Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Ang Paghahanap Ko sa Makabuluhang Buhay

Ang Paghahanap Ko sa Makabuluhang Buhay

HABANG naglalayag sa gitna ng Mediterranean Sea, bigla na lang pinasok ng maraming tubig ang lumang sailboat ko kasi butas na pala ito. ’Tapos may bagyo pa. Sa takot ko, bigla akong nanalangin. Matagal ko nang hindi nagagawa iyon. Bakit ba ako napunta sa ganitong sitwasyon? Hayaan ninyong ikuwento ko ang buhay ko.

Noong pitong taóng gulang ako, nakatira ang pamilya namin sa Brazil

Ipinanganak ako sa Netherlands noong 1948. Nang sumunod na taon, lumipat ang pamilya namin sa São Paulo, Brazil. Palasimba ang mga magulang ko, at laging nagbabasa ng Bibliya ang pamilya namin pagkatapos ng hapunan. Noong 1959, lumipat ulit kami pero ngayon, sa United States naman, at tumira kami sa Massachusetts.

Walo kami sa pamilya kaya nagtrabaho nang husto si Tatay para masuportahan kami. Naging salesman siya, at kung saan-saan siya nakakarating para magbenta. Naging tagagawa rin siya ng kalsada at naging sales representative ng isang international airline. Tuwang-tuwa ang buong pamilya nang makapasok siya sa airline kasi puwede kaming makapunta sa iba’t ibang lugar.

Noong high school ako, madalas kong isipin, ‘Ano kaya ang gagawin ko paglaki ko?’ Nag-aral ang ilang kaibigan ko sa university, ang iba naman, pumasok sa militar. Pero hindi ko inisip na sumali sa militar, kasi ayaw ko ng away, lalo na ng labanan. Kaya pumasok na lang ako sa university para makaiwas sa militar. Pero gusto ko talagang tumulong sa mga tao, kasi iniisip ko na kapag ginawa ko iyon, magiging makabuluhan ang buhay ko.

ANG BUHAY KO SA UNIVERSITY

Maraming taon kong hinanap kung ano ang layunin ng buhay

Sa university, nagustuhan ko ang anthropology, kasi gusto kong malaman kung saan nagmula ang buhay. Itinuro sa amin ang ebolusyon at gusto nilang paniwalaan namin iyon. Pero nakukulangan ako sa mga paliwanag tungkol sa ebolusyon, kasi wala itong matibay na ebidensiya.

Hindi rin itinuro sa amin ang mga prinsipyo tungkol sa tama at mali. Ang laging sinasabi sa amin, gawin namin ang lahat para lang magtagumpay. Masaya ako kapag nagda-drugs at nagpa-party kami ng barkada ko. Pero malungkot ulit ako pagkatapos n’on. Kaya naisip ko, ‘Ito ba talaga ang makabuluhang buhay?’

Lumipat ako sa lunsod ng Boston at nag-enrol sa isang university doon. Para makapagbayad ng tuition, nagtatrabaho ako kapag bakasyon at doon ko unang nakilala ang mga Saksi ni Jehova. Ipinaliwanag ng isang katrabaho ko ang hula tungkol sa “pitong panahon” na makikita sa Daniel kabanata 4 at sinabi niyang nabubuhay na tayo sa panahon ng wakas. (Dan. 4:13-17) Naisip ko, kung ipagpapatuloy ko ang pakikipag-usap tungkol sa Bibliya, mapipilitan akong baguhin ang buhay ko. Kaya todo-iwas ako sa katrabaho kong iyon.

Kumuha ako ng mga course na tutulong sa akin na makapag-volunteer sa South America. Naisip ko kasi na ang pagkakawanggawa ang magbibigay sa akin ng makabuluhang buhay. Pero parang may kulang pa rin. Kaya hindi ko na rin itinuloy ang pag-aaral.

