Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isa Ka Bang Mabuting Kamanggagawa?

Isa Ka Bang Mabuting Kamanggagawa?

“NASA tabi niya ako noon bilang isang dalubhasang manggagawa. . . . Masayang-masaya ako sa piling niya sa lahat ng panahon.” (Kaw. 8:30) Ganiyan inilarawan ng Bibliya ang Anak ng Diyos. Maraming taóng nagkasama sa paggawa si Jesus at ang kaniyang Ama bago siya pumunta rito sa lupa. Ipinapakita rin ng talatang ito kung ano ang nadama ni Jesus bilang kamanggagawa ng Diyos; “masayang-masaya” siya sa piling ng kaniyang Ama.

Sa langit, nagkaroon si Jesus ng mga katangian na nakatulong para maging mabuting kamanggagawa siya. Kaya noong nasa lupa na siya, naging mabuting halimbawa siya sa pagiging mabuting kasama sa paggawa. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jesus? Makikita natin ang tatlong prinsipyo na makakatulong sa atin na maging mabuting kamanggagawa. Tutulong din ang mga ito para magkaroon ng pagkakaisa at pagtutulungan sa gitna ng mga kapatid.

Makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Jehova at ni Jesus para maibahagi mo sa mga kamanggagawa mo ang mga karanasan at natutuhan mo

PRINSIPYO 1: ‘MAGPAKITA NG PAGGALANG SA IBA’

Ang isang mabuting kamanggagawa ay mapagpakumbaba at hindi niya ipinapakita na mas magaling siya kaysa sa iba. Natutuhan iyan ni Jesus sa kaniyang Ama. Si Jehova lang ang karapat-dapat tawaging Maylalang, pero gusto niyang malaman ng iba na kasama niya ang kaniyang anak sa paggawa. At makikita iyan sa sinabi ng Diyos: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.” (Gen. 1:26) Nang sabihin iyan ni Jehova, nalaman ni Jesus na talagang mapagpakumbaba si Jehova.​—Awit 18:35.

Noong nasa lupa si Jesus, naging mapagpakumbaba rin siya. Nang papurihan siya ng mga tao sa mga nagawa niya, ibinigay niya ang kapurihan sa Diyos. (Mar. 10:17, 18; Juan 7:15, 16) Habang magkakasama si Jesus at ang mga alagad niya sa paggawa, itinuring niya silang kaibigan, hindi alipin. (Juan 15:15) Hinugasan pa nga niya ang mga paa nila para turuan silang maging mapagpakumbaba. (Juan 13:5, 12-14) Dapat din nating igalang ang mga kamanggagawa natin. Magagawa natin iyan kung hindi natin uunahin ang sariling kagustuhan natin. Kapag nagpapakita tayo ng paggalang sa iba at hindi natin iniisip kung sino ang mabibigyan ng papuri, mas marami tayong magagawa.​—Roma 12:10.

Alam ng isang mapagpakumbaba na ‘magtatagumpay ang isang bagay kapag marami ang tagapayo.’ (Kaw. 15:22) Gaano man karami ang karanasan o kakayahan natin, dapat nating tandaan na hindi natin alam ang lahat ng bagay. Kahit si Jesus, kinilala niyang hindi niya alam ang lahat ng bagay. (Mat. 24:36) Interesado rin siya sa mga nalalaman o iniisip ng mga alagad niya. (Mat. 16:13-16) Kaya tiyak na magaan ang loob ng mga kamanggagawa niya sa kaniya! Kaya kung alam din natin ang mga limitasyon natin at makikinig sa mungkahi ng iba, magkakaroon tayo ng magandang kaugnayan sa kanila at marami ang magagawa.

Napakahalaga ring tularan ng mga elder ang kapakumbabaan ni Jesus habang magkakasama silang gumagawa. Kailangan nilang tandaan na matutulungan ng banal na espiritu ang sinuman sa lupon ng matatanda. Kapag may miting ang mga elder, sinisigurado nila na makakapag-suggest ang lahat. Dahil dito, makakagawa sila ng mga desisyon na makakatulong sa buong kongregasyon.

PRINSIPYO 2: “MAKITA NAWA NG LAHAT ANG PAGIGING MAKATUWIRAN NINYO”

Ang isang mabuting kamanggagawa ay makatuwiran. Madali siyang mag-adjust at magparaya. Maraming pagkakataon na nakita ni Jesus ang pagiging makatuwiran ng kaniyang Ama. Halimbawa, isinugo siya ni Jehova para tubusin ang mga tao mula sa kamatayan.​—Juan 3:16.

