tanungin ang sarili: ‘Kapag nakakabasa ako ng payo mula sa Salita ng Diyos, nangangatuwiran ba akong hindi para sa akin ito? Iniisip ko bang hindi naman talaga masama ang ginagawa ko? Isinisisi ko ba sa iba ang mga ginagawa ko?’ Kung oo ang sagot natin sa isa sa mga tanong na iyan, dapat nating baguhin ang ating pag-iisip at ugali. Kung hindi, puwede tayong maging napakamapagmataas at itatakwil tayo ni Jehova bilang kaibigan niya.​—Sant. 4:6.

6. Ano ang pagkakaiba ni Haring Saul at ni Haring David?

6 Pansinin ang pagkakaiba ni Haring Saul at ng kapalit niyang si Haring David, isang lalaking sumusunod sa “kautusan ni Jehova.” (Awit 1:1-3) Alam ni David na inililigtas ni Jehova ang mga mapagpakumbaba pero laban Siya sa mga mapagmataas. (2 Sam. 22:28) Kaya hinayaan ni David na baguhin ng kautusan ng Diyos ang pag-iisip niya. Sinabi niya: “Pupurihin ko si Jehova, na nagpapayo sa akin. Kahit sa gabi, itinutuwid ako ng kaloob-looban ng aking isip.”​—Awit 16:7.

SALITA NG DIYOS

Nagbababala ito sa atin kapag nalilihis tayo ng landas. Kung mapagpakumbaba tayo, hinahayaan nating ituwid nito ang mga maling iniisip natin (Tingnan ang parapo 7)

7. Ano ang gagawin natin kung mapagpakumbaba tayo?

7 Kung mapagpakumbaba tayo, hahayaan nating ituwid ng Salita ng Diyos ang mga maling iniisip natin bago pa natin magawa ang mga iyon. Para bang sinasabi nito sa atin: “Ito ang daan. Lumakad kayo rito.” Magbababala ito sa atin kapag nalilihis tayo ng landas. (Isa. 30:21) Kung makikinig tayo kay Jehova, makikinabang tayo sa maraming paraan. (Isa. 48:17) Halimbawa, hindi natin mararanasang mapahiya dahil kailangan pa tayong ituwid ng iba. Mas mapapalapít din tayo kay Jehova dahil alam nating itinuturing niya tayo na mga anak niya.​—Heb. 12:7.

8. Ayon sa Santiago 1:22-25, paano natin magagamit ang Salita ng Diyos bilang salamin?

8 Ang Salita ng Diyos ay puwedeng maging salamin para sa atin. (Basahin ang Santiago 1:22-25.) Karamihan sa atin ay nananalamin tuwing umaga bago umalis ng bahay. Kaya nakikita na natin ang mga kailangang ayusin bago pa ito makita ng iba. Kapag binabasa natin ang Bibliya araw-araw, nakikita rin natin ang mga dapat nating baguhin sa ating pag-iisip at ugali. Nakakatulong sa marami ang pagbabasa ng pang-araw-araw na teksto tuwing umaga bago sila umalis ng bahay. Hinahayaan nila itong makaimpluwensiya sa kanilang pag-iisip. At sa buong maghapon, sinisikap nilang sundin ang payo ng Bibliya. Dapat din nating pag-aralan at laging isipin ang Salita ng Diyos araw-araw. Parang simple lang ito, pero napakahalaga nito para manatili tayo sa makitid na daan papunta sa buhay.

MAKINIG SA MABUBUTING KAIBIGAN

MABUBUTING KAIBIGAN

Baka babalaan tayo ng isang mabuting kaibigan. Nagpapasalamat ba tayo dahil naglakas-loob siyang kausapin tayo? (Tingnan ang parapo 9)

9. Bakit kailangan kang ituwid kung minsan ng kaibigan mo?

9 Muntik na bang masira ang kaugnayan mo kay Jehova? (Awit 73:2, 3) Kung lakas-loob kang itinuwid ng kaibigan mo, nakinig ka ba sa payo niya? Kung oo, tama ang ginawa mo, at siguradong ipinagpapasalamat mo ang ginawa ng kaibigan mo.​—Kaw. 1:5.

