Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ibigay ang Buong Makakaya sa Atas Mo!

Ibigay ang Buong Makakaya sa Atas Mo!

ANO ang mararamdaman mo kapag nakatanggap ka ng isang nakakaantig na liham mula sa isang mabuting kaibigan? Nakatanggap ng ganiyang liham ang alagad na si Timoteo mula kay apostol Pablo, isang liham na kilala natin ngayon bilang ang aklat ng Bibliya na 2 Timoteo. Siguradong naghanap agad si Timoteo ng isang tahimik na lugar para basahin ang liham na iyon ng kaniyang mahal na kaibigan. Siguro iniisip ni Timoteo: ‘Kumusta na kaya si Pablo? May payo kaya siya sa akin tungkol sa atas ko? Makakatulong kaya ang liham na ito sa ministeryo ko at sa pagtulong sa iba?’ Gaya ng makikita natin, nalaman ni Timoteo sa mahalagang liham na iyon ang sagot sa mga tanong na iyan at marami pang iba. Pero sa artikulong ito, ilang magagandang payo lang na mababasa sa liham na iyon ang tatalakayin natin.

“TINITIIS KO ANG LAHAT NG BAGAY”

Sa umpisa pa lang ng sulat, damang-dama na agad ni Timoteo ang pagmamalasakit sa kaniya ni Pablo. Tinawag siya ni Pablo na “isang anak na minamahal.” (2 Tim. 1:2) Posibleng mahigit 30 anyos na si Timoteo nang matanggap niya ang liham na iyon noong mga 65 C.E., at isa na siyang makaranasang elder noon. Mahigit 10 taon silang magkasama ni Pablo at marami siyang natutuhan sa kaniya.

Siguradong napatibay nang husto si Timoteo nang malaman niyang pinagtitiisan ni Pablo nang may katapatan ang mga paghihirap nito. Nakatanikala si Pablo sa bilangguan sa Roma at malapit nang patayin. (2 Tim. 1:15, 16; 4:6-8) Kitang-kita ni Timoteo ang lakas ng loob ng apostol nang sabihin nito: “Tinitiis ko ang lahat ng bagay.” (2 Tim. 2:8-13) Gaya ni Timoteo, mapapatibay din tayo sa napakagandang halimbawa ng pagtitiis ni Pablo.

“PANINGASIN MONG TULAD NG APOY ANG REGALO”

Pinasigla ni Pablo si Timoteo na ituring na isang napakahalagang atas ang paglilingkod niya sa Diyos. Gusto ni Pablo na ‘paningasin ni Timoteo na tulad ng apoy ang regalo ng Diyos’ na tinanggap niya. (2 Tim. 1:6) Ginamit ni Pablo ang salitang Griego na khaʹri·sma para sa “regalo.” Pangunahin nang tumutukoy ito sa isang walang bayad at di-sana-nararapat na regalo, isang bagay na hindi pinagpaguran. Natanggap ni Timoteo ang regalong ito nang atasan siyang maglingkod sa kongregasyon sa natatanging paraan.​—1 Tim. 4:14.

Ano ang dapat gawin ni Timoteo sa regalong ito? Habang binabasa niya ang pananalitang “paningasin mong tulad ng apoy,” posibleng naiisip niya ang apoy na ginagamit noon sa bahay na kung minsan ay nagiging nagbabagang uling na lang. Kailangang paningasin ang mga uling na iyon para umapoy at mas uminit. Ayon sa isang diksyunaryo, ang pandiwang Griego (a·na·zo·py·reʹo) na ginamit ni Pablo ay nangangahulugang “gatungan, paningasin, paypayan para umapoy,” at sa makasagisag na paraan, nangangahulugan ito na “maging masigasig sa gawain.” Para bang sinasabi ni Pablo kay Timoteo: ‘Ibigay mo ang iyong buong makakaya sa atas mo!’ Ganiyan din ang dapat nating gawin ngayon—maging masigasig sa paglilingkod.

