Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 14

Mga Elder—Patuloy na Tularan si Apostol Pablo

Mga Elder—Patuloy na Tularan si Apostol Pablo

“Tularan ninyo ako.”​—1 COR. 11:1.

AWIT 99 Ang Ating Buong Kapatiran

NILALAMAN *

1-2. Paano makakatulong ang halimbawa ni apostol Pablo sa mga elder sa ngayon?

 MAHAL ni apostol Pablo ang mga kapananampalataya niya. Hindi siya nagsawang tulungan sila. (Gawa 20:31) Kaya naman, mahal na mahal nila si Pablo. Minsan, nang malaman ng matatanda sa Efeso na hindi na nila makikita si Pablo, “nag-iyakan” sila. (Gawa 20:37) Mahal na mahal din ng mga elder ang mga kapatid at ginagawa nila ang lahat para tulungan sila. (Fil. 2:16, 17) Pero kung minsan, may mga hamon ding nararanasan ang mga elder. Ano ang makakatulong sa kanila?

2 Puwedeng pag-isipan ng masisipag na elder ang halimbawa ni Pablo. (1 Cor. 11:1) Hindi siya kagaya ng mga anghel na may kapangyarihan. Hindi siya perpekto at kung minsan, nahihirapan siyang gawin kung ano ang tama. (Roma 7:18-20) Marami rin siyang naging problema. Pero hindi sumuko si Pablo at hindi rin niya naiwala ang kagalakan niya. Kung tutularan ng mga elder si Pablo, makakayanan nila ang mga hamong nararanasan nila at patuloy silang magiging masaya habang naglilingkod kay Jehova. Alamin natin kung paano.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at ano pa ang matututuhan natin?

3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na karaniwang hamon na nararanasan ng mga elder: (1) pagbalanse sa panahong para sa pangangaral at iba pang pananagutan, (2) pagiging mapagmalasakit na pastol, (3) pagharap sa sariling mga kahinaan, at (4) pagharap sa mga kahinaan ng iba. Tingnan natin kung paano naharap ni Pablo ang bawat hamon at kung paano siya matutularan ng mga elder.

PAGBALANSE SA PANAHONG PARA SA PANGANGARAL AT IBA PANG PANANAGUTAN

4. Bakit puwedeng maging hamon sa mga elder ang pangunguna sa gawaing pangangaral?

4 Kung bakit ito hamon. Bukod sa pangunguna sa pangangaral, marami ring pananagutan ang mga elder. Halimbawa, maraming elder ang gumaganap bilang chairman sa pulong sa gitnang sanlinggo at nangangasiwa sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Bibliya. Nagbibigay rin sila ng mga pahayag. Nagsasanay sila ng mga ministeryal na lingkod at laging nagbibigay ng pampatibay sa mga kapatid. (1 Ped. 5:2) May mga elder naman na tumutulong sa pagtatayo at pagmamantini ng mga Kingdom Hall at iba pang teokratikong pasilidad. Pero gaya ng lahat ng kapatid sa kongregasyon, pangangaral ang pinakamahalagang gawain ng isang elder.​—Mat. 28:19, 20.

5. Bakit magandang halimbawa si Pablo bilang mángangarál?

5 Halimbawa ni Pablo. Sinabi ni Pablo: “[Tiyakin] ninyo kung ano ang mas mahahalagang bagay.” (Fil. 1:10, tlb.) Sinunod ni Pablo ang sarili niyang payo kaya naging matagumpay siyang mángangarál. Pinagkatiwalaan siya ng isang ministeryo, at sa loob ng maraming taon, iyon ang isa sa naging pinakamahalagang bagay sa buhay niya. Nangaral siya “nang hayagan at sa bahay-bahay.” (Gawa 20:20) Hindi lang siya basta nangaral sa isang partikular na oras o araw sa isang linggo. Sinamantala niya ang bawat pagkakataon! Halimbawa, habang hinihintay niya ang mga kasama niya sa Atenas, ibinahagi niya ang mabuting balita sa isang grupo ng kilaláng mga tao at nagkaroon ito ng magagandang resulta. (Gawa 17:16, 17, 34) At kahit noong “nakagapos [si Pablo] bilang bilanggo,” nangaral siya sa mga tao sa paligid niya.​—Fil. 1:13, 14; Gawa 28:16-24.

6. Ano ang ginawa ni Pablo para sanayin ang iba?

6 Ginamit ni Pablo sa pinakamahusay na paraan ang oras niya. Madalas na iniimbitahan niya ang iba na samahan siya sa ministeryo. Halimbawa, sa kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero, isinama niya si Juan Marcos, at nang sumunod naman, si Timoteo. (Gawa 12:25; 16:1-4) Tiyak na ginawa ni Pablo ang lahat para sanayin sila kung paano mag-oorganisa ng isang kongregasyon, magpapastol, at magiging epektibong guro.​—1 Cor. 4:17.

