TALAMBUHAY
Natutuhan Naming Huwag Hindian si Jehova
DAHIL sa bagyo, lumakas ang agos ng tubig sa ilog na may kasamang putik at malalaking bato. Kailangan naming tumawid sa kabilang pampang, pero sinira ng malakas na agos ng tubig ang tulay. Takot na takot kami ng asawa kong si Harvey, pati na ang kasama naming interpreter ng wikang Amis. Habang nakatingin sa amin ang mga nag-aalalang brother sa kabilang pampang, nagsimula na kaming tumawid. Una, isinakay namin ang aming maliit na kotse sa likod ng medyo malaking trak. Pagkatapos, para hindi mahulog ang kotse namin dahil hindi ito nakatali o nakakadena, dahan-dahang tinawid ng trak ang rumaragasang ilog. Parang walang katapusan ang pagtawid namin. Pero nakatawid naman kami nang ligtas, at siyempre, panay ang panalangin namin. Nangyari iyan noong 1971. Nasa silangang baybayin kami ng Taiwan, na libo-libong milya ang layo mula sa bansa kung saan kami ipinanganak. Ikukuwento ko sa inyo ang buhay namin.
NATUTONG IBIGIN SI JEHOVA
Panganay si Harvey sa apat na magkakapatid na lalaki. Nalaman ng pamilya nila ang katotohanan sa Midland Junction, Western Australia, sa panahong bagsak ang ekonomiya ng bansa noong 1930’s. Natutuhan ni Harvey na ibigin si Jehova at nagpabautismo siya sa edad na 14. Di-nagtagal, natutuhan niya ring huwag tanggihan ang mga atas sa kongregasyon. Noong bata pa siya, tinanggihan niya ang pagbabasa ng Bantayan sa pulong dahil inisip niyang hindi siya kuwalipikado. Pero sinabi ng brother kay Harvey, “Kapag hinilingan ka ng isang brother sa organisasyon ni Jehova na gawin ang isang bagay, iniisip niyang kuwalipikado ka!”—2 Cor. 3:5.
Nalaman ko ang katotohanan sa England, ganoon din si Nanay at si Ate. Noong una, ayaw ni Tatay sa mga Saksi. Pero nang maglaon, naging Saksi na rin siya. Kahit ayaw niya, nagpabautismo pa rin ako noong nine years old ako. Tunguhin kong magpayunir at pagkatapos ay maging misyonera. Pero ayaw ni Tatay na magpayunir ako hangga’t wala pa akong 21. Ayokong maghintay nang ganoon katagal. Kaya sa edad na 16, pumunta ako sa Australia para tumira sa ate ko, na lumipat sa bansang iyon. At pumayag naman si Tatay. Nang mag-18 ako, nagpayunir na ako.
Nakilala ko si Harvey sa Australia. Pareho naming gustong maglingkod kay Jehova bilang mga misyonero. Nagpakasal kami noong 1951. Pagkatapos ng dalawang-taóng pagpapayunir, inatasan kami sa gawaing pansirkito. Sakop ng aming sirkito ang malaking bahagi ng Western Australia, kaya madalas kaming magbiyahe sa tuyot at malalayong lugar.
NATUPAD ANG PANGARAP NAMIN
Noong 1954, inimbitahan kami na mag-aral sa ika-25 klase ng Gilead. Abot-kamay na namin ang aming pangarap na maging misyonero! Dumating kami sa New York sakay ng barko at sinimulan namin ang malalim na pag-aaral ng Bibliya. Bahagi ng curriculum namin ang pag-aaral ng wikang Spanish, na napakahirap para kay Harvey dahil hindi niya masyadong mabigkas ang letrang r.
Sa aming klase, sinabi ng mga instructor namin na kung gusto naming maglingkod sa Japan, magpalista kami sa isang Japanese-language class. Hindi kami nagpalista dahil gusto namin na ang organisasyon ni Jehova ang pumili ng atas namin. Napansin ito ni Albert Schroeder, isa sa mga instructor ng Gilead. Sinabi niya sa amin: “Pag-isipan n’yo pa rin.” Nang hindi pa rin kami nagpalista, sinabi ni Brother Schroeder: “Inilista na namin kayo. Subukan ninyong mag-aral ng Japanese.” Natutuhan agad ito ni Harvey.
Nang dumating kami sa Japan noong 1955, ang mamamahayag sa buong bansa ay 500 lang. Si Harvey ay 26 noon at ako naman ay 24. Inatasan kami sa daungang lunsod ng Kobe, at naglingkod kami doon nang apat na taon. Pagkatapos, inanyayahan ulit kami sa gawaing paglalakbay, at naglingkod kami malapit sa lunsod ng Nagoya. Gustong-gusto namin ang aming atas—ang mga kapatid, ang pagkain, ang tanawin. Pero di-nagtagal, nagkaroon na naman kami ng pagkakataong huwag hindian si Jehova.
