Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 34

“Tikman” ang Kabutihan ni Jehova—Paano?

“Tikman” ang Kabutihan ni Jehova—Paano?

“Tikman ninyo at tingnan na si Jehova ay mabuti; maligaya ang taong nanganganlong sa kaniya.”​—AWIT 34:8; tlb.

AWIT 117 Magpakita ng Kabutihan

NILALAMAN *

1-2. Ayon sa Awit 34:8 at talababa, paano natin mapapatunayan na mabuti si Jehova?

PAANO kung may mag-alok sa iyo ng pagkain na hindi mo pa natitikman? Magkakaideya ka kung ano iyon kung titingnan mo iyon, aamuyin, aalamin ang recipe, o magtatanong sa iba na nakatikim na ng pagkaing iyon. Pero saka mo lang malalaman kung gusto mo iyon kapag natikman mo na.

2 Malalaman natin ang tungkol sa kabutihan ni Jehova kung magbabasa tayo ng Bibliya at ng mga publikasyon natin at kung maririnig natin kung paano pinagpala ni Jehova ang iba. Pero saka lang natin maiintindihan kung gaano kabuti si Jehova kapag ‘natikman’ na natin iyon mismo. (Basahin ang Awit 34:8 at talababa.) Halimbawa, baka gusto nating paglingkuran si Jehova nang buong panahon. Pero para magawa iyon, kailangan nating magpasimple ng buhay. Baka lagi nating nababasa ang pangako ni Jesus na ilalaan ni Jehova ang mga talagang kailangan natin kung uunahin natin ang Kaharian, pero hindi pa natin personal na nararanasan iyon. (Mat. 6:33) Pero kahit ganoon, nanampalataya tayo sa pangako ni Jesus, binawasan ang gastusin at panahon natin sa trabaho, at nagpokus sa ministeryo. Nang gawin natin iyon, napatunayan natin na talagang inilalaan ni Jehova ang pangangailangan natin. Personal nating ‘natikman’ ang kabutihan ni Jehova.

3. Ayon sa Awit 16:1, 2, kanino nagpapakita ng kabutihan si Jehova?

3 Si Jehova ay “mabuti sa lahat,” kahit sa mga hindi nakakakilala sa kaniya. (Awit 145:9; Mat. 5:45) Pero ang mga nagmamahal at naglilingkod nang buong kaluluwa sa kaniya ang lalo niyang pinagpapala. (Basahin ang Awit 16:1, 2.) Alamin natin ang ilang paraan kung paano tayo nakikinabang sa kabutihan ni Jehova.

4. Paano nagpapakita ng kabutihan si Jehova sa mga nagsisikap lumapit sa kaniya?

4 Sa tuwing sinusunod natin ang mga natututuhan natin kay Jehova, nakikita natin na napapabuti tayo. Nang makilala natin siya at mahalin, tinulungan niya tayong mabago ang maling mga iniisip at ginagawa natin. (Col. 1:21) At nang ialay natin ang sarili natin kay Jehova at nagpabautismo, mas naranasan natin ang kabutihan niya dahil binigyan niya tayo ng malinis na konsensiya at inilapit niya tayo sa kaniya bilang kaibigan.​—1 Ped. 3:21.

5. Paano natin nararanasan ang kabutihan ni Jehova kapag nangangaral tayo?

5 Nararanasan din natin ang kabutihan ni Jehova kapag nangangaral tayo. Mahiyain ka ba? Ganiyan ang marami sa bayan ni Jehova. Bago ka naging lingkod ni Jehova, baka naisip mong hindi mo kayang magbahay-bahay at mangaral sa mga hindi mo kakilala. Pero ngayon, ginagawa mo na iyan nang regular. At sa tulong ni Jehova, masayang-masaya ka nang nangangaral! Marami pang ginawa si Jehova para sa iyo. Tinulungan ka niyang maging kalmado noong galít ang kausap mo. Tinulungan ka rin niyang maalala ang tamang teksto na gagamitin noong may nakausap kang interesado. At binigyan ka niya ng lakas na magpatuloy sa pangangaral kahit ayaw makinig ng mga tao.​—Jer. 20:7-9.

