Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 51

‘Inililigtas ni Jehova ang mga Nasisiraan ng Loob’

‘Inililigtas ni Jehova ang mga Nasisiraan ng Loob’

“Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.”​—AWIT 34:18.

AWIT 30 Aking Kaibigan, Diyos, at Ama

NILALAMAN *

1-2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

KUNG minsan, baka naiisip natin kung gaano kaikli ang buhay at na ito ay “punô ng problema.” (Job 14:1) Kaya normal lang na masiraan tayo ng loob paminsan-minsan. Ganiyan din ang naramdaman ng ilang lingkod ni Jehova noon. Gusto pa ngang mamatay ng ilan. (1 Hari 19:2-4; Job 3:1-3, 11; 7:15, 16) Pero lagi silang pinapatibay at pinapalakas ni Jehova—ang Diyos na pinagtitiwalaan nila. Ang mga ulat tungkol sa kanila ay inirekord para mapatibay tayo at matuto.​—Roma 15:4.

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang ilang lingkod ni Jehova na nagkaroon ng mga problemang nakakasira ng loob—ang anak ni Jacob na si Jose, ang biyudang si Noemi at ang manugang niyang si Ruth, ang Levita na sumulat ng Awit 73, at si apostol Pedro. Paano sila pinalakas ni Jehova? At ano ang matututuhan natin sa kanila? Ang sagot sa mga tanong na iyan ay tumitiyak sa atin na “si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan” at “inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.”​—Awit 34:18.

DUMANAS SI JOSE NG PAGMAMALUPIT AT KAWALANG-KATARUNGAN

3-4. Ano ang nangyari kay Jose noong kabataan pa siya?

3 Mga 17 anyos si Jose nang magkaroon siya ng dalawang panaginip mula sa Diyos. Ipinapakita ng mga ito na darating ang araw, si Jose ay magkakaroon ng posisyon na igagalang ng pamilya niya. (Gen. 37:5-10) Pero di-nagtagal, may di-magagandang nangyari sa buhay niya. Imbes na igalang, ibinenta siya ng mga kapatid niya para maging alipin. Napunta siya sa bahay ng isang opisyal sa Ehipto na si Potipar. (Gen. 37:21-28) Biglang nagbago ang buhay ni Jose—mula sa pagiging paboritong anak ng kaniyang ama tungo sa pagiging alipin ni Potipar, na hindi nakakakilala kay Jehova.​—Gen. 39:1.

4 Pero lalo pang bumigat ang problema ni Jose. Inakusahan siya ng asawa ni Potipar ng tangkang panghahalay. Ipinabilanggo siya ni Potipar nang hindi muna nag-iimbestiga at ikinadena. (Gen. 39:14-20; Awit 105:17, 18) Isipin na lang kung ano ang naramdaman ni Jose nang akusahan siya ng tangkang panghahalay. At isipin din na posibleng nadungisan ang pangalan ni Jehova dahil dito. Talagang may dahilan si Jose para masiraan ng loob!

5. Paano nakayanan ni Jose ang pagkasira ng loob?

5 Nang maging alipin si Jose at pagkaraan ay nabilanggo, wala siyang magagawa para baguhin ang sitwasyon niya. Ano ang nakatulong sa kaniya na maging positibo? Imbes na magpokus sa mga bagay na hindi niya magawa, ibinuhos niya ang lakas niya sa trabahong ibinigay sa kaniya. Higit sa lahat, lagi niyang inuuna si Jehova sa buhay niya. Kaya naman pinagpala ni Jehova ang lahat ng ginagawa ni Jose.​—Gen. 39:21-23.

6. Paano posibleng napatibay si Jose ng mga panaginip niya?

6 Posibleng napapatibay din si Jose kapag iniisip niya ang mga napanaginipan niya noon. Ipinapakita ng mga iyon na makikita niya ulit ang pamilya niya at gaganda ang sitwasyon niya. At iyon nga ang nangyari. Noong mga 37 anyos si Jose, nagsimulang matupad ang mga panaginip niya sa kahanga-hangang paraan!—Gen. 37:7, 9, 10; 42:6, 9.

