Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 10

Magagawa Mong ‘Hubarin ang Lumang Personalidad’

Magagawa Mong ‘Hubarin ang Lumang Personalidad’

“Hubarin ninyo ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito.”​—COL. 3:9.

AWIT 29 Pamumuhay Ayon sa Aming Pangalan

NILALAMAN *

1. Ano ang buhay mo noon bago ka mag-aral ng Bibliya?

 ANO ang buhay mo noon bago ka makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova? Marami sa atin, baka ayaw nang isipin iyon. Malamang na naiimpluwensiyahan noon ng sanlibutan ang personalidad at pananaw natin sa kung ano ang tama at mali. Kaya “namumuhay [tayo] sa sanlibutan nang walang pag-asa at walang Diyos.” (Efe. 2:12) Pero nagbago ang buhay natin nang mag-aral tayo ng Bibliya.

2. Ano ang nalaman mo nang mag-aral ka ng Bibliya?

2 Nang mag-aral ka ng Bibliya, nalaman mo na mayroon kang Ama sa langit na mahal na mahal ka. Natutuhan mo na kung gusto mong mapasaya si Jehova at maging bahagi ng pamilya ng mga sumasamba sa kaniya, kailangan mong gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay mo, pananaw, at pag-iisip. Kailangan mo ring matutuhang mamuhay ayon sa matataas na pamantayan niya.​—Efe. 5:3-5.

3. Ayon sa Colosas 3:9, 10, ano ang gusto ni Jehova na gawin natin, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Bilang ating Maylalang at Ama sa langit, may karapatan si Jehova na magtakda kung paano dapat gumawi ang mga miyembro ng pamilya niya. At hinihiling niya sa atin na bago tayo magpabautismo, dapat nating sikapin na “hubarin . . . ang lumang personalidad, pati na ang mga gawain nito.” * (Basahin ang Colosas 3:9, 10.) Makakatulong ang artikulong ito sa mga gustong magpabautismo para masagot ang tatlong tanong: (1) Ano ang “lumang personalidad”? (2) Bakit iniutos ni Jehova na hubarin natin ito? (3) Paano natin ito magagawa? Para naman sa mga bautisado na, makakatulong ang artikulong ito para maiwasan nilang bumalik ang lumang personalidad.

ANO ANG “LUMANG PERSONALIDAD”?

4. Kapag kontrolado ng “lumang personalidad” ang isang tao, paano siya kumikilos?

4 Kapag kontrolado ng “lumang personalidad” ang isang tao, makalaman ang pag-iisip at pagkilos niya. Makasarili siya, madaling magalit, walang utang na loob, at mapagmataas. Baka nag-e-enjoy siyang manood ng pornograpya at ng imoral o mararahas na pelikula. May magagandang katangian naman siya, at baka nakokonsensiya pa nga kapag may nasasabi o nagagawa siyang masama. Pero kulang ang pagnanais niya na baguhin ang pag-iisip at paggawi niya.​—Gal. 5:19-21; 2 Tim. 3:2-5.

Kapag hinubad na natin ang “lumang personalidad,” hindi na tayo makokontrol ng makalamang mga ugali at gawain (Tingnan ang parapo 5) *

5. Lubusan ba nating mahuhubad ang lumang personalidad? Ipaliwanag. (Gawa 3:19)

5 Hindi tayo perpekto. Kaya walang sinuman sa atin ang lubusang makakapag-alis sa puso at isip natin ng lahat ng maling kaisipan at pagnanasa. Kung minsan, may magagawa o masasabi tayo na pagsisisihan natin. (Jer. 17:9; Sant. 3:2) Pero kapag hinubad na natin ang lumang personalidad, hindi na tayo makokontrol ng makalamang mga ugali at gawain. Ibang-iba na ang pagkatao natin.​—Isa. 55:7; basahin ang Gawa 3:19.

6. Bakit iniutos ni Jehova na alisin natin ang maling mga kaisipan at gawain ng ating lumang personalidad?

6 Mahal na mahal tayo ni Jehova at gusto niya na maging masaya tayo. Kaya iniutos niya na alisin natin ang maling mga kaisipan at gawain. (Isa. 48:17, 18) Alam kasi ni Jehova na kapag nagpadaig sa maling mga pagnanasa ang isang tao, masasaktan niya ang sarili niya at ang iba. At nasasaktan si Jehova kapag nakikita niyang nasasaktan tayo at ang iba.

