Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 27

Magtiis Gaya ni Jehova

Magtiis Gaya ni Jehova

“Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.”​—LUC. 21:19.

AWIT 114 “Maging Matiisin”

NILALAMAN *

1-2. Paano tayo napapatibay ng sinabi ni Jehova sa Isaias 65:16, 17 na huwag sumuko?

“HUWAG SUMUKO!” Iyan ang napakagandang tema ng panrehiyong kombensiyon noong 2017. Ipinakita nito kung paano natin makakayanan ang mga pagsubok na dumarating. Apat na taon na ang nakakalipas mula noon, pero heto tayo, nagtitiis pa rin sa sistemang ito.

2 Namatayan ka ba ng kapamilya o kaibigan? Nagkaroon ng sakit na muntik mo nang ikamatay? Nahihirapan ka ba dahil nagkakaedad ka na? Naging biktima ka ba ng sakuna, karahasan, o pag-uusig? O apektado ka ba ng COVID-19 pandemic? Dumating na sana ang panahon na hindi na natin mararanasan ulit ang lahat ng ito!—Basahin ang Isaias 65:16, 17.

3. Ano ang dapat nating gawin ngayon, at bakit?

3 Mahirap ang buhay sa sistemang ito, at baka mas maging mahirap pa ang mga kalagayan sa hinaharap. (Mat. 24:21) Kaya lalo tayong dapat maging matiisin. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” (Luc. 21:19) Kapag iniisip natin kung paano natitiis ng iba ang pagsubok na nararanasan din natin, lalo tayong magiging matiisin.

4. Bakit natin masasabi na si Jehova ang pinakamagandang halimbawa sa pagtitiis?

4 Sino ang pinakamagandang halimbawa sa pagtitiis? Ang Diyos na Jehova. Nagulat ka ba na nagtitiis din si Jehova? Pag-isipan ito: Kontrolado ng Diyablo ang mundong ito na punong-puno ng problema. Kung tutuusin, makapangyarihan si Jehova at kaya niyang tapusin agad ang lahat ng ito. Pero hinihintay niya ang takdang panahon para dito. (Roma 9:22) At sa ngayon, patuloy pa rin siyang nagtitiis. Pag-usapan natin ang siyam na pinagtitiisan ni Jehova.

ANO ANG MGA TINITIIS NI JEHOVA?

5. Paano siniraan ang pangalan ng Diyos, at ano ang nararamdaman mo dahil dito?

5 Paninira sa pangalan niya. Mahal ni Jehova ang pangalan niya, at gusto niya na igalang iyon ng lahat. (Isa. 42:8) Pero mga anim na libong taon nang sinisiraan ang pangalan niya. (Awit 74:10, 18, 23) Nagsimula ito sa hardin ng Eden nang akusahan ng Diyablo (ibig sabihin, “Maninirang-Puri”) ang Diyos na may ipinagkakait siya kina Adan at Eva na kailangan nila para maging masaya. (Gen. 3:1-5) Hanggang sa ngayon, inaakusahan pa rin si Jehova na ipinagkakait niya sa mga tao ang talagang kailangan nila. Gusto ni Jesus na maipagbangong-puri ang pangalan ng kaniyang Ama. Kaya itinuro niya sa mga alagad niya na ipanalangin: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”​—Mat. 6:9.

6. Bakit hinayaan ni Jehova na lumipas pa ang panahon bago malutas ang isyu tungkol sa karapatan niyang mamahala?

6 Pagkuwestiyon sa karapatan niyang mamahala. Si Jehova lang ang may karapatang mamahala sa langit at sa lupa, at ang pamamahala niya ang pinakamahusay. (Apoc. 4:11) Pero sinikap ng Diyablo na dayain ang mga anghel pati ang mga tao para isipin nila na hindi ito totoo. Ang isyu tungkol sa karapatan ni Jehova na mamahala ay hindi agad-agad malulutas, kaya hinayaan niya na lumipas pa ang panahon. Gusto ni Jehova na makita ng mga tao na kung pamamahalaan nila ang sarili nila nang walang patnubay ng kanilang Maylalang, siguradong mabibigo sila. (Jer. 10:23) Dahil sa pagtitiis ng Diyos, lubusang malulutas ang isyu. Malalaman ng lahat na ang pamamahala ni Jehova ang pinakamahusay at ang Kaharian lang niya ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa lupa.