10. Ano ang dapat mong gawin kapag itinuwid ka ng kaibigan mo?

10 Sinasabi ng Bibliya: “Ang mga sugat na dulot ng isang kaibigan ay tanda ng katapatan.” (Kaw. 27:6) Ano ang ibig sabihin nito? Para ilarawan, isiping patawid ka sa isang kalsada na maraming dumadaang sasakyan pero bigla kang napatingin sa cellphone mo. Paghakbang mo, bigla kang hinila sa braso ng kaibigan mo. Nagkapasâ ka dahil sa higpit ng pagkakahawak niya, pero hindi ka naman nasagasaan. Kahit ilang araw na masakit ang braso mo, sasamâ ba ang loob mo dahil hinila ka ng kaibigan mo? Siyempre hindi! Ipagpapasalamat mo pa nga iyon. Ganiyan din kapag sinabihan ka ng kaibigan mo na labag sa pamantayan ng Diyos ang sinasabi o ginagawa mo. Baka masaktan ka sa simula. Pero huwag sasamâ ang loob mo. Hindi tama iyon. (Ecles. 7:9) Sa halip, magpasalamat ka dahil naglakas-loob ang kaibigan mo na kausapin ka.

11. Bakit may mga hindi tumatanggap ng payo mula sa isang kaibigan?

11 Bakit may mga hindi tumatanggap ng payo mula sa isang nagmamalasakit na kaibigan? Dahil sa pride. Gustong-gusto ng mga taong ma-pride na ‘kinikiliti ang mga tainga nila.’ At ‘hindi sila nakikinig sa katotohanan.’ (2 Tim. 4:3, 4) Ang taas ng tingin nila sa sarili nila. Pero sinabi ni apostol Pablo: “Kung iniisip ng sinuman na mahalaga siya pero hindi naman, nililinlang niya ang sarili niya.” (Gal. 6:3) Napakaganda ng paliwanag dito ni Haring Solomon: “Mas mabuti ang batang mahirap pero marunong kaysa sa haring matanda na pero mangmang at hindi na nakikinig sa babala.”​—Ecles. 4:13.

12. Ano ang matututuhan natin kay apostol Pedro sa Galacia 2:11-14?

12 Isipin ang ginawa ni apostol Pedro nang ituwid siya ni apostol Pablo sa harap ng iba. (Basahin ang Galacia 2:11-14.) Kung ang tiningnan ni Pedro ay kung paano at kung saan siya pinagsabihan ni Pablo, puwede sanang sumamâ ang loob niya. Pero marunong si Pedro. Tinanggap niya ang payo, at hindi siya nagtanim ng galit kay Pablo. Tinawag pa nga niya si Pablo na ‘minamahal na kapatid.’—2 Ped. 3:15.

13. Ano ang mga dapat nating isipin kapag nagpapayo?

13 Kung sa tingin mo ay kailangan mong payuhan ang isang kaibigan, ano ang dapat mong isipin? Bago mo siya kausapin, tanungin muna ang iyong sarili, ‘Nagiging “sobrang matuwid” ba ako?’ (Ecles. 7:16) Ang mapagmatuwid na tao ay nanghuhusga hindi batay sa mga pamantayan ni Jehova kundi batay sa opinyon niya, at posibleng hindi siya maawain. Kung sa tingin mo ay talagang kailangan mong kausapin ang kaibigan mo, malinaw na banggitin sa kaniya kung ano ang problema. Gumamit ng mga tanong na tutulong sa kaniyang makita ang pagkakamali niya. Siguraduhin mong batay sa Bibliya ang sinasabi mo. Tandaan, hindi sa iyo mananagot ang kaibigan mo kundi kay Jehova. (Roma 14:10) Umasa sa karunungan ng Salita ng Diyos, at kapag nagpapayo, maging maawain gaya ni Jesus. (Kaw. 3:5; Mat. 12:20) Bakit? Dahil kung paano natin pinapakitunguhan ang iba, ganoon din tayo papakitunguhan ni Jehova.​—Sant. 2:13.

SUNDIN ANG TAGUBILIN NG ORGANISASYON NG DIYOS

ORGANISASYON NG DIYOS

Naglalaan ito ng mga publikasyon, video, at mga pulong na tutulong sa ating masunod ang mga payo sa Bibliya. Kung minsan, gumagawa ng mga pagbabago ang Lupong Tagapamahala may kinalaman sa gawain natin (Tingnan ang parapo 14)

14. Ano ang inilalaan sa atin ng organisasyon ng Diyos?

14 Ginagabayan tayo ni Jehova sa daang papunta sa buhay sa pamamagitan ng makalupang bahagi ng organisasyon niya. Naglalaan ito ng mga video, publikasyon, at mga pulong na tutulong sa ating lahat na masunod ang mga payo sa Bibliya. Ang impormasyon dito ay batay sa Bibliya. Kapag nagdedesisyon ang Lupong Tagapamahala kung paano isasagawa sa pinakamahusay na paraan ang pangangaral, umaasa sila sa banal na espiritu. Pero regular pa rin nilang binabalikan ang mga desisyon nila para makita kung kailangan nilang gumawa ng mga pagbabago. Bakit? Dahil “ang eksena sa sanlibutang ito ay nagbabago,” at dapat makibagay ang organisasyon ng Diyos sa mga bagong sitwasyon.​—1 Cor. 7:31.