7. Ayon sa Roma 12:1, 2, anong pagpili ang kailangan nating gawin?

7 Sa umpisa, baka tuyain tayo ng ilang kaibigan at kapamilya natin dahil nagsisikap tayong magbago. (1 Ped. 4:3, 4) Baka sabihin nila na may karapatan tayong gawin ang gusto natin at na hindi tayo dapat diktahan ng iba kung ano ang dapat nating gawin. Pero hindi naman talaga nagiging malaya ang mga hindi sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova. Ang totoo, hinahayaan nilang kontrolin sila ng sanlibutan ni Satanas. (Basahin ang Roma 12:1, 2.) Lahat tayo, kailangang pumili: Patuloy ba nating isusuot ang lumang personalidad, na naiimpluwensiyahan ng kasalanan at ng sanlibutan ni Satanas, o patuloy na magpapahubog kay Jehova para maging mas mabuting tao tayo?​—Isa. 64:8.

PAANO MO MAGAGAWANG “HUBARIN” ANG LUMANG PERSONALIDAD?

8. Ano ang tutulong sa atin para maiwasan ang maling mga kaisipan at gawain?

8 Alam ni Jehova na kailangan natin ng panahon at pagsisikap para maiwasan ang maling mga kaisipan at gawain. (Awit 103:13, 14) Pero sa tulong ng kaniyang Salita, espiritu, at organisasyon, binibigyan tayo ni Jehova ng karunungan, lakas, at pampatibay na kailangan natin para magbago. Tiyak na tinulungan ka na niya. Talakayin natin ngayon ang ilang bagay na puwede mong gawin para patuloy mong mahubad ang lumang personalidad at maging kuwalipikado sa bautismo.

9. Paano ka matutulungan ng Salita ng Diyos?

9 Suriing mabuti ang sarili mo gamit ang Bibliya. Ang Salita ng Diyos ay parang salamin. Matutulungan ka nito na makita kung paano ka mag-isip, magsalita, at kumilos. (Sant. 1:22-25) Puwede kang bigyan ng payo ng nagba-Bible study sa iyo at ng ibang makaranasang Kristiyano. Halimbawa, puwede nilang gamitin ang Bibliya para matulungan kang makita ang magagandang katangian mo at mga kahinaan. Puwede ka nilang turuang maghanap ng praktikal na mga payo na salig sa Bibliya para maalis mo ang masasamang gawain. At laging nandiyan si Jehova para tulungan ka. Siya ang pinakamakakatulong sa iyo dahil nababasa niya ang puso mo. (Kaw. 14:10; 15:11) Kaya laging manalangin sa kaniya at pag-aralan ang Salita niya araw-araw.

10. Ano ang natutuhan mo sa karanasan ni Elie?

10 Maging kumbinsido na ang mga pamantayan ni Jehova ang pinakamabuti. Makakabuti sa atin kung gagawin natin ang lahat ng hinihiling ni Jehova. Ang mga namumuhay kaayon ng matataas na pamantayan niya ay may paggalang sa sarili, layunin sa buhay, at talagang masaya. (Awit 19:7-11) Pero pinagdurusahan ng mga hindi sumusunod sa pamantayan ni Jehova ang epekto ng mga gawa ng laman. Ganito ang sinabi ni Elie tungkol sa hindi pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos. Pinalaki siya ng mga magulang niyang nagmamahal kay Jehova. Pero noong tin-edyer siya, nakipagbarkada si Elie sa masasamang kasama. Gumamit siya ng droga, namuhay nang imoral, at naging magnanakaw. Naging magagalitin din siya at marahas. “Lahat ng ginagawa ko ay kabaligtaran ng itinuro sa akin bilang Kristiyano,” ang sabi niya. Pero hindi niya nalimutan ang mga natutuhan niya noong bata pa siya. Nang maglaon, nag-aral ulit siya ng Bibliya. Nagsikap siya nang husto para maalis ang masasamang gawain niya at nagpabautismo noong 2000. Paano siya nakinabang nang mamuhay siya ayon sa mga pamantayan ni Jehova? Sinabi ni Elie: “Ngayon, mapayapa na ang isip ko at malinis ang budhi [ko].” * Gaya ng makikita natin sa karanasan ni Elie, ipinapahamak ng mga hindi sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova ang sarili nila. Pero handa si Jehova na tulungan silang magbago.

