Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 17

Mga Nanay—Matuto sa Halimbawa ni Eunice

Mga Nanay—Matuto sa Halimbawa ni Eunice

“Huwag mong kalimutan ang tagubilin ng iyong ina. . . . Iyon ay magandang putong sa iyong ulo at magandang kuwintas sa iyong leeg.”​—KAW. 1:8, 9.

AWIT 137 Mga Babaeng Tapat

NILALAMAN a

Masayang-masaya ang nanay ni Timoteo na si Eunice at ang lola niyang si Loida habang nakikita nilang binabautismuhan bilang Kristiyano si Timoteo (Tingnan ang parapo 1)

1-2. (a) Sino si Eunice, at anong mahirap na sitwasyon ang hinarap niya bilang nanay? (b) Komentuhan ang larawan sa pabalat.

 HINDI inilarawan ng Bibliya ang bautismo ni Timoteo. Pero hindi mahirap ma-imagine ang saya ng nanay niyang si Eunice nang araw na iyon. (Kaw. 23:25) Isipin na lang na nangingilid ang luha niya sa tuwa habang nasa tubig si Timoteo. Napapangiti siya habang nakahawak sa kaniya si Loida, ang lola ni Timoteo. Halos hindi humihinga si Eunice habang inilulubog sa tubig si Timoteo. At nang iahon na si Timoteo, kitang-kita ang saya sa mukha niya kaya hindi na napigilan ni Eunice na umiyak. Kahit hindi madali, tinuruan ni Eunice ang anak niya na mahalin si Jehova at si Jesu-Kristo. Anong mahihirap na sitwasyon ang hinarap niya habang sinisikap niyang turuan ang kaniyang anak?

2 Magkaiba ang relihiyon ng mga magulang ni Timoteo. Griego ang tatay niya, Judio naman ang nanay at lola niya. (Gawa 16:1) Malamang na tin-edyer na si Timoteo nang maging Kristiyano sina Eunice at Loida. Pero hindi naging Kristiyano ang tatay niya. Ano kayang relihiyon ang pipiliin ni Timoteo? Malamang na nasa tamang edad na siya para magdesisyon sa sarili niya. Pipiliin kaya niya ang relihiyon ng tatay niya? Patuloy ba niyang susundin ang mga tradisyon ng mga Judio na itinuro sa kaniya mula pagkabata? O magiging alagad siya ni Jesu-Kristo?

3. Ayon sa Kawikaan 1:8, 9, ano ang tingin ni Jehova sa ginagawa ng mga nanay para tulungan ang mga anak nila na maging kaibigan niya?

3 Mahal din ng mga nanay na Kristiyano ngayon ang pamilya nila. Napakahalaga sa kanila na matulungan ang mga anak nila na magkaroon ng malapít na pakikipagkaibigan kay Jehova. At talagang pinapahalagahan ng ating Diyos ang pagsisikap nila. (Basahin ang Kawikaan 1:8, 9.) Marami nang nanay ang natulungan ni Jehova na turuan ang mga anak nila para tanggapin ang katotohanan.

4. Anong mga hamon ang napapaharap sa mga nanay ngayon?

4 Normal lang sa mga nanay kung minsan na mag-alala kung pipiliin ng mga anak nila na paglingkuran si Jehova gaya ni Timoteo. Siyempre, alam ng mga magulang kung gaano katindi ang panggigipit na nararanasan ng mga anak nila sa sanlibutang ito ni Satanas. (1 Ped. 5:8) Isa pa, nahihirapan ang maraming nanay sa pagpapalaki sa mga anak nila dahil wala silang asawa o may asawa nga, hindi naman sumasamba kay Jehova. Halimbawa, sinabi ng sister na si Christine: b “Responsable at mabuting ama ang asawa ko, pero ayaw na ayaw niya na maging Saksi ni Jehova ang mga anak namin. Lagi akong umiiyak sa loob ng maraming taon, iniisip ko kasi kung magiging lingkod ni Jehova ang mga anak ko.”

5. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

5 Kung isa kang nanay na Kristiyano, matutulungan mo ang mga anak mo na mahalin at paglingkuran si Jehova gaya ng ginawa ni Eunice. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano mo matutularan ang halimbawa niya at kung paano mo tuturuan ang mga anak mo sa salita at gawa. Tatalakayin din natin kung paano ka tutulungan ni Jehova.

TURUAN ANG MGA ANAK MO SA SALITA

6. Ayon sa 2 Timoteo 3:14, 15, paano naging Kristiyano si Timoteo?

6 Noong bata pa si Timoteo, sinikap ng nanay niya na ituro sa kaniya ang “banal na mga kasulatan,” ayon sa pagkaunawa ng mga Judio noon. Siyempre, limitado lang ang alam ni Eunice kasi wala pa siyang alam tungkol kay Jesu-Kristo. Pero dahil sa mga naituro kay Timoteo mula sa Kasulatan, may basehan siya para tanggapin ang Kristiyanismo. Magiging Kristiyano kaya siya? Bilang kabataan, makakapagdesisyon siya kung magiging Kristiyano siya. Tiyak na nakatulong kay Timoteo ang pagsisikap ng nanay niya kaya “nahikayat [siyang] paniwalaan” ang katotohanan tungkol kay Jesus. (Basahin ang 2 Timoteo 3:14, 15.) Tiyak na ang laki ng pasasalamat ni Eunice na naituro niya sa anak niya ang tungkol kay Jehova kahit mahirap gawin iyon! Bagay na bagay kay Eunice ang pangalan niya, na galing sa salitang nangangahulugang “manlupig.”

7. Paano tinulungan ni Eunice ang anak niya na patuloy na maging mahusay na Kristiyano pagkatapos ng bautismo nito?

7 Nabautismuhan na si Timoteo—isang mahalagang hakbang na nagawa niya sa buhay niya. Pero nag-aalala pa rin si Eunice. Paano pa kaya gagamitin ng anak niya ang buhay nito? Makikipagkaibigan kaya siya sa masasamang kasama? Mag-aaral kaya siya sa Atenas at tatanggapin ang turo ng mga paganong pilosopo roon? Magpapaalipin kaya siya sa kayamanan at sasayangin ang panahon niya, lakas, at kabataan? Hindi si Eunice ang nagdesisyon para kay Timoteo, pero natulungan niya ito na gumawa ng tamang desisyon. Paano? Patuloy siyang nagsikap na tulungan si Timoteo na lumalim pa ang pag-ibig kay Jehova at pagpapahalaga sa Kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Hindi lang ang mga magulang na may asawang hindi lingkod ni Jehova ang nahihirapang tulungan ang mga anak nila na mahalin si Jehova. Kahit ang mga magulang na parehong nasa katotohanan ay baka mahirapan pa ring maabot ang puso ng mga anak nila para patuloy na maglingkod ang mga ito kay Jehova. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa halimbawa ni Eunice?

8. Paano matutulungan ng isang nanay ang asawa niyang Saksi sa pagtuturo sa mga anak nila tungkol kay Jehova?

8 Mag-aral ng Bibliya kasama ang mga anak mo. Kung nasa katotohanan ang mister mo, gusto ni Jehova na tulungan mo siya sa pagtuturo sa mga anak ninyo tungkol kay Jehova. Halimbawa, regular na suportahan ang Pampamilyang Pagsamba ninyo. Magsabi ng magagandang bagay tungkol sa pampamilyang pagsamba ninyo at mag-isip ng paraan kung paano pa ito mae-enjoy. Puwede mong tulungan ang asawa mo na magplano ng isang study project sa Bibliya. Kung sa tingin mo, nasa edad na ang ilang anak mo para makinabang sa personal na pag-aaral sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, baka puwede mong tulungan ang asawa mo para mapag-aralan ito ng mga anak ninyo.

