Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 51

Patuloy na ‘Makinig sa Kaniya’

Patuloy na ‘Makinig sa Kaniya’

“Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.”​—MAT. 17:5.

AWIT 54 “Ito ang Daan”

NILALAMAN *

1-2. (a) Ano ang iniutos ng Diyos sa tatlong apostol ni Jesus, at ano ang ginawa nila? (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

 PAGKATAPOS ng Paskuwa noong 32 C.E., nakakita sina apostol Pedro, Santiago, at Juan ng isang kahanga-hangang pangitain. Sa isang napakataas na bundok, posibleng sa isang bahagi ng Bundok Hermon, nagbago ang anyo ni Jesus. “Suminag na gaya ng araw ang mukha niya, at nagningning na gaya ng liwanag ang damit niya.” (Mat. 17:1-4) Nang malapit nang matapos ang pangitain, narinig ng mga apostol ang Diyos: “Ito ang Anak ko, ang minamahal ko at kinalulugdan. Makinig kayo sa kaniya.” (Mat. 17:5) Makikita sa buong buhay ng tatlong apostol na nakinig sila kay Jesus. Gusto rin nating tularan ang halimbawa nila.

2 Sa naunang artikulo, natutuhan natin ang ibig sabihin ng pakikinig sa tinig ni Jesus: Huwag nang gawin ang ilang bagay. Sa artikulong ito, tatalakayin naman natin ang dalawang bagay na sinabi ni Jesus na dapat nating gawin.

“PUMASOK KAYO SA MAKIPOT NA PINTUANG-DAAN”

3. Ayon sa Mateo 7:13, 14, ano ang dapat nating gawin?

3 Basahin ang Mateo 7:13, 14. May binanggit si Jesus na dalawang magkaibang pintuang-daan na papunta sa dalawang magkaibang destinasyon. May isang “malapad” na daan at isang “makitid” na daan. Pansinin na wala nang ikatlong daan. Kaya dapat tayong pumili sa dalawang daang ito. Ito ang pinakamahalagang desisyon na gagawin natin dahil nakadepende rito ang pag-asa nating mabuhay nang walang hanggan.

4. Paano mo ilalarawan ang “malapad” na daan?

4 Tandaan natin ang pagkakaiba ng dalawang daan. Marami ang pumipili sa “malapad” na daan dahil madali itong lakaran. Nakakalungkot, nanatili ang marami sa daang ito at pinili nila na sumunod sa karamihan. Wala silang kamalay-malay na si Satanas na Diyablo ang nasa likod nito, at na papunta ito sa kamatayan.​—1 Cor. 6:9, 10; 1 Juan 5:19.

5. Anong mga pagsisikap ang ginawa ng ilan para mahanap ang “makitid” na daan at malakaran iyon?

5 Sinabi ni Jesus na “makitid” naman ang isang daan, at kakaunti ang nakakahanap dito. Bakit? Sa sumunod na talata, binabalaan ni Jesus ang mga tagasunod niya laban sa huwad na mga propeta. (Mat. 7:15) Sa ngayon, libo-libo ang mga relihiyon, at inaangkin ng marami sa mga ito na nasa kanila ang katotohanan. Milyon-milyon ang nabulag ng mga relihiyong ito kaya hindi nila mahanap ang daan papunta sa buhay. Pero puwedeng mahanap ang daang iyon. Sinabi ni Jesus: “Kung lagi ninyong susundin ang aking salita, kayo ay talagang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:31, 32) Mabuti na lang, hindi ka sumunod sa karamihan; hinanap mo ang katotohanan. Pinag-aralan mong mabuti ang Salita ng Diyos para malaman ang mga kahilingan niya sa atin, at nakinig ka sa mga turo ni Jesus. Higit sa lahat, natutuhan mo na inaasahan ni Jehova na hindi ka na makikibahagi sa huwad na relihiyon at sa mga selebrasyon na may paganong pinagmulan. Natutuhan mo rin na hindi magiging madali na gumawa ng mga pagbabago sa buhay mo para mapasaya si Jehova. (Mat. 10:34-36) Pero nagsikap ka dahil mahal mo ang iyong Ama sa langit at gusto mo siyang mapasaya. Siguradong masayang-masaya siya para sa iyo!—Kaw. 27:11.