Tularan ang pagiging handang magpatotoo ni Pablo (Tingnan ang parapo 7) *

7. Paano masusunod ng mga elder ang sinabi ni Pablo sa Efeso 6:14, 15?

7 Aral. Matutularan ng mga elder si Pablo kung mangangaral sila sa bahay-bahay at kung handa silang magpatotoo sa lahat ng pagkakataon. (Basahin ang Efeso 6:14, 15.) Halimbawa, puwede silang magpatotoo kapag namimili o nasa trabaho. At kapag tumutulong sila sa pagtatayo ng mga teokratikong pasilidad, puwede rin nilang ibahagi ang mabuting balita sa mga tagaroon at sa mga nagtitinda. Gaya ni Pablo, puwedeng sanayin ng mga elder ang iba, kasama na ang mga ministeryal na lingkod, habang nasa ministeryo.

8. Ano ang kailangang gawin ng isang elder kung minsan?

8 Hindi dapat mawalan ng panahon sa gawaing pangangaral ang mga elder kahit gaano pa sila ka-busy sa mga gawain sa kongregasyon o sa sirkito. Para manatiling balanse, baka kailangan nilang tanggihan ang ilang atas kung minsan. Matapos pag-isipan at ipanalangin iyon, baka makita nila na kung tatanggapin nila ang isang atas, may mapapabayaan silang mas mahalagang bagay. Baka mapabayaan nila ang pampamilyang pagsamba nila linggo-linggo, gawaing pangangaral, o pagsasanay sa mga anak nila sa ministeryo. Nahihirapan ang ilan na tumanggi sa isang atas pero makakatiyak sila na naiintindihan ni Jehova na gusto lang nilang maging balanse sa lahat ng bagay.

PAGIGING MAPAGMALASAKIT NA PASTOL

9. Anong hamon ang napapaharap sa mga elder dahil sa dami ng ginagawa nila?

9 Kung bakit ito hamon. Nakakaranas ng maraming problema ang mga lingkod ni Jehova. Sa mga huling araw na ito, kailangan nating lahat ng pampatibay, tulong, at kaaliwan. At kung minsan, may ilang nangangailangan ng tulong para makaiwas sila sa maling paggawi. (1 Tes. 5:14) Hindi maaalis ng mga elder ang lahat ng problemang nararanasan ng mga lingkod ni Jehova. Pero gusto ni Jehova na gawin nila ang lahat ng magagawa nila para patibayin at protektahan ang mga tupa niya. Paano sila makakapaglaan ng panahon para tumulong kung marami na silang ginagawa?

Patibayin ang iba at magbigay ng komendasyon (Tingnan ang parapo 10, 12) *

10. Ayon sa 1 Tesalonica 2:7, paano nagmalasakit si Pablo sa mga lingkod ni Jehova?

10 Halimbawa ni Pablo. Laging handa si Pablo na patibayin ang mga kapatid at bigyan sila ng komendasyon. Matutularan ng mga elder ang maibiging halimbawa niya kung magiging mabait sila at mapagmalasakit sa mga kapatid. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:7.) Tiniyak ni Pablo sa mga kapananampalataya niya na mahal niya sila at na mahal sila ni Jehova. (2 Cor. 2:4; Efe. 2:4, 5) Itinuring ni Pablo ang mga kapatid sa kongregasyon bilang kaibigan at naglaan siya ng panahon sa kanila. Ipinakita niyang nagtitiwala siya sa kanila kasi sinasabi niya sa kanila ang kaniyang mga ikinababahala at kahinaan. (2 Cor. 7:5; 1 Tim. 1:15) Imbes na magpokus si Pablo sa mga problema niya, gustong-gusto niyang tulungan ang mga kapatid.

11. Bakit nagpayo si Pablo sa mga kapatid?

11 Kung minsan, kailangang payuhan ni Pablo ang mga kapatid. Pero hindi niya iyon ginawa dahil sa inis. Nagpayo siya dahil nagmamalasakit siya sa kanila at ayaw niya silang mapahamak. Sinikap niyang magbigay ng payo sa paraang madali nila itong maiintindihan at matatanggap. Halimbawa, sa liham niya sa mga taga-Corinto, nagbigay si Pablo ng mapuwersang payo. Pagkatapos, pinapunta niya sa kanila si Tito. Gustong-gustong malaman ni Pablo kung ano ang magiging reaksiyon nila sa liham niya. Tiyak na napakasaya niya nang malaman niyang tinanggap nila ang payo niya.​—2 Cor. 7:6, 7.