9. Kanino makakahingi ng tulong ang isang nanay na may asawang hindi Saksi?

9 May mga nanay na kailangang manguna sa pagtuturo ng Bibliya sa kanilang mga anak dahil nagsosolong magulang sila o hindi Saksi ang asawa nila. Kung ganiyan ang kalagayan mo, huwag masyadong mag-alala. Tutulungan ka ni Jehova. Gamitin ang epektibong mga tool sa pagtuturo na inilalaan ng organisasyon niya para maturuan mo ang mga anak mo. Puwede kang magpatulong sa ibang makaranasang magulang kung paano nila ginagamit ang mga tool na ito sa pampamilyang pagsamba nila. c (Kaw. 11:14) Matutulungan ka rin ni Jehova sa pakikipag-usap mo sa iyong mga anak. Puwede mong ipanalangin na tulungan kang malaman kung ano ang nasa isip at puso nila. (Kaw. 20:5) Puwede mong itanong sa kanila ang gaya ng ‘Anong problema ang napapaharap sa iyo sa paaralan?’ Makakatulong iyan para talagang makapag-usap kayo.

10. Paano mo pa matutulungan ang mga anak mo na matuto tungkol kay Jehova?

10 Humanap ng mga pagkakataon na maturuan ang mga anak mo tungkol kay Jehova. Pag-usapan ninyo si Jehova at ang maraming bagay na ginawa niya para sa iyo. (Deut. 6:6, 7; Isa. 63:7) Lalo itong kailangan kapag hindi kayo regular na nakakapag-aral ng Bibliya ng mga anak mo sa bahay. Sinabi ni Christine, na binanggit kanina: “Kakaunti lang ang pagkakataon ko na ipakipag-usap sa mga anak ko ang espirituwal na mga bagay. Kaya sinasamantala ko ang mga pagkakataong mayroon ako. Naglalakad kami o namamangka para pag-usapan ang mga kamangha-manghang nilalang ni Jehova at espirituwal na mga bagay. Nang malalaki na sila, pinasigla ko silang mag-aral ng Bibliya sa sarili nila.” Isa pa, kapag nagkukuwento ka tungkol sa organisasyon ni Jehova at sa mga kapatid, positibong bagay ang sabihin mo. Huwag mong punahin ang mga elder. Makakatulong sa mga anak mo ang mga sasabihin mo sa kanila tungkol sa mga elder para lumapit sila sa mga elder kapag kailangan nila ng tulong.

11. Ayon sa Santiago 3:18, bakit mahalaga na itaguyod ang kapayapaan sa tahanan?

11 Itaguyod ang kapayapaan sa tahanan. Laging ipadama sa asawa at mga anak mo na mahal mo sila. Kapag nagkukuwento ka tungkol sa asawa mo, ipakita na iginagalang mo siya at turuan ang mga anak mo na ganoon din ang gawin. Kapag ginawa mo iyan, magkakaroon ng kapayapaan sa tahanan ninyo at magiging madali sa mga anak mo na tanggapin ang itinuturo mo tungkol kay Jehova. (Basahin ang Santiago 3:18.) Tingnan ang halimbawa ni Jozsef, na isang special pioneer sa Romania. Habang lumalaki siya, nahihirapan siya, ang nanay niya, at ang mga kapatid niya na maglingkod kay Jehova dahil sa tatay niya. Sinabi ni Jozsef: “Sinisikap ng nanay ko na maging payapa sa loob ng bahay namin. Sa tuwing nagagalit si Tatay, nagiging mas mabait naman si Nanay. Kapag napapansin ni Nanay na nahihirapan kaming igalang at sundin si Tatay, ipinapakipag-usap niya sa amin ang Efeso 6:1-3. Pagkatapos, sasabihin niya sa amin ang magagandang katangian ni Tatay at tutulungan niya kaming maintindihan kung bakit dapat namin siyang mahalin. Dahil dito, nawawala ang tensiyon sa bahay namin.”