KUNG PAANO MANANATILI SA MAKITID NA DAAN

Tinutulungan tayo ng mga payo at pamantayan ng Diyos na manatili sa “makitid” na daan (Tingnan ang parapo 6-8) *

6. Ayon sa Awit 119:9, 10, 45, 133, ano ang tutulong sa atin na makapanatili sa makitid na daan?

6 Ano ang makakatulong sa atin na makapanatili sa makitid na daan? Pag-isipan ang ilustrasyong ito. Sa ilang bansa, may inilalagay na bakod sa gilid ng makipot na daan sa bundok para maging ligtas ang mga dumadaan dito. Ginawa ang bakod na ito para hindi mahulog ang mga driver sa bangin. Siguradong walang driver na magrereklamo kung bakit inilagay ang bakod na iyon! Parang ganiyan ang mga pamantayan ni Jehova na nasa Bibliya. Tutulong ang mga iyon para manatili tayo sa makitid na daan.​—Basahin ang Awit 119:9, 10, 45, 133.

7. Ano ang dapat isipin ng mga kabataan tungkol sa makitid na daan?

7 Mga kabataan, nasasakal ba kayo minsan sa mga pamantayan ni Jehova? Iyan ang gusto ni Satanas na maramdaman ninyo. Gusto niyang ma-enjoy ninyo ang nararanasan ng mga lumalakad sa malapad na daan. Gusto niyang isipin ninyo na boring ang inyong buhay di-gaya ng mga kaeskuwela ninyo o ng mga tao sa Internet. Gusto ni Satanas na isipin ninyo na hindi kayo magiging masaya kapag sinunod ninyo ang mga pamantayan ni Jehova. * Tandaan: Ayaw ni Satanas na makita ng mga lumalakad sa daan niya kung ano ang dulo nito. Pero gusto ni Jehova na makita ninyo ang magandang kinabukasang naghihintay sa inyo kapag nanatili kayo sa daan papunta sa buhay.​—Awit 37:29; Isa. 35:5, 6; 65:21-23.

8. Ano ang matututuhan ng mga kabataan sa karanasan ni Olaf?

8 Tingnan ang matututuhan mo sa karanasan ng kabataang brother na si Olaf. * Pinilit siya ng mga kaklase niya na makipag-sex. Nang ipaliwanag niya na sumusunod sa mataas na pamantayan ng Bibliya ang mga Saksi ni Jehova, mas lalo siyang pinilit ng ilang kaklase niyang babae na makipag-sex. Pero nanindigan si Olaf sa kung ano ang tama. Hindi lang iyan ang napaharap sa kaniya. Sinabi ni Olaf: “Kinumbinsi ako ng mga teacher ko na kumuha ng mataas na edukasyon para magkaroon ako ng pangalan sa lipunan. Sinabi nila sa akin na kapag hindi ko raw ito ginawa, hindi ako magtatagumpay.” Ano ang nakatulong kay Olaf na malabanan ang mga tukso? Sinabi niya: “Nakipagkaibigan ako sa mga kapatid sa kongregasyon. Para silang pamilya sa akin. Mas sineryoso ko ang pag-aaral ng Bibliya. Dahil doon, mas naging kumbinsido ako na ito ang katotohanan. Kaya naging determinado ako na paglingkuran si Jehova.”

9. Ano ang dapat gawin ng mga gustong manatili sa makitid na daan?

9 Gusto ni Satanas na lumihis ka sa daan papunta sa buhay. Gusto niyang sumunod ka sa karamihan na lumalakad sa malapad na daan “papunta sa pagkapuksa.” (Mat. 7:13) Pero kung gusto nating manatili sa makitid na daan, dapat tayong makinig kay Jesus at isipin na ang daang ito ay proteksiyon sa atin. Talakayin naman natin ang isa pang sinabi ni Jesus na dapat nating gawin.