7. Ayon sa 1 Pedro 5:10, ano ang makakatulong sa atin para makayanan ang mga problema?

7 Mga aral para sa atin. Ipinapaalala nito sa atin na malupit ang mundong ito at daranas tayo ng kawalang-katarungan. Baka masaktan pa nga tayo ng isang kapatid. Pero kung ituturing natin si Jehova bilang ating Bato, o Kanlungan, hindi tayo masisiraan ng loob o hihinto sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 62:6, 7; basahin ang 1 Pedro 5:10.) Tandaan din na baka mga 17 anyos si Jose nang magkaroon siya ng mga panaginip mula kay Jehova. Kitang-kitang nagtitiwala si Jehova sa mga kabataang lingkod niya. Sa ngayon, maraming kabataan ang gaya ni Jose. Matibay din ang pananampalataya nila kay Jehova. Nabilanggo pa nga ang ilan sa kanila dahil nananatili silang tapat sa Diyos.​—Awit 110:3.

DALAWANG BABAENG LUNGKOT NA LUNGKOT

8. Ano ang nangyari kina Noemi at Ruth?

8 Dahil sa matinding taggutom, iniwan ni Noemi at ng pamilya niya ang tirahan nila sa Juda at nandayuhan sa Moab. Namatay doon ang asawa ni Noemi na si Elimelec, at naiwan sa kaniya ang dalawa nilang anak na lalaki. Nakapag-asawa ang mga ito ng mga Moabita, sina Ruth at Orpa. Pagkalipas ng mga 10 taon, namatay din ang mga anak ni Noemi; walang naging anak ang mga ito. (Ruth 1:1-5) Siguradong lungkot na lungkot ang tatlong babae! Siyempre, makakapag-asawa pa sina Ruth at Orpa. Pero sino na ang mag-aalaga sa nagkakaedad na si Noemi? Sa sobrang lungkot ni Noemi, nasabi niya: “Huwag ninyo akong tawaging Noemi. Tawagin ninyo akong Mara, dahil hinayaan ng Makapangyarihan-sa-Lahat na maging mapait ang buhay ko.” Kaya bumalik si Noemi sa Betlehem, at sumama sa kaniya si Ruth.​—Ruth 1:7, 18-20.

Pinatunayan ng Diyos kina Noemi at Ruth na matutulungan niya ang mga mananamba niya na makayanan ang pagkasira ng loob at lungkot. Magagawa rin niya iyan sa iyo (Tingnan ang parapo 8-13) *

9. Ayon sa Ruth 1:16, 17, 22, paano pinatibay ni Ruth si Noemi?

9 Tapat na pag-ibig ang nakatulong kay Noemi. Nagpakita si Ruth ng tapat na pag-ibig kay Noemi nang hindi niya ito iwan. (Basahin ang Ruth 1:16, 17, 22.) Sa Betlehem, nagtrabaho nang husto si Ruth sa pamumulot ng uhay ng sebada para sa kanilang dalawa ni Noemi. Kaya nakita ng lahat na si Ruth ay isang mahusay at masipag na babae.​—Ruth 3:11; 4:15.

10. Paano nagpakita si Jehova ng pag-ibig sa mahihirap na gaya nina Noemi at Ruth?

10 Nagbigay si Jehova ng batas sa Israel na nagpapakitang nagmamalasakit siya sa mahihirap na gaya nina Noemi at Ruth. Sinabi niya sa bayan niya na kapag umaani sila, hindi nila dapat gapasin ang lahat ng nasa gilid ng bukid nila para may maiwan sa mahihirap. (Lev. 19:9, 10) Kaya hindi kailangang mamalimos ng pagkain sina Noemi at Ruth. Puwede silang makakuha nito nang hindi nawawala ang kanilang dignidad.

11-12. Ano ang ginawa ni Boaz na nagpasaya kina Noemi at Ruth?

11 Ang may-ari ng bukid na pinagkukunan ni Ruth ng sebada ay ang mayamang si Boaz. Hangang-hanga si Boaz sa katapatan at pagmamahal ni Ruth sa biyenan nitong si Noemi kaya tinubos niya ang mana ng pamilya nila at kinuha si Ruth bilang asawa. (Ruth 4:9-13) Naging anak nila si Obed, na naging lolo ni Haring David.​—Ruth 4:17.

12 Isipin na lang kung gaano kasaya si Noemi habang karga ang sanggol na si Obed at nagpapasalamat kay Jehova! Pero magiging mas masaya pa sina Noemi at Ruth kapag binuhay silang muli at nalaman nilang si Obed ay naging ninuno ng Ipinangakong Mesiyas na si Jesu-Kristo!