6. Paano pinapatunayan ng mga pagsasanay na ibinibigay ni Jehova na mabuti siya?

6 Makikita rin natin na mabuti si Jehova dahil sinasanay niya tayo sa pangangaral. (Juan 6:45) Sa mga midweek meeting natin, may naririnig tayong mga sampol na pakikipag-usap na talagang pinag-isipan at magagamit natin sa ministeryo. Baka nagdadalawang-isip tayo noong una na sumubok ng mga bagay na bago sa atin. Pero nang gawin natin iyon, nakita nating epektibo pala. Sa mga pulong at kombensiyon, sinasabi rin na subukan natin ang iba’t ibang paraan ng pangangaral. Para magawa iyan, baka kailangan nating iwan ang mga nakasanayan natin. Pero kung susubukan natin, binibigyan natin si Jehova ng dahilan para pagpalain tayo. Talakayin natin ang ilang pagpapala kapag sinubukan natin ang bagong mga paraan sa paglilingkod kay Jehova, anuman ang sitwasyon natin. Pagkatapos, pag-usapan din natin kung paano pa natin mapapalawak ang ating ministeryo.

PINAGPAPALA NI JEHOVA ANG MGA NAGTITIWALA SA KANIYA

7. Anong pagpapala ang matatanggap natin kung sisikapin nating palawakin ang ating ministeryo?

7 Mas napapalapit tayo kay Jehova. Tingnan ang halimbawa ng elder na si Samuel, * na naglilingkod sa Colombia kasama ang asawa niya. Masaya silang nagpapayunir sa kongregasyon nila. Pero gusto pa nilang mapalawak ang ministeryo nila at tumulong sa ibang kongregasyon na mas malaki ang pangangailangan. Para magawa iyon, may mga isinakripisyo sila. “Sinunod namin ang Mateo 6:33 at hindi na kami bumili ng mga bagay na hindi naman kailangan,” ang sabi ni Samuel. “Pero ang pinakamahirap para sa amin ay ang iwan ang bahay namin. Gustong-gusto namin ang pagkakadisenyo n’on, at wala na kaming binabayarang utang para doon.” Noong makalipat na sila ng kongregasyon, nakita nila na mabubuhay naman pala sila kahit ang kinikita nila ngayon ay wala pang 20 porsiyento ng dati nilang kita. Sinabi ni Samuel, “Kitang-kita namin kung paano kami ginagabayan ni Jehova at kung paano niya sinasagot ang mga panalangin namin.” Sinabi pa niya, “Alam naming napapasaya namin siya at naramdaman namin ang pagmamahal niya sa paraang hindi pa namin naranasan noon.” Mapapalawak mo ba ang ministeryo mo? Kung oo, siguradong mapapalapit ka kay Jehova at ilalaan niya ang kailangan mo.​—Awit 18:25.

8. Ano ang natutuhan mo sa mga sinabi nina Ivan at Viktoria?

8 Nagiging masaya tayo sa paglilingkod. Pansinin ang sinabi nina Ivan at Viktoria, isang mag-asawang payunir sa Kyrgyzstan. Namuhay sila nang simple para makapagboluntaryo sa kahit anong atas, pati na sa mga proyekto ng pagtatayo. Sinabi ni Ivan: “Ginagawa namin ang buong makakaya namin sa bawat proyekto. Kahit na pagód kami sa maghapon, masaya naman kami kasi alam naming ginamit namin ang lakas namin para kay Jehova. Natutuwa rin kami dahil nagkaroon kami ng bagong mga kaibigan at ng magagandang karanasan.”​—Mar. 10:29, 30.

