Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 42

Maging Kumbinsido na Nasa Katotohanan Ka

Maging Kumbinsido na Nasa Katotohanan Ka

“Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mabuti.”​—1 TES. 5:21.

AWIT 142 Manalig sa Ating Pag-asa

NILALAMAN *

1. Bakit litong-lito ang maraming tao?

MARAMING relihiyon sa ngayon ang nagsasabi na Kristiyano sila at na sinasamba nila ang Diyos sa paraang gusto niya. Kaya naman litong-lito ang maraming tao! Naiisip nila, “Lahat ba ng relihiyon ay tinatanggap ng Diyos, o isa lang talaga ang tunay na relihiyon?” Kumbinsidong-kumbinsido ba tayo na ang itinuturo natin ay ang katotohanan at na ang paraan ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay ang paraan na gusto ni Jehova? Pag-usapan natin ang mga ebidensiya para talagang maging kumbinsido tayo.

2. Ayon sa 1 Tesalonica 1:5, bakit kumbinsido si apostol Pablo na katotohanan ang pinaniniwalaan niya?

2 Kumbinsidong-kumbinsido si apostol Pablo na katotohanan ang pinaniniwalaan niya. (Basahin ang 1 Tesalonica 1:5.) Hindi siya basta nadala ng emosyon. Pinag-aralan niyang mabuti ang Salita ng Diyos. Naniniwala siya na “ang buong Kasulatan ay mula sa Diyos.” (2 Tim. 3:16) Ano ang natutuhan niya sa pag-aaral niya? Nakita ni Pablo sa Kasulatan ang matibay na ebidensiya na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Pero binale-wala ng mga Judiong lider ng relihiyon ang ebidensiyang iyon. Sinasabi nila na mga kinatawan sila ng Diyos pero itinatakwil naman nila siya sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. (Tito 1:16) Di-gaya nila, hindi pinipili ni Pablo sa Kasulatan kung ano lang ang paniniwalaan niya. Talagang itinuro niya at ginawa ang “lahat ng kalooban ng Diyos.”​—Gawa 20:27.

3. Dapat bang masagot ang lahat ng tanong natin bago tayo maging kumbinsido? (Tingnan din ang kahong “ ‘Hindi Mababanggit ang Lahat Dahil sa Dami.’”)

3 Para sa ilan, dapat na kayang sagutin ng tunay na relihiyon ang lahat ng tanong, kahit ang mga tanong na hindi naman espesipikong sinasagot ng Bibliya. Makatotohanan ba iyan? Tingnan ang halimbawa ni Pablo. Sinabi niya sa mga kapananampalataya niya na ‘tiyakin ang lahat ng bagay,’ pero inamin din niya na marami siyang hindi naiintindihan. (1 Tes. 5:21) “Kulang pa tayo sa kaalaman,” ang sabi niya, at “malabo pa ang nakikita natin na para bang tumitingin tayo sa isang salaming metal.” (1 Cor. 13:9, 12) May mga bagay na hindi naiintindihan si Pablo, at ganoon din tayo. Pero naiintindihan niya ang pangunahing mga turo tungkol kay Jehova at sa mga layunin niya. At sapat na iyon para makumbinsi siya na ang pinaniniwalaan niya ay katotohanan!

4. Paano tayo lalong makukumbinsi na nasa katotohanan tayo, at ano ang pag-uusapan natin tungkol sa tunay na mga Kristiyano?

4 Ang isang paraan para lalo tayong makumbinsi na nasa katotohanan tayo ay kung ikukumpara natin ang paraan ng pagsamba ni Jesus sa paraan ng pagsamba ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Sa artikulong ito, malalaman natin ang pagkakakilanlan ng tunay na mga Kristiyano: (1) iniiwasan nila ang idolatriya, (2) iginagalang nila ang pangalan ni Jehova, (3) mahal nila ang katotohanan, at (4) mahal na mahal nila ang isa’t isa.