“BANTAYAN MO ANG KAYAMANANG ITO NA IPINAGKATIWALA SA IYO”

Habang binabasa ni Timoteo ang liham na iyon, nakita niya ang isa pang sinabi ni Pablo na tutulong sa kaniya para magtagumpay sa ministeryo: “Sa pamamagitan ng banal na espiritu na nasa atin, bantayan mo ang kayamanang ito na ipinagkatiwala sa iyo.” (2 Tim. 1:14) Anong kayamanan ang ipinagkatiwala kay Timoteo? Sa naunang talata, binanggit ni Pablo ang “kapaki-pakinabang na mga salita,” ang katotohanang nasa Kasulatan. (2 Tim. 1:13) Bilang ministrong Kristiyano, dapat ituro ni Timoteo ang katotohanan sa kongregasyon at sa mga tao sa teritoryo. (2 Tim. 4:1-5) Inatasan din si Timoteo bilang elder para magpastol sa kawan ng Diyos. (1 Ped. 5:2) Mababantayan ni Timoteo ang ipinagkatiwala sa kaniya—ang katotohanang dapat niyang ituro—kung aasa siya sa banal na espiritu ni Jehova at sa Kaniyang Salita.​—2 Tim. 3:14-17.

Sa ngayon, ipinagkatiwala rin sa atin ang katotohanan na dapat nating ituro sa iba. (Mat. 28:19, 20) Mapapanatili natin ang pagpapahalaga dito kung patuloy tayong mananalangin at regular na mag-aaral ng Bibliya. (Roma 12:11, 12; 1 Tim. 4:13, 15, 16) Baka may karagdagan tayong atas na maglingkod nang buong panahon o bilang elder sa kongregasyon. Dahil sa ipinagkatiwalang iyan, nagiging mapagpakumbaba tayo at umaasa sa tulong ng Diyos. Kaya mababantayan natin o mapoprotektahan ang ipinagkatiwala sa atin kung papahalagahan natin ito at aasa sa tulong ni Jehova para mapangalagaan ito.

“IPAGKATIWALA MO ANG MGA ITO SA MGA TAPAT”

Ang atas na tinanggap ni Timoteo ay hindi lang para sa kaniya kundi para din sa iba. Kaya naman hinimok ni Pablo si Timoteo: “Kung tungkol sa mga bagay na narinig mo sa akin . . . , ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga tapat, na magiging lubusan ding kuwalipikado na magturo sa iba.” (2 Tim. 2:2) Oo, may matututuhan si Timoteo sa mga kapatid at dapat din niyang ituro sa kanila ang mga natutuhan niya. Mahalagang pagsikapan din itong gawin ng bawat tagapangasiwa sa kongregasyon. Hindi sinasarili ng isang mahusay na tagapangasiwa ang nalalaman niya tungkol sa isang atas. Sa halip, itinuturo niya ito sa iba para magawa rin nila iyon. Hindi siya natatakot na baka mahigitan nila siya. Kaya hindi lang niya basta ituturo ang isang trabaho, kundi tutulungan din niya sila na magkaroon ng mahusay na pagpapasiya at kaunawaan para sumulong sila sa espirituwal. Sa paggawa nito, magiging malaking pagpapala sa kongregasyon ang “tapat” na mga lalaking tinuruan niya.

Siguradong pinahalagahan ni Timoteo ang nakakaantig na liham na iyon ni Pablo. Malamang na paulit-ulit niyang binabasa ang mahahalagang payo at pinag-iisipan kung paano niya ito magagawa sa atas niya.

Gusto rin nating sundin ang payong iyan. Paano? Puwede nating pagsikapang paningasing tulad ng apoy ang regalo ng Diyos, bantayan ang ipinagkatiwala sa atin, at ituro sa iba ang lahat ng nalalaman natin. Sa paggawa niyan, gaya ng sinabi ni Pablo kay Timoteo, ‘maisasagawa natin nang lubusan ang ating ministeryo.’—2 Tim. 4:5.