BAGONG ATAS, BAGONG HAMON
Pagkatapos ng tatlong taon sa gawaing paglalakbay, tinanong kami ng sangay sa Japan kung gusto naming pumunta sa Taiwan para maglingkod sa mga katutubong Amis. Nagkaroon doon ng apostasya, at nangailangan ang Taiwan ng isang brother na mahusay mag-Japanese para makatulong sa pag-aasikaso sa problema. * Gustong-gusto namin ang aming atas sa Japan, kaya nahirapan kaming magdesisyon. Pero natutuhan ni Harvey na huwag kailanman tanggihan ang atas, kaya pumayag kami.
Nang dumating kami sa Taiwan noong Nobyembre 1962, may 2,271 mamamahayag doon, na karamihan ay Amis. Pero kailangan muna naming mag-aral ng Chinese. Isang textbook lang ang hawak namin at hindi marunong mag-Ingles ang teacher namin, pero natuto pa rin kami.
Di-nagtagal, pagdating sa Taiwan, inatasan si Harvey bilang lingkod ng sangay. Dahil maliit lang ang sangay, nagagawa ni Harvey ang mga responsibilidad niya sa opisina at nakakapaglingkod pa rin nang hanggang tatlong linggo bawat buwan sa mga kapatid na Amis. Paminsan-minsan, naglilingkod din siya bilang tagapangasiwa ng distrito at nagbibigay ng mga pahayag sa mga asamblea. Puwede sanang sa wikang Japanese magpahayag si Harvey at maiintindihan iyon ng mga kapatid na Amis. Pero papayag lang ang gobyerno na magdaos ng mga relihiyosong pagtitipon kung gagawin ito sa wikang Chinese. Kahit mahirap para kay Harvey, nagpahayag siya sa wikang Chinese habang iniinterpret naman ito ng isang brother sa wikang Amis.
Martial law noon sa Taiwan, kaya kailangan pang humingi ng permit ang mga brother para makapagdaos ng mga asamblea. Mahirap kumuha ng permit noon, at madalas na hindi agad ito inaasikaso ng mga pulis. Kapag hindi pa ibinibigay ang permit para sa linggong iyon ng asamblea, nakaupo lang si Harvey sa istasyon ng pulis at hindi umaalis hangga’t hindi niya iyon nakukuha. Dahil nahihiya ang mga pulis na may naghihintay na foreigner sa istasyon nila, ibinibigay agad nila ang permit.
ANG UNA KONG PAG-AKYAT SA BUNDOK
Sa mga panahong kasama namin ang mga kapatid, karaniwan nang naglalakad kami nang isang oras o higit pa, na umaakyat sa mga bundok at tumatawid sa mga ilog. Tanda ko pa ang unang pag-akyat ko sa bundok. Sandali lang kaming nag-almusal noon para maabutan namin ang bus na aalis nang 5:30 n.u. papunta sa malayong nayon. Pagkatapos, tumawid kami ng ilog at umakyat ng bundok. Sa sobrang tarik ng bundok, kapantay na ng mata ko ang mga paa ng sinusundan kong brother.
Nang umagang iyon, kasama ni Harvey sa ministeryo ang ilang brother na tagaroon at ako naman ay mag-isang nagpapatotoo sa isang maliit na nayon kung saan nakatira ang mga taong nagsasalita ng Japanese. Noong mga ala-una na, nakakaramdam na ako ng hilo dahil ilang oras na akong hindi pa kumakain. Nang magkita kami ni Harvey, mag-isa lang siya. Ipinagpalit niya ang ilang magasin para sa tatlong hilaw na itlog ng manok. Ipinakita niya sa akin kung paano ito kakainin. Gumawa siya ng maliit na butas sa magkabilang dulo ng itlog at saka ito hinigop. Kahit parang nakakasuka, sinubukan ko pa rin. Pero kanino kaya mapupunta ang ikatlong itlog? Sa akin, kasi hindi ako mabubuhat ni Harvey pababa ng bundok kapag hinimatay ako sa gutom.
KAKAIBANG PALILIGO
Sa isang circuit assembly, nagkaroon ako ng kakaibang karanasan. Tumuloy kami sa bahay ng isang brother sa tabi mismo ng Kingdom Hall. Napakaimportante sa mga Amis ang paliligo,
kaya ipinaghanda kami ng asawa ng circuit overseer ng mga gagamitin namin sa paliligo. Marami pang ginagawa si Harvey kaya sinabi niyang mauna na ako. Sa paliligo, mayroon silang tatlong timba: isang timba ng malamig na tubig, isang timba ng mainit na tubig, at isang timba na walang laman. Nagulat ako, kasi inilagay ng asawa ng circuit overseer ang mga timba sa labas ng bahay na kitang-kita mula sa Kingdom Hall kung saan naroroon ang mga brother na tumutulong sa paghahanda para sa assembly. Humingi ako sa kaniya ng pantabing. Transparent na plastik ang dala niya! Gusto ko sanang lumipat sa lilim sa likod ng bahay, pero may mga gansa doon na nanunuka kapag napalapit ka sa bakod nila. Naisip ko: ‘Napaka-busy ng mga brother kaya hindi nila mapapansing naliligo ako. At saka kung hindi ako maliligo, magagalit sila. Bahala na!’ Kaya naligo na rin ako.LITERATURA PARA SA MGA AMIS
Nakita ni Harvey na nahihirapang sumulong sa espirituwal ang mga brother na Amis kasi marami sa kanila ang hindi marunong bumasa at wala silang literatura. Isinusulat na noon sa Roman characters ang wikang Amis, kaya praktikal lang na turuang magbasa ang mga brother sa sarili nilang wika. Napakalaking trabaho nito, pero nang maglaon, nakakapag-aral na ang mga brother nang sila lang. Nagkaroon ng mga literatura sa wikang Amis noong mga huling taon ng 1960’s, at noong 1968, inilathala ang Bantayan sa wikang Amis.
