Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 10

May Maitutulong ang Lahat Para Magpabautismo ang mga Bible Study

May Maitutulong ang Lahat Para Magpabautismo ang mga Bible Study

‘Ang bawat bahagi ay nakatutulong para lumakas ang buong katawan.’—EFE. 4:16.

AWIT 85 Tanggapin ang Isa’t Isa

NILALAMAN *

1-2. Sino ang makakatulong sa isang Bible study para sumulong ito at magpabautismo?

“GUSTONG-GUSTO ko ang mga natututuhan ko sa pagba-Bible study,” ang sabi ni Amy na taga-Fiji. “Alam kong iyon ang katotohanan. Pero gumawa lang ako ng mga pagbabago at sumulong tungo sa bautismo nang makasama ko ang mga kapatid.” Makikita sa karanasan ni Amy ang mahalagang katotohanang ito: Malamang na sumulong ang isang Bible study at magpabautismo kapag tinulungan siya ng mga kapatid sa kongregasyon.

2 Makakatulong ang bawat mamamahayag para lumaki ang kongregasyon. (Efe. 4:16) Sinabi ng payunir na si Leilani, na taga-Vanuatu: “Sinasabing tulong-tulong ang buong nayon sa pagpapalaki ng isang bata. Tingin ko, ganiyan din sa paggawa ng mga alagad; madalas na tulong-tulong din ang kongregasyon para maakay ang isa sa katotohanan.” Ang mga miyembro ng pamilya, kaibigan, at guro ay may papel na ginagampanan para tulungan ang isang bata sa kaniyang paglaki. Pinapalakas nila ang loob ng bata at tinuturuan ng mahahalagang aral. Sa katulad na paraan, nagpapayo din ang mga mamamahayag, nagpapalakas ng loob, at nagpapakita ng magandang halimbawa sa mga Bible study na tutulong para sumulong ang mga ito at magpabautismo.​—Kaw. 15:22.

3. Ano ang natutuhan mo sa sinabi nina Ana, Dorin, at Leilani?

3 Bakit dapat tanggapin ng nagko-conduct ng Bible study ang tulong na maibibigay ng mga kapatid sa study niya? Pansinin ang sinabi ni Ana, isang special pioneer sa Moldova, “Napakahirap kung isang tao lang ang magbibigay ng lahat ng pangangailangan ng Bible study na nagsisimula nang sumulong.” Sinabi naman ni Dorin, isang special pioneer din sa bansang iyon, “Kadalasan, may nasasabi ang ibang mga kapatid na tumatagos sa puso ng Bible study, isang bagay na hindi ko man lang naisip.” Ganito naman ang dahilan ni Leilani, “Ang pagmamahal at malasakit na ipinapakita sa Bible study ay makakatulong para mapatunayan niyang tayo nga ang bayan ni Jehova.”​—Juan 13:35.

4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

4 Pero baka maisip mo, ‘Paano ako makakatulong sa isang Bible study kung hindi naman ako ang nagba-Bible study sa kaniya?’ Tingnan kung ano ang puwede nating gawin kapag isinama tayo sa pagba-Bible study at kapag dumadalo na sa pulong ang Bible study. Titingnan din natin kung paano makakatulong ang mga elder sa mga Bible study na sumulong at magpabautismo.

KAPAG KASAMA KA SA PAGBA-BIBLE STUDY

Kapag kasama ka sa pagba-Bible study, paghandaan ang pag-aaralan (Tingnan ang parapo 5-7)

5. Ano ang papel mo kapag isinama ka sa pagba-Bible study?

5 Pangunahing pananagutan ng may study na tulungan ang study niya na maunawaan ang Salita ng Diyos. Kapag isinama ka niya sa pagba-Bible study, dapat mong isiping kapartner ka niya. Ang papel mo ay suportahan siya. (Ecles. 4:9, 10) Ano-ano ang puwede mong gawin para makatulong ka sa pagba-Bible study?

6. Kung isasama ka sa pagba-Bible study, paano mo masusunod ang simulain sa Kawikaan 20:18?

6 Paghandaan ang pagba-Bible study. Una, hilingan ang may study na bigyan ka ng ideya tungkol sa study niya. (Basahin ang Kawikaan 20:18.) Puwede mong itanong: “Ano ang background ng Bible study mo? Anong paksa ang tatalakayin ninyo? Ano ang gusto mong matutuhan ngayon ng study mo? Mayroon ba akong dapat o di-dapat gawin o sabihin habang nagba-Bible study? Ano ang puwede kong gawin para mapasigla ang study mo na sumulong?” Siyempre, wala siyang sasabihing kompidensiyal na bagay. Pero makakatulong sa iyo ang sasabihin niya. Ganiyan ang pinag-uusapan ng misyonerang si Joy at ng mga nakakasama niya sa pagba-Bible study. Sinabi niya: “Nakakatulong ang pag-uusap na ito para maging interesado ang kasama ko sa Bible study ko at malaman kung ano ang ikokomento niya kapag nagba-Bible study.”

