Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 13

Mas Magiging Masaya Ka Dahil sa Tunay na Pagsamba

Mas Magiging Masaya Ka Dahil sa Tunay na Pagsamba

“O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan.”​—APOC. 4:11.

AWIT 31 Lumakad na Kasama ng Ating Diyos

NILALAMAN *

1-2. Paano magiging katanggap-tanggap sa Diyos ang pagsamba natin?

 ANO ang naiisip mo kapag naririnig mo ang salitang “pagsamba”? Naiisip mo ba ang isang mapagpakumbabang brother na nakaluhod sa tabi ng kaniyang kama habang taimtim na nananalangin? O isang pamilya na masayang nag-aaral ng Bibliya?

2 Pareho itong mga gawa ng pagsamba. Tatanggapin kaya ni Jehova ang kanilang pagsamba? Oo, kung kaayon ito ng layunin niya at kung mahal nila at iginagalang si Jehova. Mahal na mahal natin si Jehova. Alam natin na karapat-dapat siyang sambahin, at gusto nating ibigay sa kaniya ang pinakamabuti.

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung anong uri ng pagsamba ang tinatanggap ni Jehova noong panahon ng Bibliya. Tatalakayin din natin ang walong bagay na gusto ni Jehova na gawin natin ngayon bilang pagsamba sa kaniya. Habang pinag-uusapan natin ito, pag-isipan kung ano pa ang puwede nating gawin para lalong maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin. Makikita rin natin kung bakit magiging masaya tayo dahil sa tunay na pagsamba.

PAGSAMBANG TINATANGGAP NI JEHOVA NOONG PANAHON NG BIBLIYA

4. Paano ipinakita ng mga mananamba ni Jehova bago ang panahong Kristiyano na mahal nila at iginagalang si Jehova?

4 Bago ang panahong Kristiyano, ipinakita ng tapat na mga lalaking gaya nina Abel, Noe, Abraham, at Job na mahal nila at iginagalang si Jehova. Paano? Sinunod nila ang Diyos, nanampalataya sila sa kaniya, at naghain ng mga handog. Hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung ano ang dapat nilang gawin sa pagsamba sa kaniya. Pero tiyak na ginawa nila ang lahat para parangalan si Jehova, at naging katanggap-tanggap sa kaniya ang pagsamba nila. Pagkatapos, ibinigay ni Jehova sa mga inapo ni Abraham ang Kautusang Mosaiko. May mga espesipikong batas ito tungkol sa paraan ng pagsamba na tinatanggap ni Jehova.

5. Anong pagbabago sa tunay na pagsamba ang ginawa pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus?

5 Pagkamatay at pagkabuhay-muli ni Jesus, hindi na hiniling ni Jehova na sundin ang Kautusang Mosaiko. (Roma 10:4) May bagong kautusan nang dapat sundin ang mga Kristiyano, “ang kautusan ng Kristo.” (Gal. 6:2) Hindi na nila kailangang kabisaduhin at sundin ang isang mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin para masunod ang ‘kautusang’ ito. Kailangan lang nilang tularan ang halimbawa ni Jesus at sundin ang mga turo niya. Sa ngayon, sinisikap din ng mga Kristiyano na sundan ang Kristo para mapasaya si Jehova at ‘maginhawahan’ sila.​—Mat. 11:29.

6. Ano ang maitutulong sa atin ng artikulong ito?

6 Habang tinatalakay natin ang mga bagay na ginagawa natin para sambahin si Jehova, tanungin ang sarili, ‘May nagawa na ba akong pagsulong?’ Puwede mo ring pag-isipan, ‘Ano pa ang puwede kong gawin para lalong maging katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba ko?’ Baka masaya ka na sa pagsulong na nagawa mo, pero kailangan mo pa ring ipanalangin na tulungan kang makita kung ano pa ang puwede mong pasulungin.

ANO ANG KASAMA SA PAGSAMBA NATIN KAY JEHOVA?

7. Ano ang tingin ni Jehova sa taimtim na mga panalangin natin?

7 Sinasamba natin si Jehova kapag nananalangin tayo sa kaniya. Inihalintulad ng Bibliya ang panalangin natin sa maingat na inihandang insenso na inihahandog sa tabernakulo at nang maglaon ay sa templo. (Awit 141:2) Nalulugod si Jehova sa amoy ng insensong iyon. “Kalugod-lugod” din sa kaniya ang taimtim na mga panalangin natin kahit simpleng salita lang ang ginagamit natin. (Kaw. 15:8; Deut. 33:10) Kaya malinaw na gustong-gusto ni Jehova na marinig ang pasasalamat natin sa kaniya at na sabihin nating mahal natin siya. Gusto niyang sabihin natin sa kaniya ang mga ikinababahala, inaasahan, at gusto natin. Bago manalangin kay Jehova, magandang pag-isipang mabuti ang mga sasabihin mo. Kapag ginawa mo iyan, maibibigay mo sa iyong Ama sa langit ang pinakamabangong “insenso.”