9. Ano ang ginawa ng isang sister para mapalawak ang ministeryo niya kahit may mga hamon, at ano ang resulta?

9 Puwede tayong maging masaya sa paglilingkod kay Jehova kahit may mga hamon. Tingnan ang halimbawa ni Mirreh, isang may-edad na biyuda sa West Africa. Matapos siyang magretiro sa pagiging doktor, nagpayunir siya. Dahil may malalang arthritis si Mirreh, isang oras lang siyang nakakasama sa pagbabahay-bahay. Pero nakakapag-public witnessing siya nang mas matagal-tagal. At marami siyang return visit at Bible study, na ang ilan ay tinatawagan niya sa telepono. Bakit iyon ginagawa ni Mirreh? “Mahal na mahal ko si Jehova at si Kristo Jesus. At lagi kong ipinapanalangin kay Jehova na tulungan ako para mas mapaglingkuran ko pa siya.”​—Mat. 22:36, 37.

10. Gaya ng ipinapakita sa 1 Pedro 5:10, paano pinagpapala ni Jehova ang mga umaabót ng tunguhin?

10 Mas lalo pa tayong nasasanay ni Jehova. Iyan ang naranasan ni Kenny, isang payunir sa Mauritius. Nang malaman niya ang katotohanan, tumigil siya sa pag-aaral sa unibersidad, nagpabautismo, at naglingkod kay Jehova nang buong panahon. Sinabi niya, “Sinisikap kong gayahin si propeta Isaias, na nagsabi: ‘Narito ako! Isugo mo ako!’” (Isa. 6:8) Nagboluntaryo si Kenny sa maraming proyekto ng pagtatayo at nakatulong sa pagsasalin sa wika niya ng mga publikasyong batay sa Bibliya. “Dahil sinanay ako, nagkaroon ako ng mga skill na kailangan para magawa ko ang mga atas ko,” ang sabi ni Kenny. Pero hindi lang teknikal na mga bagay ang natutuhan niya. “Nakita ko kung ano ang mga limitasyon ko at ang mga katangiang kailangan kong pasulungin para maging mas mahusay na lingkod ni Jehova.” (Basahin ang 1 Pedro 5:10.) Sa tingin mo, makakapag-adjust ka rin ba para mas masanay ka pa ni Jehova?

Isang mag-asawa na naglilingkod sa lugar na mas malaki ang pangangailangan; isang kabataang sister na tumutulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall; isang may-edad nang mag-asawa na nagte-telephone witnessing. Lahat sila ay masayang naglilingkod (Tingnan ang parapo 11)

11. Ano ang ginawa ng mga sister sa South Korea para makasama sa ministeryo, at ano ang resulta? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)

11 Kahit ang mga makaranasang Saksi ay nakikinabang sa pagsasanay kapag sinusubukan nila ang isang bagong paraan ng paglilingkod. Sa panahon ng COVID-19 pandemic, isinulat ng mga elder ng isang kongregasyon sa South Korea: “May ilang kapatid na dating nag-iisip na hindi nila kayang sumama sa paglilingkod dahil sa kalusugan nila. Pero ngayon, nakakapangaral na sila gamit ang videoconferencing. Pinag-aralan ng tatlong sister na nasa 80’s na ang bagong teknolohiyang ito, at halos araw-araw na silang nakakasama sa paglilingkod.” (Awit 92:14, 15) Gusto mo bang palawakin ang ministeryo mo para mas matikman pa ang kabutihan ni Jehova? Tingnan ang ilan sa mga puwede mong gawin para maabot ang tunguhing iyan.

KUNG PAANO MO MAAABOT ANG MGA TUNGUHIN MO

12. Ano ang ipinapangako ni Jehova sa mga umaasa sa kaniya?

12 Matutong umasa kay Jehova. Nangangako siya na pagpapalain niya tayo kung magtitiwala tayo sa kaniya at gagawin ang buong makakaya natin sa paglilingkod sa kaniya. (Mal. 3:10) Tinupad ni Jehova ang pangakong iyan sa sister na si Fabiola na taga-Colombia. Gusto ni Fabiola na mag-regular pioneer pagkatapos niyang mabautismuhan. Pero nakadepende sa kinikita niya ang mister niya at tatlong anak. Kaya noong puwede na siyang magretiro, marubdob siyang nanalangin kay Jehova para tulungan siya. Sinabi niya: “Kadalasan, matagal bago maproseso ang pensiyon. Pero y’ong sa akin, naaprobahan agad isang buwan lang mula nang mag-apply ako. Parang himala ’yon!” Pagkalipas ng dalawang buwan, nagpayunir na siya. Nasa 70’s na siya ngayon at mahigit 20 taon nang payunir. Walo na ang natulungan niya na magpabautismo. Sinabi niya, “Kahit nanghihina ako kung minsan, tinutulungan naman ako ni Jehova araw-araw para masunod ang iskedyul ko.”