NILIBOT KO ANG IBA’T IBANG BANSA

Noong Mayo 1970, lumipat ako sa Amsterdam, Netherlands. At pumasok ako sa airline kung saan nagtrabaho ang tatay ko. Kaya nakarating ako sa Africa, America, Europe, at Asia. Pero lahat ng bansang puntahan ko, may problema at hindi nila ito kayang solusyunan. Gusto ko pa ring magkaroon ng saysay ang buhay ko, kaya bumalik ako sa United States at nag-enrol ulit sa university na pinasukan ko sa Boston.

Pero ngayong nag-aaral ulit ako, hindi ko pa rin mahanap ang sagot sa mga tanong ko sa buhay. Dahil hindi ko na alam ang gagawin ko, humingi ako ng payo sa propesor ko sa anthropology. Nagulat ako sa sinabi niya: “Bakit ka pa nag-aaral? Bakit hindi ka na lang tumigil?” Pero nagustuhan ko y’ong sinabi niya. Kaya tuluyan na akong tumigil sa pag-aaral.

Dahil hindi ko pa rin nahahanap ang makabuluhang buhay, sumali ako sa isang grupo na nagsasabing isinusulong nila ang kapayapaan at pag-ibig. Kaya nagbiyahe kami ng mga kaibigan ko hanggang sa makarating kami sa Acapulco, Mexico. Tumira kami kasama ng mga taong walang pakialam sa buhay. Pero habang kasama ko sila, nakita ko na walang kabuluhan ang buhay nila at hindi talaga sila masaya. Ang totoo, hindi tapat ang karamihan sa kanila.

NAGLAKBAY AKO SAKAY NG SAILBOAT

Naghanap ako ng isang malaparaisong isla kasama ng kaibigan ko

Naalala ko ang mga gusto kong gawin noong bata ako. Gusto kong maglayag, hindi bilang isang ordinaryong magdaragat, kundi isang kapitan. Pero para magawa iyon, kailangan kong magkaroon ng sariling sailboat. Dahil pareho kami ng pangarap ng kaibigan kong si Tom, nagpasiya kaming libutin ang buong mundo. Gusto kong makakita ng isang malaparaisong isla at doon na tumira nang malaya.

Bumiyahe kami ni Tom papuntang Arenys de Mar, malapit sa Barcelona, Spain. Doon kami bumili ng isang 9.4 metrong sailboat. Pinangalanan namin itong Llygra. Inayos namin ang sailboat para ligtas kaming makapaglayag. Dahil hindi naman kami nagmamadali, inalis namin ang makina para may mapaglagyan kami ng maraming tubig na maiinom. Nagkabit din kami ng dalawang limang-metrong sagwan para madali naming makontrol ang sailboat kapag nasa maliliit na daungan kami. Sa wakas, sinimulan naming maglayag papuntang Seychelles, sa Indian Ocean. Plano naming dumaan sa kanlurang baybayin ng Africa paikot sa Cape of Good Hope, sa South Africa. Gumamit kami ng sextant para hindi kami maligaw. Hangang-hanga ako kasi nalalaman namin ang eksaktong lokasyon namin sa tulong ng mga bituin, star chart, at almanac.

Sa paglalayag namin, napansin namin na hindi gano’n katibay ang luma naming sailboat na gawa sa kahoy. Pinapasok ito ng tubig, mga 22 litro kada oras! Gaya ng sinabi ko sa pasimula, noong bumagyo na, natakot ako at bigla akong nanalangin. Matagal ko nang hindi nagagawa iyon. Nangako ako sa Diyos na kung makakaligtas kami, kikilalanin ko talaga siya. Huminto ang bagyo at tinupad ko ang pangako ko.

Habang nasa gitna kami ng Mediterranean Sea, sinimulan kong basahin ang Bibliya. Isip-isipin kung gaano kasarap sa pakiramdam habang nakaupo ka sa gitna ng karagatan at nakikita mo ang mga flying fish, dolphin, at kaulapan. Sa gabi naman, gandang-ganda ako sa Milky Way galaxy at lalo akong naging kumbinsido na may isang Diyos na nagmamalasakit sa mga tao.