TURUAN ANG MGA ANAK MO SA GAWA

12. Ayon sa 2 Timoteo 1:5, ano ang epekto kay Timoteo ng halimbawa ni Eunice?

12 Basahin ang 2 Timoteo 1:5. Magandang halimbawa si Eunice kay Timoteo. Malamang na itinuro niya kay Timoteo na ang tunay na pananampalataya ay makikita sa gawa. (Sant. 2:26) Tiyak na nakita ni Timoteo sa mga ginagawa ng nanay niya na mahal na mahal niya si Jehova. Tiyak na nakita rin ni Timoteo na masaya ang nanay niya sa paglilingkod kay Jehova. Ano ang epekto ng halimbawa ni Eunice kay Timoteo? Sinabi ni apostol Pablo na nagkaroon din ng matibay na pananampalataya si Timoteo gaya ng nanay niya. Hindi basta nagkaroon ng pananampalataya si Timoteo. Nakita niya ang halimbawa ng nanay niya at tinularan iyon. Naabot din ng maraming nanay sa ngayon ang puso ng mga kapamilya nila “nang walang salita.” (1 Ped. 3:1, 2) Magagawa mo rin iyan. Paano?

13. Bakit dapat na maging priyoridad ng isang nanay ang kaugnayan niya kay Jehova?

13 Gawing priyoridad ang kaugnayan mo kay Jehova. (Deut. 6:5, 6) Gaya ng maraming nanay, marami ka ring isinasakripisyo. Baka kasama riyan ang panahon, pera, tulog, at iba pang bagay para mailaan ang pangangailangan ng mga anak mo. Pero hindi iyon dahilan para mapabayaan mo ang kaugnayan mo kay Jehova. Laging maglaan ng panahon sa panalangin, personal na pag-aaral ng Bibliya, at pagdalo sa mga pulong. Kung gagawin mo iyan, mas mapapalapit ka kay Jehova at magiging mabuting halimbawa ka sa pamilya mo at sa iba.

14-15. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa nina Leanne, Maria, at João?

14 Tingnan ang halimbawa ng ilang kabataan na natutong mahalin si Jehova at magtiwala sa kaniya dahil sa halimbawa ng nanay nila. Sinabi ng anak ni Christine na si Leanne: “Hindi kami makapag-aral ng Bibliya kapag nasa bahay si Tatay. Pero laging dumadalo si Nanay sa mga pulong. Kahit kaunti lang ang alam namin, nakatulong ang halimbawa niya at paninindigan para tumibay ang pananampalataya namin. Bago pa kami dumalo sa mga pulong, alam na namin na ito ang katotohanan.”

15 Kapag dumadalo sa mga pulong sina Maria, pinaparusahan sila ng tatay niya kung minsan. Ang sabi niya: “Si Nanay ang isa sa pinakamalakas ang loob na sister na nakilala ko. Noong bata pa ako, ayaw kong gawin ang ilang bagay kung minsan dahil natatakot ako sa sasabihin ng iba. Pero kapag nakikita ko kung gaano kalakas ang loob ni Nanay at kung paano niya laging inuuna si Jehova sa buhay niya, natutulungan ako nito na madaig ang takot sa tao.” Ayaw ng tatay ni João na pinag-uusapan ng pamilya nila ang espirituwal na mga bagay sa bahay. Sinabi niya: “Handang isakripisyo ni Nanay ang lahat—maliban sa pag-ibig niya kay Jehova—para mapasaya si Tatay. At iyon ang talagang nakatulong sa akin.”

16. Ano ang puwedeng maging epekto sa iba ng halimbawa ng isang nanay?

16 Mga nanay, tandaan na may epekto sa iba ang halimbawa ninyo. Paano? Tingnan ang naging epekto ng halimbawa ni Eunice kay apostol Pablo. Isinulat niya na ang pananampalataya ni Timoteo na walang halong pagkukunwari ay “unang nakita sa [kaniyang] inang si Eunice.” (2 Tim. 1:5) Kailan unang nakita ni Pablo ang pananampalataya ni Eunice? Malamang na noong unang paglalakbay niya bilang misyonero nang makilala niya sina Loida at Eunice sa Listra, at malamang na tinulungan niya sila na maging Kristiyano. (Gawa 14:4-18) Isipin ito: Nang sumulat si Pablo kay Timoteo—mga 15 taon na ang nakararaan—naalala pa rin ni Pablo ang pananampalataya ni Eunice at ginamit siya bilang halimbawa na karapat-dapat tularan! Tiyak na napatibay sa halimbawa ni Eunice ang apostol at ang iba pang Kristiyano noong unang siglo. Kung hindi Saksi ang asawa mo o mag-isa kang nagpapalaki ng mga anak mo, tiyak na maraming napapatibay sa pananampalataya at halimbawa mo.