Paano ipinakita nina Abraham at Sara, ni Jacob, at ng mga saserdoteng tumawid sa Ilog Jordan na nagtitiwala sila kay Jehova? (Tingnan ang parapo 13)

13-14. Anong mga halimbawa ang makakatulong sa atin na magtiwala kay Jehova at umabót ng tunguhin?

13 Matuto sa halimbawa ng mga umasa kay Jehova. Marami tayong mababasang halimbawa sa Bibliya ng mga taong ginawa ang buong makakaya nila para kay Jehova. Madalas, may mga ginawa muna sila bago sila pinagpala ni Jehova. Halimbawa, iniwan muna ni Abraham ang tahanan niya—“kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta”—bago siya pinagpala ni Jehova. (Heb. 11:8) Nakipagbuno muna si Jacob sa anghel bago siya nakatanggap ng espesyal na pagpapala. (Gen. 32:24-30) Noong papasók na ang Israel sa Lupang Pangako, lumusong muna ang mga saserdote sa rumaragasang Ilog Jordan bago nakatawid ang bayan.​—Jos. 3:14-16.

14 Matututo ka rin sa halimbawa ng mga Saksi ngayon na umasa kay Jehova at umabót ng tunguhin. Halimbawa, gustong-gusto ng brother na si Payton at ng asawa niyang si Diana na magbasa ng karanasan ng mga kapatid na nagpalawak ng paglilingkod nila kay Jehova, gaya ng nasa seryeng “Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili.” * Sinabi ni Payton: “Kapag binabasa namin ang mga karanasan nila, parang may pinapanood kaming sarap na sarap sa pagkain. Habang mas pinapanood namin ’yon, lalo kaming naeengganyong ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’” Noong bandang huli, lumipat sina Payton at Diana sa lugar na mas malaki ang pangangailangan. Nabasa mo na ba ang seryeng ito? At napanood mo na ba ang mga video na Pangangaral sa Malalayong Teritoryo—Australia at Pangangaral sa Malalayong Teritoryo—Ireland na nasa jw.org? Makakatulong sa iyo ang mga ito para makita kung paano mo pa mapapalawak ang paglilingkod mo.

15. Paano makakatulong sa atin ang tamang mga kasama?

15 Pumili ng tamang mga kasama. Mas maeengganyo tayong tikman ang isang bagong pagkain kung gustong-gusto iyon ng mga kasama natin. Mas malamang na gugustuhin din nating palawakin ang paglilingkod natin sa Diyos kung nakasentro sa paglilingkod kay Jehova ang buhay ng mga kasama natin. Ganiyan ang nangyari sa mag-asawang sina Kent at Veronica. “Sinasabihan kami ng mga kaibigan at kapamilya namin na subukan ang ibang mga paraan ng paglilingkod,” ang sabi ni Kent. “Nakita namin na dahil inuuna ng mga nakakasama namin ang Kaharian, lumakas ang loob namin na sumubok ng bagong paraan ng paglilingkod.” Mga special pioneer na ngayon sa Serbia sina Kent at Veronica.