INIIWASAN NATIN ANG IDOLATRIYA

5. Ano ang matututuhan natin sa paraan ng pagsamba ni Jesus sa Diyos, at paano natin masusunod ang itinuro niya?

5 Mahal na mahal ni Jesus ang Diyos. Kaya noong nasa langit siya at noong bumaba siya dito sa lupa, si Jehova lang ang sinamba niya. (Luc. 4:8) Iyan din ang itinuro niya sa mga alagad niya. Kahit kailan, hindi gumamit si Jesus o ang tapat na mga alagad niya ng mga imahen sa pagsamba. Ang Diyos ay Espiritu, kaya hindi makakagawa ang tao ng kahit anong bagay na makakapantay sa kaluwalhatian ni Jehova! (Isa. 46:5) Pero paano naman ang paggawa ng imahen ng mga itinuturing na santo at pananalangin sa mga ito? Iyan ang ikalawang binanggit ni Jehova sa Sampung Utos: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng inukit na imahen o ng anyo na katulad ng anumang nasa langit o nasa lupa . . . Huwag kang yuyukod sa mga iyon.” (Ex. 20:4, 5) Napakalinaw ng utos na iyan para sa mga gustong mapasaya ang Diyos.

6. Anong paraan ng pagsamba ang tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

6 Sinasabi ng mga istoryador na ang Diyos lang ang sinamba ng unang mga Kristiyano. Halimbawa, binanggit sa aklat na History of the Christian Church na ang mga Kristiyano noon ay “mangingilabot” sa ideya pa lang na maglalagay ng mga imahen sa mga lugar ng pagsamba. Tinutularan ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano noon. Hindi tayo nananalangin sa imahen ng mga “santo” o mga anghel; hindi rin tayo nananalangin kahit kay Jesus. At hindi tayo sumasamba sa mga simbolo ng bansa. Anuman ang mangyari, determinado tayong sundin ang sinabi ni Jesus: “Si Jehova na iyong Diyos ang dapat mong sambahin.”​—Mat. 4:10.

7. Ano ang malinaw na pagkakaiba ng mga Saksi ni Jehova at ng ibang mga relihiyon?

7 Sa ngayon, may kilaláng mga lider ng relihiyon na maraming tagasunod. Hangang-hanga ang mga tao sa kanila at halos sambahin na sila. Marami ang pumupunta sa mga simbahan nila, bumibili ng mga aklat nila, at nagbibigay ng malaking donasyon sa kanila o sa mga organisasyon o programang isinusulong nila. Paniwalang-paniwala ang mga tao sa lahat ng sinasabi nila. Sa sobrang saya ng mga tagasunod nila kapag nakikita sila, baka nga wala nang bago kahit magpakita pa si Jesus sa mga ito! Pero iba ang tunay na mga mananamba ni Jehova, hindi sila sumusunod sa mga tao. Oo, iginagalang natin ang mga nangunguna sa atin, pero sinusunod natin ang malinaw na turo ni Jesus: “Lahat kayo ay magkakapatid.” (Mat. 23:8-10) Hindi natin iniidolo ang mga tao—lider man sila ng relihiyon o politiko—at hindi natin sinusuportahan ang anumang programang isinusulong nila. Sa halip, nananatili tayong neutral at hindi bahagi ng sanlibutan. Dahil dito, ibang-iba tayo sa napakaraming grupo ng mga nag-aangking Kristiyano.​—Juan 18:36.

IGINAGALANG NATIN ANG PANGALAN NI JEHOVA

Malaking karangalan para sa tunay na mga Kristiyano na sabihin sa iba ang tungkol kay Jehova (Tingnan ang parapo 8-10) *

8. Bakit natin masasabi na gusto ni Jehova na luwalhatiin natin at ipakilala ang pangalan niya?

8 Minsan, nanalangin si Jesus: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Sinagot mismo ni Jehova mula sa langit ang panalanging iyan, at nangako siyang luluwalhatiin niya ang kaniyang pangalan. (Juan 12:28) Sa buong panahon ng ministeryo ni Jesus, niluwalhati niya ang pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 17:26) Kaya isang karangalan para sa tunay na mga Kristiyano na gamitin ang pangalan ng Diyos at ipakilala ito sa iba.

9. Paano pinatunayan ng unang-siglong mga Kristiyano na iginagalang nila ang pangalan ng Diyos?

9 Di-nagtagal matapos maitatag ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E., ‘binigyang-pansin ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.’ (Gawa 15:14) Isang karangalan para sa unang-siglong mga Kristiyanong iyon na gamitin ang pangalan ni Jehova at ipakilala ito sa iba. Madalas nilang gamitin ang banal na pangalan ng Diyos sa kanilang ministeryo at mga sulat. * Pinatunayan nilang sila ay isang bayan na nagdadala ng pangalan ng Diyos.​—Gawa 2:14, 21.