11. Anong mga bagay ang kinapopootan ni Jehova?

11 Kapootan ang mga kinapopootan ni Jehova. (Awit 97:10) Sinasabi ng Bibliya na kinapopootan ni Jehova ang “mapagmataas na mga mata, sinungaling na dila, at mga kamay na pumapatay ng inosente.” (Kaw. 6:16, 17) “Kinasusuklaman [din niya] ang mararahas at nandaraya.” (Awit 5:6) Talagang kinapopootan ni Jehova ang mga ugali at gawaing ito kaya pinuksa niya ang lahat ng masasama noong panahon ni Noe dahil pinuno nila ng karahasan ang lupa. (Gen. 6:13) Tingnan ang isa pang halimbawa. Sa pamamagitan ni propeta Malakias, sinabi ni Jehova na kinapopootan Niya ang mga may kataksilang dumidiborsiyo sa kanilang inosenteng asawa. Hindi tinatanggap ng Diyos ang pagsamba nila at mananagot sila sa kaniya dahil sa kanilang paggawi.​—Mal. 2:13-16; Heb. 13:4.

Ang paggawa ng mga bagay na sinasabi ni Jehova na masama ay dapat nating pandirihan gaya ng isang nabubulok na pagkain (Tingnan ang parapo 11-12)

12. Ano ang ibig sabihin ng “kamuhian ninyo ang masama”?

12 Gusto ni Jehova na “kamuhian [natin] ang masama.” (Roma 12:9) Ang salitang “kamuhian” ay isang matinding emosyon. Nangangahulugan ito ng matinding pagkapoot sa isang bagay at pagkasuklam dito. Halimbawa, ano ang mararamdaman mo kung may magsabi sa iyo na kainin mo ang isang nabubulok na pagkain? Naiisip mo pa lang na kakainin mo iyon, tiyak na nandidiri ka na. Ganiyan din ang dapat na maramdaman natin sa mga gawaing sinasabi ni Jehova na masama. Maisip pa lang natin ang mga ito, dapat na nandidiri na tayo.

13. Bakit dapat nating ingatan ang ating isip?

13 Ingatan ang isip mo. Naiimpluwensiyahan ng iniisip natin ang mga pagkilos natin. Kaya itinuro sa atin ni Jesus na tanggihan ang mga kaisipan na puwedeng mauwi sa malubhang pagkakasala. (Mat. 5:21, 22, 28, 29) Tiyak na gusto nating mapasaya ang ating Ama sa langit. Kaya napakahalagang tanggihan natin agad ang anumang maling kaisipan na pumapasok sa isip natin!

14. Ano ang ipinapakita ng mga pananalita natin, at anong mga tanong ang dapat nating pag-isipan?

14 Ingatan ang pananalita mo. Sinabi ni Jesus: “Anumang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso.” (Mat. 15:18) Totoo, makikita sa mga sinasabi natin kung sino tayo. Kaya tanungin ang sarili: ‘Nagsasabi ba ako ng totoo kahit alam kong magkakaproblema ako? Kung may asawa ako, iniiwasan ko bang makipag-flirt sa hindi ko kasekso? Lubusan ko bang iniiwasan ang imoral na mga pananalita? Kapag nakakainis ang kausap ko, mahinahon pa rin ba akong sumagot?’ Ang pananalita mo ay gaya ng mga butones sa isang damit. Kapag inalis mo sa pagkakabutones ang damit, mas madali mo itong mahuhubad. Kung sisikapin mo ring alisin ang mapang-abuso at imoral na mga pananalita, pati na ang pagsisinungaling, mas magiging madali sa iyo na hubarin ang lumang personalidad.

15. Ano ang ibig sabihin ng ipako sa “tulos” ang lumang personalidad natin?

15 Maging handang kumilos agad. Gumamit si apostol Pablo ng isang ilustrasyon para ituro sa atin na napakahalagang gumawa ng pagbabago. Isinulat niya na dapat nating ipako sa “tulos” ang ating lumang personalidad. (Roma 6:6) Handa si Jesus na maipako sa tulos para mapasaya si Jehova. Kung gusto rin nating mapasaya si Jehova, dapat na handa nating alisin ang mga ugali at gawain na kinapopootan niya. Dapat nating gawin ang mga iyan para magkaroon tayo ng malinis na konsensiya at ng pag-asang mabuhay nang walang hanggan. (Juan 17:3; 1 Ped. 3:21) Tandaan na hindi babaguhin ni Jehova ang mga pamantayan niya para sa atin. Tayo ang kailangang magbago at sumunod sa mga pamantayan niya.​—Isa. 1:16-18; 55:9.