8. Kailan natin maaaring purihin ang Diyos?

8 Sinasamba natin si Jehova kapag pinupuri natin siya. (Awit 34:1) Pinupuri natin si Jehova kapag sinasabi natin sa iba ang kaniyang kahanga-hangang mga katangian at gawa. Marami tayong magagandang bagay na masasabi tungkol sa kaniya kapag mapagpasalamat tayo. Kung bubulay-bulayin natin ang kabutihan ni Jehova—ang lahat ng ginagawa niya para sa atin—hindi tayo mauubusan ng dahilan para purihin siya. Magandang pagkakataon ang gawaing pangangaral para “maghandog ng papuri sa Diyos, ang bunga ng mga labi natin.” (Heb. 13:15) Pinag-iisipan nating mabuti ang sasabihin natin bago tayo manalangin kay Jehova. Kaya dapat din nating pag-isipang mabuti ang sasabihin natin sa mga makakausap natin sa ministeryo. Gusto nating ibigay sa Diyos ang pinakamabuting ‘handog ng papuri.’ Kaya kapag sinasabi natin sa iba ang tungkol sa katotohanan, nagsasalita tayo mula sa puso.

9. Gaya ng mga Israelita noon, paano tayo pinagpapala kapag dumadalo tayo sa mga pulong? Magbigay ng sariling karanasan.

9 Sinasamba natin si Jehova kapag dumadalo tayo sa mga pulong. Inutusan ang mga Israelita noon: “Ang lahat ng lalaki sa inyo ay dapat humarap sa Diyos ninyong si Jehova sa lugar na pipiliin niya, tatlong beses sa isang taon.” (Deut. 16:16) Kailangan nilang iwan ang kanilang bahay at bukid nang walang nagbabantay. Pero nangako si Jehova: “Walang magtatangkang umangkin sa iyong lupain kapag umaalis ka para humarap sa iyong Diyos na si Jehova.” (Ex. 34:24) Buo ang tiwala nila kay Jehova, kaya dumadalo sila sa taunang mga kapistahan. At talagang pinagpala sila. Halimbawa, marami silang natutuhan sa Kautusan ng Diyos, nakita nila kung gaano kabuti si Jehova sa kanila, at masaya sila na nakasama nila ang kanilang mga kapananampalataya. (Deut. 16:15) Pagpapalain din tayo kapag sinisikap nating daluhan ang lahat ng pulong natin. Isipin na lang kung gaano kasaya si Jehova kapag dumadalo tayo na may inihandang maikling komento.

10. Bakit mahalagang bahagi ng pagsamba natin ang pag-awit?

10 Sinasamba natin si Jehova kapag sumasabay tayo sa pag-awit. (Awit 28:7) Para sa mga Israelita, mahalagang bahagi ng pagsamba ang pag-awit. Nag-atas si Haring David ng 288 Levita para umawit sa templo. (1 Cro. 25:1, 6-8) Ngayon, maipapakita nating mahal natin ang Diyos kapag kumakanta tayo ng mga awit ng papuri. Hindi naman kailangang maganda ang boses natin. Pag-isipan ito: “Lahat tayo ay nagkakamali nang maraming ulit” kapag nagsasalita, pero hindi dahilan iyon para hindi tayo magsalita sa loob ng kongregasyon at sa ministeryo. (Sant. 3:2) Kaya hindi rin dahilan ang pagiging sintunado para hindi tayo umawit ng papuri kay Jehova.