10. Anong mga ebidensiya ang nagpapakita na ang mga Saksi ni Jehova ay isang bayan na nagdadala ng pangalan ni Jehova?

10 Ang mga Saksi ni Jehova ba ay isang bayan na nagdadala ng pangalan ni Jehova? Tingnan natin ang mga ebidensiyang ito. Sa ngayon, ginagawa ng maraming lider ng relihiyon ang lahat ng paraan para itago ang katotohanang may personal na pangalan ang Diyos. Tinanggal nila ito sa kanilang mga salin ng Bibliya at, sa ilang pagkakataon, ipinagbawal pa nga ang paggamit nito sa mga simbahan nila. * Kumusta naman ang mga Saksi ni Jehova? Iginagalang ba nila ang personal na pangalan ni Jehova? Ipinapakilala ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang personal na pangalan ng Diyos! Ginagawa natin ang ating buong makakaya para mamuhay kaayon ng ating pangalan—mga Saksi ni Jehova. (Isa. 43:10-12) Nakapag-imprenta tayo ng mahigit 240 milyong kopya ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Sa saling ito, ibinalik ang pangalan ni Jehova sa mga teksto kung saan ito tinanggal ng ibang mga tagapagsalin ng Bibliya. At ginagamit natin ang pangalan ni Jehova sa mga publikasyong batay sa Bibliya na mababasa sa mahigit 1,000 wika!

MAHAL NATIN ANG KATOTOHANAN

11. Paano ipinakita ng mga Kristiyano noon na mahal nila ang katotohanan?

11 Mahal ni Jesus ang katotohanan—ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa Kaniyang mga layunin. Namuhay si Jesus kaayon ng katotohanang iyan, at ipinaalam niya sa iba ang katotohanan. (Juan 18:37) Mahal na mahal din ng tunay na mga tagasunod ni Jesus ang katotohanan. (Juan 4:23, 24) Sa katunayan, sinabi ni apostol Pedro na ang pagiging Kristiyano “ang daan ng katotohanan.” (2 Ped. 2:2) Dahil mahal na mahal ng mga Kristiyano noon ang katotohanan, tinanggihan nila ang mga relihiyosong ideya, tradisyon, at personal na mga opinyon na hindi kaayon ng katotohanan. (Col. 2:8) Ganiyan din ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon. Sinisikap nila na ‘patuloy na lumakad sa katotohanan.’ Ibinabatay nila sa Salita ni Jehova ang lahat ng paniniwala nila at paraan ng pamumuhay.​—3 Juan 3, 4.

12. Ano ang ginagawa ng Lupong Tagapamahala kapag nakita nila na kailangang baguhin ang pagkaunawa sa isang bagay, at bakit nila ginagawa iyon?

12 Hindi inaangkin ng bayan ng Diyos ngayon na alam nila ang lahat ng katotohanan. Nagkakamali sila kung minsan sa paraan ng pagpapaliwanag sa isang turo sa Bibliya o pag-oorganisa sa kongregasyon. Pero hindi natin iyon dapat ikagulat. Malinaw na sinasabi sa Kasulatan na lalago ang tumpak na kaalaman sa paglipas ng panahon. (Col. 1:9, 10) Unti-unti ang pagsisiwalat ni Jehova sa katotohanan, kaya dapat na matiyaga tayong maghintay hanggang sa lumiwanag nang lumiwanag ang katotohanan. (Kaw. 4:18) Kapag nakita ng Lupong Tagapamahala na kailangang baguhin ang pagkaunawa sa isang bagay, ginagawa nila agad ang mga kinakailangang pagbabago. Maraming relihiyon sa ngayon ang gumagawa ng pagbabago sa mga turo nila para mapasaya ang mga miyembro nila o para dumami sila, pero ang mga pagbabago sa organisasyon ni Jehova ay ginagawa para mas mapalapít tayo sa Diyos at para lalo pang matularan ang paraan ng pagsambang ipinakita ni Jesus. (Sant. 4:4) Gumagawa tayo ng mga pagbabago, hindi para sundan ang gusto ng karamihan, kundi dahil mas nauunawaan na natin ang Bibliya. Ganiyan natin kamahal ang katotohanan!—1 Tes. 2:3, 4.

MAHAL NA MAHAL NATIN ANG ISA’T ISA

13. Ano ang pinakamahalagang katangian na ipinakita ng tunay na mga Kristiyano noong unang siglo, at paano ito ipinapakita ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon?