Pagkatapos ng ilang linggo sa karagatan, nagsagwan kami papunta sa daungan ng Alicante, Spain. Ibebenta na namin ang sailboat namin para makabili kami ng mas maganda. Pero ang hirap makahanap ng buyer. Sino nga ba naman ang bibili ng luma, walang makina, at butas na sailboat! Pero okey lang, kasi mas marami akong panahon sa pagbabasa ng Bibliya.

Sa pagbabasa ko ng Bibliya, nakita kong makakatulong ito para maging masaya ang buhay natin. Humanga ako sa sinasabi nito tungkol sa pamumuhay nang malinis sa moral, at naisip ko kung bakit napakaraming tao—kasama na ako—ang nagsasabing mga Kristiyano sila pero hindi naman sinusunod ang Bibliya.

Desidido na akong baguhin ang buhay ko, kaya huminto ako sa pagda-drugs. May mga tao naman siguro na sumusunod sa mga prinsipyo ng Bibliya at gusto ko silang makilala. Kaya sa ikalawang pagkakataon, nanalangin ulit ako sa Diyos at hiniling ko na mahanap ko sila.

ANG PAGHAHANAP KO SA TUNAY NA RELIHIYON

Para sa akin, makatuwiran lang na isa-isa kong susuriin ang mga relihiyon hanggang sa mahanap ko kung ano ang tunay. Habang naglalakad ako sa Alicante, marami akong nadadaanang simbahan. Pero dahil marami sa kanila ang gumagamit ng mga imahen, inaalis ko na sila sa listahan ko.

Minsan, isang Linggo ng hapon, nasa buról ako at natatanaw ko ang daungan. Binabasa ko ang Santiago 2:1-5. Babala ito tungkol sa pagpapakita ng paboritismo sa mayayaman. Noong pabalik na ako sa sailboat, nadaanan ko ang isang gusali na parang ginagamit sa pagsamba at may nakapaskil na “Kingdom Hall of Jehovah’s Witnesses.”

Sa isip ko, ‘Subukan ko nga sila. Tingnan ko kung paano nila ako tatanggapin.’ Kaya pumasok ako sa Kingdom Hall nang nakapaa, may balbas, at gula-gulanit ang pantalon. Pinaupo ako ng attendant sa tabi ng isang may-edad nang babae na tumulong naman sa akin para mahanap ang mga teksto na binabanggit ng tagapagsalita. Pagkatapos ng pulong, nagulat ako kasi ang babait ng lahat ng lumapit sa akin. Inimbitahan ako ng isang lalaki sa bahay niya para pag-usapan ang Bibliya, pero hindi ko pa ito tapos basahin, kaya sinabi ko, “Sasabihan kita kapag handa na ako.” Pero mula noon, dumalo na ako sa lahat ng pulong.

Pagkatapos ng ilang linggo, pinuntahan ko ang lalaking iyon sa bahay niya at sinagot niya ang mga tanong ko sa Bibliya. Nang sumunod na linggo, binigyan niya ako ng isang bag na punô ng magagandang damit. Sinabi niya na nakabilanggo ang may-ari ng mga damit na iyon dahil sa pagsunod sa utos ng Bibliya na mahalin ang isa’t isa at huwag makipagdigma. (Isa. 2:4; Juan 13:34, 35) Natagpuan ko na ang hinahanap ko—sila ang mga taong sumusunod sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa moralidad! Kung noon, gusto kong makakita ng isang malaparaisong isla, ngayon, gusto ko nang pag-aralan ang Bibliya para lalo ko itong maintindihan. Kaya bumalik ako sa Netherlands.

ANG PAGHAHANAP KO NG TRABAHO

Apat na araw akong naglakbay papunta sa lunsod ng Groningen, sa Netherlands. Kailangan kong magtrabaho para suportahan ang sarili ko. Nag-aplay ako sa isang carpenter shop, at itinatanong sa form kung ano ang relihiyon ko. Isinulat ko, “Jehovah’s Witnesses.” Pagkabasa ng may-ari, nag-iba ang mukha niya. Sabi niya, “Tatawagan na lang kita.” Pero hindi siya tumawag.