MAKIPAGPAYAPAAN SA MGA KAPATID

10. Ayon sa Mateo 5:23, 24, ano ang sinabi ni Jesus na dapat nating gawin?

10 Basahin ang Mateo 5:23, 24. May sinabi si Jesus na napakahalaga para sa mga mananambang Judio na nakikinig sa kaniya. Isipin na may isang Judio sa templo na magdadala ng handog na hayop sa saserdote. Kapag naalala niya sa oras na iyon na ang kapatid niya ay may reklamo sa kaniya, kailangan niyang iwan ang handog niya at “puntahan” ang kaniyang kapatid. Bakit? Ano ba ang mas mahalaga kaysa sa paghahandog kay Jehova? Malinaw ang sinabi ni Jesus: “Makipagkasundo ka muna sa [kapatid mo], at saka ka bumalik para ialay ang handog mo.”

Tutularan mo ba ang halimbawa ni Jacob, na mapagpakumbabang nakipagpayapaan sa kapatid niya? (Tingnan ang parapo 11-12) *

11. Ano ang mga ginawa ni Jacob para makipagpayapaan kay Esau?

11 May mahahalagang aral tayo na matututuhan tungkol sa pakikipagpayapaan kung aalamin natin ang isang pangyayari sa buhay ng patriyarkang si Jacob. Mga 20 taon nang wala si Jacob sa bayang pinagmulan niya. Pero sa pamamagitan ng isang anghel, inutusan siya ng Diyos na bumalik doon. (Gen. 31:11, 13, 38) Pero may problema. Gusto siyang patayin ng kuya niyang si Esau. (Gen. 27:41) “Natakot nang husto si Jacob at nag-alala” kasi baka may galit pa rin sa kaniya ang kapatid niya. (Gen. 32:7) Ano ang ginawa ni Jacob para makipagpayapaan sa kapatid niya? Una, marubdob niyang ipinanalangin kay Jehova ang problema niya. Pagkatapos, binigyan niya si Esau ng mga regalo. (Gen. 32:9-15) At nang magkita na ang magkapatid, naunang magpakita ng paggalang si Jacob kay Esau. Yumukod siya kay Esau nang pitong beses! Dahil sa kapakumbabaan at paggalang niya sa kapatid niya, nakipagpayapaan si Jacob kay Esau.​—Gen. 33:3, 4.

12. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jacob?

12 May matututuhan tayo sa mga ginawa ni Jacob para makipagpayapaan kay Esau. Mapagpakumbabang humingi si Jacob ng tulong kay Jehova. Pagkatapos, kumilos siya ayon sa panalangin niya. Ginawa niya ang lahat para maging maayos ang problema nilang magkapatid. Nang magkita sila, hindi nakipagtalo si Jacob kay Esau kung sino ang tama o mali. Gusto niyang magkaayos sila ng kapatid niya. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Jacob?

KUNG PAANO TAYO MAKIKIPAGPAYAPAAN SA IBA

13-14. Kapag nasaktan natin ang isang kapatid, ano ang dapat nating gawin?

13 Dahil lumalakad tayo sa daan papunta sa buhay, gusto nating maging mapayapa ang ugnayan natin bilang magkakapatid. (Roma 12:18) Ano ang dapat nating gawin kapag nasaktan natin ang isang kapatid? Gaya ni Jacob, marubdob na manalangin kay Jehova. Puwede nating hilingin sa kaniya na pagpalain ang pagsisikap nating makipagpayapaan sa ating kapatid.

14 Dapat din nating suriin ang sarili natin. Tanungin ang sarili: ‘Handa ko bang lunukin ang pride ko, magpakumbaba, humingi ng tawad, at makipagpayapaan? Ano kayang mararamdaman ni Jehova at ni Jesus kapag nauna akong makipagpayapaan sa isang kapatid?’ Makakatulong ang mga sagot natin sa mga tanong na iyan na makinig kay Jesus at mapagpakumbabang lapitan ang isang kapatid para makipagpayapaan sa kaniya. Kapag ginawa natin iyan, matutularan natin ang halimbawa ni Jacob.

15. Paano makakatulong ang prinsipyo sa Efeso 4:2, 3 para makipagpayapaan sa isang kapatid?

15 Isipin na lang ang mangyayari kung pinairal ni Jacob ang pride niya at kinompronta ang kapatid niya! Siguradong lalala ang sitwasyon. Kapag nilapitan natin ang isang kapatid para ayusin ang problema, dapat tayong magpakumbaba. (Basahin ang Efeso 4:2, 3.) Sinasabi ng Kawikaan 18:19: “Mas mahirap payapain ang nasaktang kapatid kaysa pabagsakin ang isang napapaderang lunsod, at may mga pagtatalo na gaya ng mga halang sa tanggulan.” Kapag humingi tayo ng tawad sa isang kapatid, makakatulong din iyon sa kanila para makipagpayapaan sa atin.