7. Sino-sino ang nagrebelde kay Jehova, at ano ang gagawin niya sa kanila?

7 Pagrerebelde ng ilang anak niya. Perpekto ang pagkakalalang ni Jehova sa mga anghel at sa mga tao. Pero ang perpektong mga tao na sina Adan at Eva ay itinalikod kay Jehova ng rebeldeng anghel na si Satanas (ibig sabihin, “Kalaban,” o “Mananalansang”). Nagrebelde rin ang ibang mga anghel at tao kay Jehova. (Jud. 6) Marami din sa piniling bayan ng Diyos, ang Israel, ang tumalikod sa kaniya at sumamba sa mga huwad na diyos. (Isa. 63:8, 10) Natural lang na masaktan si Jehova. Pero nagtiis siya, at patuloy na magtitiis hanggang sa dumating ang panahon na pupuksain na niya ang lahat ng rebelde. Laking ginhawa nito para sa mga tapat na lingkod niya na nagtitiis gaya niya sa masamang sistemang ito!

8-9. Ano ang mga kasinungalingan tungkol kay Jehova, at ano ang magagawa natin dito?

8 Mga kasinungalingan ng Diyablo. Inakusahan ni Satanas ang tapat na lingkod ni Jehova na si Job, at parang sinasabi niya na ang lahat ng tapat na mananamba ni Jehova ay naglilingkod lang sa Diyos dahil pinagpapala niya sila. (Job 1:8-11; 2:3-5) Inaakusahan pa rin ng Diyablo ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon. (Apoc. 12:10) Mapapatunayan nating sinungaling si Satanas kung magtitiis tayo kapag may mga problema at mananatiling tapat kay Jehova dahil mahal natin Siya. Gaya ni Job, pagpapalain din tayo dahil sa pagtitiis natin.​—Sant. 5:11.

9 Ginagamit ni Satanas ang mga lider ng relihiyon para palabasin na malupit si Jehova at na siya ang may kagagawan sa pagdurusa ng tao. Kapag may namatay na bata, sinasabi pa nga ng ilan na kinuha siya ng Diyos dahil kailangan pa ng Diyos ng anghel sa langit. Kasinungalingan iyon! Alam natin ang totoo. Kaya magkasakit man tayo nang malubha o mamatayan ng mahal sa buhay, hindi natin sinisisi ang Diyos. Naniniwala tayo na sa hinaharap, aayusin niya ang mga bagay-bagay. Sabihin natin sa lahat ng makikinig na napakamapagmahal ng Diyos na Jehova para may maisagot siya sa tumutuya sa kaniya.​—Kaw. 27:11.

10. Ano ang sinasabi ng Awit 22:23, 24 tungkol kay Jehova?

10 Pagdurusa ng mga lingkod niya. Mapagmalasakit na Diyos si Jehova. Ayaw niya na nakikitang nagdurusa tayo dahil sa pag-uusig, sakit, o pagiging hindi perpekto. (Basahin ang Awit 22:23, 24.) Nasasaktan si Jehova kapag nasasaktan tayo. Gusto niya na alisin ang nagpapahirap sa atin at talagang gagawin niya iyon. (Ihambing ang Exodo 3:7, 8; Isaias 63:9.) Darating ang panahon na “papahirin niya ang bawat luha sa mga mata [natin], at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”​—Apoc. 21:4.