11. Ayon sa Awit 48:13, bakit dapat tayong gumawa ng iskedyul para sa pag-aaral ng Bibliya bilang pamilya?

11 Sinasamba natin si Jehova kapag pinag-aaralan natin ang Salita niya at tinuturuan ang mga anak natin tungkol sa kaniya. May pagkakataon ang mga Israelita tuwing Sabbath na isaisantabi ang kanilang mga gawain sa araw-araw at magpokus sa kaugnayan nila kay Jehova. (Ex. 31:16, 17) Itinuturo ng tapat na mga Israelita sa mga anak nila ang tungkol kay Jehova at sa kabutihan niya. Sa ngayon, kailangan din nating gumawa ng iskedyul para sa pagbabasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos. Bahagi ito ng pagsamba natin kay Jehova, at tutulong ito para mas mapalapít tayo sa kaniya. (Awit 73:28) At kapag nag-aaral tayo bilang isang pamilya, tinutulungan natin ang isang bagong henerasyon—ang mga anak natin—na magkaroon ng malapít na kaugnayan sa ating mapagmahal na Ama sa langit.​—Basahin ang Awit 48:13.

12. Ano ang matututuhan natin sa pananaw ni Jehova sa paggawa ng mga kagamitan sa tabernakulo?

12 Sinasamba natin si Jehova kapag tumutulong tayo sa pagtatayo at pagmamantini ng mga lugar ng pagsamba. Sinasabi ng Bibliya na ang pagtatayo ng tabernakulo at paggawa ng mga kagamitan dito ay “banal na gawain.” (Ex. 36:1, 4) Sagradong paglilingkod din para kay Jehova ang pagtatayo ng mga Kingdom Hall at iba pang teokratikong pasilidad. Maraming oras ang ginagamit ng ilang kapatid sa mga gawaing ito. Tiyak na pinapahalagahan natin ang naitutulong nila. Siyempre, nangangaral din ang mga kapatid na ito. Baka gusto pa nga ng ilan sa kanila na magpayunir. Kung kuwalipikado naman ang masisipag na kapatid na ito, hindi dapat magdalawang-isip ang mga elder na aprobahan sila bilang payunir. Sa paggawa nito, naipapakita ng mga elder na sinusuportahan nila ang gawaing pagtatayo. May kasanayan man tayo sa gawaing pagtatayo o wala, may maitutulong tayong lahat sa pagpapanatiling malinis at maayos ng mga pasilidad na ito.

13. Ano ang dapat na maging pananaw natin sa mga donasyong ibinibigay natin para sa gawaing pang-Kaharian?

13 Sinasamba natin si Jehova kapag nagbibigay tayo ng donasyon para sa gawaing pang-Kaharian. Hindi dapat humarap kay Jehova na walang dala ang mga Israelita. (Deut. 16:16) Kailangan nilang magbigay ng kaloob ayon sa kaya nilang ibigay. Sa paggawa nito, ipinapakita nilang nagpapasalamat sila sa lahat ng ginagawa ni Jehova para sa kanila. Paano naman natin maipapakita na mahal natin si Jehova at pinapahalagahan natin ang lahat ng ginagawa niya para sa atin? Ang isang paraan ay ang pagbibigay ng donasyon para sa kongregasyon natin at sa pambuong-daigdig na gawain ayon sa kakayahan natin. Sinabi ni apostol Pablo: “Kung may pananabik ang isang tao, nagiging kalugod-lugod ang ibinibigay niya; hindi inaasahan na ibibigay ng isa ang hindi niya kayang ibigay kundi kung ano lang ang kaya niya.” (2 Cor. 8:4, 12) Pinapahalagahan ni Jehova ang kusang-loob na mga donasyon natin gaano man ito kaliit.​—Mar. 12:42-44; 2 Cor. 9:7.

14. Ayon sa Kawikaan 19:17, ano ang tingin ni Jehova sa pagtulong natin sa mga kapatid na nangangailangan?

14 Sinasamba natin si Jehova kapag tinutulungan natin ang ating mga kapuwa Kristiyano na nangangailangan. Nangako si Jehova na pagpapalain niya ang mga Israelita na tumutulong sa mahihirap. (Deut. 15:7, 10) Kaya kapag tinutulungan natin ang isang kapatid na nangangailangan, para kay Jehova, regalo natin iyon sa Kaniya. (Basahin ang Kawikaan 19:17.) Halimbawa, noong nasa bilangguan si Pablo, pinadalhan siya ng regalo ng mga Kristiyano sa Filipos. Tinawag niya iyon na “kaayaayang hain, na talagang kalugod-lugod sa Diyos.” (Fil. 4:18) Isipin ang mga kapatid sa kongregasyon at tanungin ang sarili, ‘Mayroon ba akong mabibigyan ng tulong?’ Natutuwa si Jehova kapag ginagamit natin ang ating panahon, lakas, kasanayan, at materyal na mga bagay para tulungan ang mga nangangailangan. Para sa kaniya, bahagi iyon ng pagsamba natin.​—Sant. 1:27.