12. Paano mapapatibay ng mga elder ang mga kapatid?

12 Aral. Matutularan ng mga elder ang halimbawa ni Pablo kung maglalaan sila ng panahon sa mga kapatid. Magagawa nila ito kung maaga silang darating sa mga pulong para makipagpatibayan sa iba. Madalas na ilang minuto lang ang kailangan, mapapatibay mo na ang isang kapatid. (Roma 1:12; Efe. 5:16) Matutularan din ng isang elder ang halimbawa ni Pablo kung gagamitin niya ang Salita ng Diyos para patibayin ang mga kapatid at tiyakin sa kanila na mahal sila ni Jehova. Ipinapadama rin niya sa kanila na mahal niya sila. Lagi niya silang kinukumusta at naghahanap siya ng mga pagkakataon para bigyan sila ng komendasyon. Kapag kailangan ng isang elder na magbigay ng payo, tinitiyak niya na mula ito sa Salita ng Diyos. Espesipiko siya pero mabait kasi gusto niyang tanggapin ng kapatid ang payo niya.​—Gal. 6:1.

PAGHARAP SA SARILING MGA KAHINAAN

13. Ano ang puwedeng maging epekto sa isang elder ng mga kahinaan niya?

13 Kung bakit ito hamon. Hindi perpekto ang mga elder. Nagkakamali rin sila gaya ng iba. (Roma 3:23) Kung minsan, baka nahihirapan silang magkaroon ng balanseng pananaw sa mga kahinaan nila. Baka nagpopokus ang ilan sa mga limitasyon nila kaya pinanghihinaan sila ng loob. Baka ipinagdadahilan naman ng iba ang mga pagkukulang nila kaya nagiging kampante sila at hindi na gumagawa ng kinakailangang mga pagbabago.

14. Ayon sa Filipos 4:13, paano nakatulong kay Pablo ang kapakumbabaan para maharap niya ang mga kahinaan niya?

14 Halimbawa ni Pablo. Dahil mapagpakumbaba si Pablo, naiintindihan niya na hindi niya kayang haraping mag-isa ang mga kahinaan niya. Kailangan niya ang lakas na ibinibigay ng Diyos. Dating malupit at masigasig na mang-uusig ng mga Kristiyano si Pablo. Pero nang maglaon, inamin niyang nagkamali siya at binago niya ang kaniyang pananaw at personalidad. (1 Tim. 1:12-16) Sa tulong ni Jehova, naging mapagmahal, maawain, at mapagpakumbabang pastol si Pablo. Alam ni Pablo na marami siyang kahinaan pero sa halip na isipin nang isipin ang mga pagkukulang niya, nagtiwala siya sa pagpapatawad ni Jehova. (Roma 7:21-25) Alam niyang hindi siya perpekto. Pero nagsikap siya nang husto na pasulungin ang Kristiyanong personalidad niya at mapagpakumbaba siyang umasa sa tulong ni Jehova para matapos ang gawaing ibinigay sa kaniya.​—1 Cor. 9:27; basahin ang Filipos 4:13.

Sikaping labanan ang sariling mga kahinaan (Tingnan ang parapo 14-15) *

15. Paano magkakaroon ng balanseng pananaw ang mga elder sa mga kahinaan nila?

15 Aral. Alam ni Jehova na hindi perpekto ang mga elder pero inatasan pa rin niya sila. Inaasahan ni Jehova na aaminin nila ang mga pagkakamali nila at pasusulungin ang kanilang Kristiyanong personalidad. (Efe. 4:23, 24) Dapat pag-aralan ng isang elder ang Salita ng Diyos para makita niya kung ano ang dapat niyang baguhin sa sarili niya. At tiyak na tutulungan siya ni Jehova na maging masaya at mahusay na elder.​—Sant. 1:25.

PAGHARAP SA MGA KAHINAAN NG IBA

16. Ano ang puwedeng mangyari kapag nagpokus ang isang elder sa mga kahinaan ng iba?

16 Kung bakit ito hamon. Dahil laging nakakasama ng mga elder ang mga kapatid, madali nilang makikita ang mga kahinaan ng mga ito. Kung hindi mag-iingat ang mga elder, puwede silang mainis, maging mapanghusga, o di-mabait sa kanila. Binabalaan ni Pablo ang mga Kristiyano na iyon ang gusto ni Satanas na gawin nila.​—2 Cor. 2:10, 11.