16. Gaya ng makikita sa ilustrasyon ni Jesus sa Lucas 12:16-21, bakit dapat na handa tayong magsakripisyo?

16 Magsakripisyo para kay Jehova. Hindi naman natin kailangang isakripisyo ang lahat para mapasaya si Jehova. (Ecles. 5:19, 20) Pero kung hindi tayo magpapalawak ng paglilingkod sa Diyos dahil lang sa ayaw nating magsakripisyo, baka magaya natin ang pagkakamali ng lalaki sa ilustrasyon ni Jesus na mas pinili ang komportableng buhay kaysa sa Diyos. (Basahin ang Lucas 12:16-21.) Sinabi ng brother na si Christian, na taga-France, “Kulang na kulang ang panahon at mga nagagawa ko para kay Jehova at sa pamilya ko.” Nagdesisyon silang mag-asawa na magpayunir. Pero para magawa iyon, kailangan nilang mag-resign sa trabaho nila. Para masuportahan ang sarili nila, nagtayo sila ng isang maliit na cleaning business, at natuto silang maging kontento kahit kaunti lang ang pera nila. Sulit ba ang sakripisyo nila? Sinabi ni Christian, “Mas nag-e-enjoy na kami ngayon sa ministeryo at natutuwa kaming makita na nakikilala ng mga Bible study namin at return visit si Jehova.”

17. Bakit nag-aalangan tayo kung minsan na subukan ang ibang mga paraan ng paglilingkod?

17 Subukan ang ibang mga paraan ng paglilingkod. (Gawa 17:16, 17; 20:20, 21) Dahil sa COVID-19 pandemic, kailangang mag-adjust ni Shirley, isang payunir sa United States. Noong una, nag-aalangan siyang subukan ang telephone witnessing. Pero mula nang dalawin sila ng tagapangasiwa ng sirkito at sanayin sila, regular na siyang nagte-telephone witnessing. Sinabi niya: “Nakakatakot sa umpisa. Pero ngayon, talagang nag-e-enjoy na ako. Mas marami kaming nakakausap ngayon kaysa noong nagbabahay-bahay kami!”

18. Ano ang makakatulong sa atin na maharap ang mga hamon habang sinisikap nating palawakin ang ating ministeryo?

18 Magplano at kumilos. Kapag may mga hamon, nananalangin tayo at ginagamit natin ang ating kakayahang mag-isip para makapagplano ng gagawin natin. (Kaw. 3:21) Sinabi ni Sonia, isang regular pioneer sa grupong nagsasalita ng Romany sa Europe: “Isinusulat ko sa papel ang mga plano ko at inilalagay ko iyon sa lugar na makikita ko. May drawing ako ng dalawang daan na magkaiba ang direksiyon sa mesa ko. Kapag may kailangan akong pagdesisyunan, tinitingnan ko ang drawing na iyon at iniisip ko kung saan ako dadalhin ng desisyon ko.” Sinisikap ni Sonia na maging positibo pagdating sa mga hamon. “Sa tuwing may pagbabago,” ang sabi niya, “puwede ’yong maging parang pader na makakahadlang sa akin o tulay na makakatulong sa akin—depende na iyon kung paano ko titingnan ang sitwasyon.”

19. Paano natin maipapakitang ipinagpapasalamat natin ang mga pagpapala ni Jehova?

19 Pinagpapala tayo ni Jehova sa iba’t ibang paraan. Naipapakita nating ipinagpapasalamat natin ang mga pagpapalang iyon kapag ginagawa natin ang buong makakaya natin para mapapurihan siya. (Heb. 13:15) Kasama na rito ang pagsubok sa iba’t ibang paraan ng paglilingkod, na magbibigay sa atin ng higit pang pagpapala. Araw-araw, gumawa ng paraan para ‘tikman at tingnan na si Jehova ay mabuti.’ Kapag ginawa natin iyan, magiging gaya tayo ni Jesus, na nagsabi: “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang gawain niya.”​—Juan 4:34.

AWIT 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova

^ par. 5 Galing kay Jehova ang lahat ng mabubuting bagay. Pinaglalaanan niya ng mabubuting bagay ang lahat—kahit ang masasama. Pero ang lalo niyang gustong gawan ng mabuti ay ang mga tapat na mananamba niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano nagpapakita ng kabutihan si Jehova sa mga lingkod niya. Pag-uusapan din natin kung paano puwedeng maranasan ng mga nagpapalawak ng kanilang ministeryo ang kabutihan ni Jehova sa espesyal na paraan.

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan.

^ par. 14 Ang seryeng ito, na mababasa noon sa Bantayan, ay makikita ngayon sa jw.org. Magpunta sa TUNGKOL SA AMIN > MGA KARANASAN > PAG-ABOT NG MGA TUNGUHIN SA PAGLILINGKOD.