7. Bakit kailangan mong maghanda kapag isinasama ka sa pagba-Bible study?

7 Kapag isinama ka sa pag-i-study, makakabuting paghandaan mo ang pag-aaralan ninyo. (Ezra 7:10) Sinabi ni Dorin, ang brother na binanggit kanina: “Natutuwa ako kapag pinaghahandaan ng kasama ko ang pag-i-study. Kasi nakakapagbigay siya ng magagandang komento.” Malamang na mapansin din ng study na pareho kayong naghandang mabuti, at magandang halimbawa ito sa kaniya. Kung hindi ka makapaghandang mabuti, sikaping makita man lang ang mahahalagang punto.

8. Paano mo gagawing makabuluhan ang panalangin mo sa pag-i-study?

8 Mahalagang bahagi ng pag-i-study ang panalangin, kaya pag-isipan nang patiuna ang sasabihin mo sakaling hilingan kang manalangin. Sa paggawa nito, malamang na mas maging makabuluhan ang panalangin mo. (Awit 141:2) Tandang-tanda pa ni Hanae na taga-Japan ang panalangin ng isang sister na sumama sa nag-i-study sa kaniya. Sinabi niya: “Damang-dama ko na malapít siya kay Jehova, at gusto ko siyang tularan. Nakita ko rin ang malasakit niya nang banggitin niya ang pangalan ko sa panalangin.”

9. Ayon sa Santiago 1:19, ano ang puwede mong gawin para maging mahusay na kasama sa pag-i-study?

9 Suportahan ang may study. “Makakatulong ang isang kasama kung makikinig siyang mabuti sa pag-i-study,” ang sabi ni Omamuyovbi, isang special pioneer sa Nigeria. “Magaganda ang komento niya pero hindi siya salita nang salita, dahil alam niya na ang may study ang dapat manguna.” Paano mo malalaman kung kailan ka dapat magsalita at kung ano ang dapat mong sabihin? (Kaw. 25:11) Makinig nang mabuti habang nag-uusap ang dalawa. (Basahin ang Santiago 1:19.) Sa paggawa nito, malalaman mo kung kailan ka dapat tumulong. Siyempre, mag-iisip ka muna bago magsalita. Halimbawa, hindi ka magsasalita nang magsasalita, sisingit habang nagpapaliwanag ang may study, o magpapasok ng ibang paksa. Kahit maikli lang ang komento mo, ilustrasyon, o tanong, makakatulong ka na para maging malinaw ang punto. Kung minsan, baka wala kang gaanong masabi tungkol sa pinag-uusapan. Pero kung kokomendahan mo ang Bible study at magpapakita ng personal na interes sa kaniya, malaki ang maitutulong mo para sumulong siya.

10. Paano posibleng makatulong sa isang Bible study ang karanasan mo?

10 Ikuwento ang karanasan mo. Kung makakatulong, ikuwento nang maikli sa Bible study kung paano mo nalaman ang katotohanan, napagtagumpayan ang isang hamon, o nakitang tinulungan ka ni Jehova. (Awit 78:4, 7) Baka iyan lang ang kailangan niyang marinig para tumibay ang pananampalataya niya o mapasigla siyang patuloy na sumulong at magpabautismo. At baka makita niya kung paano makakayanan ang problema. (1 Ped. 5:9) Natatandaan pa ni Gabriel, na taga-Brazil at payunir ngayon, kung ano ang nakatulong sa kaniya noong ini-study pa siya. Sinabi niya: “Nang marinig ko ang karanasan ng mga kapatid, nalaman ko na nakikita ni Jehova ang mga problema natin. At kung napagtagumpayan nila ang mga iyon, kaya ko rin.”

KAPAG DUMALO NA SA PULONG ANG BIBLE STUDY

Lahat tayo ay puwedeng makapagpatibay sa study na patuloy na dumalo sa mga pulong (Tingnan ang parapo 11)

11-12. Bakit dapat nating malugod na tanggapin ang isang Bible study na dumalo sa pulong?