17. Ano ang tingin ni Pablo sa mga kapatid?

17 Halimbawa ni Pablo. Laging positibo ang pananaw niya sa mga kapatid. Alam niyang nagkakamali sila, at kung minsan, naapektuhan pa nga siya ng mga pagkilos nila. Pero alam ni Pablo na hindi komo nakagawa ng mali ang isang tao, masama na ito. Mahal niya ang mga kapatid at nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Kapag nahihirapan ang mga kapatid na gawin ang tama, iniisip niyang nagsisikap naman sila at na kailangan lang nila ng tulong.

18. Paano hinarap ni Pablo ang nangyari kina Euodias at Sintique, at ano ang natutuhan mo rito? (Filipos 4:1-3)

18 Tingnan kung paano tinulungan ni Pablo ang dalawang kapatid na babae sa kongregasyon ng Filipos. (Basahin ang Filipos 4:1-3.) Malamang na nagkaroon ng di-pagkakaunawaan sina Euodias at Sintique. Imbes na husgahan sila ni Pablo, nagpokus siya sa magagandang katangian nila. Ang tapat na mga sister na ito ay matagal nang naglilingkod kay Jehova. Alam ni Pablo na mahal sila ni Jehova. Dahil positibo ang pananaw niya sa kanila, pinasigla niya sila na ayusin ang di-pagkakasundo. Nagpokus si Pablo sa magagandang katangian ng iba kaya patuloy siyang naging masaya at naging malapít sa mga kapatid sa kongregasyon.

Huwag maging mapanghusga sa iba (Tingnan ang parapo 19) *

19. (a) Paano magkakaroon ng positibong pananaw ang mga elder sa mga kapatid? (b) Ano ang matututuhan mo sa larawan ng isang elder na naglilinis ng Kingdom Hall?

19 Aral. Mga elder, tingnan ang magagandang katangian ng mga kapatid. Hindi perpekto ang bawat isa. Pero bawat isa, may magagandang katangian na puwede nating tularan. (Fil. 2:3) Totoo, baka kailangang payuhan ng mga elder paminsan-minsan ang isang kapatid. Pero gaya ni Pablo, dapat nilang sikapin na huwag magpokus sa nakakairitang mga salita at pagkilos ng isang kapatid. Dapat silang magpokus sa pag-ibig niya kay Jehova, sa patuloy niyang paglilingkod sa Diyos, at sa pagsisikap niyang gumawa ng mabuti. Kapag ginawa iyan ng mga elder, madarama ng mga kapatid ang pag-ibig sa loob ng kongregasyon.

PATULOY NA TULARAN SI PABLO

20. Paano pa makikinabang ang mga elder sa halimbawa ni Pablo?

20 Makakatulong sa mga elder kung higit pa nilang pag-aaralan ang halimbawa ni Pablo. Halimbawa, sa Watch Tower Publications Index, tingnan ang “Paul” sa main heading. Pagkatapos, hanapin ang subheading na “example for elders.” Habang binabasa mo ang ilang artikulo roon, tanungin ang sarili, ‘Paano ako matutulungan ng halimbawa ni Pablo para manatili akong masaya habang ginagampanan ang atas ko bilang elder?’

21. Ano ang matitiyak ng mga elder?

21 Mga elder, tandaan na hindi kayo hinihilingan ni Jehova na maging perpekto; gusto lang niya na maging tapat kayo. (1 Cor. 4:2) Pinahalagahan ni Jehova ang pagsisikap at katapatan ni Pablo. Makakatiyak kayo na pinapahalagahan din ng Diyos ang ginagawa ninyong paglilingkod sa kaniya. “Hindi niya lilimutin ang mga ginawa ninyo at ang pag-ibig na ipinakita ninyo para sa pangalan niya sa pamamagitan ng paglilingkod at patuloy na paglilingkod sa mga banal.”​—Heb. 6:10.

AWIT 87 Halikayo at Guminhawa!

^ par. 5 Nagpapasalamat tayo sa mga pagsisikap na ginagawa ng mapagmahal at mapagmalasakit na mga elder. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang apat na karaniwang hamon na nararanasan nila. Tatalakayin din natin kung paano makakatulong sa mga elder ang halimbawa ni apostol Pablo. Tutulungan din tayo ng artikulong ito na magkaroon ng empatiya sa mga elder at magpakita ng suporta at pagmamahal sa kanila.

^ par. 61 LARAWAN: Pagkatapos ng trabaho ng isang brother, ibinahagi niya ang mabuting balita sa katrabaho niya.

^ par. 63 LARAWAN: Mabait na kinakausap ng isang elder ang isang brother na ibinubukod ang sarili nito.

^ par. 65 LARAWAN: Pinapayuhan ng isang brother ang isang kapatid na sumamâ ang loob dahil sa isang bagay.

^ par. 67 LARAWAN: Hindi huhusgahan ng isang elder ang isang brother na hindi nagpopokus sa ginagawa nito.