11. Ano ang nami-miss ni Jehova sa tapat na mga lingkod niyang namatay na?

11 Pagkamatay ng mga kaibigan niya. Ano ang nadarama ni Jehova sa tapat na mga lingkod niyang namatay na? Gustong-gusto na niya silang makita ulit! (Job 14:15) Nai-imagine mo ba kung gaano niya nami-miss ang kaibigan niyang si Abraham? (Sant. 2:23) O si Moises, na kinausap niya “nang mukhaan”? (Ex. 33:11) At siguradong gustong-gusto na niyang marinig ulit si David at ang iba pang salmista na kumakanta ng magagandang awit ng papuri sa kaniya! (Awit 104:33) Namatay man ang mga kaibigang ito ng Diyos, hinding-hindi sila malilimutan ni Jehova. (Isa. 49:15) Tandang-tanda niya ang lahat ng detalye tungkol sa kanila. Sinasabi ng Bibliya na “silang lahat ay buháy para sa kaniya.” (Luc. 20:38, tlb.) Darating ang panahon na bubuhayin niya sila. Taos-puso silang mananalangin ulit at sasamba sa kaniya. Kung namatayan ka ng isang mahal sa buhay, mapatibay ka sana ng mga ito at mapagaan ang nadarama mo.

12. Bakit nasasaktan si Jehova lalo na ngayong mga huling araw?

12 Kalupitan ng masasama. Nang magsimula ang rebelyon sa Eden, alam ni Jehova na lalala muna ang kalagayan bago ito maayos. Nagagalit si Jehova kapag nakikita niya ang kasamaan, kawalang-katarungan, at karahasan na nangyayari sa ngayon. Noon pa man, awang-awa na siya sa mahihina at walang kalaban-laban—sa mga ulila at mga biyuda. (Zac. 7:9, 10) Nasasaktan si Jehova lalo na kapag pinagmamalupitan at ibinibilanggo ang mga tapat na lingkod niya. Tandaan, mahal ni Jehova ang lahat ng nagtitiis gaya niya.

13. Paano bumaba ang moral ng mga tao, at ano ang gagawin ng Diyos dito?

13 Pagbaba ng moral ng mga tao. Gustong-gusto ni Satanas na pababain ang moral ng mga tao, na nilalang ayon sa larawan ng Diyos. Nang ‘makita ni Jehova na laganap na ang kasamaan ng tao’ noong panahon ni Noe, “ikinalungkot ni Jehova na ginawa niya ang mga tao sa lupa, at nasaktan ang puso niya.” (Gen. 6:5, 6, 11) Naging mas maayos ba ang kalagayan mula noon? Hindi! Siguradong natutuwa ang Diyablo kapag nakikita niya kung gaano kalaganap ang iba’t ibang uri ng seksuwal na imoralidad, kasama na ang imoral na mga ginagawa ng babae at lalaki, pati na ng parehong lalaki o parehong babae! (Efe. 4:18, 19) Tiyak na mas natutuwa si Satanas kapag mananamba ni Jehova ang nagkasala. Kapag natapos na ang pagtitiis ng Diyos, pupuksain niya ang lahat ng gumagawa ng imoralidad.

14. Ano ang ginagawa ng mga tao sa mga nilalang ng Diyos sa lupa?

14 Pagsira sa lupa. Ang tao ay “namamahala sa kapuwa niya sa ikapipinsala nito.” Pero bukod doon, hindi nila inaalagaan ang lupa at hayop gaya ng ipinag-utos ni Jehova. (Ecles. 8:9; Gen. 1:28) Sinasabi ng ilang eksperto na dahil sa ginagawa ng mga tao sa ngayon, posibleng isang milyong species * pa ang magiging extinct sa susunod na mga taon. Kaya sinasabi nila na talagang nasisira na ang kalikasan! Buti na lang, ipinangako ni Jehova na ‘ipapahamak niya ang mga nagpapahamak sa lupa’ at gagawin itong paraiso.​—Apoc. 11:18; Isa. 35:1.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN SA PAGTITIIS NI JEHOVA?

15-16. Ano ang makakatulong sa atin na magtiis gaya ni Jehova? Ilarawan.

15 Isipin ang lahat ng problemang tinitiis ng ating Ama sa langit at kung gaano katagal na siyang nagtitiis. (Tingnan ang kahong “ Ang mga Tinitiis ni Jehova.”) Kayang-kaya niya sanang wakasan ang masamang sistemang ito anumang oras. Pero nakikinabang tayo sa pagtitiis niya. Pag-isipan ito: Isang mag-asawa ang sinabihan na ang magiging baby nila ay may malubhang pisikal na depekto, at hindi magiging madali ang buhay nito at mamamatay nang maaga. Pero dahil mahal na mahal nila ang anak nila, pinili pa rin nilang maipanganak ang bata kahit alam nila na kailangan nilang magtiis ng maraming problema para maibigay sa kaniya ang pinakamagandang buhay.