11 Para sumulong at magpabautismo ang isang Bible study, dapat siyang regular na dumalo sa mga pulong at makinabang sa mga ito. (Heb. 10:24, 25) Malamang na iimbitahan siya ng nag-i-study sa kaniya na dumalo. Kapag dumalo siya, puwede natin siyang pasiglahing patuloy na dumalo sa mga pulong. Paano natin iyan magagawa?

12 Malugod na tanggapin ang Bible study. (Roma 15:7) Kapag naipadama natin sa study na welcome siya sa mga pulong, malamang na patuloy siyang dumalo. Malugod siyang batiin at ipakilala sa iba nang hindi siya naaasiwa. Huwag isipin na may nag-aasikaso na sa kaniya; baka wala pa ang nag-i-study sa kaniya o may ibang ginagawa. Pakinggang mabuti ang sinasabi ng study at magpakita ng malasakit sa kaniya. Ano ang puwedeng maging epekto ng mga ito? Pansinin ang karanasan ni Dmitrii, na nabautismuhan ilang taon pa lang ang nakakaraan at ministeryal na lingkod ngayon. Tungkol sa kaniyang unang pagdalo, sinabi niya: “Isang brother ang nakakita sa akin habang kabado akong naghihintay sa labas ng Kingdom Hall, at isinama niya ako sa loob. Marami ang lumapit para batiin ako. Gulat na gulat ako. Tuwang-tuwa ako kaya naisip ko, sana araw-araw may pulong. Doon ko lang iyon naranasan.”

13. Paano makakatulong sa isang Bible study ang paggawi mo?

13 Magpakita ng magandang halimbawa. Makakatulong ang paggawi mo para makumbinsi ang Bible study na nakita na niya ang katotohanan. (Mat. 5:16) Sinabi ni Vitalii, isang payunir sa Moldova: “Nakita ko kung paano mamuhay, mag-isip, at gumawi ang mga nasa kongregasyon. Nakumbinsi ako nito na talagang lumalakad ang mga Saksi ni Jehova na kasama ng Diyos.”

14. Paano posibleng makatulong ang halimbawa mo para patuloy na sumulong ang isang Bible study?

14 Bago mabautismuhan ang isang Bible study, kailangan muna niyang isabuhay ang natututuhan niya. Hindi ito laging madali. Pero kapag nakikita niya kung paano nakakatulong sa iyo ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, baka mapakilos siyang tularan ka. (1 Cor. 11:1) Tingnan ang karanasan ni Hanae, na binanggit kanina. Sinabi niya: “Nakikita ko sa mga kapatid ang natututuhan ko. Nakita ko kung paano ako magiging nakakapagpatibay at mapagpatawad at kung paano ako magpapakita ng pag-ibig. Laging positibo ang sinasabi nila tungkol sa iba. Gusto ko silang tularan.”

15. Paano makakatulong ang Kawikaan 27:17 para makita natin kung bakit dapat kaibiganin ang isang Bible study na laging dumadalo sa pulong?

15 Kaibiganin ang study. Kapag lagi nang dumadalo sa pulong ang study, patuloy na magpakita ng malasakit sa kaniya. (Fil. 2:4) Kausapin mo siya. Puwede mo siyang komendahan sa anumang pagsulong niya at tanungin tungkol sa kaniyang pagba-Bible study, pamilya, at trabaho nang hindi naman parang nanghihimasok sa buhay niya. Malay mo, baka maging malapít kayong magkaibigan. Kapag nangyari iyan, matutulungan mo siyang sumulong at magpabautismo. (Basahin ang Kawikaan 27:17.) Regular pioneer na ngayon si Hanae. Natatandaan pa niya noong magsimula na siyang dumalo sa mga pulong: “Habang nagkakaroon ako ng mga kaibigan sa kongregasyon, lalo akong nagiging excited sa mga pulong, at dumadalo ako kahit pagod ako. Masaya ako sa mga bagong kaibigan ko, at nakatulong ito para maputol ang pakikipagkaibigan ko sa mga hindi sumasamba kay Jehova. Gusto kong mas mapalapít kay Jehova at sa mga kapatid. Kaya nagpabautismo na ako.”