13. Anong mahahalagang aral ang matututuhan natin sa ulat tungkol kina Noemi at Ruth?

13 Mga aral para sa atin. Kapag may pinagdadaanan tayong mga problema, baka masiraan tayo ng loob o manghina pa nga. Baka wala tayong nakikitang solusyon sa mga problema natin. Sa ganitong mga sitwasyon, dapat tayong lubusang magtiwala sa ating Ama sa langit at manatiling malapít sa ating mga kapatid. Siyempre, hindi laging inaalis ni Jehova ang problema. Halimbawa, hindi niya binuhay-muli ang namatay na asawa at mga anak ni Noemi. Pero tutulungan niya tayong makayanan iyon, kung minsan, sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig na ipinapakita ng mga kapatid.​—Kaw. 17:17.

ISANG LEVITA NA MUNTIK NANG HUMINTO SA PAGLILINGKOD KAY JEHOVA

Muntik nang huminto sa paglilingkod kay Jehova ang manunulat ng Awit 73 nang makita niyang mukhang nagtatagumpay ang mga hindi naglilingkod kay Jehova. Puwede ring mangyari iyan sa atin (Tingnan ang parapo 14-16)

14. Bakit sobrang nasiraan ng loob ang isang Levita?

14 Isang Levita ang manunulat ng Awit 73, kaya may pribilehiyo siyang maglingkod sa lugar ng pagsamba kay Jehova. Pero minsan, sobra siyang nasiraan ng loob. Bakit? Nainggit kasi siya sa masasama at mayayabang, hindi dahil sa gusto niya ring gumawa ng masama kundi dahil mas maganda ang buhay nila. (Awit 73:2-9, 11-14) Parang nasa kanila na ang lahat—kayamanan, maalwang buhay, at walang problema. Nang makita ito ng Levita, sobra siyang nasiraan ng loob kaya nasabi niya: “Talagang walang saysay na pinanatili kong malinis ang puso ko at hinugasan ko ang mga kamay ko para ipakitang wala akong kasalanan.” Malinaw na nalagay sa alanganin ang kaugnayan niya kay Jehova.

15. Ayon sa Awit 73:16-19, 22-25, paano nakayanan ng Levitang sumulat ng awit na ito ang pagkasira ng loob?

15 Basahin ang Awit 73:16-19, 22-25. “Pumasok [ang Levita] sa maringal na santuwaryo ng Diyos.” Doon, kasama ang kaniyang mga kapuwa mananamba, naging kalmado siya, nakapag-isip nang mabuti, at naipanalangin ang sitwasyon niya. Dahil dito, nakita niya na mali ang iniisip niya at na unti-unti na siyang napapalayo kay Jehova. Nakita rin niya na ang masasama ay nasa “madulas na lugar” at magkakaroon sila ng “kakila-kilabot na wakas.” Para maalis ang inggit at pagkasira ng loob ng salmistang Levita, dapat niyang tularan ang pananaw ni Jehova. Nang gawin niya iyon, napanatag na siya at naging masaya. Sinabi niya: “Bukod [kay Jehova] ay wala na akong iba pang kailangan sa lupa.”

16. Ano ang matututuhan natin sa Levita?

16 Mga aral para sa atin. Hinding-hindi natin dapat kainggitan ang masasama na mukhang nag-e-enjoy sa buhay. Pansamantala lang ang sayáng nararanasan nila at wala silang pag-asang buhay na walang hanggan. (Ecles. 8:12, 13) Kung maiinggit tayo sa kanila, masisiraan lang tayo ng loob at baka masira pa nga ang kaugnayan natin kay Jehova. Kaya kung nakikita mong mukhang nagtatagumpay ang masasama at naiinggit ka, gayahin ang Levita. Sundin ang payo ng Diyos at makipagsamahan sa iba pang gumagawa ng kalooban ni Jehova. Kapag si Jehova ang pinakamahalaga sa iyo, magiging tunay na maligaya ka. At mananatili ka sa landas na papunta sa “tunay na buhay.”​—1 Tim. 6:19.