Kailangan ng panahon para matulungan mo ang anak mo na sumulong sa espirituwal. Huwag kang susuko! (Tingnan ang parapo 17)

17. Ano ang dapat mong gawin kung parang hindi tumutugon ang anak mo sa pagsisikap mong turuan siya?

17 Paano kung parang hindi tumutugon ang anak mo sa pagsisikap mo na turuan siya? Tandaan na kailangan ang panahon sa pagsasanay sa anak mo. Gaya ng makikita sa larawan, kapag nagtanim ka, baka iniisip mo kung minsan kung lálakí ba iyon at mamumunga. Hindi mo man kontrolado ang kalalabasan, patuloy mo pa ring dinidiligan iyon para mas may pagkakataon iyon na lumago. (Mar. 4:26-29) Bilang isang nanay, baka iniisip mo rin kung minsan kung naaabot mo ang puso ng anak mo. Hindi mo kontrolado ang kalalabasan. Pero kung patuloy mong ginagawa ang lahat para turuan sila, mas binibigyan mo sila ng pagkakataon na sumulong sa espirituwal.​—Kaw. 22:6.

UMASA SA TULONG NI JEHOVA

18. Paano matutulungan ni Jehova ang mga anak mo na sumulong sa espirituwal?

18 Mula pa noong panahon ng Bibliya, marami nang kabataan ang natulungan ni Jehova na maging kaibigan niya. (Awit 22:9, 10) Matutulungan din niya ang mga anak mo na sumulong sa espirituwal, kung gusto nila. (1 Cor. 3:6, 7) Kahit parang naliligaw ang mga anak mo, patuloy silang babantayan ni Jehova. (Awit 11:4) Kapag nagpakita sila ng kahit kaunting senyales na sila ay “nakaayon sa buhay na walang hanggan,” handa si Jehova na tulungan sila na maging kaibigan niya. (Gawa 13:48; 2 Cro. 16:9) Matutulungan ka ni Jehova na sabihin ang mga tamang salita sa tamang panahon—sa panahong kailangang-kailangan ng mga anak mo na marinig iyon. (Kaw. 15:23) O puwede niyang pakilusin ang isang mapagmalasakit na kapatid sa kongregasyon na magpakita ng interes sa kanila at tulungan sila. At kahit mga adulto na sila, puwedeng ipaalala ni Jehova sa kanila ang mga itinuro mo noon. (Juan 14:26) Kapag patuloy mo silang tinuturuan sa salita at sa gawa, binibigyan mo si Jehova ng dahilan na pagpalain ka.

19. Paano ka makakatiyak na sinasang-ayunan ka ni Jehova?

19 Hindi nakadepende sa gagawing pagpapasiya ng mga anak mo ang pagmamahal sa iyo ni Jehova. Mahal ka ni Jehova kasi mahal mo siya. Kung isa kang nagsosolong magulang, nangangako si Jehova na magiging Ama siya sa mga anak mo at Tagapagtanggol mo. (Awit 68:5) Hindi mo kontrolado kung gagawa ng tamang desisyon ang mga anak mo o hindi. Pero kung patuloy kang aasa sa tulong ni Jehova at gagawin ang lahat ng magagawa mo, makakamit mo ang pagsang-ayon niya.

AWIT 134 Mga Anak—Ipinagkatiwala ng Diyos

a Tatalakayin sa artikulong ito kung ano ang matututuhan ng mga nanay na Kristiyano sa halimbawa ng nanay ni Timoteo na si Eunice. Matutulungan din sila na turuan ang kanilang mga anak na makilala at mahalin si Jehova.

b Binago ang ilang pangalan.

c Halimbawa, tingnan ang aralin 50 sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman at ang artikulong “Mga Mungkahi Para sa Pampamilyang Pagsamba at Personal na Pag-aaral” sa Bantayan, isyu ng Agosto 15, 2011, p. 6-7.