16. Bakit dapat kang maging determinado na patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa?

16 Patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa. Kahit bautisado ka na, kailangan mo pa ring patuloy na labanan ang maling mga pagnanasa. Tingnan ang karanasan ni Maurício. Noong bata siya, naging homoseksuwal siya. Nang maglaon, nakilala niya ang mga Saksi ni Jehova at nag-aral ng Bibliya. Pagkatapos niyang gumawa ng mga pagbabago, nabautismuhan siya noong 2002. Kahit maraming taon na siyang naglilingkod ngayon kay Jehova, sinabi ni Maurício: “Inaamin kong pinaglalabanan ko pa rin ang maling mga pagnanasa paminsan-minsan.” Pero hindi siya nasiraan ng loob. Sinabi niya: “Napatitibay ako dahil alam kong napasasaya ko si Jehova kapag hindi ako nagpapadala sa aking pagnanasa.” *

17. Ano ang nakita mong nakakapagpatibay sa karanasan ni Nabiha?

17 Manalangin para sa tulong ni Jehova, at umasa ka sa espiritu niya, hindi sa sarili mong lakas. (Gal. 5:22; Fil. 4:6) Dapat tayong magsikap nang husto kung gusto nating hubarin ang lumang personalidad natin at hindi na ito maisuot pa. Tingnan ang karanasan ni Nabiha. Iniwan sila ng tatay niya noong anim na taon siya. “Talagang nasaktan ako,” ang sabi niya. Habang lumalaki si Nabiha, nakadama siya ng galit sa mundo. Nagtulak siya ng droga, naaresto, at nabilanggo nang ilang taon. Nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksing dumadalaw sa bilangguan. Nagsimulang gumawa ng malalaking pagbabago sa buhay si Nabiha. “Madali kong naihinto ang ilang bisyo ko,” ang sabi niya. “Pero pagdating sa paninigarilyo, inabot ako nang mahigit isang taon bago ko iyon naitigil.” Paano niya iyon nagawa? “Higit sa lahat,” ang sabi niya, “lagi akong nananalangin kay Jehova.” Sinasabi niya ngayon sa iba: “Kung nagawa kong magbago para mapasaya si Jehova, alam kong kaya rin ito ng iba!” *

PUWEDE KANG MAGING KUWALIPIKADO SA BAUTISMO

18. Ayon sa 1 Corinto 6:9-11, ano ang nagawa ng maraming lingkod ng Diyos?

18 Noong unang siglo, ang ilang lalaki at babae na pinili ni Jehova na maging kasamang tagapamahala ni Kristo ay dating gumagawa ng masasamang bagay. Halimbawa, may ilan sa kanila na dating mangangalunya, homoseksuwal, at magnanakaw. Pero sa tulong ng banal na espiritu ng Diyos, nagawa nilang magbago. (Basahin ang 1 Corinto 6:9-11.) Sa ngayon, milyon-milyon na ang natulungan ng Bibliya na gumawa ng pagbabago sa kanilang buhay. * Nagawa nilang ihinto ang masasamang gawain na napakahirap alisin. Pinapatunayan ng halimbawa nila na kaya mo ring baguhin ang personalidad mo at maihinto ang masasamang gawain para maging kuwalipikado ka sa bautismo.

19. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

19 Bukod sa pagsisikap na hubarin ang lumang personalidad, ang mga gustong magpabautismo ay dapat ding magsikap na isuot ang bagong personalidad. Sa susunod na artikulo, tatalakayin kung paano natin magagawa iyan at kung paano tayo matutulungan ng iba.

AWIT 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin

^ par. 5 Para maging kuwalipikado sa bautismo, kailangan nating baguhin ang personalidad natin. Tutulungan tayo ng artikulong ito na malaman kung ano ang lumang personalidad, kung bakit ito dapat hubarin, at kung paano natin ito magagawa. Tatalakayin naman sa susunod na artikulo kung paano natin mapananatiling nakasuot ang bagong personalidad, kahit pagkatapos ng bautismo.

^ par. 3 KARAGDAGANG PALIWANAG: Kapag ‘hinubad na natin ang lumang personalidad,’ inalis na natin ang mga ugali at pagnanasa na hindi nagpapasaya kay Jehova. Dapat nagawa na natin iyan bago pa tayo magpabautismo.​—Efe. 4:22.

^ par. 10 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—‘Dapat Akong Manumbalik kay Jehova’” sa Bantayan, isyu ng Abril 1, 2012.

^ par. 16 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—‘Napakababait Nila sa Akin’” sa Bantayan, isyu ng Mayo 1, 2012.

^ par. 17 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay—‘Galít Ako sa Mundo’” sa Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2012.

^ par. 64 LARAWAN: Ang pag-aalis ng masasamang ugali at gawain ay gaya ng paghuhubad ng lumang damit.