NAGIGING MASAYA TAYO DAHIL SA TUNAY NA PAGSAMBA

15. Kailangan ng panahon at pagsisikap para sa tunay na pagsamba, pero bakit hindi ito pabigat?

15 Kailangan ang panahon at pagsisikap para sa tunay na pagsamba. Pero hindi iyan pabigat. (1 Juan 5:3) Bakit? Mahal kasi natin si Jehova kaya sinasamba natin siya. Isipin ang isang bata na gustong magregalo sa tatay niya. Ilang oras siyang nagdrowing para sa tatay niya. Hindi iisipin ng bata na sayang ang oras na ginamit niya. Mahal niya kasi ang tatay niya, at masaya siyang bigyan ito ng regalo. Dahil mahal din natin si Jehova, masaya tayong gamitin ang panahon at lakas natin para sa tunay na pagsamba.

16. Ayon sa Hebreo 6:10, ano ang nadarama ni Jehova sa mga pagsisikap natin na pasayahin siya?

16 Hindi inaasahan ng mapagmahal na mga magulang na pare-parehong regalo ang maibibigay ng mga anak nila. Alam kasi nila na iba-iba ang kakayahan at kalagayan ng mga ito. Naiintindihan din ng Ama natin sa langit ang kalagayan ng bawat isa sa atin. Baka mas marami kang kayang gawin kaysa sa mga kakilala mo at mahal sa buhay. O baka mas kakaunti ang nagagawa mo kaysa sa iba, dahil sa iyong edad, kalusugan, o pananagutan sa pamilya. Pero huwag masiraan ng loob. (Gal. 6:4) Hindi kakalimutan ni Jehova ang mga nagagawa mo. Mapapasaya mo siya hangga’t ibinibigay mo ang buong makakaya mo nang may tamang motibo. (Basahin ang Hebreo 6:10.) Nababasa ni Jehova kahit ang intensiyon ng puso mo. Gusto niyang maging masaya ka sa mga ginagawa mo para sambahin siya.

17. (a) Kung nahihirapan tayo sa ilang ginagawa natin sa pagsamba, ano ang puwede nating gawin? (b) Paano ka natulungan ng isa sa mga ginagawa natin sa pagsamba na makikita sa kahong “ Lalo Tayong Magiging Masaya”?

17 Paano kung nahihirapan tayo sa ilang bagay na ginagawa natin para sambahin si Jehova, gaya ng personal na pag-aaral o pangangaral? Kung mas madalas nating gagawin ang mga ito, malamang na mas mag-enjoy tayo at makinabang. Puwede natin itong itulad sa pag-eehersisyo o pagsasanay sa pagtugtog ng isang instrumento. Kung paminsan-minsan lang natin itong gagawin, malamang na hindi tayo sumulong. Pero kung araw-araw natin itong gagawin, kahit sa simula ay ilang minuto lang, pagkatapos ay unti-unti nating hahabaan ang oras na ginagamit natin dito, siguradong mag-e-enjoy tayo. At kapag nakita natin ang magagandang resulta, tiyak na pananabikan na nating gawin iyon. Ganiyan din ang puwede nating gawin sa ating pagsamba.

18. Ano ang pinakamahalagang magagawa natin, at ano ang magiging resulta?

18 Ang pagsamba kay Jehova sa abot ng makakaya natin ang pinakamahalagang bagay na magagawa natin. Kaya naman masaya tayo at makabuluhan ang buhay natin at may pag-asa tayong sambahin si Jehova magpakailanman. (Kaw. 10:22) Payapa rin ang isip natin kasi alam natin na tinutulungan tayo ni Jehova kapag may mga problema tayo. (Isa. 41:9, 10) Talagang marami tayong dahilan para maging masaya habang sinasamba natin ang ating maibiging Ama na karapat-dapat tumanggap ng “kaluwalhatian at karangalan” mula sa kaniyang mga nilalang!—Apoc. 4:11.

AWIT 24 Halikayo sa Bundok ni Jehova!

^ par. 5 Nilalang ni Jehova ang lahat ng bagay, kaya dapat natin siyang sambahin. Katanggap-tanggap kay Jehova ang ginagawa natin para sambahin siya kung sinusunod natin ang mga utos niya at namumuhay tayo ayon sa mga prinsipyo niya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang walong bagay na ginagawa natin bilang pagsamba kay Jehova. Habang ginagawa mo ang mga ito, tingnan kung ano pa ang puwede mong pasulungin para mas maging masaya ka.