16. Ano pa ang puwede mong gawin para mapalagay ang loob ng isang Bible study sa kongregasyon?

16 Habang sumusulong at gumagawa ng pagbabago ang study, ipadama sa kaniya na bahagi siya ng kongregasyon. Magagawa mo ito kung mapagpatuloy ka. (Heb. 13:2) Tandang-tanda pa ni Denis, na naglilingkod sa Moldova, noong Bible study pa lang siya: “Maraming beses kaming inimbitahan ng misis ko na makipagsamahan sa mga kapatid. Ikinuwento nila kung paano sila tinulungan ni Jehova. Napatibay kami nito. Dahil sa ganitong pakikipagsamahan, nakumbinsi kaming paglingkuran si Jehova at na may magandang kinabukasang naghihintay sa amin.” Kapag naging mamamahayag na ang Bible study, puwede mo rin siyang isama sa ministeryo. Sinabi ni Diego, isang mamamahayag sa Brazil: “Maraming brother ang nagyayaya sa akin na sumama sa kanila sa ministeryo. Ito ang pinakamagandang paraan para mas makilala sila. Dahil dito, marami akong natutuhan at mas napalapít ako kay Jehova at kay Jesus.”

PAANO MAKAKATULONG ANG MGA ELDER?

Mga elder, makakatulong ang pagmamalasakit ninyo para sumulong ang mga study (Tingnan ang parapo 17)

17. Paano makakatulong ang mga elder sa mga Bible study?

17 Maglaan ng panahon sa mga Bible study. Mga elder, kapag nagpapakita kayo ng pag-ibig at malasakit sa mga study, matutulungan ninyo sila na sumulong at magpabautismo. Puwede ba ninyong regular na kausapin sa pulong ang mga Bible study? Makikita nila na nagmamalasakit kayo kapag natatandaan ninyo ang pangalan nila, lalo na kapag nagkokomento na sila. Puwede ba ninyong i-adjust ang iskedyul ninyo para samahan ang isang kapatid sa pagba-Bible study? Baka higit pa sa inaasahan ninyo ang maitulong ninyo sa Bible study. Ikinuwento ni Jackie, isang payunir sa Nigeria: “Gulat na gulat ang maraming Bible study nang malaman nilang elder ang kasama ko sa pagba-Bible study. Sinabi ng isang Bible study: ‘Hinding-hindi iyan gagawin ng pastor namin. Mayayaman lang ang pinupuntahan niya at y’ong nagbabayad lang!’” Dumadalo na sa mga pulong ang Bible study na iyon.

18. Paano masusunod ng mga elder ang sinasabi sa Gawa 20:28?

18 Sanayin at patibayin ang mga may Bible study. Mga elder, pananagutan ninyong tulungan ang mga kapatid na maging epektibo sa ministeryo, pati na sa pagba-Bible study. (Basahin ang Gawa 20:28.) Kung nahihiyang mag-conduct ang isang kapatid kapag kaharap ka, ikaw na ang mag-conduct. Sinabi ni Jackie, na binanggit kanina: “Laging kinukumusta ng mga elder ang mga Bible study ko. Kapag nagkakaproblema ako sa study ko, nagbibigay sila ng mungkahi.” Malaki ang maitutulong ng mga elder para mapatibay ang mga may Bible study. (1 Tes. 5:11) Sinabi pa ni Jackie: “Masaya ako kapag pinapatibay ako ng mga elder at sinasabi nilang natutuwa sila sa mga pagsisikap ko. Nakakarepresko iyon na parang malamig na tubig sa mainit na panahon. Dahil sa komendasyon nila, lalong lumalakas ang loob ko at mas nag-e-enjoy ako sa pagba-Bible study.”​—Kaw. 25:25.

19. Ano ang puwedeng makapagpasaya sa ating lahat?

19 Kahit wala pa tayong Bible study ngayon, may magagawa pa rin tayo para makatulong sa iba na sumulong sa espirituwal. Masusuportahan natin ang may Bible study kung magbibigay tayo ng pinaghandaang mga komento sa panahon ng pag-aaral nang hindi naman inaagaw ang papel ng tagapagturo. Puwede nating kaibiganin ang mga study kapag dumalo sila sa pulong at magpakita ng magandang halimbawa sa kanila. Mapapatibay ng mga elder ang mga study kung maglalaan sila ng panahon sa mga ito at mapapatibay naman nila ang mga may study kung sasanayin nila at kokomendahan ang mga ito. Talagang napakasaya natin na magkaroon ng kahit maliit na bahagi sa pagtulong sa iba na mahalin at paglingkuran ang ating Ama, si Jehova!

AWIT 79 Turuan Mo Silang Maging Matatag

^ par. 5 Hindi lahat sa atin ay may Bible study sa ngayon. Pero lahat tayo ay makakatulong sa isang Bible study na sumulong at magpabautismo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano ito magagawa ng bawat isa sa atin.