15. Ano ang nagiging problema ng ilang kapatid?

15 Madali tayong sumunod pagdating sa mga tagubilin ng Bibliya tungkol sa doktrina o moralidad. Pero paano kung ang ginawang pagbabago ng organisasyon ng Diyos ay magkakaroon ng malaking epekto sa buhay natin? Halimbawa, nitong nakaraang mga taon, tumaas nang husto ang gastusin sa pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall. Kaya itinagubilin ng Lupong Tagapamahala na hangga’t maaari, ang Kingdom Hall ay magamit ng mas maraming kongregasyon. Dahil dito, may mga kongregasyon na pinagsama, at ipinagbili ang ilang Kingdom Hall. Ang perang naipon ay ginagamit para magtayo ng mga Kingdom Hall kung saan kailangang-kailangan ang mga ito. Kung nakatira ka sa isang lugar na may mga Kingdom Hall na ipinagbili at mga kongregasyon na pinagsama, baka manibago ka. May mga kapatid na kailangan na ngayong magbiyahe nang malayo para makadalo sa pulong. Ang iba naman na nagkaroon ng malaking bahagi sa pagtatayo o pagmamantini ng isang Kingdom Hall ay baka nagtataka kung bakit ito ipinagbili. Baka isipin nilang nasayang lang ang panahon at pagod nila dito. Pero tinanggap pa rin nila ang bagong kaayusang ito at dapat silang komendahan.

16. Paano makakatulong ang Colosas 3:23, 24 para manatili tayong masaya?

16 Mananatili tayong masaya kung iisipin natin na ang ginagawa natin ay para kay Jehova at na siya ang gumagabay sa organisasyon niya. (Basahin ang Colosas 3:23, 24.) Magandang halimbawa ang ipinakita ni Haring David nang mag-abuloy siya para itayo ang templo. Sinabi niya: “Sino ako at ang bayan ko para makapagbigay ng kusang-loob na mga handog na gaya nito? Dahil galing sa iyo ang lahat ng bagay, at ibinigay namin sa iyo ang galing sa sarili mong kamay.” (1 Cro. 29:14) Kapag nagbibigay tayo ng donasyon, ibinabalik lang natin kay Jehova ang galing sa kaniya. Pero pinapahalagahan pa rin ni Jehova ang panahon, lakas, at pag-aari na ibinibigay natin para suportahan ang gawain niya.​—2 Cor. 9:7.

MANATILI SA MAKITID NA DAAN

17. Bakit hindi ka dapat masiraan ng loob kung sa tingin mo ay may kailangan kang baguhin?

17 Para makapanatili tayo sa makitid na daang papunta sa buhay, dapat nating sundang mabuti ang mga yapak ni Jesus. (1 Ped. 2:21) Kung sa tingin mo ay may kailangan kang baguhin, huwag masiraan ng loob. Magandang senyales pa nga iyan, na nagpapakitang gusto mong sundin ang tagubilin ni Jehova. Tandaan na hindi inaasahan ni Jehova na perpekto nating matutularan si Jesus dahil hindi tayo perpekto.

18. Ano ang dapat nating gawin para maabot ang ating tunguhin?

18 Magpokus sana tayo sa hinaharap at maging handang baguhin ang ating pag-iisip, ugali, at mga ginagawa. (Kaw. 4:25; Luc. 9:62) Manatili tayong mapagpakumbaba, ‘patuloy na magsaya at magpaakay sa tamang landas.’ (2 Cor. 13:11) Sa paggawa nito, “ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan ay [sasaatin].” At hindi lang tayo makakarating sa ating destinasyon, mae-enjoy pa natin ang paglalakbay.

AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat

^ par. 5 Nahihirapan ang ilan sa atin na baguhin ang ating pag-iisip, ugali, at mga ginagawa. Ipapaliwanag sa artikulong ito kung bakit kailangan nating lahat na gumawa ng mga pagbabago at kung paano tayo mananatiling masaya habang ginagawa ito.

^ par. 76 LARAWAN: Habang ikinukuwento ng nakababatang brother ang nangyari sa kaniya dahil sa maling desisyon, kalmado namang nakikinig ang nakatatandang brother (nasa kanan) para malaman kung kailangan niya itong payuhan.