16 Ang lahat din ng inapo nina Adan at Eva ay isinilang na hindi perpekto. Pero mahal pa rin sila ni Jehova at nagmamalasakit siya sa kanila. (1 Juan 4:19) Pero di-gaya ng mga magulang na binanggit kanina, may magagawa si Jehova. Itinakda na niya ang araw at oras kung kailan aalisin niya ang lahat ng problemang nagpapahirap sa mga tao. (Mat. 24:36) Hindi ba’t nakakatulong sa atin ang pag-ibig ni Jehova para magtiis na gaya niya habang hinihintay ang panahong iyon?

17. Sa Hebreo 12:2, 3, paano makakatulong sa atin ang halimbawa ni Jesus para patuloy na makapagtiis?

17 Si Jehova ang perpektong halimbawa ng pagtitiis. At natularan ni Jesus ang pagtitiis ng kaniyang Ama. Noong nandito si Jesus sa lupa, tiniis niya ang malupit na pananalita, kahihiyan, at ang pahirapang tulos para sa atin. (Basahin ang Hebreo 12:2, 3.) Tiyak na nakatulong kay Jesus ang halimbawa ni Jehova para magawa iyon. Ito rin ang makakatulong sa atin.

18. Batay sa 2 Pedro 3:9, ano ang magandang resulta ng pagtitiis ni Jehova?

18 Basahin ang 2 Pedro 3:9. Alam ni Jehova ang pinakatamang panahon para wakasan ang masamang sistemang ito. Dahil sa pagtitiis niya, milyon-milyon ang nakakilala sa kaniya at isang malaking pulutong ang sumasamba at pumupuri sa kaniya. Nagpapasalamat silang lahat na naging matiisin si Jehova kaya naisilang pa sila at nagkaroon ng pagkakataon para mahalin siya at ialay ang sarili nila sa kaniya. Mapapatunayan na tama ang desisyon ni Jehova na magtiis kapag milyon-milyon ang nakapagtiis hanggang sa wakas at naligtas!

19. Ano ang determinado nating gawin, at ano ang magiging gantimpala natin?

19 Natutuhan natin kay Jehova kung paano tayo magiging masaya habang nagtitiis. Sa kabila ng lahat ng problema at pagdurusa na idinulot ni Satanas, “maligayang Diyos” pa rin si Jehova. (1 Tim. 1:11) Puwede rin tayong maging masaya habang hinihintay si Jehova na pabanalin ang kaniyang pangalan, patunayang siya ang may karapatang mamahala, puksain ang lahat ng masasama, at tapusin ang lahat ng problema. Maging determinado sana tayo na magtiis at alalahanin na nagtitiis din ang ating Ama sa langit. Kung gagawin natin iyan, magiging totoo sa atin ang pangakong ito: “Maligaya ang taong patuloy na nagtitiis ng pagsubok, dahil kapag kinalugdan siya, tatanggapin niya ang korona ng buhay, na ipinangako ni Jehova sa mga patuloy na umiibig sa Kaniya.”​—Sant. 1:12.

AWIT 139 Kapag Naging Bago ang Lahat ng Bagay

^ par. 5 Lahat tayo ay may iba’t ibang problema. Marami sa mga iyon ang walang solusyon sa ngayon, kaya kailangan nating magtiis. Pero hindi lang tayo ang nagtitiis. Kahit si Jehova, nagtitiis din. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang siyam na tinitiis ni Jehova. Malalaman din natin ang resulta ng pagtitiis niya at kung ano ang matututuhan natin sa halimbawa niya.

^ par. 14 Ang salitang “species” ay iba sa terminong “uri” na ginamit sa Bibliya na tumutukoy sa malaking grupo ng nabubuhay na mga nilalang.