Sa isa namang carpenter shop, tinanong ko ang may-ari kung kailangan nila ng tauhan. Hinanapan niya ako ng diploma at iba pang dokumento. Sinabi ko na nasubukan ko nang mag-ayos ng isang sailboat na gawa sa kahoy. Nagulat ako nang sabihin niya, “Puwede ka nang magsimula ngayong hapon pero sa isang kondisyon. Huwag na huwag kang gagawa ng kalokohan dito sa shop. Saksi ni Jehova ako at sumusunod ako sa mga prinsipyo sa Bibliya.” Napatingin ako sa kaniya at sinabi ko, “Ako rin po!” Baka dahil mahaba ang buhok ko at may balbas, sinabi niya, “Sige, mag-aaral tayo ng Bibliya!” Siyempre, pumayag ako. Ngayon alam ko na kung bakit hindi ako tinawagan ng may-ari ng unang carpenter shop. Talagang ibinibigay ni Jehova ang mga kahilingan ng puso ko. (Awit 37:4) Kaya isang taon akong nagtrabaho doon at nagpa-Bible study sa kaniya. Pagkatapos, nabautismuhan ako noong Enero 1974.

SA WAKAS, NAHANAP KO NA ANG MAKABULUHANG BUHAY!

Pagkalipas ng isang buwan, nagpayunir ako. Ang saya-saya ko! Nang sumunod na buwan, lumipat ako sa Amsterdam para tumulong sa isang bagong-tatag na Spanish-language group. Ang sarap magdaos ng Bible study sa wikang Spanish at Portuguese! Noong Mayo 1975, naatasan ako bilang special pioneer.

Minsan, sa pulong namin sa Spanish, dumalo ang isang special pioneer na si Ineke para ipakilala sa amin ang Bible study niya na taga-Bolivia. Mula noon, nagsulatan kami ni Ineke at nalaman namin na pareho kami ng mga goal. Ikinasal kami noong 1976, at nagpatuloy kami sa paglilingkod bilang special pioneer hanggang sa imbitahan kami noong 1982 na mag-aral sa ika-73 klase ng Gilead. Napakasaya namin nang atasan kami sa East Africa! Naglingkod kami sa Mombasa, Kenya nang limang taon. Noong 1987, naatasan naman kami sa Tanzania. Kaaalis lang ng pagbabawal sa pangangaral doon. Tumira kami doon nang 26 na taon bago bumalik sa Kenya.

Napakasaya namin ng asawa ko na tulungan ang mga tao sa East Africa na malaman ang katotohanan tungkol sa Bibliya

Nagbigay sa amin ng makabuluhang buhay ang pagtulong sa mga tao na malaman ang katotohanan sa Bibliya. Halimbawa, ang unang Bible study ko sa Mombasa ay isang lalaki na nakilala ko sa public witnessing. Pagkabigay ko ng dalawang magasin, sinabi niya, “Kapag natapos ko ito, ano’ng gagawin ko?” Nang sumunod na linggo, nag-Bible study kami gamit ang bagong labas na aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, sa wikang Swahili. Pagkalipas ng isang taon, nabautismuhan siya at naging regular pioneer. Mula noon, kasama ng asawa niya, halos 100 tao ang natulungan nila na mag-alay at magpabautismo.

Nakita namin mismo ni Ineke na tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na magkaroon ng makabuluhang buhay

Nang malaman ko kung ano ang layunin ng buhay, parang ako y’ong naglalakbay na negosyante na nakahanap ng magandang klase ng perlas at ayaw itong pakawalan. (Mat. 13:45, 46) Gusto kong gamitin ang buong buhay ko para tulungan ang iba na magkaroon ng makabuluhang buhay. Nakita namin mismo ng asawa ko na tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na magkaroon ng makabuluhang buhay.