16. Ano ang dapat nating pag-isipan, at bakit?

16 Kailangan din nating pag-isipan ang sasabihin natin at kung paano natin ito sasabihin. Kapag handa na tayong makipag-usap sa kapatid na nasaktan natin, dapat na ang tunguhin natin ay maibalik ang kaugnayan natin sa kaniya. Sa umpisa, baka may masabi siya na hindi natin magustuhan. Madaling magalit o sabihing tama tayo, pero tutulong ba iyon para maging mapayapa ang kaugnayan natin sa kaniya? Siyempre hindi. Tandaan na mas mahalagang maibalik ang kaugnayan natin sa ating kapatid kaysa alamin kung sino ang tama o mali.​—1 Cor. 6:7.

17. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Gilbert?

17 Talagang sinikap ng brother na si Gilbert na maging mapagpayapa. Sinabi niya: “Hirap na hirap akong makipag-ayos sa isang malapít na kapamilya. Sa loob ng mahigit dalawang taon, talagang sinikap ko na kausapin siya nang mahinahon para maibalik namin ang magandang kaugnayan namin sa isa’t isa.” Ano pa ang ginawa ni Gilbert? “Sa tuwing mag-uusap kami, nananalangin muna ako at ipinapaalala ko sa sarili ko na maging kalmado kapag may sinabi siyang hindi maganda sa akin. Dapat na handa akong magpatawad. Hindi ko dapat isipin na ako ang tama. Ang tunguhin ko ay makipagpayapaan.” Ano ang nangyari? Sinabi ni Gilbert: “Mapayapa na ang isip ko ngayon, kasi maganda na ang kaugnayan ko sa buong pamilya ko.”

18-19. Kapag nasaktan natin ang isang kapatid, ano ang determinado nating gawin, at bakit?

18 Ano ang dapat mong pagsikapang gawin kapag nasaktan mo ang isang kapananampalataya? Sundin ang payo ni Jesus na makipagpayapaan. Ipanalangin ito kay Jehova, at hingin ang banal na espiritu niya para lagi kang handang makipagpayapaan. Kapag ginawa mo iyan, magiging masaya ka, at maipapakita mong nakikinig ka kay Jesus.​—Mat. 5:9.

19 Nagpapasalamat tayo kay Jehova dahil maibigin niya tayong pinapayuhan sa tulong ng “ulo ng kongregasyon,” si Jesu-Kristo. (Efe. 5:23) Maging determinado sana tayo na ‘makinig sa kaniya,’ gaya nina apostol Pedro, Santiago, at Juan. (Mat. 17:5) Tinalakay natin kung paano tayo makikipagpayapaan sa isang kapatid na nasaktan natin. Kapag ginawa natin iyan at nanatili tayo sa makitid na daan papunta sa buhay, pagpapalain tayo ni Jehova ngayon at magiging masaya tayo magpakailanman.

AWIT 130 Maging Mapagpatawad

^ Gusto ni Jesus na pumasok tayo sa makipot na pintuang-daan na papunta sa buhay. Pinapayuhan din niya tayo na makipagpayapaan sa mga kapatid. Habang sinisikap nating sundin ang payong ito, ano ang mga puwedeng maging problema, at paano natin mahaharap ang mga iyon?

^ Tingnan ang tanong 6 sa brosyur na Sagot sa 10 Tanong ng mga Kabataan,Paano Kung Ginigipit Ako ng Iba?” at ang whiteboard animation na Huwag Magpadala sa Pressure ng Kasama! sa www.pr418.com/tl. (Tingnan sa TURO NG BIBLIYA > TIN-EDYER.)

^ Binago ang ilang pangalan.

^ LARAWAN: Kung mananatili tayo sa “makitid” na daang pinoprotektahan ng bakod na inilalaan ng Diyos, maiiwasan natin ang mga panganib gaya ng pornograpya, imoral na paggawi, at pag-una sa mataas na edukasyon.

^ LARAWAN: Paulit-ulit na yumukod si Jacob sa kapatid niyang si Esau para makipagpayapaan.