Nagparaya si Jesus kapag kinakailangan. Kahit isinugo si Jesus para sa sambahayan ng Israel, tinulungan niya pa rin ang isang babaeng taga-Fenicia. (Mat. 15:22-28) Naging makatuwiran din siya sa mga inaasahan niya sa mga alagad niya. Matapos siyang ikaila ng kaibigan niyang si Pedro, pinatawad pa rin niya ito. Binigyan pa nga niya si Pedro ng mabibigat na pananagutan. (Luc. 22:32; Juan 21:17; Gawa 2:14; 8:14-17; 10:44, 45) Ipinapakita ng halimbawa ni Jesus na kapag nagpaparaya tayo, ‘makikita ng lahat ang pagiging makatuwiran natin.’—Fil. 4:5.

Kapag makatuwiran tayo, handa rin tayong makibagay sa lahat ng uri ng tao. Maganda ang pakikitungo ni Jesus sa mga nakakasama niya. Dahil dito, inakusahan siya ng mga kaaway niya na “kaibigan siya ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan” na tumugon sa mensahe niya. (Mat. 11:19) Puwede ba nating tularan si Jesus sa pakikitungo sa iba? Halimbawa, nasubukan ng brother na si Louis na makasalamuha ang mga tao na may iba’t ibang pinagmulan nang maglingkod siya bilang tagapangasiwa ng sirkito at Bethelite. Sinabi niya: “Ikinumpara ko sa isang pader na gawa sa mga bato na may iba’t ibang hugis ang mga kapatid na nakasama ko sa paglilingkod. Kung ia-adjust mo ang pagkakasalansan ng mga bato, makakagawa ka ng pantay na pader. Sinikap ko ring gumawa ng mga adjustment sa sarili ko para maging maganda ang pakikipagsamahan ko sa iba at matapos ang gawain.” Napakaganda ngang katangian!

Hindi ipagdadamot ng isang mabuting kamanggagawa ang mga impormasyon na alam niyang makakatulong sa iba dahil lang sa takot na masapawan siya

Sa anong mga pagkakataon puwede nating maipakita ang pagiging makatuwiran sa mga kapatid natin sa kongregasyon? Maipapakita natin iyan sa mga kapatid na kasama natin sa grupo sa paglilingkod sa larangan. Baka makapartner natin ang isang kapatid na iba ang kalagayan o hindi natin kaedad. Puwede ba tayong makibagay sa paraan nila ng pagtuturo para maging mas masaya at mabunga ang kanilang ministeryo?

PRINSIPYO 3: MAGING “HANDANG MAMAHAGI”

Ang isang mabuting kamanggagawa ay “handang mamahagi.” (1 Tim. 6:18) Habang kasama ni Jesus ang kaniyang Ama sa paggawa, nalaman niya na walang itinatago sa kaniya si Jehova. Nang “ihanda [ni Jehova] ang langit,” “naroon” si Jesus at natuto siya mula kay Jehova. (Kaw. 8:27) Nang maglaon, ibinahagi ni Jesus sa mga alagad niya “ang lahat ng narinig [niya]” sa kaniyang Ama. (Juan 15:15) Matutularan natin ang halimbawa ni Jehova kung ibabahagi natin sa mga kapatid ang mga karanasan at natutuhan natin. Hindi ipagdadamot ng isang mabuting kamanggagawa ang mga impormasyon na alam niyang makakatulong sa iba dahil lang sa takot na masapawan siya. Masaya niyang ibinabahagi sa kanila ang magagandang bagay na natutuhan niya.

Puwede rin nating patibayin ang mga kamanggagawa natin. Kapag napapansin ng iba ang mga pagsisikap natin at pinapasalamatan nila tayo, hindi ba’t napapatibay tayo? Sinasabi ni Jesus sa mga kamanggagawa niya ang mabubuting bagay na nakita niya sa kanila. (Ihambing ang Mateo 25:19-23; Lucas 10:17-20.) Sinabi pa nga niya na “ang mga gagawin [nila] ay makahihigit” sa mga ginawa niya. (Juan 14:12) Noong gabi bago siya mamatay, kinomendahan niya ang tapat na mga apostol niya: “Kayo ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok.” (Luc. 22:28) Talagang napatibay at napakilos sila sa mga sinabi ni Jesus! Kung kokomendahan din natin ang mga kamanggagawa natin, siguradong magiging mas masaya sila at epektibo sa gawain.

PUWEDE KANG MAGING MABUTING KAMANGGAGAWA

“Hindi kailangang maging perpekto ng isang mabuting kamanggagawa,” ang sabi ng brother na si Kayode, “pero pinapasaya niya sila para gumaan ang trabaho nila.” Ganoon ka rin ba? Baka puwede mong tanungin ang mga kapatid kung ano ang masasabi nila sa iyo bilang kamanggagawa. Kung masaya silang makasama ka sa paglilingkod gaya ng naramdaman ng mga alagad ni Jesus sa kaniya, masasabi mo rin ang sinabi ni apostol Pablo: “Mga kamanggagawa kami para sa inyong kagalakan.”​—2 Cor. 1:24.