NASIRAAN NG LOOB SI PEDRO DAHIL SA MGA KAHINAAN NIYA

Makakayanan natin ang pagkasira ng loob at matutulungan ang iba kung pag-iisipan natin kung paano ito nakayanan ni Pedro at nakapagpokus sa paglilingkod sa Diyos (Tingnan ang parapo 17-19)

17. Bakit nasiraan ng loob si Pedro?

17 Napakasigasig ni apostol Pedro; pero nagiging padalos-dalos din siya, at kung minsan, hindi niya pinag-iisipan ang sinasabi niya. Kaya may mga nasasabi siya o nagagawa na pinagsisisihan niya sa bandang huli. Halimbawa, nang sabihin ni Jesus sa mga apostol niya na magdudusa siya at mamamatay, sinaway siya ni Pedro at sinabi: “Hindi iyan kailanman mangyayari sa iyo.” (Mat. 16:21-23) Itinuwid ni Jesus si Pedro. Nang dumating ang mga aaresto kay Jesus, naging padalos-dalos si Pedro at natagpas niya ang tainga ng alipin ng mataas na saserdote. (Juan 18:10, 11) Itinuwid ulit ni Jesus si Pedro. Bukod diyan, ipinagmalaki ni Pedro na kahit iwan si Kristo ng iba pang apostol, hinding-hindi niya gagawin iyon! (Mat. 26:33) Pero nagkamali si Pedro. Nang gabi ring iyon, nadaig siya ng takot sa tao at ikinaila niya ang Panginoon niya nang tatlong beses. Sobrang nasiraan ng loob si Pedro kaya “lumabas siya at humagulgol.” (Mat. 26:69-75) Siguradong naisip niya kung mapapatawad pa siya ni Jesus.

18. Paano tinulungan ni Jesus si Pedro na makayanan ang pagkasira ng loob?

18 Pero hindi hinayaan ni Pedro na madaig siya ng pagkasira ng loob. Pagkatapos ng pagkakamaling iyon, patuloy siyang naglingkod kay Jehova kasama ng iba pang apostol. (Juan 21:1-3; Gawa 1:15, 16) Ano ang nakatulong sa kaniya? Naalala ni Pedro na ipinanalangin ni Jesus na huwag manghina ang pananampalataya niya at na hinimok siya ni Jesus na bumalik at palakasin ang kaniyang mga kapatid. Sinagot ni Jehova ang taos-pusong panalanging iyon. Nagpakita rin si Jesus kay Pedro, malamang para patibayin siya. (Luc. 22:32; 24:33, 34; 1 Cor. 15:5) Nagpakita rin si Jesus sa lahat ng apostol matapos silang mangisda nang buong magdamag at walang nahuli. Nang panahong iyon, binigyan ni Jesus si Pedro ng pagkakataong sabihin sa kaniya kung gaano niya siya kamahal. Pinatawad ni Jesus ang mahal niyang kaibigan at pinagkatiwalaan siya ng higit pang gawain.​—Juan 21:15-17.

19. Ayon sa Awit 103:13, 14, ano ang tingin sa atin ni Jehova kapag nagkakasala tayo?

19 Mga aral para sa atin. Kitang-kita sa pakikitungo ni Jesus kay Pedro na napakamaawain ni Jesus, gaya ng kaniyang Ama. Kaya kapag nagkakamali tayo, huwag isiping hindi na tayo mapapatawad ni Jehova. Tandaan na si Satanas ang may gustong mag-isip tayo nang ganiyan. Sa halip, dapat nating isipin na mahal tayo ni Jehova at alam niya ang mga limitasyon natin at na gusto niya tayong patawarin. At dapat natin siyang tularan kapag may nakasakit sa atin.​—Basahin ang Awit 103:13, 14.

20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Tinitiyak sa atin ng halimbawa ni Jose, nina Noemi at Ruth, ng Levita, at ni Pedro na “si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan.” (Awit 34:18) Pinapahintulutan niyang dumanas tayo ng mga problema at masiraan ng loob kung minsan. Pero kapag nalalampasan natin ang mga problema sa tulong ni Jehova, tumitibay ang pananampalataya natin. (1 Ped. 1:6, 7) Sa susunod na artikulo, makikita natin kung paano pa tinutulungan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya na nasisiraan ng loob, posibleng dahil sa kanilang kahinaan o mga pinagdadaanan.

AWIT 7 Jehova, Aming Lakas

^ par. 5 Si Jose, sina Noemi at Ruth, ang isang Levita, at si apostol Pedro ay nagkaroon ng mga problemang nakasira ng loob nila. Sa artikulong ito, makikita natin kung paano sila pinatibay at pinalakas ni Jehova. Tatalakayin din natin kung ano ang matututuhan natin sa kanila at kung paano sila maibiging tinulungan ng Diyos.

^ par. 56 LARAWAN: Nalungkot at nasiraan ng loob sina Noemi, Ruth, at Orpa dahil sa pagkamatay ng kani-kanilang asawa. Nang maglaon, masayang-masaya sina Ruth, Noemi, at Boaz nang isilang si Obed.