13 Kilalá ang mga Kristiyano noong unang siglo na may magagandang katangian, at ang pinakamahalaga sa mga ito ay pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Kung mahal ninyo ang isa’t isa, malalaman ng lahat na kayo ay mga alagad ko.” (Juan 13:34, 35) Sa ngayon, nagkakaisa ang mga Saksi ni Jehova sa buong mundo. Naiiba tayo sa lahat ng iba pang relihiyon kasi para tayong isang pamilya kahit na magkakaiba tayo ng lahi at kultura. Talagang mahal na mahal natin ang isa’t isa, at kitang-kita iyan sa ating mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Dahil diyan, lalo tayong nagiging kumbinsido na ang paraan ng pagsamba natin ay ang paraan ng pagsamba na gusto ni Jehova.

14. Ayon sa Colosas 3:12-14, paano natin maipapakita ang masidhing pag-ibig sa isa’t isa?

14 Sinasabi ng Kasulatan na dapat tayong ‘magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa.’ (1 Ped. 4:8) Maipapakita natin ang pag-ibig na iyan kung papatawarin natin ang isa’t isa at pagtitiisan ang mga kahinaan ng iba. Sinisikap din natin na laging maging mapagpatuloy at mapagbigay sa lahat ng kapatid, kahit sa mga nakasakit sa atin. (Basahin ang Colosas 3:12-14.) Kapag nagpapakita tayo ng masidhing pag-ibig, napapatunayan natin na tayo ay tunay na mga Kristiyano.

“IISANG PANANAMPALATAYA”

15. Paano pa natin tinutularan ang paraan ng pagsambang ipinakita ng mga Kristiyano noong unang siglo?

15 Tinutularan din natin sa iba pang paraan ang pagsambang ipinakita ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo. Halimbawa, organisado tayo—mayroon tayong mga naglalakbay na tagapangasiwa, elder, at ministeryal na lingkod. (Fil. 1:1; Tito 1:5) Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, sinusunod natin ang mga batas ni Jehova pagdating sa sex at pag-aasawa, nirerespeto ang kabanalan ng dugo, at pinoprotektahan ang kongregasyon mula sa mga di-nagsisising nagkasala.​—Gawa 15:28, 29; 1 Cor. 5:11-13; 6:9, 10; Heb. 13:4.

16. Ano ang matututuhan natin sa Efeso 4:4-6?

16 Binanggit ni Jesus na marami ang magsasabing sila ay mga alagad niya, pero hindi lahat ay tunay na mga Kristiyano. (Mat. 7:21-23) Sinasabi rin ng Kasulatan na sa mga huling araw, marami ang “mukhang makadiyos.” (2 Tim. 3:1, 5) Pero malinaw na binabanggit ng Bibliya na “iisang pananampalataya” lang ang sinasang-ayunan ng Diyos.​—Basahin ang Efeso 4:4-6.

17. Sino sa ngayon ang sumusunod kay Jesus at nagsasagawa ng iisang pananampalataya?

17 Sino sa ngayon ang nagsasagawa ng iisang pananampalatayang iyan? Sa nakita nating mga ebidensiya at paraan ng pagsamba na itinuro ni Jesus at ipinakita ng unang-siglong mga Kristiyano, iisa lang ang sagot—ang mga Saksi ni Jehova! Napakagandang pribilehiyo para sa atin na mapasama sa bayan ni Jehova at malaman ang katotohanan tungkol sa kaniya at sa mga layunin niya. Kaya patuloy sana tayong maging kumbinsido na nasa katotohanan tayo.

AWIT 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas

^ par. 5 Sa artikulong ito, titingnan natin ang paraan ng pagsamba na ipinakita ni Jesus at susuriin natin kung paano iyon tinularan ng mga alagad niya noon. Ipapakita rin sa artikulong ito ang mga ebidensiya na tinutularan iyon ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon.

^ par. 9 Tingnan ang kahong “Ginamit Ba ng Unang mga Kristiyano ang Pangalan ng Diyos?” sa Bantayan, Hulyo 1, 2010, p. 6.

^ par. 10 Halimbawa, noong 2008, ipinag-utos ni Pope Benedict XVI na ang pangalan ng Diyos ay “hindi dapat gamitin o banggitin” sa mga misa, awit, o panalangin ng mga Katoliko.

^ par. 63 LARAWAN: Inilabas ng organisasyon ni Jehova ang Bagong Sanlibutang Salin sa mahigit 200 wika para mabasa ng mga tao sa sarili nilang wika ang Bibliya na gumagamit ng pangalan ng Diyos.