Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Bakit dapat mag-ingat ang mga Kristiyano sa paggamit ng mga messaging app, gaya ng para sa texting?
May mga kapatid na gumagamit ng modernong teknolohiya para makausap ang kanilang mga kapamilya at kapuwa Saksi. Pero dapat tandaan ng isang may-gulang na Kristiyano ang payong ito: “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago, pero tulóy lang ang mga walang karanasan at pinagdurusahan ang epekto nito.”—Kaw. 27:12.
Alam natin na gusto tayong protektahan ni Jehova. Kaya naman hindi tayo nakikisama sa mga nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi, sa mga tiwalag, o sa mga nagkakalat ng mga maling ideya. (Roma 16:17; 1 Cor. 5:11; 2 Juan 10, 11) May ilang kapatid sa kongregasyon na baka hindi sumusunod sa mga kautusan ng Bibliya. (2 Tim. 2:20, 21) Isinasaisip natin iyan sa pagpili ng mabubuting kaibigan. Pero baka mahirap gawin iyan sa messaging app.
Lalo nang dapat mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan sa malalaking group chat. May mga kapatid na nag-join sa malalaking group chat, at hindi maganda ang naging resulta nito. Paano nga naman makakapag-ingat ang isang kapatid kung daan-daan o libo-libo ang miyembro ng isang group chat? Imposibleng malaman niya ang tunay na pagkatao at espirituwalidad nilang lahat. Sinasabi sa Awit 26:4: “Hindi ako sumasama sa mga taong mapanlinlang, at iniiwasan ko ang mga mapagkunwari.” Hindi ba’t ipinapakita nito na sa paggamit ng messaging app, mas mabuting mga kakilala lang natin ang kokontakin natin?
Kahit sa maliliit na group chat, dapat maging palaisip ang isang Kristiyano sa paggamit ng kaniyang panahon at maging maingat sa mga pinag-uusapan doon. Huwag nating isipin na okey lang mag-reply sa mga message kahit maraming panahon na ang nauubos natin o kung ano-ano na lang ang pinag-uusapan doon. Binabalaan ni Pablo si Timoteo tungkol sa mga ‘tsismosa at mapanghimasok sa buhay ng iba.’ (1 Tim. 5:13) Posible ding maging ganiyan ang mga tao ngayon sa messaging app.
Ang isang may-gulang na Saksi ay hindi sasali sa mapanirang usapan o magkakalat ng kompidensiyal na impormasyon tungkol sa mga kapatid. (Awit 15:3; Kaw. 20:19) Dapat din niyang iwasang magkalat o makinig ng mga kuwentong labis-labis o hindi napatunayang totoo. (Efe. 4:25) Marami tayong nakukuhang espirituwal na pagkain at maaasahang impormasyon sa ating website na jw.org at buwanang programa ng JW Broadcasting®.
May ilang Saksi na gumagamit ng messaging app para magbenta, bumili, at mag-promote ng produkto o mag-alok ng trabaho. Ang mga iyon ay para sa pagnenegosyo at hindi para sa paglilingkod kay Jehova. Iiwasan ng mga Kristiyanong ‘hindi umiibig sa pera’ na gamitin ang mga kapatid para pagkakitaan.—Heb. 13:5.
Dapat ba nating gamitin ang messaging app para humingi ng pera para sa mga kapatid na nangangailangan o sa mga naapektuhan ng sakuna? Mahal natin ang mga kapatid at nagmamalasakit tayo sa kanila, kaya kadalasang tinutulungan natin at pinapatibay ang mga kapatid na nangangailangan. (Sant. 2:15, 16) Pero kung gagawin ito sa malalaking group chat, baka makahadlang ito sa mas magandang kaayusan na ginagawa ng tanggapang pansangay o kongregasyon. (1 Tim. 5:3, 4, 9, 10, 16) At ayaw nating isipin ng iba na mayroon tayong espesyal na atas na asikasuhin ang pangangailangan ng ating mga kapatid.
Gusto nating gawin ang mga bagay na magbibigay ng kaluwalhatian sa Diyos. (1 Cor. 10:31) Kaya sa paggamit ng messaging app o iba pang teknolohiya, isaalang-alang ang posibleng mga panganib at maging maingat.