Pero ipinagbawal ng gobyerno ang mga publikasyong hindi isinulat sa wikang Chinese. Kaya para maiwasan ang problema, inilathala sa iba’t ibang paraan ang Bantayan para sa mga Amis. Halimbawa, sa loob ng ilang panahon, ginamit namin ang edisyon ng Bantayan na isinulat sa dalawang wika, ang Mandarin at Amis. Para sa mga nagtatanong, parang tinuturuan lang namin ng wikang Chinese ang mga tagaroon. Mula noon, naglalaan na ang organisasyon ni Jehova ng maraming literatura sa wikang Amis para tulungan ang mga tao na matuto ng katotohanan sa Bibliya.—Gawa 10:34, 35.
PANAHON NG PAGLILINIS
Noong 1960’s at 1970’s, maraming brother na Amis ang hindi namumuhay ayon sa mga
pamantayan ng Diyos. Dahil hindi nila lubusang naiintindihan ang mga prinsipyo sa Bibliya, ang ilan ay namumuhay nang imoral, naglalasing, o gumagamit ng tabako at nganga. Dinalaw ni Harvey ang maraming kongregasyon para tulungan ang mga brother na maintindihan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay na ito. Doon namin naranasan, sa isa sa mga pagdalaw na iyon, ang sinabi ko sa umpisa ng artikulong ito.Handang magbago ang mga brother na mapagpakumbaba, pero nakakalungkot, marami ang ayaw. At ang mahigit 2,450 mamamahayag sa Taiwan ay naging mga 900 na lang sa loob ng 20 taon. Nakakalungkot talaga. Pero alam natin na hinding-hindi pagpapalain ni Jehova ang isang maruming organisasyon. (2 Cor. 7:1) Nang maglaon, inalis ang maruruming gawain, at dahil sa pagpapala ni Jehova, ang Taiwan ngayon ay mayroon nang mahigit 11,000 mamamahayag.
Mula noong 1980’s, nakita namin ang pagsulong ng mga kongregasyong Amis at marami nang panahon si Harvey para sa mga Chinese. Natutuwa siyang matulungang maging Saksi ang asawa ng ilang sister. Naalala kong sinabi niya kung gaano siya kasaya nang manalangin kay Jehova sa unang pagkakataon ang isa sa mga ito. Natutuwa rin ako na naturuan ko ang maraming tapat-puso na maging malapít kay Jehova. Nakasama ko pa nga sa paglilingkod sa sangay sa Taiwan ang dalawang anak ng dati kong Bible study.
ISANG MALUNGKOT NA PANGYAYARI
Nag-iisa na lang ako ngayon. Pagkatapos ng halos 59-na-taóng pagsasama, namatay ang mahal kong si Harvey noong Enero 1, 2010 dahil sa kanser. Halos 60 taon siya sa buong-panahong paglilingkod! Miss na miss ko pa rin siya. Pero masaya akong nakasama ko siya noon sa paglilingkod sa dalawang bansa. Natuto kaming magsalita ng dalawang mahihirap na wika ng Asia—at naisusulat pa nga ni Harvey ang mga wikang iyon.
Pagkalipas ng ilang taon, dahil nagkakaedad na ako, ipinasiya ng Lupong Tagapamahala na makakabuting bumalik na ako sa Australia. Ang unang pumasok sa isip ko, ‘Ayokong umalis sa Taiwan.’ Pero itinuro sa akin ni Harvey na huwag hindian ang organisasyon ni Jehova, kaya sumunod ako. Nang maglaon, nakita kong tama ang desisyon nila.
Sa ngayon, naglilingkod ako sa sangay sa Australasia mula Lunes hanggang Biyernes at naglilingkod kasama ng kongregasyon kapag weekend. Sa Bethel, natutuwa akong magamit ang mga wikang Japanese at Chinese kapag nagtu-tour guide ako. Pero pinapanabikan ko rin ang pagkabuhay-muli na ipinangako ni Jehova. Alam kong hindi niya malilimutan si Harvey na natutong huwag humindi sa kaniya.—Juan 5:28, 29.
^ par. 14 Chinese na ang opisyal na wika ng Taiwan, pero maraming taon ding naging opisyal na wika doon ang Japanese. Kaya marami pa ring katutubo sa Taiwan ang nagsasalita ng Japanese.